“Magtiwala sa Panginoon,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong
Magtiwala sa Panginoon
Kapag lumalapit sa atin ang mga kaibigan at mahal sa buhay nang may mga alalahanin tungkol sa kanilang pananampalataya, ang unang reaksyon natin ay maaaring pagkabalisa o takot. Ang kanilang mga alalahanin ay maaaring humantong sa pagtatanong mo ng mahihirap na tanong: “Ano ang magiging kahulugan nito sa aking pamilya?” “May nagawa ba akong mali?”
Kapag may isang taong malapit sa iyo na nag-aalinlangan sa kanilang mga paniniwala, hindi ibig sabihin nito na hindi mo sila natulungan. Ang mga dahilan ng kanilang mga alalahanin ay malamang na kumplikado. Dapat nating gawin ang makakaya natin para matulungan sila, ngunit dapat din tayong magtiwala sa Ama sa Langit at kay Jesucristo. Mahal Nila ang mga taong may mga tanong. Narito ang ilang bagay na magagawa mo para mapanatili ang kapayapaan sa iyong puso’t isipan habang sinusuportahan mo ang iba:
-
Magtiwala na alam ng Diyos ang sitwasyon. Nais ng Panginoon ang pag-unlad at kaligayahan ng bawat tao. Hinihikayat Niya ang ating tapat na mga tanong. Alam Niya na naghihirap at tumatangis tayo dahil sa ating pagdurusa. Patuloy Siyang magpapakita ng pagmamahal at tulong sa mga taong nahihirapan o lumalayo sa Simbahan.
-
Anyayahan ang Panginoon sa proseso. Kahit ang pinakamainam na resources at ang pinag-isipang mabuti na mga mensahe ay maaaring maging hindi epektibo kung mali ang tiyempo o tono. Ipagdasal na tulungan ka ng Panginoon na maglingkod. Matutulungan ka ng Espiritu na maunawaan ang partikular na mga pangangailangan ng isang tao at malaman kung kailan mauupo at makikinig sa halip na magsalita o magturo. Matutulungan ka rin nitong malaman kung paano at kailan mo ibabahagi ang iyong patotoo o aanyayahan silang gumawa ng mga hakbang upang mas mapalapit sa Diyos.
-
Gawing pang-walang hanggan ang iyong pananaw. Ang pananampalataya at damdamin ng isang tao tungkol sa Diyos ay madalas magbago sa paglipas ng panahon. At kailangan pa rin nating lahat na matuto at umunlad hanggang sa kabilang-buhay. Makakahanap ka ng pag-asa kapag nakita mo ang mga paghihirap ng iyong mahal sa buhay sa mas malawak na pananaw na ito. Patuloy na magtiyagang magtanim ng mga binhi, batid na ang panahon ng pag-aani ay nasa mga kamay ng Panginoon.
-
Umasa sa iyong kaalaman sa likas na pagkatao ng Diyos. Ang ating pananaw sa buhay na ito ay limitado. Alam natin na ang Diyos ay matalino, matiyaga, at mapagmahal. Binigyan Niya ang bawat isa sa atin ng kalayaang pumili. Alam Niya na lahat tayo ay magkakaroon ng mga hamon at pagsubok. At naglaan Siya ng isang Tagapagligtas na may kapangyarihang ilapit tayong muli sa Kanya.
Mahahalagang banal na kasulatan: Mga Kawikaan 3:5–6; Isaias 55:8–9; 2 Timoteo 1:7–8; Alma 26:11–12