Library
Makinig nang May Pagpapakumbaba


“Makinig nang May Pagpapakumbaba,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

lalaki at babae na nakaupo sa isang bangko sa parke habang nagsasalita ang babae at ang lalaki ay nakikinig

Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong

Makinig nang May Pagpapakumbaba

Ginunita ni Elder Jeffrey R. Holland, “Sinabi sa akin minsan ni [Pangulong Russell M. Nelson] na isa sa mga unang patakaran ng medikal na pagtatanong ay ‘Tanungin ang pasyente kung saan ito nasasaktan. Ang pasyente,’ sabi niya, ‘ang magiging pinakamainam na gabay mo sa tamang pagsusuri at lunas kalaunan.’”1 Kapag kinausap ka ng isang kaibigan o kapamilya tungkol sa mahihirap na tanong o alalahanin tungkol sa Simbahan, mag-ukol ng oras na makinig. Hinihingan ka niya ng tulong dahil nagtitiwala siya sa iyo. Pahalagahan ang tiwalang iyan sa pamamagitan ng paghahangad muna na maunawaan ang kanyang mga pangangailangan.

Ang pakikinig nang may pagpapakumbaba ay mahirap gawin. Kailangan dito ng pagtutuon at pagtitiyaga. Ngunit ito ay isang kasanayan na maaari nating matutuhan. Ang aktibong pakikinig at tapat na pakikipag-ugnayan ay maaaring magpagaling sa isang taong nagbabahagi ng kahinaan o tanong. Subukan ang ilan sa mga sumusunod na gawi sa pakikinig upang mas marinig at maunawaan ang iyong mga mahal sa buhay:

  • Hangarin munang makaunawa. Kadalasang iniisip natin na alam natin kung paano lulutasin ang mga alalahanin ng iba. Gusto lang nating sagutin ang kanilang mga tanong at sabihin sa kanila na huwag nang mag-alala. Ang pabigla-biglang pagtugon na ito ay kadalasang nakasentro sa atin sa halip na sa kanilang mga pangangailangan. Mag-ukol ng oras na pakinggan ang kuwento kung paano sila humantong sa kalagayan nila ngayon. Tiyaking nauunawaan mo ang kanilang mga tanong. Magpakita ng paggalang kung nalaman mo na ang kanilang mga pananaw ay salungat sa sarili mong pananaw. Iwasang pintasan o paratangan sila. Kapag mabilis tayong magbigay ng pinasimpleng sagot, baka isipin nila na winawalang-halaga natin ang kanilang karanasan. Pinakamainam na magsimula sa pagsisikap na maunawaan ang kanilang pananaw sa halip na sikaping baguhin ito.

  • Kilalanin ang kanilang karanasan. Kahit maaaring hindi natin maunawaan o sinasang-ayunan ang mga alalahanin ng iba, maaari nating kilalanin ang kanilang katapatan at ang pagdurusang maaaring nadarama nila. Sa pagsisikap na magpakita ng pagdamay, kung minsan ay inihahambing natin ang mga naranasan nila sa sarili nating mga karanasan. Mahalagang tandaan na magkakaiba ang karanasan ng bawat isa. Maaaring mas mabuting magsabi ng tulad ng, “Hindi ko mawari ang nadarama mo” o “Tulungan mo akong makaunawa.”

  • Iwasang magpakita ng pagbabalewala o panghuhusga. Sa sandaling magpasiya ang isang kaibigan o mahal sa buhay na kausapin ka tungkol sa kanyang mga tanong, malamang na nag-ukol siya ng oras sa pagsasaliksik at pagninilay nang mag-isa. Maging maingat na huwag tapusin ang pag-uusap sa pamamagitan ng pagbabalewala sa kanilang mga tanong o panghuhusga. Maaaring makasakit ito sa kanya at makabawas sa kakayahan mong tumulong. Ang tapat nilang mga tanong ay nararapat na iyong pakinggan nang mabuti.

  • Pigilin ang iyong mga emosyon. Normal lang na makadama ng pagkabalisa o pag-aalala kapag kinausap ka ng isang mahal sa buhay dahil may mga tanong sila tungkol sa kanilang pananampalataya. Sikaping huwag mahadlangan ng mga emosyong ito ang makabuluhang pag-uusap. Kung galit ka, mas mainam marahil na hilingin na itigil muna ang pag-uusap at ituloy na lang kalaunan. Pinayuhan tayo ng Tagapagligtas na iwasan ang pagtatalo at galit.2 Maaari nating matutuhang hindi sumang-ayon nang hindi nakikipagtalo.3

  • Magtanong ng mga bagay na may paliwanag ang mga sagot. Ang mga tanong na may paliwanag ang mga sagot ay naghihikayat sa iba na ibahagi ang kanilang mga iniisip, nadarama, at karanasan. Hindi kailangang magkaroon ng tama o maling sagot ang mga ito. Halimbawa: “Puwede mo pa bang sabihin sa akin ang iba pa?” “Ano ang nararamdaman mo tungkol diyan?” “Matutulungan mo ba ako na maunawaan ang sitwasyon?” “Ano ang maitutulong ko?” Ang mainam na pagtatanong ay nagpapakita ng iyong pagmamalasakit at tutulungan kang iwasan ang maling pagkaunawa.

  • Kilalanin ang iyong mga limitasyon. Malamang na mas maraming napag-aralan ang mga kaibigan at mahal mo sa buhay tungkol sa kanilang mga tanong kaysa sa iyo. OK lang kung wala kang handang mga sagot o kung ito ang unang pagkakataon na nalaman mo ang tungkol sa isang bagay. Huwag matakot na magtanong ng mga bagay na naglilinaw sa isang bagay na hindi mo naunawaan. Maaaring hindi ka sang-ayon sa lahat ng kanilang sinabi, ngunit subukang sumang-ayon sa abot ng iyong makakaya nang hindi naipapakita nang mali ang nararamdaman mo. Maaari ka ring humingi ng oras na mapag-aralan mismo ang paksa at pagkatapos ay ipagpatuloy ang talakayan kapag mayroon kang karagdagang impormasyon.

Mahahalagang banal na kasulatan: Efeso 4:29; Mosias 18:21; 3 Nephi 11:29