Library
Tulungan Sila sa Kanilang Buong Paglalakbay


“Tulungan Sila sa Kanilang Buong Paglalakbay,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)

mag-amang magkasamang naglalakad

Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong

Tulungan Sila sa Kanilang Buong Paglalakbay

Ang ilang tao na nahihirapan sa mga tanong tungkol sa kanilang pananampalataya ay mabilis na nilulutas ang kanilang mga alalahanin at sumusulong. Para sa marami, matagal bago dumating ang kalutasan. Ang iyong pagmamahal, panghihikayat, at kahandaang lutasin ito nang magkasama ay makatutulong sa kanila na makahanap ng pag-asa.

Patuloy na ipamuhay ang ebanghelyo habang tinutulungan mo ang iyong kaibigan o mahal sa buhay sa kanyang paglalakbay. Ang magkaibang landas ninyo ay maaaring magsanga at makatulong na mapanatiling konektado kayo sa isa’t isa sa halip na magkahiwalay. “Tayo ay may kani-kanyang paglalakbay sa buhay,” itinuro ni Elder Gerrit W. Gong, “ngunit makababalik tayong muli sa Diyos na ating Ama at sa Kanyang Pinakamamahal na Anak sa pamamagitan ng pagtitiwala sa Diyos, sa isa’t isa, at sa ating sarili.”1 Narito ang ilang alituntunin sa pagsuporta at paghikayat sa iba:

  • Maging maaasahang kausap. Kapag sinabi sa iyo ng isang kaibigan o kapamilya ang kanilang mga tanong, marahil ay hindi sila naghahanap ng isang taong mag-aayos ng problema kundi sa halip ay isang mahal sa buhay na handang samahan sila sa kanilang paglalakbay. Maging madamayin. Ipaalam sa kanila na patuloy mo silang pagmamalasakitan anuman ang kanilang mga problema at pinili.

  • Tulungan silang maghanap ng mga sagot. Ang isang paraan para makatulong ay sa pamamagitan ng pagbabahagi ng mga alituntuning tinalakay sa bahaging “Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong” sa resource na ito. Tulungan ang iyong kaibigan o kapamilya na makahanap ng mga materyal na inilathala ng Simbahan tungkol sa mga karaniwang tanong, at maging handang pag-usapan ang resources na ito sa kanila. Hikayatin silang gumawa ng matatapat na pananaw tungkol sa mahihirap na tanong bilang mahalagang bahagi ng kanilang pag-aaral. Kapag hinikayat ng Espiritu, ipaalala sa kanila ang nakatutulong na mga banal na kasulatan at hikayatin sila na patuloy na manalangin.

  • Maging halimbawa na may katangian ni Cristo. Ang isa sa pinakamaiinam na paraan para maibahagi ang ebanghelyo ay ipakita ang pagmamahal na tulad ng kay Cristo at mamuhay nang mabuti. Kapag nanatili kang tapat at tumutupad sa iyong mga tipan, ipinapakita mo ang galak sa pamumuhay sa ebanghelyo sa mga tinutulungan mo. Maaari nilang piliing huwag makinig sa iyong payo o patotoo, ngunit maiimpluwensyahan sila ng iyong halimbawa ng tunay na pagmamahal at katapatan.

  • Alamin ang mga bagay na pinagkakasunduan ninyo. Mapapanatili mong matatag ang inyong ugnayan sa pamamagitan ng pagpapatibay sa mga paniniwala at interes na pinagkakasunduan ninyo. Iwasang ipokus sa mga tanong nila ang pag-uusap ninyo. Hindi dahil sa nahihirapan sila sa ilang bagay ay inaayawan na nila ang lahat. Patuloy na mag-ukol ng oras sa kanila na nasisiyahan sa mga dati ninyong ginagawa noon. Sa ganyang paraan, maaari mong matuklasan ang mga bagong bagay na sasaliksikin at magkasama ninyong gagawin.

  • Humanap ng mga paraan na magkasamang gumawa ng mabuti. Anyayahan ang iyong kaibigan o kapamilya na sumama sa iyo habang kumikilos ka ayon sa mga alituntunin ng ebanghelyo na nagdudulot sa iyo ng kagalakan. Maaari mong hilingin sa kanila na paglingkuran ninyo ang iba, makibahagi sa isang nakasisiglang aktibidad, o palakasin ang inyong komunidad nang magkasama. Pareho ninyong gustong mapabuti ang mundong ginagalawan ninyo, anuman ang kanilang mga tanong tungkol sa pananampalataya.

  • Unawain na maaaring mangailangan ito ng mahabang panahon. Kapag ang isang taong malapit sa atin ay may mga alalahanin o tanong tungkol sa kanyang pananampalataya, maaaring umasa tayo na ang nakahihikayat na pag-uusap o taos-pusong patotoo ay kaagad na makalulutas ng mga bagay-bagay. Tandaan na hindi palaging may mabilis na solusyon sa mga espirituwal na alalahanin o tanong. Maging handang maglakbay nang mas matagal kasama nila. Bigyan sila ng panahon at espasyo para umunlad. Unawain na ang paraan ng pagpapahayag nila ng kanilang pananampalataya ay maaaring kaiba sa iyo kaysa noon, at OK lang iyan.

Mahahalagang banal na kasulatan Isaias 35:3–4; Galacia 6:2; 1 Pedro 3:15; Mosias 18:9; Doktrina at mga Tipan 11:21