“Tumugon nang May Pagmamahal,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong
Tumugon nang may Pagmamahal
Kapag may isang taong malapit sa iyo na nagsasabi ng kanilang mga tanong o alalahanin tungkol sa Simbahan, normal lang na makadama ng pagkabalisa o pag-aalala. Sikaping isantabi ang mga emosyong ito at tumugon nang may kabaitan at habag. Maaaring hindi mo lubos na maunawaan ang karanasan ng ibang tao, ngunit maaari mong tularan ang halimbawa ni Jesucristo at laging magpakita ng pagmamahal.
Kung minsan nag-aatubili ang mga tao na ipaalam ang kanilang mga paghihirap dahil natatakot sila na baka maapektuhan ang ugnayan nila ng mga taong malapit sa kanila. Kung may humihingi ng tulong sa iyo, naghahanap siya ng suporta. Tumugon nang may pagmamahal, kahit hindi mo alam kung ano ang gagawin o sasabihin. Humanap ng mga paraan para magpakita ng habag at kabaitan, kahit hindi ka sang-ayon sa mga pinili nila.
Narito ang ilang alituntunin na tutulong sa iyo na magpakita ng pagmamahal sa mga tao na nagsasabi sa iyo ng mga katanungan nila:
-
Magsalita nang may pagmamahal. Makipag-ugnayan nang may pagpapakumbaba, kabaitan, at katapatan. Ang kahusayan at mabubuting ideya ay hindi gaanong nakatutulong kumpara sa pagpapakita ng pagmamahal na tulad ng kay Cristo. Ipahayag ang iyong pagmamahal nang simple, tapat, at paulit-ulit. Ayon sa patnubay ng Espiritu, alamin ang tamang panahon at paraan para mabigyan ng “katuwiran ang tungkol sa pag-asang nasa inyo.”1
-
Paglingkuran sila sa makabuluhang mga paraan. Maghanap ng mga paraan para maipakita ang iyong pagmamahal at katapatan. Itanong sa kanila kung ano ang nagpapadama sa kanila na pinahahalagahan sila at kung paano mo sila masusuportahan. Pagkatapos ay isipin kung paano ka kikilos ayon sa nalaman mo. Ang iyong paglilingkod ay magpapatibay sa iyong mga salita na puno ng pagmamahal at magpapanatag sa taong pinagmamalasakitan mo.
-
Pangalagaan ang inyong ugnayan. Mas mahalagang magkaroon ng ugnayan na may pagmamahal at tiwala kaysa magbigay agad ng mga sagot. Ang isang magandang mithiin ay maaaring para lang maipagpatuloy ang ugnayan. Ang pagpapanatili ng inyong ugnayan habang tinutupad mo ang iyong mga tipan ang pinakamainam na paraan para patuloy na magkaroon ng positibong impluwensya.
-
Sikaping makita sila ayon sa paningin ng Panginoon. Itinuro ni Elder Dale Renlund, “Hindi natin lubos na magagampanan ang ating obligasyon sa tipan na makidalamhati sa mga taong nagdadalamhati at aliwin ang mga nangangailangan ng aliw maliban kung titingnan natin sila ayon sa paningin ng Diyos.”2 Ang iyong kaibigan o mahal sa buhay ay anak ng Diyos na may banal na potensyal. Nararanasan nila ang mga pagsubok na sinabi ni Apostol Pedro na dapat nating asahan sa buhay.3 Iniutos ni Jesucristo sa Kanyang mga disipulo na mahalin ang kanilang kapwa tulad ng pagmamahal Niya sa kanila.4 Ipagdasal na makita sila gaya ng pagkakita Niya sa kanila.
-
Mahalin sila nang walang pasubali. Kapag ang isang taong mahal natin ay nagpasiyang iba ang paniwalaan o gumawa ng mga desisyong hindi natin nauunawaan, dapat nating igalang ang kanilang kalayaan at mahalin sila anuman ang mangyari. Magagawa natin ito nang hindi tinatalikdan ang sarili nating pinapahalagahang paniniwala. Itinuro ni Pangulong M. Russell Ballard: “Maaari nating mahalin ang isa’t isa nang hindi ikinokompromiso ang personal na mga banal na pamantayan. At makapagsasalita tayo tungkol sa mga pamantayang iyon nang hindi binabalewala ang iba.”5
Mahahalagang banal na kasulatan: Mga Kawikaan 15:1; Juan 13:34–35; Doktrina at mga Tipan 52:16; 121:41–42