“Pangalagaan ang Sarili Mong Pananampalataya,” Mga Paksa at Mga Tanong (2023)
Pagtulong sa Iba sa Kanilang mga Tanong
Pangalagaan ang Sarili Mong Pananampalataya
Ang pagtulong na mapagaan ang pasanin ng iba ay nangangailangan ng pagsisikap at maaaring makabigat sa atin sa di-inaasahang mga paraan. Tiyaking espirituwal na pangalagaan ang iyong sarili at manatiling nakasalig sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Sa isang emergency, ang mga pasahero sa eroplano ay tinatagubilinang isuot muna ang sarili nilang oxygen mask bago tulungan ang iba. Gayundin, matutulungan lamang natin ang iba kung pangangalagaan natin ang sarili nating pananampalataya at patotoo.
Ang mga sumusunod na alituntunin ay makatutulong sa iyo na mapalakas ang iyong pananampalataya habang naglilingkod sa iba:
-
Alalahanin ang pinaniniwalaan at naranasan mo. Pagnilayan ang mga sandali na nadama mo ang impluwensya ng Espiritu Santo. Alalahanin ang mga pagkakataon na nakaranas ka ng kapayapaan, kagalakan, pagmamahal, at kalinawan. Isipin kung kailan mo nadama na nangungusap sa iyo ang Diyos nang sarilinan para mapagtibay ang iyong pananampalataya. Ang iyong mga espirituwal na karanasan noon ay maaaring pagmulan ng lakas at proteksyon laban sa pag-aalinlangan at takot.
-
Patuloy na linangin ang iyong patotoo. Mahalagang patuloy na gawin ang mga bagay na nakatulong sa iyo na palakasin ang iyong patotoo sa ebanghelyo. Maaaring kabilang dito ang pagbabasa ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, pagtanggap ng sakramento, pagsamba sa templo, at paglilingkod sa iba. Ang mga simpleng gawaing ito ay makatutulong sa iyo na madama ang impluwensya ng Espiritu at manatiling tapat.
-
Hingan ng tulong ang iba. Kung mabigat ang pasaning dulot ng paglilingkod sa isang kaibigan o kapamilya, alalahanin na hindi ka nag-iisa. Maaari kang humingi ng tulong sa mga pinagkakatiwalaang kapamilya, kaibigan, lider ng Simbahan, o propesyonal. Ang kanilang pagdamay, panalangin, at kahusayan ay makatutulong sa iyo na maalala kung gaano ka kamahal ng Diyos. Masusuportahan ka rin nila habang naghahanap ka ng mga sagot sa sarili mong mga tanong.
-
Magtakda ng mga nararapat na limitasyon. Bagama’t dapat nating sikaping pakinggan at suportahan ang iba sa kanilang mga tanong o alalahanin, dapat din nating matukoy ang sarili nating mga pangangailangan at limitasyon. Mahalaga rin ang iyong nararamdaman. Maaari kang makaranas ng takot, pagkabigo, at pagdadalamhati sa prosesong ito. Kung matindihan ang pag-uusap, sabihin ang nararamdaman mo at magtakda ng ibang pagkakataon na makipag-usap muli. Maaaring nais ng iyong mahal sa buhay na gawing paksa ng bawat pag-uusap ninyo ang kanyang mga tanong o magsalita tungkol sa isang paksa na hindi karespe-respeto sa iyo o sa iyong pananampalataya. Tulad ng kailangan mong irespeto ang desisyon ng iba, kailangan din nilang irespeto ang sa iyo. Hindi mo kailangang madama na may kakulangan ka o hindi ka matalino kung iba ang opinyon mo kaysa sa ibang tao.
-
Maging mas maalam. Hindi mo kailangang maging eksperto sa isang isyu para maging mahusay na tagasuporta. Ngunit maaaring napakagandang malaman ang tungkol sa isang paksang wala kang gaanong impormasyon. Pag-aralan nang mabuti ang doktrina at kasaysayan ng Simbahan. Maging mas pamilyar sa mga karaniwang tanong. Alamin kung ano ang sinabi ng mga lider at matatapat na eksperto ng Simbahan tungkol sa mga paksang ito. Sa prosesong ito, maaari kang matuto, mag-aral, at muling matutuhan ang maraming bagay.
-
Maging pamilyar sa mga alituntunin sa paghahanap ng mga sagot. Pag-aralan at kumilos ayon sa mga alituntuning tinalakay sa bahaging “Paghahanap ng mga Sagot sa Iyong mga Tanong” ng resource na ito.
Mahahalagang banal na kasulatan: Lucas 22:31–32; 1 Nephi 15:8–11; Jacob 4:6; Alma 32:41–43; Doktrina at mga Tipan 6:14