Pag-aaral ng Doktrina
Pag-oorden Noon Pa Man
Buod
Sa buhay bago tayo isinilang, pumili ang Diyos ng ilang espiritu na tutupad sa mga natatanging misyon habang nabubuhay sila sa daigdig. Tinatawag itong pag-oorden noon pa man. Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na ang mga tao ay tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang.
Si Jesucristo ay inorden na noon pa man upang isakatuparan ang Pagbabayad-sala, at naging “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan” (Apocalipsis 13:8; tingnan din sa I Ni Pedro 1:19–21).
May iba pang binanggit sa mga banal na kasulatan na inorden na noon pa man. Nalaman ng propetang si Abraham ang tungkol sa kanyang pagkaorden noon pa man nang makatanggap siya ng pangitain kung saan nakita niya na “marami ang marangal at dakila” sa mga espiritu sa daigdig ng mga espiritu bago tayo isinilang. Sinabi niya: “At nakita ng Diyos ang mga kaluluwang ito na sila ay mabubuti, at siya ay tumayo sa gitna nila, at kanyang sinabi: Ang mga ito ang gagawin kong mga tagapamahala; sapagkat siya ay nakatayo sa mga espiritung yaon, at kanyang nakita na sila ay mabubuti; at kanyang sinabi sa akin: Abraham, isa ka sa kanila; ikaw ay pinili bago ka pa man isinilang” (Abraham 3:22–23). Sinabi ng Panginoon kay Jeremias, “Bago kita inanyuan sa tiyan ay nakilala kita, at bago ka lumabas sa bahay-bata ay pinapaging banal kita; inihalal kitang propeta sa mga bansa” (Jeremias 1:5). Si Juan Bautista ay inorden noon pa man para ihanda ang mga tao para sa mortal na ministeryo ng Tagapagligtas (tingnan sa Isaias 40:3; Lucas 1:13–17; 1 Nephi 10:7–10).
Ang doktrina ng pag-oorden noon pa man ay para sa lahat ng miyembro ng Simbahan, hindi lamang sa Tagapagligtas at sa Kanyang mga propeta. Bago nilikha ang daigdig, nabigyan na ng tiyak na mga responsibilidad ang matatapat na kababaihan at inorden na noon pa man sa tiyak na mga tungkulin sa priesthood ang matatapat na kalalakihan. Kapag naipapakita ng mga tao na karapat-dapat sila, bibigyan sila ng mga oportunidad na matupad ang mga tungkuling natanggap nila noon.
AnItala ang Iyong mga Impresyon
Mga Kaugnay na Paksa
Mga Banal na Kasulatan
Mga Reperensya sa Banal na Kasulatan
Resources sa Pag-aaral ng mga Banal na Kasulatan
Mga Mensahe mula sa mga Lider ng Simbahan
Mga Karagdagang Mensahe