Unit 2: Day 1
1 Nephi 1
Pambungad
Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa tala ni Nephi tungkol sa kanyang ama, si Lehi, na tapat na ginagampanan ang kanyang mga tungkulin bilang propeta at bilang priesthood leader ng kanyang pamilya. Ang pag-unawa sa paglilingkod ni Lehi ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan ang ginagampanan ng mga propeta sa ating panahon. Siya ay isa sa “maraming propeta, na nagpopropesiya sa mga [Judio] na kinakailangan silang magsipagsisi” (1 Nephi 1:4). Dahil si Lehi ay masunurin sa Diyos at nagpropesiya tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem, siya ay kinutya at gustong patayin ng mga tao. Gayunpaman, nagalak si Lehi sa awa at kapangyarihang magligtas ng Panginoon. Sa iyong pag-aaral ng 1 Nephi 1, isipin kung paano mo naramdaman ang awa ng Diyos at ang pagiging bahagi Niya sa iyong buhay.
1 Nephi 1:1–3
Sinimulan ni Nephi ang kanyang talaan
Basahin ang 1 Nephi 1:1, at tukuyin ang mahahalagang salita at parirala na nagpapakita kung ano ang buhay ni Nephi.
-
Mula sa nabasa mo sa talata 1, isulat sa iyong scripture study journal ang tungkol sa kahit isang paraan na nadama mo na natulad ang buhay mo sa buhay ni Nephi.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, paano “nakita [ni Nephi] ang maraming paghihirap” ngunit kasabay nito ay “labis [siyang pinagpala] ng Panginoon sa lahat ng [kanyang] mga araw”?
1 Nephi 1:4–20
Nakatanggap ng isang pangitain si Lehi at binalaan ang mga tao tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem
Isipin ang isang pagkakataon na binalaan ka ng iyong mga magulang o mga lider ng Simbahan tungkol sa isang bagay na mapanganib. Ano ang hangarin nila sa pagbibigay ng babala sa iyo?
Mahal tayo ng Ama sa Langit at nais Niyang makaligtas tayo mula sa kasalanan, na nakapipinsala sa atin. Ang isa sa mga paraan na nababalaan ng Diyos ang Kanyang mga anak ay sa pamamagitan ng mga propeta. Ang mga propeta ay nagbibigay ng babala laban sa kasalanan at nagtuturo ng kaligtasan sa pamamagitan ni Jesucristo. Sa iyong pag-aaral ng 1 Nephi 1, hanapin ang katibayan ng alituntuning ito. Sinimulan ni Nephi ang kanyang talaan sa pagsasabi sa atin na maraming propeta ang nangaral at nagbabala sa mga tao tungkol sa mangyayari kung hindi sila magsisisi (tingnan sa 1 Nephi 1:4). Basahin ang 1 Nephi 1:5–7, at markahan sa iyong banal na kasulatan kung paano nagdasal si Lehi at ano ang ipinagdasal niya. Makikita sa mga panalangin ni Lehi sa Panginoon na naniniwala siya sa sinasabi ng mga propeta.
Basahin ang 1 Nephi 1:8–10, at bilugan sa ibaba ang lahat ng nakita ni Lehi sa pangitain.
-
Diyos
-
Jesucristo
-
Mga anghel
-
Labindalawang iba pa
Basahin ang 1 Nephi 1:11–12, at tingnan ang nangyari kay Lehi habang binabasa niya ang aklat na ibinigay sa kanya. Sa pamamagitan ng pangitaing ito, lalo pang inihanda ng Panginoon si Lehi sa paglilingkod sa mga tao sa Jerusalem. Basahin ang 1 Nephi 1:13, at pansinin ang itinuro kay Lehi hinggil sa Jerusalem. Sa iyong pagbabasa, ilagay ang iyong sarili sa sitwasyon ni Lehi at isipin ang madarama mo kung sinabi sa iyo ng Panginoon na ang mga bagay na ito ay mangyayari sa iyong tahanan at lunsod.
Dahil nabalaan tungkol sa pagkawasak ng kanyang mga tao at lunsod, tiyak na napakasakit nito para kay Lehi. Gayunman, basahin ang 1 Nephi 1:14–15, at alamin kung bakit nagalak si Lehi kahit nakita niyang mawawasak ang Jerusalem.
-
Isulat ang sagot mo tungkol sa sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakakaimpluwensya ang karanasan ni Lehi sa 1 Nephi 1:5–15 sa kanyang hangaring magturo sa mga tao at anyayahan silang magsisi?
Pagkatapos mabalaan tungkol sa pagkawasak ng Jerusalem, ibinahagi ni Lehi sa mga tao sa Jerusalem ang nalaman niya. Binalaan niya sila na wawasakin sila kung hindi sila magsisisi. Basahin ang 1 Nephi 1:18–20, at tukuyin kung ano ang naging reaksyon ng mga tao sa Jerusalem. Kunwari ay isa kang editor ng isang pahayagan at kailangan mong sumulat ng headline para sa 1 Nephi 1:18–20. Ano ang magiging headline mo?
Isiping mabuti ang sumusunod na pahayag:
“Gaya ng mga propeta noon, pinatototohanan ng mga propeta ngayon si Jesucristo at itinuturo ang Kanyang ebanghelyo. Ipinaaalam nila ang kalooban at tunay na katauhan ng Diyos. Hayagan at malinaw silang nagsasalita, na isinusumpa ang kasalanan at nagbababala tungkol sa mga kahihinatnan nito. Kung minsan, maaari silang mabigyang-inspirasyon na magpropesiya tungkol sa mga mangyayari sa hinaharap para sa ating kapakinabangan” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 93).
-
Sa sarili mong mga salita, sumulat ng isang pangungusap sa iyong scripture study journal na naglalarawan ng responsibilidad ng isang propeta sa harap ng anumang oposisyon o pagsalungat.
Habang isinusulat ni Nephi ang tungkol sa karanasan ng kanyang ama sa Jerusalem, nagdagdag siya ng mensahe para sa mambabasa sa kalagitnaan ng 1 Nephi 1:20, nagsisimula sa pariralang “Datapwat masdan, ako, si Nephi, ay magpapatunay sa inyo …” Ang talatang ito ay nagpapakilala ng isang tema na bibigyang-diin ni Nephi sa lahat ng isusulat niya. Salungguhitan ang temang ito sa 1 Nephi 1:20, at pagkatapos ay basahin ang Moroni 10:3 at hanapin ang gayon ding tema. (Si Moroni ang huli sa mga propeta sa Aklat ni Mormon. Ang panahon sa pagitan nina Nephi at Moroni ay halos 1,000 taon.)
Pansinin na sinabi ni Nephi sa unang kabanata ng Aklat ni Mormon na ipakikita niya sa atin “ang magiliw na awa ng Panginoon” sa kanyang mga isusulat (1 Nephi 1:20). Sa huling kabanata ng Aklat ni Mormon, sinabi ni Moroni na alalahanin natin “kung paano naging maawain ang Panginoon” (Moroni 10:3).
Nais ni Nephi na maunawaan natin sa simula pa lamang ng kanyang talaan na ang magiliw na awa ng Panginoon ay ipinadarama sa mga taong sumasampalataya sa Kanya. Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol kung ano ang magiliw na awa ng Panginoon sa ating buhay. Bilugan ang mga salita at mga parirala na ginamit ni Elder Bednar na naglalarawan kung ano ang “magiliw na awa ng Panginoon” habang binabasa mo ang kanyang paliwanag:
“Ang magiliw na awa ng Panginoon ay ang lubhang personal at indibiduwal na mga pagpapala, kalakasan, proteksyon, katiyakan, patnubay, mapagmahal na kabaitan, kasiyahan, suporta, at mga espirituwal na kaloob na natatanggap natin mula at dahil kay at sa pamamagitan ng Panginoong Jesucristo. …
“… Ang magiliw na awa ng Panginoon ay hindi basta-basta nangyayari o nagkakataon lamang. Ang katapatan, pagsunod, at pagpapakumbaba ay nag-aanyaya ng magiliw na awa sa ating buhay, at kadalasan dahil sa takdang panahon ng Panginoon ay nakikilala at pinahahalagahan natin ang mahahalagang biyayang ito” (“Ang Magiliw na Awa ng Panginoon,” Ensign o Liahona, Mayo 2005, 99–100).
-
Sa iyong scripture study journal, sagutin ang sumusunod na tanong: Anong halimbawa ang nakita mo tungkol sa ipinadaramang magiliw na awa ng Panginoon sa iyong buhay o sa buhay ng kakilala mo?
Magsimula o magpatuloy na alalahanin at isulat sa iyong personal journal ang magiliw na awa ng Panginoon na ipinadama Niya sa iyo. Kapag ginawa mo ito, mas makikita mo ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Diyos.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 1 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: