Unit 16: Day 3
Alma 13
Pambungad
Itinuro ni Alma sa mga mapanghimagsik na tao ng Ammonihas ang tungkol sa matataas na saserdote ng Melchizedek Priesthood na inorden upang tulungan ang mga tao na magsisi at makapasok sa kapahingahan ng Panginoon. Ibinigay niyang halimbawa si Melquisedec, na tumulong sa kanyang mga tao na magsisi at mamuhay nang payapa. Masigasig na tinuruan ni Alma ang mga tao ng Ammonihas na magkaroon ng pananampalataya at pag-asa at hinikayat sila na magbago upang maging handa sila sa pagpasok sa kapahingahan ng Panginoon.
Alma 13:1–12
Itinuro ni Alma sa mga tao ng Ammonihas ang tungkol sa tungkulin ng matataas na saserdote
-
Basahin ang sumusunod na pahayag, at pagkatapos ay sagutin ang mga tanong:
“Sa buhay bago tayo isinilang, pumili ng ilang espiritu ang Diyos na tutupad sa mga natatanging misyon habang nabubuhay sila sa daigdig. Tinatawag itong pag-oorden noon pa man.
“Ang pag-oorden noon pa man ay hindi garantiya na tatanggap ng mga tiyak na tungkulin o responsibilidad ang mga tao. Dumarating sa buhay na ito ang gayong mga oportunidad bunga ng matwid na paggamit ng kalayaang pumili, tulad ng pag-oorden noon pa man sa isang tao bunga ng kabutihan niya sa buhay bago siya isinilang” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 146).
-
Ano ang koneksyon ng mga pagpiling ginawa sa buhay bago tayo isinilang at ng pag-oorden noon pa man?
-
Paano nakakaapekto ang mga pagpiling ginawa sa mortal na buhay sa pag-oorden noon pa man?
-
Bagama’t ang mga mayhawak ng pagkasaserdote o priesthood ay tinalakay sa Alma 13, ipinaalala sa atin ni Pangulong Spencer W. Kimball na ang mga kababaihan ay binigyan din ng mararangal na mga tungkulin sa buhay bago tayo isinilang: “Alalahanin na sa daigdig na pinanggalingan natin bago tayo naparito sa lupa, ang matatapat na kababaihan ay binigyan ng mga partikular na gawain samantalang ang matatapat na kalalakihan ay naordena sa simula pa lang sa partikular na mga gawain sa priesthood” (“The Role of Righteous Women,” Ensign, Nob. 1979, 102).
Itinuro ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang buhay bago tayo isinilang ay hindi isang doktrina na nagbibigay sa atin ng dahilang magpahinga. Para sa bawat isa sa atin, may mga pagpili o pasiyang gagawin, mga tuluy-tuloy at mahihirap na gawain na dapat tapusin, mga kabalintunaan at paghihirap na dapat maranasan, mga oras na dapat guguling mabuti, mga talento at kaloob na dapat gamitin nang husto. Hindi ibig sabihin na dahil napili tayo ‘doon at noon,’ ay wala na tayong pakialam ‘dito at ngayon.’ Ito man ay pag-oorden para sa kalakihan o pagtatalaga para sa kababaihan sa buhay bago tayo isinilang, dapat ding patunayan ng mga natawag at naihanda na sila ay ‘pinili at tapat.’ (Tingnan sa Apoc. 17:14; D at T 121:34–36.)” (“Premortality, a Glorious Reality,” Ensign, Nob. 1985, 17).
Itinuro ni Alma sa mga kapatid sa Ammonihas na maraming kalalakihan ang inorden sa premortal na buhay na tatanggap ng priesthood. Basahin ang Alma 13:1, 8–9, at tukuyin kung anong pagkasaserdote o priesthood ang itinuro ni Alma. Makatutulong na malaman na ang ibig sabihin sa kabanatang ito ng pariralang “banal na orden” ay ang Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood, o ang “Banal na Pagkasaserdote, alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos” (D at T 107:3). Maaari mong markahan ang pariralang “banal na orden” sa iyong pag-aaral ng natitirang bahagi ng kabanatang ito (tingnan sa Alma 13:2, 6–7, 10–11, 16, 18). Sinabi ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang mga Nephita, na matatapat at matatapat sa pagsunod sa batas ni Moises, ay may Melchizedek Priesthood, ibig sabihin, nasa kanila ang kabuuan ng ebanghelyo” (The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 421). Ibig sabihin nito, ang mga propeta sa Aklat ni Mormon ay may Melchizedek Priesthood at alam nila kung paano ito gamitin.
Hanapin sa Alma 13:2–6, 10 ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong, at isulat ang mga sagot mo sa iyong manwal:
-
Ano ang mga katangian ng mga taong inorden sa Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood? (Tingnan sa Alma 13:3–5, 10.)
-
Ano ang inorden na gagawin ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood? (Tingnan sa Alma 13:6.)
-
Paano mo nakita na ginawa ito ng mga mayhawak ng Melchizedek Priesthood na kilala mo sa inyong ward o branch, at paano nito napagpala ang iyong buhay at ang buhay ng iba?
Ang Alma 13 ay naglalaman ng malalim na talakayan tungkol sa Melchizedek Priesthood. Itinuturo nito na ang mga kalalakihang tumanggap ng priesthood na ito ay inorden sa premortal na buhay na matanggap ito (tingnan sa talata 3). Ang mga mayhawak ng priesthood na ito ay magtuturo ng mga kautusan ng Diyos sa iba “upang sila rin ay makapasok sa kanyang kapahingahan” (talata 6). Ang pagkasaserdote o priesthood ay walang hanggan (tingnan sa talata 9), at ito ay ipinagkakaloob sa kalalakihan “dahil sa kanilang labis na pananampalataya at pagsisisi, at sa kanilang kabutihan sa harapan ng Diyos” (talata 10). Pababanalin ng Espiritu Santo ang mga mayhawak ng priesthood kapag natutuhan nilang kapootan (kamuhian) ang kasalanan, at sa gayon ay “ginawang dalisay at [makapapasok] sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos” (talata 12).
Basahin ang Alma 13:11–12, at tukuyin ang nagpapabanal na epekto ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na natanggap ng mga mayhawak ng pagkasaserdote o priesthood dahil sa kanilang pananampalataya, pagsisisi, at kabutihan.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang natutuhan mo mula sa mga halimbawa ng mga mayhawak na ito ng Melchizedek Priesthood tungkol sa maaari mong gawin upang matanggap ang nakapagpapabanal na epekto ng Pagbabayad-sala sa iyong buhay?
-
Isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 13:1–12 o sa iyong scripture study journal: Ang mga kalalakihang miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at may malaking pananampalataya at pinipili ang kabutihan ay pinagkakalooban ng Melchizedek Priesthood upang madala ang iba sa Diyos. Pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal kung paano makakaapekto ang kaalaman mo tungkol sa alituntuning ito ng ebanghelyo sa paraan ng iyong pagtugon sa mga priesthood leader sa buong buhay mo.
Alma 13:13–20
Itinuro ni Alma ang tungkol kay Melquisedec, isang dakilang mataas na saserdote na nagtatag ng kapayapaan sa kanyang mga tao
Basahin ang Alma 13:13–18, at hanapin ang mga salitang ginamit ni Alma para ilarawan si Melquisedec at ano ang ginawa ni Melquisedec para sa kanyang mga tao. Pag-isipan kung paano inilarawan ng mga salitang ito ang buhay ni Melquisedec na tulad ng kay Cristo. Itinuro ni Alma na ang mga mayhawak ng Pagkasaserdoteng Melquisedec o Melchizedek Priesthood ay “alinsunod sa orden ng Anak, ang Bugtong ng Ama” (Alma 13:9; tingnan din sa D at T 107:2–4), na si Jesucristo, at ginagabayan nila tayo papunta sa Kanya sa pamamagitan ng kanilang halimbawa at mga turo. Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie: “Walang alinlangan na maraming pangyayari sa buhay ng maraming propeta ang nagpapakita ng kabutihan bilang mga halimbawa at pagkakahawig ng kanilang Mesiyas. Makabubuti at tama na hanapin ang mga pagkakahalintulad kay Cristo saanman at gamitin ang mga ito nang paulit-ulit upang maisaisip siya at ang kanyang mga batas sa tuwina” (The Promised Messiah, 453).
Basahin ang Alma 13:19, at alamin ang sinasabi sa atin ng talatang ito tungkol kay Melquisedec. Basahing muli ang Alma 13:17 upang makita kung paano inilarawan ni Alma ang mga tao sa Salem nang maging hari nila si Melquisedec. Pansinin kung paano rin mailalarawan ng mga salitang ito ang mga tao ng Ammonihas (tingnan sa Alma 8:9; 9:28). Ano ang ginawa ng mga tao sa Salem dahil sa pagsisikap ni Melquisedec? (Tingnan sa Alma 13:18.)
Pansinin kung ano ang pinairal, tinanggap, at ipinangaral ni Melquisedec sa Alma 13:18. Isipin ang natutuhan mo tungkol sa dapat gawin at ugaliin ng mga priesthood leader mula sa halimbawa ni Melquisedec.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kailan mo naranasan o ng isang taong kilala mo ang kapayapaan pagkatapos sundin ang payo ng isang matwid na priesthood leader?
Alma 13:21–31
Inanyayahan ni Alma ang mga tao na makinig sa tinig ng Panginoon at pumasok sa Kanyang kapahingahan
Hanapin at markahan ang paulit-ulit na pariralang “kapahingahan ng Panginoon” (o katulad na parirala) sa Alma 13:12, 13, 16, at 29. Itinuro ni Alma sa mga tao ng Ammonihas na tinatawag ng Panginoon ang mga kalalakihan sa priesthood upang tulungan ang mga tao na makapasok sa kapahingahan ng Panginoon. Ginamit niya ang halimbawa ni Melquisedec para ipakita sa kanila na maaaring magsisi at pumasok sa kapahingahan ng Panginoon ang mga taong puno ng kasalanan at kasamaan (tingnan sa Alma 13:17–18; tingnan din sa D at T 84:24).
Sinabi ni Pangulong Joseph F. Smith na “ang ibig sabihin [ng pagpasok sa kapahingahan ng Diyos] ay pagpasok sa kaalaman at pag-ibig ng Diyos, na may pananampalataya sa kanyang layunin at sa kanyang plano, hanggang sa puntong nalalaman natin na tama tayo, at na hindi na tayo naghahanap pa ng iba, hindi tayo nagagambala ng magkabi-kabila ng lahat ng hangin ng aral, o sa pamamagitan ng mga daya ng mga tao, sa katusuhan, ayon sa mga lalang ng kamalian. Nalalaman natin ang doktrinang ito ay sa Diyos” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph F. Smith [1999], 65).
Ano ang inaasahan mo na dapat ugaliin at ikilos ng isang tao kung siya ay nakapasok na sa kapahingahan ng Panginoon sa buhay na ito tulad sa paglalarawan dito ni Pangulong Joseph F. Smith?
Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie: “Ang tunay na mga banal ay pumapasok sa kapahingahan ng Panginoon habang nasa mundong ito, at sa pagsunod sa katotohanan, magpapatuloy sila sa pinagpalang kalagayang iyan hanggang sa sila ay mamahinga sa piling ng Panginoon sa langit. … Ang kapahingahan ng Panginoon, sa kawalang-hanggan, ay pagkakaroon ng buhay na walang hanggan, pagtatamo ng kaganapan ng kaluwalhatian ng Panginoon” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 633).
Matapos sabihan ni Alma ang mga tao ng Ammonihas na maghanda para sa pagdating ni Cristo (tingnan sa Alma 13:21–26), nagbigay siya ng mga karagdagang tagubilin kung paano makapasok sa kapahingahan ng Panginoon. Basahin ang Alma 13:27–29 para malaman kung ano ang mga tagubiling iyon.
Ang mga turo ni Alma ay maibubuod sa sumusunod na alituntunin: Kapag mapagkumbaba tayong sumunod sa paanyaya na magsisi, gagabayan tayo ng Espiritu na makapasok sa kapahingahan ng Panginoon.
-
Tukuyin ang isa sa mga pagpapala na binanggit sa Alma 13:27–29 na gusto mong matanggap. Pagkatapos mong matukoy ang pagpapala, alamin ang payo na ibinigay ni Alma na makatutulong sa iyo na makapaghanda na matanggap ang pagpapalang iyon. Pagkatapos ay isulat sa iyong scripture study journal ang mga gagawin mo para masunod ang ipinayo ni Alma upang makapasok ka sa kapahingahan ng Panginoon sa buhay na ito at sa kabilang buhay.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 13 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: