Unit 11: Day 1
Mga Salita ni Mormon–Mosias 2
Pambungad
Ang Mga Salita ni Mormon ay nagdurugtong sa maliliit na lamina ni Nephi at sa pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina ni Nephi. Isinulat nang halos 400 taon matapos isilang si Jesucristo, ang aklat na ito ay naglalaman ng maikling paliwanag kung ano ang maliliit na lamina ni Nephi at kung bakit nadama ni Mormon na kailangang isama ang mga ito sa ibang mga sagradong kasulatan. Ang Mga Salita ni Mormon ay nagbibigay din ng mahahalagang impormasyon kung bakit napakalaki ng impluwensya ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao.
Ang maliliit na lamina ni Nephi ay pangunahing nakatuon sa mga espirituwal na bagay at sa ministeryo at mga turo ng mga propeta. Malaking bahagi ng nilalaman ng malalaking lamina ni Nephi ay tungkol sa sekular na kasaysayan ng mga tao na isinulat ng mga hari, simula kay Nephi. (Tingnan sa 1 Nephi 9:2–4.) Magmula sa panahon ni Mosias, gayunman, ang malalaking lamina ay naglalaman din ng mahahalagang bagay na espirituwal.
Ang mga lamina ni Mormon, o ang mga laminang ginto na ibinigay kay Joseph Smith, ay naglalaman ng isang pinaikling ulat ni Mormon mula sa malalaking lamina ni Nephi, kalakip ang maraming paliwanag. Ang mga laminang ginto ay naglalaman din ng karugtong na kasaysayan na inulat ni Mormon at ng mga dagdag na ulat ng kanyang anak na si Moroni.
Ang Mosias 1 ay talaan ng mga turo ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak na lalaki. Itinuro niya sa kanila na tinutulungan tayo ng mga banal na kasulatan na alalahanin ang Diyos at sundin ang Kanyang mga kautusan. Noong malapit ng mamatay si Haring Benjamin, ninais niyang magsalita sa kanyang mga tao tungkol sa kanyang paglilingkod bilang hari at hikayatin silang maging masunurin sa Diyos. Ang mensahe ni Haring Benjamin ay nakatala sa Mosias 2–5 at naglalarawan sa pagdurusa at Pagbabayad-sala ni Cristo, ang ginagampanan ng katarungan at awa, at ang pangangailangang taglayin natin sa ating sarili ang pangalan ni Cristo sa pamamagitan ng tipan. Sa simula ng kanyang pagsasalita na nakatala sa Mosias 2, binigyang-diin ni Haring Benjamin na mahalagang maglingkod sa Diyos at magagawa ito kapag naglingkod sa iba. Sinabi rin niya na maligaya ang mga taong sumusunod sa mga kautusan.
Mga Salita ni Mormon 1:1–11
Itinuro ni Mormon na pinangalagaan ng Diyos ang iba’t ibang talaan para sa isang matalinong layunin
Mag-isip ng isang pagkakataon na nadama mong hinikayat ka ng Espiritu na gawin ang isang bagay. Alam mo ba kung ano ang magiging resulta kung sinunod mo ang paghihikayat na ito? Ano ang nagbigay sa iyo ng determinasyon at tiwala na sundin ang panghihikayat?
Si propetang Mormon ay inutusan ng Diyos na paikliin ang mga talaan ng kanyang mga tao, na nasa mga lamina ni Nephi. Noong mga A.D. 385, nang malapit na niyang ibigay ang mga pinaikling talaan sa kanyang anak na si Moroni, sinunod niya ang isang pahiwatig kahit hindi niya alam ang kahihinatnan nito.
May nakita si Mormon habang nagsasaliksik siya sa mga talaan. Basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:3 para malaman kung ano ang nakita niya. (“Ang mga laminang ito” ay tumutukoy sa maliliit na lamina ni Nephi, na naglalaman ng ulat mula 1 Nephi hanggang Omni.) Basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:4–6, at markahan sa iyong banal na kasulatan kung bakit natuwa si Moroni nang matuklasan niya ang laman ng maliliit na laminang ito.
Basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:7, at tukuyin kung bakit isinama ni Mormon ang maliliit na laminang ito sa kanyang pinaikling ulat sa mga lamina ni Nephi. Maaari mong markahan sa iyong banal na kasulatan ang alituntuning ito: “Nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay.” Sa pag-unawa at paniniwala sa katotohanang ito, magkakaroon ka ng pananampalatayang sundin ang mga pahiwatig ng Espiritu Santo na natanggap mo.
Iniutos ng Panginoon kay Nephi na gumawa ng maliliit na lamina at isulat dito ang mga sagradong bagay tungkol sa kanyang mga tao (tingnan sa 1 Nephi 9:3). Noong panahong iyon, ipinahayag ni Nephi, “Inutusan ako ng Panginoong gawin ang mga laminang ito para sa isang matalinong layunin sa kanya, na kung anong layunin ay hindi ko alam” (1 Nephi 9:5).
Ang layuning ito ay naging malinaw nang sumunod na ilang siglo, noong 1828, nang simulan ni Propetang Joseph Smith ang pagsasalin ng mga laminang ginto. Una niyang isinalin ang 116 na pahina ng manuskrito sa pinaikling ulat ni Mormon mula sa malalaking lamina ni Nephi. Nawala o ninakaw ang mga pahinang ito nang pinayagan ni Joseph na dalhin ni Martin Harris ang mga ito. Sinabi ng Panginoon kay Joseph na huwag nang isaling muli ang nawawalang bahagi dahil pinlano ng masasamang tao na baguhin ang mga salita ng mga nawawalang pahina para sirain ang awtentisidad o pagiging totoo ng Aklat ni mormon. Sinabi sa kanya ng Panginoon na isalin ang kasaysayan na nasa maliliit na lamina, na pareho ang saklaw na panahon. Ang kasaysayang ito ay nakatuon sa mas sagradong mga bagay. (Tingnan sa D at T 10:10, 41–43; tingnan din sa 1 Nephi 9:3–4.)
Ang karanasang ito ay mahalagang katibayan na alam ng Panginoon ang lahat ng bagay na darating. Alam Niyang kakailanganin ang kasaysayan sa maliliit na lamina, at ipinadama Niya kay Mormon na isama ang mga lamina sa kanyang pinaikling ulat.
Paano makatutulong sa iyo ang pagkaalam sa katotohanang ito kapag tumatanggap ka ng mga pahiwatig mula sa Espiritu?
-
Ilarawan sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na sinunod mo o ng isang taong kilala mo ang pahiwatig mula sa Espiritu Santo kahit hindi ninyo nauunawaan ang pahiwatig noong una. Isulat kung paano ka mas makapaghahanda na matukoy at tumugon sa mga pahiwatig ng Panginoon. Tandaan na kapag sinunod mo ang mga pahiwatig ng Espiritu ng Panginoon, Siya ay gagawa “[sa iyo] alinsunod sa kanyang kalooban” (Mga Salita ni Mormon 1:7).
Mga Salita ni Mormon 1:12–18
Tinalo ni Haring Benjamin ang mga Lamanita at namuno sa kabutihan
Si Haring Benjamin ay isang mabuting hari na nakaranas ng maraming balakid sa kanyang paghahari, kabilang na ang pakikipaglaban sa mga Lamanita at ang mga pagtatalu-talo sa doktrina ng kanyang mga tao. Pinamunuan ni Haring Benjamin ang mga hukbo ng mga Nephita “sa lakas ng Panginoon” laban sa kanilang mga kaaway at kalaunan ay nagtatag ng kapayapaan sa lupain (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:13–14). Sa tulong ng “maraming banal na tao,” matindi niyang sinawata ang mga huwad na propeta at huwad na mga guro na nagdudulot ng alitan sa mga tao, at dahil doon ay nagkaroon ng kapayapaan mula sa kabutihan (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:15–18).
Basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:12–18, at punan ang mga patlang sa ibaba ng mga numero ng mga talatang lubos na nagtuturo ng mga sumusunod na katotohanan:
-
Ang Panginoon ay tumatawag ng mga propeta na kayang pamunuan nang mapayapa ang mga tao sa kabila ng mga pagsubok.
-
Makakahanap tayo ng kapayapaan sa pagsunod sa mabuting pamumuno ng mga propeta.
-
Sa lakas ng Panginoon maaari nating makayanan ang lahat ng pagsubok.
Mosias 1:1–18
Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan
Isipin kung ano kaya ang magiging buhay mo kung wala kang mga banal na kasulatan na babasahin, pag-aaralan, at matututuhan.
Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga anak kung paano maiiba ang kanilang buhay kung wala sa kanila ang mga banal na kasulatan. Tulad ng nakatala sa Mosias 1:3–5, tatlong beses niyang ginamit nang paiba-iba ang pariralang “kung hindi dahil sa mga bagay na ito [ang mga banal na kasulatan]” upang tulungan ang kanyang mga anak na maunawaan ang kahalagahan ng mga banal na kasulatan.
-
Sa iyong pagbabasa ng Mosias 1:1–8, alamin ang mga pagpapala na hindi sana natamo ng mga Nephita kung hindi sila nagkaroon ng mga banal na kasulatan. Ikumpara ang natutuhan mo sa Omni 1:17–18. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng tatlo o apat na pangungusap na kukumpleto sa sumusunod na parirala: Kung wala sa akin ang mga banal na kasulatan …
Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 1:1–8: Ang pagsasaliksik sa mga banal na kasulatan ay makatutulong sa atin na malaman at masunod ang mga kautusan.
Itinuro ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao ang kahalagahan ng pagiging masunurin sa mga kautusan at ipinaliwanag niya kung ano ang mangyayari sa mga tao na naging masama matapos na “labis na pinagpala ng Panginoon” (Mosias 1:13). Basahin ang Mosias 1:13–17, at ikumpara ang Mosias 1:13 sa Alma 24:30. Pagkatapos ay tumukoy ng kahit limang kahihinatnan ng mga nagsilayo sa Diyos. Maaari mo itong markahan o lagyan ng numero sa iyong banal na kasulatan.
Mosias 2:1–41
Nagtipon ang mga Nephita para pakinggan ang mga salita ni Haring Benjamin
Basahin ang Mosias 2:1–9, at isulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Sino ang sama-samang nagtipon?
-
Saan sila sama-samang nagtipon?
-
Ano ang ginawa para marinig ng maraming tao ang mga sasabihin ni Haring Benjamin?
Para mas makilala ang pagkatao ni Haring Benjamin, basahin ang Mosias 2:11–15 at tukuyin ang mga pariralang nagpapakita na nakatuon si Haring Benjamin sa kabutihan at paglilingkod sa halip na sa katayuan o pagkilala.
Pagkatapos ay pag-isipang mabuti ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Howard W. Hunter: “Huwag pakaisipin ang magiging posisyon ninyo. Naaalala ba ninyo ang payo ng Tagapagligtas tungkol sa mga taong naghahangad ng ‘pangulong dako’ o ‘pangulong luklukan’? ‘Ang pinakadakila sa inyo ay magiging lingkod ninyo’ (Mat. 23:6, 11.) Importante ring mapahalagahan. Ngunit ang dapat nating pagtuunan ay ang kabutihan, at hindi ang pagkilala; ang paglilingkod, at hindi ang posisyon” (“To the Women of the Church,” Ensign, Nob. 1992, 96).
Pag-aralan ang Mosias 2:16–17, at markahan ang alituntuning matututuhan natin tungkol sa paglilingkod mula kay Haring Benjamin: Kapag pinaglilingkuran natin ang ating kapwa-tao, pinaglilingkuran natin ang Diyos. (Ang Mosias 2:17 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
Mag-isip ng isang pangyayari na pinagpala ng isang tao ang buhay mo dahil pinaglingkuran ka niya. Paano mo naipakita (o maipapakita) ang pasasalamat mo sa Diyos para sa taong naglingkod sa iyo at sa Diyos sa kabutihan? Paano mo naipakita ang pasasalamat mo sa taong iyon?
Matapos ituro sa mga tao na kailangang paglingkuran nila ang ibang tao, itinuro ni Haring Benjamin na maraming paraan na pinagpapala tayo ng Diyos at kailangan natin Siyang pasalamatan.
-
Sa iyong pag-aaral ng Mosias 2:19–24, 34, isipin ang maraming paraan na mapagpapala ka ng Diyos. Isipin kung paano mo maipapakita na nagpapasalamat ka sa Kanya. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Bakit tinukoy ni Haring Benjamin ang sarili, kanyang mga tao, at tayo na “hindi kapaki-pakinabang na mga tagapaglingkod”?
-
Bakit mahalagang tandaan ang pagkakautang natin sa Diyos?
-
Itinuro sa atin ng mga salita ni Haring Benjamin na kapag nadarama nating may pagkakautang tayo sa Diyos, gusto nating paglingkuran ang iba at nadaragdagan ang pasasalamat natin.
Sa Mosias 2:34, itinuro ni Haring Benjamin na dapat nating “ibigay” sa Diyos ang lahat ng mayroon tayo at ang ating sarili. Isipin kung paano mo maibibigay sa Diyos ang lahat ng mayroon ka at ang sarili mo. Tandaan na kapag sinusunod mo ang mga kautusan ng Diyos at nagbibigay ka ng matapat na paglilingkod, pagpapalain ka Niya dahil dito.
Ang mga huling talata ng Mosias 2 ay naglalaman ng mahahalagang babala mula kay Haring Benjamin para sa kanyang mga tao. Nakakita ka na ba ng karatula na nagsasabi sa iyo na “mag-ingat ka”? (Halimbawa, maaari mong mabasa sa karatula ang babala na mag-ingat sa mga kable na may mataas na boltahe ng kuryente, bumabagsak na mga bato, mababangis na hayop, o malakas na agos ng tubig.) Basahin ang Mosias 2:32–33, 36–38 para malaman ang babalang ibinigay ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao. (Ang ibig sabihin ng salitang kapighatian sa talata 33 ay “lungkot at paghihirap.”) Sumulat ng pangungusap na nagpapaliwanag kung ano ang mangyayari sa mga taong “hayagang naghihimagsik laban sa Diyos” (talata 37) o sadyang lumalabag sa mga kautusan ng Diyos.
Basahin ang sumusunod na pahayag: “Ang ilang tao ay sadyang lumalabag sa mga utos ng Diyos at pinaplanong magsisi na lang kalaunan, halimbawa ay kapag bago sila pumunta sa templo o magmisyon. Ang gayong sadyang paglabag ay paghamak sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 28–29).
Ipinaliwanag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na mahalagang maramdaman natin kung lumalayo na ba tayo sa Espiritu:
“Dapat sikapin … nating malaman kung ‘inilalayo [natin] ang sarili sa Espiritu ng Panginoon …’ (Mosias 2:36). …
“Malinaw ang pamantayan. Kung may iniisip, nakikita, naririnig, o ginagawa tayong bagay na naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, dapat tayong tumigil sa pag-iisip, pagtingin, pakikinig, o paggawa sa bagay na iyon. Kung ang layon ng isang bagay ay makalibang, halimbawa, naglalayo sa atin sa Espiritu Santo, walang dudang hindi para sa atin ang libangang iyon. Dahil hindi nananatili ang Espiritu sa bagay na malaswa, lapastangan, o mahalay, malinaw na hindi para sa atin ang mga bagay na yaon. Dahil itinataboy natin ang Espiritu ng Panginoon kapag ginagawa natin ang mga aktibidad na alam nating dapat iwasan, at dahil dito’y talagang hindi para sa atin ang mga bagay na iyon” (“Nang sa Tuwina ay Mapasaatin ang Kanyang Espiritu,” Ensign o Liahona, Mayo 2006, 30).
Isipin ang mga nawawala sa mga tao—na hindi nila namamalayan kung minsan—kapag lumalayo sila sa Espiritu. Basahin ang Mosias 2:40–41, at tukuyin ang gusto ni Haring Benjamin na isaalang-alang at matandaan natin.
-
Sa iyong scripture study journal:
-
Isulat ang ilang karanasan na nagturo sa iyo na kung susunod ka sa Panginoon, ikaw ay pagpapalain sa temporal at espirituwal.
-
Pumili ng isang aspeto sa buhay mo na gusto mong maging mas masunurin pa sa mga kautusan ng Diyos. Sumulat ng mithiing magpakabuti pa sa aspetong iyan.
-
Scripture Mastery—Mosias 2:17
Basahin ang Mateo 22:36–40; 25:40; at Mosias 2:17. Gumawa ng scripture list, chain, o cluster sa pamamagitan ng pag-cross-reference o pag-ugnay-ugnay ng mga banal na kasulatang ito. Sa ganitong pamamaraan ng pag-aaral ng mga banal na kasulatan mas magiging madaling maunawaan ang mga kahulugan at mapapalawak ang kaalaman.
Ipaliwanag ang mga pagkakaugnay ng mga scripture passage na pinagsama-sama mo.
Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong:
-
Kailan mo nadama na pinaglilingkuran mo ang Diyos sa pamamagitan ng paglilingkod sa iba?
-
Ano ang magagawa mo para sa isang kakilala na gagawin din ng Tagapagligtas kung naririto Siya?
-
Pagkatapos mong maisaulo ang Mosias 2:17, isulat ito nang walang kopya sa iyong scripture study journal.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mga Salita ni Mormon–Mosias 2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: