Unit 8: Day 3
2 Nephi 29–30
Pambungad
Ang mensahe ni Nephi tungkol sa kagila-gilalas na gawain ng Panunumbalik ng ebanghelyo ay nagpatuloy sa 2 Nephi 29–30. Nagpatotoo siya na sa mga huling araw lahat ng banal na kasulatan ay sama-samang ipapakita sa mga bansa, lahi, wika, at tao na naaalala ng Panginoon ang Kanyang mga anak. Ang mga talaang ito ay saksi at patotoo na si Jesucristo ang ating Tagapagligtas. Nagpropesiya si Nephi na marami ang hindi tatanggap sa Aklat ni Mormon ngunit ang mga maniniwala ay matitipon sa Simbahan. Bukod pa riyan, itinuro ni Nephi na ang mga pinagtipanang tao ng Diyos ay ang mga taong nagsisisi at naniniwala sa Anak ng Diyos.
2 Nephi 29:1–14
Sinabi ng Panginoon kay Nephi na sa mga huling araw, maraming tao ang hindi tatanggap sa Aklat ni Mormon
Nakita ni Nephi na maraming tao sa mga huling araw ang maniniwala na ang Biblia lamang ang banal na kasulatan na inihayag ng Diyos at hindi nila tatanggapin ang aklat ni Mormon. Ano ang isasagot mo kapag itinanong ito sa iyo ng kaibigan mo, “Bakit may iba pang Biblia ang mga Mormon?”
May mga ibinigay na sagot si Nephi sa tanong na ito mula sa itinala niya na mga salita ng Panginoon tungkol sa mahalagang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, na tinawag ng Panginoon na “isang kagila-gilalas na gawain” (2 Nephi 29:1). Basahin ang 2 Nephi 29:1–2, at alamin ang gagawin ng mga salita ng Panginoon sa mga huling araw. (Ang mga ito ay “magpapatuloy” sa mga binhi, o mga inapo ni Nephi at ang mga ito rin ay “titimo hanggang sa mga dulo ng mundo.”)
Ang salitang sagisag sa 2 Nephi 29:2 ay tumutukoy sa isang bagay na ginagamit para tipunin at pag-isahin ang mga tao. Ang mga bandila ay tinatawag na mga sagisag. Ayon sa 2 Nephi 29:2, ano ang sagisag na lalaganap “hanggang sa mga dulo ng mundo” upang tipunin ang mga tao ng Panginoon? (Maaari mong isulat ang mga salitang tulad ng Ang Aklat ni Mormon—ang mga salita ng mga binhi at inapo ni Nephi. sa tabi ng 2 Nephi 29:2.)
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung ano, ayon sa 2 Nephi 29:1–2, ang layunin ng Panginoon sa pagbigay ng karagdagang banal na kasulatang tulad ng Aklat ni Mormon.
Ibinahagi ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod na kaalaman tungkol sa Aklat ni Mormon: “Ang Aklat ni Mormon ay ang pinakamatinding pagpapahayag ng pakikipagtipan ng Diyos at pagmamahal sa kanyang mga anak sa lupa” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 4).
Sa 2 Nephi 29 ang salitang Gentil ay tumutukoy sa mga tao na hindi kabilang sa sambahayan ni Israel. Ang salitang Judio ay tumutukoy sa mga tao na kabilang sa sambahayan ni Israel, kasama na riyan ang pamilya at mga inapo ni Lehi. Basahin ang 2 Nephi 29:3–6, at alamin ang itutugon ng ilang Gentil sa karagdagang banal na kasulatan. Isulat sa patlang ang iyong mga sagot sa mga sumusunod na tanong.
Ano ang itutugon ng ilang tao sa karagdagang banal na kasulatan?
Ano ang sinabi ng Panginoon sa mga taong tumugon nang ganoon?
Malinaw na nailarawan ni Nephi ang itutugon ng mga tao sa Aklat ni Mormon. Pinagdududahan ng mga tao ngayon ang Aklat ni Mormon dahil may Biblia na sila. Markahan ang mga salita o parirala sa 2 Nephi 29:7–11 na naglalahad ng mga layunin ng Panginoon sa pagbibigay ng karagdagang banal na kasulatan. Pag-isipan kung paano mo maipapaliwanag ang mga layuning ito sa isang tao na hindi nauunawaan ang pangangailangan o halaga ng pagtanggap ng dagdag na paghahayag mula sa Diyos.
-
Gamit ang minarkahan mo sa 2 Nephi 29:7–11, isulat sa iyong scripture study journal ang sagot sa tanong na ibinigay sa simula ng lesson na ito: “Bakit may iba pang Biblia ang mga Mormon?”
Nagbigay ang Panginoon ng mga banal na kasulatan bilang pangalawang saksi at upang tipunin ang mga tao sa Kanyang tipan. Basahin ang 2 Nephi 29:13–14, at alamin ang magiging mga pagpapala kapag ang mga banal na kasulatan—ang “mga salita ng mga Nephita” (ang Aklat ni Mormon), ang “mga salita ng mga Judio” (ang Biblia), at ang “mga salita ng mga nawalang lipi ni Israel”—ay nasa mga tao.
2 Nephi 30:1–8
Ipinropesiya ni Nephi ang mahalagang bahagi ng Aklat ni Mormon sa mga huling araw
Matapos ituro na aalalahanin ng Diyos ang sambahayan ni Israel, binalaan ni Nephi ang kanyang mga tao na huwag isiping mas mabubuti sila kaysa sa mga Gentil. Ipinaalala rin niya sa kanila na lahat ng tao ay maaaring maging mga pinagtipanang tao ng Diyos. Basahin ang 2 Nephi 30:2, at isulat sa patlang sa ibaba ang dalawang bagay na kailangang gawin ng mga tao bago makipagtipan sa kanila ang Panginoon.
Maglaan ng ilang sandali at pag-isipan ang epekto ng Aklat ni Mormon sa iyo o sa taong malapit sa iyo. Pagkatapos ay basahin ang 2 Nephi 30:3–8, at kumpletuhin ang sumusunod na aktibidad ng mga pariralang naglalarawan sa impluwensya ng Aklat ni Mormon sa mga tumatanggap nito.
Mga Pangkat ng mga Tao |
Ang Impluwensya ng Aklat ni Mormon |
---|---|
Mga inapo ni Lehi (2 Nephi 30:3–6) | |
Mga Judio (2 Nephi 30:7) | |
Mga Gentil, o lahat ng bansa (2 Nephi 30:8) |
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan at markahan ang mga dahilan kung bakit makapangyarihang kasangkapan ang Aklat ni Mormon sa gawaing misyonero:
“Ang aklat ni Mormon ay nasa sentro ng gawaing misyonero mula nang ipanumbalik ang ebanghelyo sa pamamagitan ni Propetang Propetang Joseph Smith. Ginagamit natin ito araw-araw sa gawaing misyonero. Ang isang katotohanan tungkol sa pagiging makapangyarihan ng Aklat ni Mormon sa bawat aspeto ng gawaing misyonero ay ito: ang Aklat ni Mormon ay isa pang tipan ni Jesucristo. Sinasabi iyan sa atin ng pahina ng pamagat. Sinasabi rito na ang layunin ng aklat ay ipakita ang mga dakilang bagay na ginawa ng Panginoon para sa Kanyang mga tao, para tulungan silang malaman na ang mga tipang ginawa ng Panginoon sa Kanyang mga tao ay nananatili pa rin hanggang ngayon, at upang hikayatin ang lahat ng tao na si Jesus ang Cristo” (“Why the Book of Mormon?” New Era, Mayo 2008, 6, 8).
Sa pag-aaral natin ng 2 Nephi 30:1–8 makikita natin na ang Aklat ni Mormon ay makatutulong sa lahat ng tao na makilala si Jesucristo at ipamuhay ang Kanyang ebanghelyo.
-
Pumili ng isa sa mga sumusunod na tanong na sasagutin mo sa iyong scripture study journal:
-
Paano ka natulungan ng Aklat ni Mormon na makilala ang Tagapagligtas?
-
Paano mo gagamitin ang Aklat ni Mormon para tulungan ang iba na makilala ang Tagapagligtas?
-
2 Nephi 30:9–18
Ipinropesiya ni Nephi ang mga kalagayan ng mundo sa panahon ng Milenyo
Basahin ang 2 Nephi 30:9–10, at alamin ang mangyayari sa mga tao sa milenyo—ang 1,000 taon ng kabutihan at kapayapaan kasunod ng Ikalawang Pagparito ng Tagapagligtas, kung kailan “maghahari si Cristo sa mundo” (Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Paano ka nakakita ng “malaking paghahati” (2 Nephi 30:10) na naghihiwalay sa mabubuti at masasama? Ano ang mangyayari sa masasama sa bandang huli?
Basahin ang 2 Nephi 30:12–18, at alamin ang magiging kalagayan ng mundo sa panahon ng Milenyo.
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang ulo ng balita o headline (highlight o maikling buod) na naglalarawan sa pinakaaasam mong mangyayari sa panahon ng milenyo. Matapos kang sumulat ng ulo ng balita o headline, ipaliwanag kung bakit ipinapahiwatig ng balitang iyan ang kapayapaang mangingibabaw sa mundo sa panahon ng Milenyo.
Isipin ang malamang na mangyayari kapag si Satanas ay wala nang kapangyarihan sa mga puso ng mga tao sa Milenyo, at kabutihan at kapayapaan na ang mangingibabaw. Pag-isipan kung paano maiiba ang iyong paaralan o komunidad kung mangingibabaw ngayon ang mga kalagayang iyon.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang magagawa mo para matulungan ang sarili, ang iyong pamilya, at ang iba na maghanda para sa panahong ito ng kapayapaan at kabutihan.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano Darating ang mga Karagdagang Talaan ng mga Banal na Kasulatan?
Ipinahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang mga talaang binanggit sa 2 Nephi 29:12–14 ay “lalabas sa kagila-gilalas na paraan, sa pamamahala ng pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw, na siyang tagapaghayag at tagapagsalin at may hawak ng mga susi ng kaharian ng Diyos” (The Millennial Messiah [1982], 217). Alam natin na dinalaw ng Tagapagligtas ang ilan sa mga nawawalang lipi ni Israel matapos ang Kanyang Pagkabuhay na Mag-uli at pagdalaw sa mga Nephita at alam natin na sila ay magsusulat din ng tala ng Kanyang ministeryo sa kanila matapos ang Kanyang pagkabuhay na mag-uli (tingnan sa 3 Nephi 16:1–3; 17:4).
Kailan Magsisimulang “Maniwala ang mga Judio kay Jesucristo”?
Tinalakay rin ni Elder Bruce R. McConkie ang ipinropesiyang pagbabalik-loob ng mga Judio:
“‘At ito ay mangyayari na ang mga Judio na nakakalat ay magsisimula ring maniwala kay Cristo; at magsisimula silang magtipon sa ibabaw ng lupain.’ (2 Ne. 30:7.) Halos lahat ng pagkapoot ng mga Judio kay Cristo ay napawi na; marami na ngayon ang tumatanggap sa kanya bilang dakilang Rabbi, bagama’t hindi Anak ng Diyos. May ilang tumanggap na sa kanya nang lubusan, nagsisipunta sa totoong Simbahan kasama ang mga natipon sa mga nalabi sa lipi ni Ephraim at kanyang mga kasamahan.
“Ngunit ang matinding pagbabalik-loob ng mga Judio, ang pagbalik nila sa katotohanan bilang isang bansa, ay nakatakdang maganap kasunod ng Ikalawang Pagparito ng kanilang Mesiyas. Ang mga mabubuhay pa hanggang sa panahong iyon, sa kanilang paghihirap at pagdadalamhati, ay magtatanong: ‘Ano itong mga sugat sa iyong mga kamay at sa iyong mga paa? Pagkatapos ay malalaman nila na ako ang Panginoon; sapagkat sasabihin ko sa kanila: Ang mga sugat na ito ang mga naging sugat ko sa bahay ng aking mga kaibigan. Ako ang siyang itinaas. Ako si Jesus na ipinako sa krus. Ako ang Anak ng Diyos.’ (D at T 45:51–52; Zac. 12:8–14; 13:6.)” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 722–23).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 29–30 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: