Seminary
Unit 1: Day 3, Pahina ng Pamagat, Pambungad, at Mga Patotoo ng mga Saksi


Unit 1: Day 3

Pahina ng Pamagat, Pambungad, at Mga Patotoo ng mga Saksi

Pambungad

Kunwari ay may kaibigan kang nagtanong sa iyo kung bakit kailangan pa ng mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang Aklat ni Mormon kung mayroon na tayong Biblia. (Maaaring nangyari na ito sa iyo!) Ano ang sasabihin mo sa iyong kaibigan?

Ang Aklat ni Mormon ay nagsisimula sa pahina ng pamagat at pambungad na ipinapaliwanag ang layunin ng banal na aklat na ito, gayon din ang magiging epekto nito sa ating patotoo at ugnayan sa Diyos. Naglalaman din ang mga unang pahina ng Aklat ni Mormon ng mga patotoo ng mga saksi na nakakita sa mga laminang ginto na siyang isinalin para maging Aklat ni Mormon at nagpatotoo na galing ito sa Diyos.

Habang tinatapos mo ang lesson na ito, isipin kung paano mo magagawang makinabang nang husto sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon ngayong taon at kung paano makatutulong sa iyo ang Aklat ni Mormon na magkaroon ng mas matibay na patotoo kay Jesucristo at sa Kanyang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Ang Pahina ng Pamagat

Si Joseph Smith at ang mga lamina

Ipinaliwanag ni Propetang Joseph Smith na ang sinaunang propetang si Moroni ang naglagay ng pahina ng pamagat ng Aklat ni Mormon sa laminang ginto: “Ang pamagat ng Aklat ni Mormon ay literal na pagkakasalin, na kinuha mula sa pinakahuling pahina, sa kaliwang bahagi ng koleksyon o aklat ng mga lamina, na naglalaman ng talaang naisalin, … at ang nabanggit na pahina ng pamagat na iyon sa anumang paraan ay hindi isang makabagong komposisyon, hindi sa akin o sa sinumang iba pang taong nabuhay o nabubuhay sa henerasyong ito” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 72).

Habang binabasa mo ang unang talata sa pahina ng pamagat, hanapin ang mga salita at parirala na ginamit ni Moroni para magpatotoo kung paano pinatnubayan ng Panginoon ang paglabas ng Aklat ni Mormon.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung bakit mahalaga para sa iyo na malaman kung gaano pinatnubayan ng Panginoon ang pagsusulat at pagsasalin ng Aklat ni Mormon.

Habang binabasa mo ang pangalawang talata sa pahina ng pamagat, alamin kung ano ang sinabi ni Moroni na tatlong pangunahing layunin ng pagsulat ng Aklat ni Mormon. (Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan.) Ang “sambahayan ni Israel” ay tumutukoy sa mga inapo ni Jacob at gayon din sa mga nakipagtipang miyembro ng simbahan ng Panginoon (tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Israel”). Bukod dito, ang pariralang “Judio at Gentil” ay tumutukoy sa lahat ng anak ng Ama sa Langit. Sa pangalawang talata, gawing personal ang mensahe ng pahina ng pamagat sa pamamagitan ng pagpapalit ng iyong pangalan sa “mga labi ng sambahayan ni Israel” at sa “Judio at Gentil.”

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano nakatulong sa iyo ang pag-alam sa mga layunin ng Aklat ni Mormon para maunawaan ang kahalagahan nito.

Ipinahayag ni Pangulong Ezra Taft Benson ang sumusunod tungkol sa “pangunahing misyon” o layunin ng Aklat ni Mormon:

“Ang pangunahing misyon ng Aklat ni Mormon, tulad ng nakatala sa pahina ng pamagat nito, ay ‘sa ikahihikayat ng mga Judio at Gentil na si Jesus ang Cristo, ang Diyos na Walang Hanggan, nagpapatunay ng kanyang sarili sa lahat ng bansa.’

“Magkakaroon ng patotoo ang taong tapat na naghahanap ng katotohanan na si Jesus ang Cristo kapag mapanalangin niyang pinagnilayan ang mga inspiradong salita ng Aklat ni Mormon.

“Mahigit kalahati ng lahat ng mga talata sa Aklat ni Mormon ay patungkol sa ating Panginoon. Ang ilang anyo ng pangalan ni Cristo ay binanggit nang mas madalas sa bawat talata sa Aklat ni Mormon kaysa sa Bagong Tipan” (“Come unto Christ,” Ensign, Nob. 1987, 83).

Tulad ng ipinahahayag sa pahina ng pamagat nito, ang Aklat ni Mormon ay saksi at nagpapatotoo na si Jesus ang Cristo. Habang pinag-aaralan mo ang Aklat ni Mormon ngayong taon, pagtuunan ang mga natutuhan mo tungkol kay Jesucristo at manalangin at hilingin sa Ama sa Langit na pagtibayin ang mga natutuhan mo sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Espiritu Santo.

Ang Pambungad ng Aklat ni Mormon

Naisip mo na ba kung bakit hindi gumuguho ang arko ng isang tulay o ng isang gusali kahit wala itong suporta sa ilalim? Sa pagtatayo ng isang arko, itinatayo ang magkabilang dulo nang may suporta para hindi ito gumuho. Pagkatapos ay maingat na sinusukat ang espasyo sa itaas ng arko, at ang isang bato, na tinatawag na “saligang bato,” ay pinuputol para magkasya nang eksakto rito. Kapag nailagay na ang saligang bato, makatatayo na ang arko nang walang suporta. Isipin mo kung ano ang mangyayari sa arko kung tatanggalin ang saligang bato.

arch

Buklatin ang pambungad ng Aklat ni Mormon at basahin ang ikaanim na talata, na nagsisimula sa “Hinggil sa talaang ito …” Habang binabasa mo ang talatang ito, alamin ang tatlong mahahalagang alituntunin na itinuro ni Propetang Joseph Smith hinggil sa Aklat ni Mormon.

Ipinaliwanag pa ni Pangulong Ezra Taft Benson kung paano naging saligang bato ng ating relihiyon ang Aklat ni Mormon. Habang binabasa mo ang paliwanag na ito, salungguhitan ang mga parirala o pahayag na makatutulong sa iyo na maipaliwanag sa iba ang pinakamahalagang ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa ating relihiyon.

“May tatlong paraan na ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng ating relihiyon. Ito ang saligang bato sa ating patotoo kay Cristo. Ito ang saligang bato ng ating doktrina. Ito ang saligang bato ng patotoo.

“Ang Aklat ni Mormon ang saligang bato sa ating patotoo kay Jesucristo, na Siyang mismong batong panulok ng lahat ng ginagawa natin. Nagpapatotoo ito nang may kapangyarihan at kalinawan na Siya ay buhay at totoo. …

“Ipinahayag mismo ng Panginoon na naglalaman ang Aklat ni Mormon ng ‘kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo’ (D at T 20:9). Hindi iyan nangangahulugang naglalaman ito ng lahat ng turo, at ng lahat ng doktrinang naipahayag. Sa halip, ang ibig sabihin nito ay makikita natin sa Aklat ni Mormon ang kabuuan ng mga doktrinang iyon na kailangan sa ating kaligtasan. At ang mga ito ay itinuturo nang malinaw at simple nang sa gayon ay matutuhan maging ng mga bata ang paraan ng kaligtasan at kadakilaan. …

“Higit sa lahat, ang Aklat ni Mormon ang saligang bato ng patotoo. Tulad ng arko na guguho kung aalisin ang saligang bato, gayon din ang buong Simbahan ay tatayo o babagsak ayon sa katotohanan ng Aklat ni Mormon. Nauunawaan itong mabuti ng mga kaaway ng Simbahan. Ito ang dahilan kung bakit ginagawa nila ang lahat ng makakaya nila para mapabulaanan ang Aklat ni Mormon, sapagkat kung mapapabulaanan ito, mapapabulaanan din si Propetang Joseph Smith. Mapapabulaanan din ang mga sinasabi natin tungkol sa mga susi ng priesthood, at paghahayag, at sa ipinanumbalik na Simbahan. Ngunit sa paraan ding ito, kung totoo ang Aklat ni Mormon—at milyuon-milyon na ngayon ang nagpapatotoo na pinatunayan sa kanila ng Espiritu na totoo nga ito—kung gayon kailangang tanggapin ng tao ang mga ipinahahayag ng Panunumbalik at lahat ng kaakibat nito” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 5–6).

  1. journal iconBasahin ang ikawalong talata ng pambungad ng Aklat ni Mormon, na nagsisimula sa “Inaanyayahan namin ang lahat ng tao sa lahat ng dako … ,” at tukuyin kung paano mo malalaman kung totoo ang Aklat ni Mormon. Matapos mong mabasa ang talatang ito, kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap sa iyong scripture study journal: Kapag nagbasa, nagnilay, at nagdasal tayo, ang Espiritu Santo ay …

Tulad ng pagsuporta ng saligang bato sa ibang mga bato sa arko, ang ating patotoo sa Aklat ni Mormon ay magpapalakas sa ating patotoo sa iba pang mahahalagang alituntunin ng ebanghelyo. Basahin ang ikasiyam na talata ng pambungad, na nagsisimula sa “Yaong mga magtatamo ng banal na patotoong ito … ,” at salungguhitan ang tatlong karagdagang katotohanan na mapapatotohanan mo kapag sinunod mo ang tagubilin sa ikawalong talata. Kapag binasa, pinagnilayan, at ipinagdasal natin ang Aklat ni Mormon, patutunayan ng Espiritu Santo na totoo ito, na si Jesus ang Cristo, na si Joseph Smith ay isang propeta ng Diyos, at Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ang kaharian ng Panginoon sa mundo.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung bakit tinawag na saligang bato ng ating relihiyon ang Aklat ni Mormon.

Ang mga Patotoo ng mga Saksi

Kunwari ay isa kang hukom na inaalam kung ano ang totoong nangyari sa isang alitan ng dalawang panig. Gaano kahalaga na may isang saksi sa nangyari? Gaano kahalaga na mayroong maraming saksi?

Oliver Cowdery

Oliver Cowdery

David Whitmer

David Whitmer

Martin Harris

Martin Harris

Ipinakita ng Panginoon sa ilang saksi ang laminang ginto na siyang isinalin ni Joseph Smith para maging Aklat ni Mormon. Basahin ang “Ang Patotoo ng Tatlong Saksi,” at markahan ang tatlo o apat na parirala na ginamit nila para patotohanan ang mga lamina at ang paglabas ng Aklat ni Mormon. Pagkatapos ay basahin ang “Ang Patotoo ng Walong Saksi.” Pansinin ang mga pagkakaiba sa mga naranasan ng dalawang grupo, tulad ng nakatala sa table sa ibaba.

Tatlong Saksi

Walong Saksi

  1. Ipinakita sa kanila ng isang anghel ang mga lamina, ang Urim at Tummim, ang baluti sa dibdib, ang Liahona, at ang espada ni Laban.

  1. Ipinakita sa kanila ni Joseph Smith ang mga lamina.

  1. Ang tinig ng Diyos ang nagpahayag ng kabanalan ng talaan.

  1. Nahawakan nila ang mga laminang ginto.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Bakit mahalaga na magkaroon ng iba pang mga saksi sa laminang ginto bukod kay Joseph Smith?

  2. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang iyong patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon, kay Joseph Smith, at sa ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo. Kung sa palagay mo ay wala ka pang sariling patotoo, isulat ang mga gagawin mo para magkaroon ka ng patotoo sa Aklat ni Mormon ngayong taon. Para mapalakas ang iyong patotoo, ibahagi ang iyong nadama tungkol sa isinulat mo sa isa sa iyong mga magulang o sa isa pang miyembro ng iyong pamilya o sa isang kaibigan.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang lesson na “Mga Pambungad na Materyal sa Aklat ni Mormon” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: