Seminary
Unit 26: Day 3, 3 Nephi 19


Unit 26: Day 3

3 Nephi 19

Pambungad

Ang mga pangyayaring nakatala sa 3 Nephi 11–18 ay naganap lahat sa isang araw. Sa pagtatapos ng araw na iyon, ang balita tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas at Kanyang pagbabalik sa kasunod na araw ay lumaganap sa mga tao, at sila ay “nagpagal nang labis sa buong magdamag na yaon, upang sa kinabukasan sila ay naroroon sa pook kung saan ipinakita ni Jesus ang sarili sa maraming tao” (3 Nephi 19:3). Kinaumagahan, nagturo ang labindalawang disipulo sa mga tao at nanalanging kasama nila. Pagkatapos ay bininyagan ni Nephi ang labindalawang disipulo, at natanggap nila ang Espiritu Santo at napaligiran ng mga anghel. Sa pangyayaring ito, nagpakita si Jesucristo at iniutos sa mga disipulo na manalangin, at Siya rin ay nanalangin sa Ama para sa mga tao. Dahil sa kanilang pananampalataya, ang mga disipulo ay napuspos ng Espiritu Santo. Sila ay nadalisay, at sila ay naging isa sa Ama at sa Anak.

3 Nephi 19:1–14

Ang labindalawang disipulo ay naglingkod sa mga tao tulad ng iniutos ng Tagapagligtas

Isipin kung ano ang maaaring maramdaman mo at kung ano ang maaari mong gawin kung alam mo na darating bukas si Jesucristo sa isang templo na may kalayuan mula sa inyo. Ano ang gagawin mo para makarating doon? Gusto mo bang magsama ng ibang tao roon? Ano ang gagawin mo para mapaghandaan ang karanasang ito?

Basahin ang 3 Nephi 19:1–3, at alamin kung ano ang ginawa ng mga Nephita nang mangako ang Tagapagligtas na babalik Siya kinabukasan. Pagkatapos magtipon ang mga tao, hinati ng labindalawang disipulo sa labindalawang grupo ang mga tao at nagsimulang magturo sa kanila. Iniutos nila sa mga tao na lumuhod at manalangin at itinuro sa kanila ang gayon ding mga katotohanan na itinuro ng Tagapagligtas noong nakaraang araw. (Tingnan sa 3 Nephi 19:4–7.)

  1. journal iconBasahin ang 3 Nephi 19:8–9, at sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano ang higit na ninanais ng mga disipulo? Mula sa iyong karanasan, bakit kanais-nais ang kaloob na Espiritu Santo?

    2. Pamamahalaan ng labindalawang disipulo ang mga gawain ng Simbahan sa lupain ng Amerika pagkaalis ng Tagapagligtas. Bakit kinakailangang nasa kanila ang Espiritu Santo na gagabay sa kanila?

Pagkatapos mong makumpleto ang iyong scripture study journal assignment, pag-isipan ang mga tanong na ito: Ano ang ilang bagay na higit mong ninanais kapag nagdarasal ka? Gaano kadalas mong ipinagdarasal na mapatnubayan ka ng Espiritu Santo?

Basahin ang 3 Nephi 19:10–12, at alamin ang ginawa ng mga disipulo pagkatapos nilang manalangin. Ang binyag na binanggit sa mga talata 10–12 ay pangalawang binyag na ng labindalawang disipulo. Maraming taon nang nakatatag ang Simbahan sa mga Nephita, at nabinyagan na noon ang mga kapatid na ito na mayhawak ng priesthood, bagama’t hindi nakatala ang una nilang binyag sa mga banal na kasulatan. Ang pangalawang binyag na ito ay natatanging pangyayari, tulad ng ipinaliwanag ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Iniutos ng Tagapagligtas kay Nephi at sa mga tao na magpabinyag muli, sapagkat muli niyang inorganisa ang Simbahan sa ilalim ng ebanghelyo. Ang Simbahan ay inorganisa noon sa ilalim ng batas [ni Moises]” (Doctrines of Salvation, ed. Bruce R. McConkie, 3 tomo [1954–56], 2:336).

Alalahanin na ang mga disipulo at iba pang mga Nephita ay karapat-dapat sa harapan ng Tagapagligtas. Basahin ang 3 Nephi 19:13, at alamin ang ipinagkaloob sa labindalawang disipulo dahil sa kanilang mabubuting naisin.

  1. journal iconItala sa iyong scripture study journal ang mga pagpapalang dumarating sa buhay ng isang tao na may kaloob na Espiritu Santo at namumuhay nang karapat-dapat para dito. Pagkatapos ay ikumpara ang inilista mo sa sumusunod na pahayag ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, at idagdag sa iyong listahan ang anumang bagong ideya na makita mo:

    Elder Robert D. Hales

    “Ibinibigay sa atin ng Espiritu Santo ang lakas at tapang na pangasiwaan ang ating sarili sa pamamaraan ng kaharian ng Diyos at siyang pinagmumulan ng ating patotoo sa Ama at sa Anak. …

    “Kailangan natin ang Espiritu Santo bilang ating kasama sa tuwina upang tulungan tayong makapili nang mas mabuti sa mga pagpapasiyang kinakaharap natin araw-araw. Patuloy na napapaharap ang ating mga kabataang lalaki at babae sa di magagandang bagay ng daigdig. Ang patnubay ng Espiritu ay magbibigay ng lakas sa kanila na labanan ang kasamaan, at kung kinakailangan, ang pagsisisi at pagbalik sa makipot at makitid na landas. Walang isa man sa atin ang hindi tatablan ng mga panunukso ng kaaway. Kailangan nating lahat ang pagpapatibay na maibibigay ng Espiritu Santo. … Nakatutulong sa mga miyembro ng mag-anak ang kaloob na Espiritu Santo sa pagpili ng tama—mga pagpili na tutulong sa kanila na makabalik kasama ang kanilang mag-anak sa kanilang Ama sa Langit at sa Kanyang Anak na si Jesucristo upang makasama Sila magpasawalang-hanggan” (“Ang Tipan ng Pagbibinyag: Ang Maging nasa Kaharian at para sa Kaharian,” Ensign, Nob. 2000, 8).

Ayon sa iyong pag-aaral ng 3 Nephi 19:1–14, pag-isipan ang pagpapalang pinakanais mo sa iyong buhay at bakit gusto mo ito.

Kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin batay sa 3 Nephi 19:9, 13: Sa pamamagitan ng matinding pagnanais at taimtim panalangin, maaari tayong maging .

3 Nephi 19:14–36

Ang Tagapagligtas ay nagpakita at nanalangin para madalisay ang mga tao sa pamamagitan ng kanilang pananampalataya

Nanalangin si Jesus Kasama ang mga Nephita

Basahin ang 3 Nephi 19:14–16 para malaman ang nangyari matapos mabinyagan at mapuspos ng Espiritu Santo ang labindalawang disipulo.

Nang makaluhod na ang mga disipulo at mga tao, iniutos ng Tagapagligtas sa Kanyang labindalawang disipulo na manalangin. Basahin ang ulat tungkol sa kanilang panalangin sa 3 Nephi 19:17–18, 24–26, 30. Ito lamang ang pangyayaring nakatala sa banal na kasulatan kung saan nanalangin nang direkta ang mga tao kay Jesucristo. Sa ating mga panalangin, tayo ay nananalangin sa Diyos Ama sa pangalan ng Kanyang Anak na si Jesucristo. Walang ibang lugar sa banal na kasulatan kung saan itinuro sa atin na manalangin kay Jesus.

Nagmungkahi si Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ng isang dahilan kung bakit ang mga disipulo ay nanalangin kay Jesus sa kakaibang sitwasyong ito: “Naituro na sa kanila ni Jesus ang pananalangin sa Ama sa kanyang pangalan, na una na nilang ginawa [tingnan sa 3 Nephi 19:8–9]. … Ngunit sa pagkakataong ito ‘sila ay nanalangin kay Jesus, tinatawag siya na kanilang Panginoon at kanilang Diyos.’[3 Nephi 19:18.] Nasa harapan nila si Jesus bilang simbolo ng Ama. Sa pagkakita sa kanya, tila nakita na rin nila ang Ama; sa pagdarasal sa kanya, tila nanalangin na rin sila sa Ama. Ito ay isang espesyal at kakaibang sitwasyon” (The Promised Messiah: The First Coming of Christ [1978], 560–61). Sinabi mismo ng Tagapagligtas, “Sila ay nananalangin sa akin sapagkat ako ay kasama nila” (3 Nephi 19:22).

  1. journal iconHabang nakaluhod ang mga tao, nakita nila na nag-alay ng tatlong magkakaibang panalangin si Jesucristo para sa Kanyang mga disipulo at sa kanila. Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal. Basahin ang mga naka-assign na scripture reference at kumpletuhin ang chart.

Scripture passage

Ano ang ipinagdasal ng Tagapagligtas?

Paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo sa panalangin ng Tagapagligtas?

3 Nephi 19:19–23

3 Nephi 19:27–29

3 Nephi 19:31–34

Basahin ang 3 Nephi 19:24. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “hindi nagparami ng mga salita”? Hinggil sa mga panalangin kung saan ang mga salita ay ibinibigay sa atin para malaman natin ang nararapat na ipanalangin, itinuro ni Elder Bruce R. McConkie, “Ang perpektong panalangin ay yaong binigyang-inspirasyon, kung saan inihahayag ng Espiritu ang mga salitang dapat gamitin” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 586).

Upang matulungan ka na mas maunawaan ang ilan sa mga alituntuning itinuro ng Tagapagligtas sa Kanyang mga panalangin, basahing mabuti ang 3 Nephi 19:28 at markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng alituntuning ito: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo, tayo ay madadalisay. Pag-isipang mabuti kung paano nanampalataya ang mga disipulo sa buong pangyayaring nakatala sa 3 Nephi 19. Bunga ng kanilang pananampalataya, ang mga disipulo ay napuspos ng Espiritu Santo (tingnan sa 3 Nephi 19:13), at ang pagtanggap ng Espiritu Santo ay kinakailangan upang madalisay.

Pangulong Marion G. Romney

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan, at alamin kung ano ang ibig sabihin ng madalisay: “‘Pagkatapos darating ang binyag ng apoy at ng Espiritu Santo.’ [2 Nephi 31:13.] Ang binyag ng apoy at ng espiritu Santo na binanggit dito ni Nephi ay nakaimpluwensya sa malaking pagbabago ng puso ng mga tao na tinukoy ni Alma [tingnan sa Alma 5:14]. Binago sila nito, mula sa pagiging makamundo, sila ay naging espirituwal. Nililinis nito, pinagagaling at ginagawang dalisay ang kaluluwa. … Ang pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, at binyag sa tubig ay simula lamang at kinakailangan dito, ngunit [ang binyag ng apoy] ang katuparan. Upang matanggap ang [binyag na ito ng apoy] ang isang tao ay dapat mahugasan sa kanyang mga kasalanan sa pamamagitan ng nagbabayad-salang dugo ni Jesucristo” (Learning for the Eternities, comp. George J. Romney [1977], 133).

  1. journal iconPag-isipang mabuti ang ibig sabihin ng madalisay, at sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakatutulong ang pagsampalataya kay Jesucristo para maging dalisay at malinis tayo?

Nag-alay ng dakilang panalangin si Jesus sa gabi bago ang Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo na katulad na katulad ng mga panalanging inialay Niya sa mga Nephita sa pangalawang araw ng Kanyang pagbisita sa kanila. Basahin ang 3 Nephi 19:23, 29 at Juan 17:9, 11, 21–22. Markahan ang pariralang “upang tayo ay maging isa.” Isiping mabuti kung paano naging isa si Jesucristo, at ang Ama. Ano ang natutuhan natin mula sa mga talatang ito tungkol sa paraan kung paano tayo magiging isa kay Jesucristo?

Elder D. Todd Christofferson

Isa sa mga alituntunin na itinuro sa mga talatang ito ay: Sa pamamagitan ng pananampalataya tayo ay madadalisay at magiging isa kay Jesucristo, tulad Niya na isa sa Ama. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa paraan kung paano tayo magiging isa sa Ama at sa Anak: “Tiyak kong hindi tayo magiging kaisa ng Diyos at ni Cristo hangga’t hindi natin pakahangarin ang Kanilang kalooban at hangarin. Ang gayong pagpapakumbaba ay hindi matatamo sa isang araw, ngunit sa pamamagitan ng Banal na Espiritu, tuturuan tayo ng Panginoon kung nais natin hanggang, sa pagdaan ng panahon, maging angkop na sabihing Siya ay sa atin tulad ng ang Ama ay nasa Kanya. Kung minsa’y takot akong isipin ang mga kakailanganin, ngunit alam kong tanging sa ganap na pagkakaisang ito lang masusumpungan ang lubos na kagalakan” (“Upang Sila ay Maging Isa sa Atin,” Liahona, Nob. 2002, 73).

Tapusin ang pag-aaral sa araw na ito na binabasa at pinag-iisipang mabuti ang 3 Nephi 19:35–36.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 19 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: