Seminary
Mga Salita ni Mormon


Pambungad sa Ang Mga Salita ni Mormon

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Sa pag-aaral ng Mga Salita ni Mormon, madaragdagan ang pananampalataya mo na “nalalaman ng Panginoon ang lahat ng bagay” (Mga Salita ni Mormon 1:7) at ginagabayan Niya ang Kanyang mga tagapaglingkod upang maisakatuparan ang Kanyang mga layunin. Bilang isang talang pangkasaysayan, ang aklat ay nagdurugtong sa maliliit na lamina ni Nephi (1 Nephi–Omni) at sa pinaikling tala ni Mormon ng malalaking lamina ni Nephi (Mosias–4 Nephi). Ang Mga Salita ni Mormon ay makatutulong sa iyo na mas maunawaan kung aling mga talaan ang pinaikli ni Mormon habang tinitipon niya ang Aklat ni Mormon. Ipinaaalam din nito sa iyo ang pananampalataya at mabubuting nagawa ni Haring Benjamin.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Si Mormon ang sumulat ng aklat na ito. Siya ay propeta, tagapag-ingat ng talaan, at tagapagpaikli at tagatipon ng karamihan sa mga tala sa Aklat ni Mormon. Ang Aklat ni Mormon ay ipinangalan sa kanya. Isa rin siyang heneral sa hukbo ng mga Nephita at mabuting ama. Anak niya ang propetang si Moroni.

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Isinulat ni Mormon ang aklat na ito noong mga A.D. 385, matapos na “nasaksihan ang halos buong pagkalipol ng [kanyang] mga tao, ang mga Nephita” (Mga Salita ni Mormon 1:1). Hindi itinala ni Mormon kung nasaan siya nang isinulat niya ang aklat na ito.