Seminary
Unit 9: Day 1, 2 Nephi 32


Unit 9: Day 1

2 Nephi 32

Pambungad

Matapos ituro ang tungkol sa “makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan” (2 Nephi 31:18), nakita ni Nephi na pinag-iisipan ng mga tao niya kung ano ang dapat nilang gawin matapos simulang tumahak sa landas na iyon. Sinagot niya ang kanilang mga tanong sa pamamagitan ng paghikayat sa kanila na “magpakabusog … sa mga salita ni Cristo” at “laging manalangin” (2 Nephi 32:3, 9). Tiniyak niya sa kanila na kung gagawin nila ang mga bagay na ito, tutulungan sila ng Espiritu Santo na malaman ang dapat nilang gawin.

2 Nephi 32:1–7

Pinayuhan tayo ni Nephi na hangaring mapatnubayan ng mga salita ni Jesucristo

Isipin ang pagkakataon na may nagbigay sa iyo ng direksyon sa pagpunta sa iba’t ibang lugar. Madali ba o mahirap intindihin ang mga direksyong iyon? Bakit mahalaga na may magbigay ng malinaw na direksyon?

Sa mga naunang lesson pinag-aralan mo ang ilang direksyong ibinigay ni Nephi sa kanyang mga tao. Matapos sabihin ang mga direksyong ito, sinabi niya, “Ito ang daan” (2 Nephi 31:21). Mabilis na basahin ang 2 Nephi 31:17–18, at rebyuhin kung paano nagsisimula ang isang tao sa landas tungo sa buhay na walang hanggan. Pagkatapos ay basahin ang 2 Nephi 32:1, at alamin ang tanong na nasasaloob ng mga tao tungkol sa itinuro sa kanila ni Nephi. Ilahad ang tanong ng mga tao sa iyong sariling mga salita:

Basahin ang 2 Nephi 32:2–3, at alamin ang sinabi ni Nephi na kailangan nating gawin matapos tayong pumasok sa landas. Maaaring makatulong na malaman na ang pagsasalita sa wika ng mga anghel, ayon kay Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol ay, “nangangahulugan lang na makapagsasalita kayo sa kapangyarihan ng Espiritu Santo” (“Ang Kaloob na Espiritu Santo: Ang Dapat Malaman ng Bawat Miyembro” Liahona, Ago. 2006, 18).

Maaari mong markahan ang pariralang “magpakabusog kayo sa mga salita ni Cristo” sa 2 Nephi 32:3 (ang talatang ito ay isang scripture mastery passage). Ginamit ni Nephi ang pariralang “mga salita ni Cristo” para ilarawan ang mga turong binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo. Maglista ng ilang paraan o lugar na maaari kang makabasa, makarinig, o makatanggap ng mga turong binigyang-inspirasyon ng Espiritu Santo.

Kabilang sa mga salita ni Cristo ang mga banal na kasulatan at mga salita ng mga propeta sa mga huling araw. Upang tulungan kang pag-isipang mabuti kung ano ang maaaring ibig sabihin ng “[pagpapakabusog] sa mga salita ni Cristo,” basahin ang mga sumusunod na pahayag:

Elder Russell M. Nelson

Itinuro ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang sumusunod: “Ang pagpapakabusog ay nangangahulugan ng hindi lamang pagtikim. Ang pagpapakabusog ay ang paglasap. Nilalasap natin ang mga banal na kasulatan sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga ito [na may] malugod na pagtuklas at matapat na pagsunod. Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo … nagiging mahalagang bahagi ito ng ating pagkatao” (“Namumuhay sa Patnubay ng mga Banal na Kasulatan,” Liahona, Nob. 2000, 17).

Sinabi ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kung kayo at ako ay magpapakabusog sa mga salita ni Cristo, kailangan nating pag-aralan ang mga banal na kasulatan at matutuhan ang Kanyang mga salita sa pamamagitan ng pagninilay sa mga ito at paglalakip nito sa bawat iniisip at ikinikilos natin” (“Healing Soul and Body,” Ensign, Nob. 1998, 15).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat sa iyong sariling mga salita ang sa palagay mo ay ibig sabihin ng magpakabusog sa mga salita ni Cristo.

Pag-isipan ang pagkakaiba ng mga salitang nagpapakabusog, kumakain nang kaunti, at nagpapakagutom. Isipin sandali kung paano maitutulad ang mga di-gaanong epektibong paraan ng pag-aaral ng mga salita ni Cristo sa pagkain nang kaunti o pagpapakagutom.

Kumpletuhin ang sumusunod na altuntunin ayon sa 2 Nephi 32:3: Kapag nagpapakabusog tayo sa mga salita ni Cristo, ang mga salita ni Cristo ay .

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang isang pagkakataon na natulungan ka ng pagpagpapakabusog sa mga salita ni Cristo na malaman ang dapat mong gawin sa buhay mo o ilarawan ang isang sitwasyon na nararanasan mo ngayon kung saan makatutulong sa iyo ang pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo.

Punan ang mga patlang sa ibaba para malaman kung gaano ka nagpapakabusog sa mga salita ni Cristo at paano mo mas pagbubutihin ito. Sa bawat halimbawa sa ibaba, isulat ang salitang—nagpapakabusog, kumakain nang kaunti, o nagpapakagutom—na naglalarawan ng gaano mo katinding inaalam ang mga salita ni Cristo sa ganyang sitwasyon. Halimbawa, maaari kang nagpapakabusog sa mga banal na kasulatan sa iyong personal na pag-aaral pero kumakain nang kaunti ng mga salita ni Cristo sa pangkalahatang kumperensya.

Personal na pag-aaral ng banal na kasulatan:

Sacrament meeting:

Pangkalahatang kumperensya:

Pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya:

Seminary:

Family home evening:

Aaronic Priesthood quorum meeting o Young Women class:

Sunday School:

Personal na panalangin:

  1. journal iconPumili muna ng isa sa mga aktibidad kung saan isinulat mo na ikaw ay kasalukuyang “kumakain nang kaunti” o “nagpapakagutom.” Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano ka mas magpapakabusog sa mga salita ni Cristo sa sitwasyong iyan. Pagkatapos ay gawin ito at ipagpatuloy.

Basahin ang 2 Nephi 32:4–7, at pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong (isusulat mo ang iyong sagot sa isa mga tanong para sa assignment 4):

  • Sa talata 4, ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “humihingi” o “kumakatok”? Paano naging magandang halimbawa ng paghingi o pagkatok ang pagdarasal?

  • Sa talata 4 pa rin, ano ayon kay Nephi ang mga nangyayari sa mga hindi hihingi o kakatok?

  • Sa talata 5, ano ang pagpapalang ipinangako ni Nephi na mapapasatin kapag tinanggap natin ang Espiritu Santo?

  • Sa talata 7, anong pag-uugali ng mga tao ni Nephi ang ipinagdalamhati niya para sa kanila? Sa iyong palagay, bakit hinahadlangan ng ganitong pag-uugali ang pagsasaliksik at pag-unawa ng mga tao sa “dakilang kaalaman”?

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang isang katotohanang nalaman mo sa 2 Nephi 32:4–7, at ipaliwanag kung bakit mahalaga ang katotohanang ito sa buhay mo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—2 Nephi 32:3

  1. journal iconSa palagay mo, gaano katagal mo maisasaulo ang 2 Nephi 32:3 kung bibigkasin mo ito sa tuwing kakain ka? Isulat ang talata sa isang card o kapirasong papel, at dalhin ito palagi. Sa mga susunod na ilang araw, magpakabusog sa mga salita ni Cristo sa pagsasaulo ng 2 Nephi 32:3 bago at pagkatapos kumain. Sa iyong scripture study journal, isulat kung ilang kainan bago mo naisaulo ang banal na kasulatan.

2 Nephi 32:8–9

Pinayuhan tayo ni Nephi na laging manalangin

Maraming tao ang nagsasabi na ayaw na nilang manalangin sa Ama sa Langit matapos magkasala. Isipin sandali kung ano kaya ang dahilan nito. Sino ang ayaw na manalangin ka lalo na kapag nagkasala ka? Bakit? Alamin sa 2 Nephi 32:8 ang itinuro sa atin ng Espiritu Santo na gawin tungkol sa panalangin. Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Sa palagay mo bakit gusto ng Panginoon na manalangin ka? Sa palagay mo bakit ayaw ni Satanas na manalangin ka?

Basahin ang 2 Nephi 32:9, at alamin kung gaano tayo dapat kadalas na nananalangin at anong mga pagpapala ang ipinangako sa atin ng Panginoon kung mananalangin tayo. Sa pagbasa mo ng talatang ito, maaaring makatulong sa iyo na malaman na ang ibig sabihin ng ilaan ay ialay ang paglilingkod sa Diyos o gawing banal.

Mula sa 2 Nephi 32:9 natutuhan natin ang alituntuning ito: Kapag lagi tayong nananalangin, magagawa natin ang lahat ng ipapagawa sa atin ng Panginoon para sa kapakanan ng ating mga kaluluwa. (Pansinin na ang 2 Nephi 32:8–9 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)

dalagitang nagdarasal

Pag-isipan kung ano ang ibig sabihin ng laging manalangin. Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, salungguhitan ang isa o mahigit pang paraan na masusunod natin ang utos na “laging manalangin”:

Elder David A. Bednar

“Maaaring may mga bagay sa ating pagkatao, ugali, o tungkol sa ating espirituwal na pag-unlad na kailangan nating isangguni sa Ama sa Langit sa panalangin sa umaga. Matapos ang angkop na pagpapasalamat para sa mga pagpapalang natanggap, humihingi tayo ng pang-unawa, patnubay, at tulong na magawa ang mga bagay na hindi natin magagawa nang mag-isa sa sarili nating lakas. …

“Sa buong maghapaon, may panalangin tayo sa ating puso na patuloy tayong tulungan at gabayan. …

“Napapansin natin sa araw na ito na may mga pagkakataong karaniwan ay nakapagsalita na sana tayo nang masakit, at hindi naman; o nagalit pero hindi naman. Nahihiwatigan natin ang tulong at lakas mula sa langit at mapakumbabang kinikilala ang mga sagot sa ating dalangin. Maging sa oras na iyon ng pagkaunawa, umuusal tayo ng tahimik na pasasalamat.

“Sa pagtatapos ng araw natin, muli tayong lumuluhod at nag-uulat sa ating Ama. Iniisa-isa natin ang mga pangyayari sa maghapon at taos-pusong nagpapasalamat para sa mga pagpapala at tulong na natanggap natin. Nagsisisi tayo, at sa tulong ng Espiritu ng Panginoon, natutukoy ang mga paraan para magawa nating magpakabait at magpakabuti kinabukasan. Sa gayon ang ating panalangin sa gabi ay nakasalig at nakaugnay sa ating panalangin sa umaga. At ang panalangin natin sa gabi ay isa ring paghahanda para sa makahulugang panalangin sa umaga.

“Ang mga panalangin sa umaga at gabi—at lahat ng panalangin sa pagitan nito—ay magkakaugnay at hindi magkakahiwaly na pangyayari; bagkus, magkakarugtong ang mga ito sa bawat araw at sa mga araw, linggo, buwan, at maging sa mga taon. Bahagi ito ng pagtupad natin sa payo ng mga banal na kasulatan na ‘laging manalangin’ (Lucas 21:36; 3 Nephi 18:15, 18; D at T 31:12). Ang gayong makahulugang mga panalangin ay kasangkapan sa pagtatamo ng pinakadakilang mga pagpapalang laan ng Diyos para sa Kanyang matatapat na anak” (“Laging Manalangin,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 41–42).

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal kung paano makatutulong sa buhay mo ang pagsunod sa mga tagubilin ni Elder Bednar na “laging manalangin.”

Sa pagtatapos ng lesson na ito, basahin ang sumusunod na patotoo ni Elder Spencer J. Condie, na naglilingkod noon bilang miyembro ng Pitumpu, tungkol sa pagpapakabusog sa mga salita ni Cristo: “Maaaring kailanganin ninyong magpasiya tungkol sa pagmimisyon, magiging trabaho, at, sa huli’y pag-aasawa. Sa pagbabasa ninyo ng mga banal na kasulatan at pagdarasal para sa patnubay, maaaring di ninyo makita ang kasagutan sa mga nakasulat sa pahina, ngunit habang nagbabasa tatanggap kayo ng kakaibang damdamin, at paghihikayat, at, tulad ng ipinangako, ang Espiritu Santo ‘ang magbibigay-alam sa inyo ng lahat ng bagay na nararapat ninyong gawin’ [2 Nephi 32:5]” (“Pagiging Malaking Pakinabang sa ating Kapwa,” Liahona, Mayo 2002, 45).

scripture mastery icon
Scripture Mastery—2 Nephi 32:8–9

  1. journal iconSa susunod na 24 oras, sikaping iangkop sa buhay mo ang natutuhan mo tungkol sa “laging manalangin.” Sa simula ng susunod na lesson, aanyayahan kang ibahagi ang naisip at nadama mo tungkol sa karanasang ito. Isulat sa iyong scripture study journal kung ano ang magagawang kaibhan sa mga panalangin mo ng pagsisikap mo na “laging manalangin.”

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 32 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: