Unit 2: Day 4
1 Nephi 5–6; 9
Pambungad
Ang asawa ng propetang si Lehi, na si Saria, ay natakot na baka hindi na makabalik ang kanyang mga anak mula sa Jerusalem. Pinanatag siya ni Lehi sa pagsasabi na nananampalataya siya sa Panginoon. Nang makabalik nang ligtas ang kanyang mga anak na dala ang mga laminang tanso, mas lumakas ang patotoo ni Saria sa kapangyarihan ng Diyos na patnubayan at pangalagaan ang kanyang pamilya. Habang pinag-aaralan ni Lehi ang mga laminang tanso, siya ay “napuspos ng Espiritu, at nagsimulang magpropesiya hinggil sa kanyang mga binhi” (1 Nephi 5:17). Sa pag-aaral mo ng lesson na ito, isipin ang personal na pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan at ano ang maaari mong gawin upang matanggap ang kapangyarihan na nagmumula sa pagsasaliksik ng salita ng Diyos.
1 Nephi 5:1–9
Ang mga anak ni Lehi ay nakabalik sa kanilang pamilya nang ligtas sa ilang
Ang pagpunta sa Jerusalem at pabalik ay maaaring ilang linggong paglalakbay kay Nephi at sa kanyang mga kapatid. Isipin ang isang pagkakataon na umalis ang iyong kapatid, magulang, o kakilala sa loob ng mahabang panahon—para magmisyon, mag-aral, o magserbisyo sa military. Ano ang inaalala mo (o ano sa palagay mo ang inaalala ng isang magulang) kapag nawalay nang mahabang panahon sa mahal sa buhay? Basahin ang 1 Nephi 5:1–3, at alamin ang mga alalahanin ni Saria na binanggit niya kay Lehi hinggil sa paglalakbay ng kanyang mga anak pabalik sa Jerusalem.
Pag-aralan ang 1 Nephi 5:4–6, at alamin kung paano sinagot ni Lehi ang mga alalahanin ni Saria.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang isinagot ni Lehi sa kanyang asawa gamit ang iyong sariling mga salita.
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang hinangaan mo sa tugon ni Lehi sa pag-aalala ni Saria?
-
Paano ipinakita sa mga salita ni Lehi ang pananampalataya at katapangan na natamo niya sa mga paghahayag na ibinigay sa kanya ng Diyos?
Ayon sa 1 Nephi 5:6, ano ang epekto ng patotoo ni Lehi kay Saria?
Ang dalawang katotohanan na matututuhan natin mula sa karanasang ito nina Lehi at Saria ay bibigyan tayo ng Panginoon ng katiyakan kapag sinunod natin ang Kanyang inspirasyon at mapapanatag at mapapalakas natin ang iba kapag nanampalataya tayo sa Diyos.
-
Sa iyong scripture study journal, ilarawan ang isang pagkakataon na nadama mo na pinanatag ka ng Diyos noong naghihirap ka, nagbahagi ka ng iyong patotoo upang panatagin at palakasin ang iba, o napanatag o napalakas ka ng mga salita ng pananampalataya ng ibang tao.
Basahin ang 1 Nephi 5:7–9, at alamin ang epekto ng karanasang ito sa pananampalataya ni Saria.
-
Ano ang natutuhan ni Saria sa karanasang ito?
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano natutulad ang patotoo ni Saria sa 1 Nephi 5:8 sa patotoo ni Nephi sa 1 Nephi 3:7?
1 Nephi 5:10–22
Sinaliksik ni Lehi ang mga laminang tanso
Inilagay ni Nephi at ng kanyang mga kapatid ang kanilang buhay sa panganib, isinakripisyo ang kayamanan ng kanilang pamilya, naglakbay nang malayo, at pinrotektahan ng Diyos sa kanilang paglalakbay para makuha ang mga laminang tanso. Kung miyembro ka ng pamilya ni Lehi, paano makaiimpluwensya ang ginawa nilang pagsisikap sa saloobin mo sa pag-aaral ng talang nakaukit sa mga laminang tanso?
Pagkatapos makabalik ang kanyang mga anak, sinimulang saliksikin ni Lehi ang nakatala sa mga laminang tanso. Basahin ang 1 Nephi 5:11–14, at salungguhitan ang nilalaman ng mga laminang tanso.
Basahin ang 1 Nephi 5:17–20, at alamin kung paano nakaapekto kay Lehi ang pag-aaral ng mga laminang tanso. Batay sa nalaman mo sa mga talatang ito, paano mo tatapusin ang sumusunod na alituntunin? (tingnan sa 1 Nephi 5:17): Kapag sinaliksik natin ang mga banal na kasulatan, tayo ay
Pinagtibay ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang katotohanang ito:
“Kapag nais nating kausapin ang Diyos, nagdarasal tayo. At kapag gusto nating kausapin Niya tayo, sinasaliksik natin ang mga banal na kasulatan; dahil ang Kanyang mga salita ay inihahayag sa pamamagitan ng Kanyang mga propeta. Sa gayon ay tuturuan Niya tayo habang nakikinig tayo sa mga panghihikayat ng Banal na Espiritu.
“Kung hindi ninyo narinig ang Kanyang tinig nitong mga nakalipas na araw, tingnan sa bagong pananaw ang mga banal na kasulatan at muli itong pakinggan. Ang mga ito ang nangangalaga sa ating espirtuwalidad” (“Mga Banal na Kasulatan: Ang Kapangyarihan ng Diyos sa Ating Ikaliligtas,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 26–27).
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na sinaliksik mo ang mga banal na kasulatan at nadama ang Espiritu ng Panginoon.
Basahin ang 1 Nephi 5:21–22, at alamin ang dahilan kung bakit “napakahalaga” ng mga lamina kay Lehi at sa kanyang pamilya.
Buklatin ang himnong “Habang Aking Binabasa” (Mga Himno, blg. 176), at pansinin ang mga pagpapalang dumarating sa pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan. Isipin ang pagbabasa mo ng mga banal na kasulatan sa araw-araw. Paano mo mas mapagbubuti ang iyong pag-aaral ng mga banal na kasulatan?
Magtatamo tayo ng karunungan sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan habang naglalakbay tayo sa mortalidad—ang ating ilang. Alalahanin na ang mga laminang tanso ay nakuha sa pamamagitan ng pananampalataya at pagsasakripisyo at kung walang mga laminang tanso, hindi natanggap ni Lehi at ng kanyang pamilya ang mga kinakailangang pagpapala sa kanilang paglalakbay (tingnan sa 1 Nephi 5:22). Kapag sinaliksik mo ang mga banal na kasulatan, mapupuspos ka ng Espiritu ng Panginoon at makatatanggap ng lakas at pananampalataya na sundin ang Kanyang mga kautusan.
1 Nephi 6:1–6
Sumulat si Nephi upang hikayatin ang lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo
Pumili ng isang aklat sa bahay mo o isipin ang isang aklat na nabasa mo na. Sa iyong palagay, ano ang layunin ng may-akda sa pagsulat sa aklat na iyon? Paano nakatutulong sa pagbabasa mo na alam mo ang layunin ng may-akda?
Basahin ang 1 Nephi 6:3–6, at salungguhitan ang layunin ni Nephi sa pagsulat ng kanyang tala. Ang pariralang “sa Diyos ni Abraham, at sa Diyos ni Isaac, at sa Diyos ni Jacob” (talata 4) ay tumutukoy kay Jehova, na si Jesucristo. Ang layunin ni Nephi ay ipinagpatuloy ng lahat ng mga nagsulat sa Aklat ni Mormon: Isang layunin ng Aklat ni Mormon ay hikayatin ang lahat ng tao na lumapit kay Jesucristo.
-
Sa iyong scripture study journal, ilarawan kung paano makakaapekto sa paraan ng iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon ang pag-unawa sa layunin ni Nephi sa pagsulat ng kanyang talaan.
1 Nephi 9
Gumawa si Nephi ng dalawang uri ng mga lamina
Sa 1 Nephi 9 (tingnan din sa kabanata 6), ipinaliwanag ni Nephi na siya ay inutusang gumawa ng dalawang uri ng mga talaan—kilala ang mga ito bilang maliliit na lamina at malalaking lamina ni Nephi. Ang maliliit na lamina ay maglalaman ng sagradong kasaysayan ng kanyang mga tao—ang paglilingkod ng mga propeta at mga paghahayag ng Panginoon—at ang malalaking lamina ay maglalaman ng sekular na kasaysayan (tingnan sa 1 Nephi 9:2–4). Ginamit ni Nephi ang pariralang “ang mga laminang ito” at “iba pang mga lamina” para tukuyin ang dalawang uri ng mga lamina na ipinagawa sa kanya ng Panginoon. Sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng 1 Nephi 9, isulat ang tulad ng sumusunod na makatutulong sa iyo na maalala kung aling uri ng mga lamina ang tinutukoy ni Nephi: “ang mga laminang ito” = maliliit na lamina (sagrado); “iba pang mga lamina” = malalaking lamina (sekular).
Sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon, mauunawaan mo kung bakit nag-ingat ng dalawang uri ng talaan si Nephi. Si Nephi ay nainspirasyunan na gumawa ng pinaikling tala, isang pinaikling bersyon, ng talaan ng kanyang ama (matatagpuan sa 1 Nephi 1–8) sa maliliit na lamina. Makalipas ang halos 1,000 taon iniutos ng Panginoon sa propetang si Mormon na isama ang maliliit na lamina ni Nephi sa mga laminang ginto (tingnan sa Mga Salita ni Mormon 1:7). Kapwa hindi alam nina Nephi at Moroni ang dahilan kung bakit ipinagagawa ito (tingnan sa 1 Nephi 9:5), ngunit sinunod nila ang utos ng Panginoon.
-
Sa iyong pagbabasa ng 1 Nephi 9 sa personal mong pag-aaral ng mga banal na kasulatan, pag-isipang mabuti at isulat sa iyong scripture study journal kung bakit mahalagang sundin ang Panginoon kahit hindi natin lubusang nauunawaan ang Kanyang mga dahilan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 5–6 at 9 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: