Pambungad sa Mosias
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sa iyong pag-aaral ng aklat ni Mosias, mababasa mo ang nakaaantig na mga patotoo tungkol sa misyon ni Jesucristo. Mapag-aaralan mo rin ang tungkol sa mga taong iniligtas ng Panginoon mula sa pagkaalipin sa kasalanan o mula sa mga taong mapang-api. Bukod pa riyan, malalaman mo kung paano nagdulot ng napakalaking pagpapala sa iba ang mabubuting ginawa ng mga taong tulad nina Haring Benjamin, Abinadi, at Alma. Kabaligtaran nito, makikita mo kung ano ang naging masamang resulta sa kanilang sarili at sa kanilang mga tao ng mga maling pagpapasiya ng mga taong tulad ni Zenif at ng kanyang anak na si Haring Noe.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan ng iba pang mga manunulat at binuo ang aklat ni Mosias. Ang aklat ay ipinangalan kay Mosias, na anak ni Haring Benjamin. Si Mosias ay isang propeta, tagakita, tagapaghayag, at haring namuno sa Zarahemla noong mga 124 hanggang 91 B.C. Ipinangalan siya sa kanyang lolong si Mosias, na naging hari din ng Zarahemla (tingnan sa Omni 1:12–13, 19).
Kumuha ng tala si Mormon mula sa maraming talaan para mabuo ang aklat ni Mosias. Pinaikli at sinipi niya ang mga tala mula sa talaang iningatan ni Mosias sa malalaking lamina ni Nephi, na nagbigay ng detalyadong kasaysayan ng mga Nephita sa lupain ng Zarahemla (tingnan sa Mosias 1–7; 25–29). Kumuha rin siya ng tala mula sa talaan ni Zenif, na naglalahad ng kasaysayan ng mga tao ni Zenif mula sa panahong nilisan nila ang Zarahemla hanggang sa makabalik sila dito (tingnan sa Mosias 7–22). Bukod pa riyan, sinipi at pinaikli ni Mormon ang mga isinulat ni Alma, na siya namang sumulat ng mga sinabi ni Abinadi (tingnan sa Mosias 17:4) at nag-ingat ng talaan ng kanyang sariling mga tao (tingnan sa Mosias 18; 23–24).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Ang mga orihinal na pinagkuhanan ng tala para sa aklat ni Mosias ay malamang na isinulat sa pagitan ng 200 B.C. at 91 B.C. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang ito sa pagitan ng A.D. 345 at 385. Hindi binanggit ni Mormon kung nasaan siya nang tipunin niya ang aklat na ito.