Seminary
Jacob


Pambungad sa Jacob

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Sa pag-aaral ng aklat ni Jacob, matututuhan mo ang mahahalagang aral mula sa taong may matatag na pananampalataya kay Jesucristo. Paulit-ulit na nagpatotoo si Jacob tungkol sa Tagapagligtas at inanyayahan ang kanyang mga tao at ang lahat ng magbabasa ng kanyang mga salita na magsisi. Itinuro at ipinakita niya ang kahalagahan ng masigasig na pagtupad sa tungkuling ibinigay ng Panginoon. Nagbabala siya laban sa panganib na dulot ng kapalaluan, yaman, at imoralidad. Binanggit at nagkomento rin si Jacob tungkol sa talinghaga ng punong olibo ni Zenos, na naglalarawan sa patuloy na pagsisikap ng Tagapagligtas na iligtas ang lahat ng mga anak ng Diyos. Nang kausapin niya si Serem, na isang anti-Cristo, ipinakita ni Jacob kung paano tumugon nang mabuti sa mga taong nagdududa o pumupuna sa ating relihiyon.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Si Jacob, ang panlimang anak nina Saria at Lehi, ang sumulat ng aklat na ito. Isinilang siya sa ilang habang naglalakbay ang kanyang pamilya papunta sa lupang pangako. Sa kanyang kabataan, si Jacob ay “nagdanas ng mga kahirapan at maraming kalungkutan, dahil sa kalupitan ng [kanyang] mga kapatid” (2 Nephi 2:1). Gayunman, ipinangako ni Lehi sa kanya na ang Diyos ay “ilalaan ang … mga paghihirap [ni Jacob] para sa [kanyang] kapakinabangan” at iuukol niya ang kanyang mga araw “sa paglilingkod sa [kanyang] Diyos” (2 Nephi 2:2–3). Sa kanyang kabataan, namasdan ni Jacob ang kaluwalhatian ng Tagapagligtas (tingnan sa 2 Nephi 2:3–4). Itinalaga ni Nephi si Jacob na maging isang saserdote at guro ng mga Nephita (tingnan sa 2 Nephi 5:26) at kalaunan ipinagkatiwala sa kanya ang maliliit na lamina ni Nephi (tingnan sa Jacob 1:1–4). Bilang isang matapat na priesthood leader at guro, masigasig na hinikayat ni Jacob ang kanyang mga tao na maniwala kay Cristo (tingnan sa Jacob 1:7). Nakatanggap siya ng mga paghahayag tungkol sa Tagapagligtas, nakaranas ng paglilingkod ng mga anghel at narinig ang tinig ng Panginoon (tingnan sa Jacob 7:5), at nakita ang kanyang Manunubos (tingnan sa 2 Nephi 11:2–3). Si Jacob ang ama ni Enos, na pinagkatiwalaan niya ng mga lamina bago siya mamatay.

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang aklat ni Jacob ay tinatayang nagsimula noong 544 B.C., nang ipagkatiwala ni Nephi kay Jacob ang maliliit na lamina. Natapos ito noong malapit nang mamatay si Jacob, nang ipasa niya ang mga lamina sa kanyang anak na si Enos. Isinulat ni Jacob ang talaang ito habang naninirahan sa lupain ng Nephi.