Unit 16: Day 4
Alma 14–16
Pambungad
Matapos marinig ang pangangaral nina Alma at Amulek, ilan sa mga tao sa Ammonihas ang naniwala at nagsisi, kabilang na si Zisrom. Ang iba ay nagalit at ipinabilanggo sina Alma at Amulek. Itinaboy palabas ng masasamang tao sa Ammonihas ang mga naniwalang kalalakihan at sinunog ang kanilang mga asawa’t anak. Makalipas ang maraming araw, iniligtas ng Panginoon sina Alma at Amulek mula sa bilangguan at nilipol ang masasamang pinuno ng Ammonihas. Sa Sidom, nagdusa si Zisrom sa pisikal at espirituwal. Sinabi niya kay Alma na sumasampalataya siya kay Jesucristo at siya ay napagaling. Bilang katuparan sa propesiya, winasak ng isang hukbo ng mga Lamanita ang lunsod ng Ammonihas. Dahil sa tagubilin ni Alma napigilan ng mga hukbo ng mga Nephita ang pagsalakay ng mga Lamanita. Pinalakas nina Alma, Amulek, at ng marami pang iba ang Simbahan sa buong lupain ng mga Nephita.
Alma 14
Sina Alma at Amulek ay ibinilanggo at ang mga naniniwala ay itinaboy palabas o sinunog
Isipin ang isang pagkakataon na maaaring nakakita o nakarinig ka ng tungkol sa isang tao na walang kasalanan na nagdusa sa mga kamay ng ibang tao—halimbawa, isang pangyayari tungkol sa isang tao na inusig dahil sa kanyang paniniwala. Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang madarama mo para sa taong nagdusa?
-
Ano ang madarama mo para sa taong nagmalupit?
-
Sa palagay mo, bakit nangyayari kung minsan ang masasamang bagay sa mga walang kasalanan at mabubuting tao?
Sa pagbabasa mo ng Alma 14, iugnay ang mga tanong na ito sa mga karanasan nina Alma at Amulek.
Basahin ang Alma 14:1–10, at alamin kung sino ang nagdusa at kung paano sila nagdusa. Pagkatapos ay kumpletuhin ang kasunod na chart:
Sino ang Nagdusa? |
Paano Sila Nagdusa? |
---|---|
Ayon sa nakatala sa Alma 14:10, ano ang gustong gawin ni Amulek? Basahin ang Alma 14:11, at tukuyin ang katotohanan na makatutulong sa isang tao na nahihirapang makaunawa kung bakit tinutulutan kung minsan ang masasama na saktan ang mga taong walang sala o mabubuti.
Ang isang paraan para maituro ang katotohanan mula sa Alma 14:11 ay: Tinutulutan ng Panginoon na magdusa ang mabubuti sa kamay ng masasama upang ang Kanyang paghatol ay maging makatarungan. Pansinin na inihayag kay Alma na ang mga namatay ay tinanggap ng Panginoon “sa kaluwalhatian” (Alma 14:11). Itinuro ang pangyayaring ito nang may walang hanggang pananaw, sinabi ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan: “Si Amulek ay pinagpala na makita ang kabutihan at pagkamakatarungan ng Diyos maging sa isang nakapangingilabot na trahedya” (“Amulek: The Blessings of Obedience,” sa Heroes from the Book of Mormon [1995], 110).
Basahin ang Alma 60:12–13, at i-cross-reference ito sa Alma 14:10–11. Nalaman natin na kabilang sa mga dahilan kaya tinutulutang magdusa ang mabubuti ay upang matatakan nila ang kanilang mga patotoo ng kanilang buhay (tingnan sa D at T 135:3) at upang makatayong mga saksi laban sa masasama.
Maaaring maging mahirap para sa atin na maunawaan ang alituntunin kung bakit tinutulutan ng Diyos ang mabubuti na magdusa. Pag-isipang mabuti ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Spencer W. Kimball upang mas maunawaan kung bakit tinutulutan ng Diyos ang tao na gamitin ang kanilang kalayaang pumili, kahit mali ang pagpili nila:
“Kung iisipin nating mortalidad lang ang kabuuan ng buhay, ang sakit, kalungkutan, kabiguan, at maikling buhay ay magiging kalamidad. Ngunit kung titingnan natin ang buhay bilang kawalang hanggan, na sakop nito ang buhay noong bago tayo isinilang at ang walang hanggang hinaharap, ang lahat ng pangyayari ay mailalagay natin sa dapat nitong kalagyan. …
“… Kung lahat ng mabubuti ay poprotektahan at wawasakin ang masasama, ang buong [plano] ng Ama ay mawawalang-bisa at ang pangunahing alituntunin ng ebanghelyo, ang kalayaang pumili, ay magwawakas. Hindi na kailangang mabuhay ang tao sa pamamagitan ng pananampalataya” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Spencer W. Kimball [2006], 17–18).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano nakatulong sa iyo ang mga katotohanang natutuhan mo sa Alma 14:11 at sa pahayag ni Pangulong Kimball na maunawan kung bakit minsan ay tinutulutan ng Diyos ang mabubuti na magdusa sa mga kamay ng masasama.
Basahin ang Alma 14:12–13, at alamin ang itinuro ni Alma kay Amulek upang makayanan nito ang mga pagsubok na dinaranas nila. Sa palagay mo, bakit gayon katiyak ang tugon ni Alma?
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol na tutulong sa iyo na maunawaan ang itinuro ni Alma kay Amulek tungkol sa pagtitiwala sa Panginoon: “Ang buhay na ito ay isang karanasan sa pagtitiwala nang lubos—pagtitiwala kay Jesucristo, pagtitiwala sa Kanyang mga turo, pagtitiwala sa ating kakayahan kapag nahikayat ng Banal na Espiritu na sundin ang mga turong iyon upang lumigaya ngayon at upang mabuhay nang may layunin at lubos na kaligayahan sa kawalang-hanggan. Ang ibig sabihin ng magtiwala ay sumunod nang kusa nang hindi nalalaman ang wakas mula sa simula (tingnan sa Mga Kawikaan 3:5–7). Upang makita ang bunga nito, dapat mas malakas at matibay ang inyong pagtitiwala sa Panginoon kaysa pagtitiwala ninyo sa inyong personal na nadarama at kaalaman” (“Trust in the Lord,” Ensign, Nob. 1995, 17).
Makatutulong na mabigyang-diin ang katotohanang ito sa pamamagitan ng pagsulat nito sa tabi ng Alma 14:12–13 sa iyong banal na kasulatan: Kapag nagtiwala tayo sa Panginoon, palalakasin Niya tayo sa ating mga pagsubok.
-
Pumili ng isa o higit pa sa mga sumusunod na sitwasyon, at sa iyong scripture study journal, ipaliwanag kung paano makatutulong ang alituntuning isinulat mo sa iyong banal na kasulatan sa mga taong inilarawan:
-
Ilan sa mga manlalaro sa sports team ng isang binatilyo ang lumalayo sa kanya at hayagan siyang nilalait o kinukutya dahil sa pagsunod niya sa mga pamantayan ng ebanghelyo. Tila sadyang pinaplano nila na magkaroon ng mga aktibidad kapag tapos na ang praktis na alam nilang hindi niya dadaluhan dahil sa kanyang mga paniniwala.
-
Isang dalaga ang nag-apply para magtrabaho sa isang tindahan na pinagtatrabahuhan din ng isang mabuting kaibigan. Hindi siya natanggap sa trabaho, at kalaunan ay ikinuwento ng kanyang kaibigan na sinabi ng may-ari ng tindahan na hindi siya tatanggap ng Mormon kailanman para magtrabaho sa tindahan.
-
Nang pakiusapan ng isang binatilyo ang isang grupo ng iba pang mga kabataan sa kanilang paaralan na tumigil sa pagsasalita ng masasamang salita, siya ay itinulak nila at pinagbantaang sasaktan pa kung pagsasabihan niya silang muli tungkol sa kanilang pananalita.
-
Basahin ang Alma 14:14–17, at pag-isipan kung paano nakatulong kina Alma at Amulek ang kanilang pananampalataya habang patuloy silang nagdurusa sa mga kamay ng masasamang pinuno sa Ammonihas. Sa iyong palagay, bakit ang hindi pagbibigay ng sagot ang pinakamainam na gawin sa sitwasyong iyon? (Tingnan din sa Mateo 27:11–14.)
Nakatala sa Alma 14:18–28 kung paano dumanas ng maraming bagay sina Alma at Amulek bago sila iniligtas ng Diyos at nilipol ang marami sa masasamang pinuno ng Ammonihas. Ang ibig sabihin ng pariralang “pinagngangalit ang kanilang mga ngipin” (talata 21) ay nanggigigil sa galit o pagkapoot.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung alin sa mga bagay na dinanas nina Alma at Amulek sa Alma 14:18–25 ang magiging pinakamahirap para sa iyo, at ipaliwanag kung bakit. Pagkatapos ay magsulat ng personal na karanasan o karanasan ng isang taong kilala mo na nagsisikap na mamuhay nang matwid ngunit dumaranas pa rin ng mga pagsubok.
Ayon sa nakatala sa Alma 14:25, ano ang nagpatindig sa mga paa nina Alma at Amulek? Basahin ang Alma 14:26–29, at markahan ang mga parirala at mga salita na sa palagay mo ay pinakamainam na nagpapatunay sa katotohanang ito: Kung tatawag tayo sa Panginoon nang may pananampalataya, palalakasin Niya tayo sa ating mga paghihirap at ililigtas tayo ayon sa Kanyang paraan at takdang panahon.
Magagamit ng Panginoon ang Kanyang kapangyarihan at maililigtas ka mula sa mga pagsubok at paghihirap ayon sa Kanyang sariling paraan at panahon. Kapag natutuhan nating magtiwala sa kalooban ng Panginoon, magkakaroon tayo ng mas matinding lakas at kakayahan na matiis ang mga paghihirap sa buong buhay natin.
Alma 15–16
Gumaling si Zisrom, winasak ng isang hukbo ng mga Lamanita ang Ammonihas, at nagpatuloy sina Alma at Amulek sa pangangaral sa mga Nephita
Matapos lisanin ang Ammonihas, nagtungo sina Alma at Amulek sa kalapit na lunsod ng Sidom, kung saan nila natagpuan ang mga taong naniwala mula sa Ammonihas, kabilang na si Zisrom. Basahin ang Alma 15:3–5 para malaman ang kalagayan ni Zisrom.
Isipin ang sumusunod: Ano ang sanhi ng karamdaman ni Zisrom? Ano ang ginawa ni Zisrom para gumaling at makadama ng kapayapaan?
Basahing mabuti ang Alma 15:6–10, at salungguhitan ang dalawa o tatlong parirala na nagpapakita na tinulungan ni Alma si Zisrom na magtuon kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala. Upang maunawaan ang isang paraan na makatutulong ang mga priesthood leader sa mga tao na makatanggap ng awa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala, basahin ang sumusunod na karanasan ni Elder Jay E. Jensen ng Panguluhan ng Pitumpu:
“Habang naglilingkod bilang bishop, nasaksihan ko ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala sa buhay ng mga miyembro ng Simbahan na nakagawa ng mabibigat na kasalanan. …
“Isang single adult sa aming ward ang nakipag-deyt sa isang dalagita. [Hindi nila napigilan] ang kanilang damdamin. Lumapit siya sa akin para [humingi ng] payo at tulong. Ayon sa mga naipagtapat at sa mga pahiwatig ng Espiritu sa akin, kabilang ang iba pang mga bagay, siya ay pansamatalang hindi pinahintulutang tumanggap ng sacrament. Nag-usap kami nang regular para siguruhin na [nangyayari] na ang pagsisisi, at, matapos ang tamang panahon, binigyan ko siya ng karapatang muling tumanggap ng sacrament.
“Habang ako ay nakaupo sa harapan [sa sacrament meeting na iyon,] nabaling ang tingin ko sa kanya habang siya ay karapat-dapat [nang] tumatanggap ng sacrament. Nasaksihan ko ang mga bisig ng awa, pagmamahal, at kaligtasan na yumayakap sa kanya habang ang pagpapagaling ng Pagbabayad-sala ay nagpasigla sa kanyang kaluluwa at nag-alis ng kanyang pasanin, na nagbunga ng pangakong kapatawaran, kapayapaan, at kaligayahan” (“Mga Bisig ng Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob 2008, 49).
Matutulungan tayo ng mga bishop at priesthood leader na matanggap ang awa at lakas na kailangan natin sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Anong katibayan ang nakita mo sa Alma 15:11–12 na nagsisi si Zisrom at natanggap ang awa ng Panginoon?
Ang isang alituntunin na maisusulat mo sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal para sa Alma 15:6–12 ay: Sa pamamagitan ng pananampalataya natin kay Jesucristo, tayo ay mapapagaling at mapapalakas. Ayon sa Alma 15:16, 18, paano nakikita ang alituntuning ito sa buhay ni Amulek?
Itinatag nina Alma at Amulek ang Simbahan sa mga tao sa Sidom at pagkatapos ay bumalik sa Zarahemla.
Sa Alma 16 nabasa natin na isang hukbo ng mga Lamanita ang sumalakay sa mga lupain ng mga Nephita at winasak ang lunsod ng Ammonihas, bilang katuparan sa propesiya nina Alma at Amulek na kung hindi magsisisi ang mga tao sila ay malilipol (tingnan sa Alma 9:12). Sa pagbabasa mo ng Alma 16, alamin kung kanino humingi ng tulong ang mga Nephita upang matalo nila ang hukbo ng mga Lamanita. Ihalintulad ang karanasang ito sa iyong sariling laban at mga kaaway na kinakaharap.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 14–16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: