Seminary
Unit 17: Day 1, Alma 17–18


Unit 17: Day 1

Alma 17–18

Pambungad

Ang Alma 17–18 ay naglalaman ng isinulat ni Mormon tungkol sa mga misyon ng mga anak ni Mosias sa mga Lamanita. Ang mga talang ito ay nagbibigay ng halimbawa kung paano dapat maghanda at maglingkod ang mga missionary sa panahong ito. Humingi ang mga anak ni Mosias ng patnubay sa Panginoon habang naghahanda silang mangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita. Nang maghiwa-hiwalay na sila, inaliw sila ng Panginoon at nangakong makapagdadala sila ng mga kaluluwa sa Kanya. Si Ammon ay nagtungo sa lupain ng Ismael, at nagsimulang magturo sa pamamagitan ng paglilingkod sa isang hari ng mga Lamanita na nagngangalang Lamoni. Namangha si Haring Lamoni sa kapangyarihan ni Ammon nang ipagtanggol niya ang mga kawan ng hari. Ang paglilingkod na ito ay nagpalambot sa puso ng hari at ng mga tao na naging dahilan para makinig sila sa mga turo ni Ammon tungkol sa Diyos at sa plano ng kaligtasan. Naniwala si Haring Lamoni sa itinuro ni Ammon, naunawaan na kailangan niya ang Tagapagligtas, nagsumamo sa Panginoon na kaawaan siya at napuspos ng Espiritu.

Alma 17:1–18

Ang mga anak ni Mosias ay naghandang mangaral ng ebanghelyo sa mga Lamanita

Isipin kung gaano katagal magmisyon ang mga elder at mga sister sa panahong ito. Basahin ang Alma 17:4, at salungguhitan ang bilang ng mga taon na nagturo ng ebanghelyo ang mga anak ni Mosias sa mga Lamanita.

Habang naglalakbay si Alma sa lupain ng Manti, nasalubong niya ang mga anak ni Mosias habang papauwi ang mga ito mula sa kanilang mahabang misyon, at lahat sila ay nagalak. Basahin ang Alma 17:2–4, at markahan ang mga salita at mga pariralang naglalarawan kung anong uri ng missionary ang mga anak ni Mosias.

  1. journal iconRebyuhin ang Alma 17:2–4. Sa iyong scripture study journal, gawin ang mga sumusunod:

    1. Ilista ang mga ginawang paghahanda ng mga anak ni Mosias para maging mahuhusay na missionary, at ilarawan ang mga ibinunga ng kanilang paghahanda.

    2. Pumili ng isang bagay na ginawa ng mga missionary na ito na gusto mong mas mapaghusay pa sa iyong buhay, o isang katangiang gusto mong mas lubos na mapagbuti. Sumulat ng talata kung paano mo gagawin ito.

Pag-isipan kung gaano ka kadalas manalangin at magsaliksik ng mga banal na kasulatan nang personal at nang kasama ang iyong pamilya, at pag-isipan ang mga pagkakataong kailangan mong mag-ayuno. Sa paanong paraan nakatulong sa iyo ang mga gawaing ito na maging “malakas sa kaalaman ng katotohanan” (Alma 17:2)?

Mula sa halimbawa ng mga anak ni Mosias, natutuhan natin ang alituntuning ito: Sa pagsasaliksik ng mga banal na kasulatan, pagdarasal, at pag-aayuno, matatanggap natin ang Espiritu Santo at makapagtuturo nang may kapangyarihan. Sa pagtanggap ng Espiritu Santo, mas makapaghahanda tayo na maibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung saan itinuro niya sa mga kabataan ang mga paraan na makapaghahanda sila na maging mga missionary. Alamin ang mga partikular na paraan na maihahanda mo ang iyong sarili sa pagbabahagi ng ebanghelyo sa iba.

Elder David A. Bednar

“Madaragdagan ninyo ang inyong hangarin na maglingkod sa Diyos (tingnan sa D at T 4:3), at maaari kayong magsimulang mag-isip na tulad ng mga misyonero, basahin ang binabasa ng mga misyonero, manalangin tulad ng mga misyonero, at madama ang nadarama ng mga misyonero. Maiiwasan ninyo ang mga makamundong impluwensya na dahilan ng paglayo ng Espiritu Santo, at madaragdagan ang inyong pagtitiwala sa pagkilala at pagtugon sa mga espirituwal na paramdam. Taludtod sa taludtod, tuntunin sa tuntunin, kaunti rito at kaunti roon, unti-unti kayong magiging ang misyonerong pinapangarap ninyo at misyonerong inaasahan ng Tagapagligtas. …

“Ang pangangaral ng ebanghelyo … [ay] hindi lang basta isang aktibidad na panandalian lang nating sinasalihan o asaynment na kailangan nating kumpletuhin bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Sa halip, ang gawaing misyonero ay pagpapamalas ng ating espirituwal na identidad at pamana” (“Pagiging Misyonero,” Ensign o Liahona, Nob. 2005, 46–47).

mga kabataang nagbabasa ng polyeto tungkol kay Joseph Smith

Basahin ang Alma 17:9, at salungguhitan ang ipinagdasal ng mga anak ni Mosias habang naghahanda silang maglingkod. Basahin ang Alma 17:11, at pag-isipan ang sinabi ng Panginoon sa kanila kung paano maging kasangkapan sa Kanyang mga kamay. Itinuturo ng mga talatang ito ang alituntuning: Sa pagiging mabuting halimbawa, lalo na kapag nahihirapan, gagawin tayong kasangkapan ng Panginoon sa Kanyang mga kamay.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat ng tungkol sa isang sitwasyon na sa palagay mo ay maaari kang maging mabuting halimbawa. Isipin ang mga sitwasyon sa paaralan, mga sitwasyon sa tahanan na kasama ang iyong pamilya o mga kamag-anak, at mga pakikihalubilong nangyari nang harapan o online. Ilarawan kung paano mo ipapakita ang mabuting halimbawa sa sitwasyong iyan.

Mas mahirap maging mabuting halimbawa sa ilang sitwasyon kaysa sa iba. Alamin kung paano inilarawan ang mga Lamanita sa Alma 17:12–16, at isipin kung bakit mahihirapan ang mga anak ni Mosias na magturo sa sitwasyong ito.

Sa iyong palagay, bakit handang magdanas ng hirap ang mga anak ni Mosias upang matulungan ang mga taong napopoot sa mga Nephita? Upang matulungan kang maunawaan kung ano ang inaasahang maisakatuparan ng mga anak ni Mosias, punan ang patlang ng isang salita mula sa Alma 17:16: Gusto ng mga anak ni Mosias na madala ang mga Lamanita sa , dahil gusto nilang malaman ng mga Lamanita ang plano ng pagtubos.

Upang matulungan kang maunawaan kung paano magiging mabuting halimbawa sa iba, kumpletuhin ang assignment na ito sa loob ng susunod na ilang araw: Hilingin sa isang kapamilya o kaibigan na sabihin sa iyo kung paano nakagawa ng kaibhan sa kanyang buhay ang halimbawa ng isang tao na tulad ng kay Cristo.

Alma 17:19–39

Si Ammon ay naging tagapagsilbi ni Haring Lamoni at pinangalagaan ang mga kawan nito

Sa pagbabasa mo ng Alma 17:19–39, alamin kung paano pinaglingkuran ni Ammon si Haring Lamoni at ang mga tagapagsilbi ng hari. Isipin kung paano nakatulong ang paglilingkod ni Ammon para maihanda ang mga Lamanita na matanggap ang ebanghelyo. Magplanong ikuwento ang tungkol sa pangangalaga ni Ammon sa mga kawan ng hari sa isang kapamilya o kaibigan. Bigyang-diin ang sumusunod na katotohanan kapag ikinuwento mo ito: Sa pamamagitan ng paglilingkod, maihahanda natin ang ibang tao na tanggapin ang ebanghelyo. Talakayin sa taong iyon ang tungkol sa tao na gusto mong tulungan na maging mas malakas sa espirituwal na aspeto. Pag-isipan kung paano mo paglilingkuran ang taong ito, at pagpasiyahan kung paano mo gagawin ang paglilingkod.

Alma 18

Humanga si Haring Lamoni sa katapatan ni Ammon, at itinuro ni Ammon sa hari ang ebanghelyo

Ikinuwento ng mga tagapagsilbi ni Haring Lamoni ang ginawa ni Ammon sa pagprotekta sa mga kawan ng hari. Basahin ang Alma 18:4–6, at alamin ang reaksyon ng hari sa ginawa ni Ammon.

Nang itanong ng hari sa kanyang mga tagapagsilbi kung saan naroon si Ammon, sinabi nila sa kanya na ginagawa ni Ammon ang naunang inutos ng hari na ihanda ang kanyang mga kabayo para sa paglalakbay nito sa lupain ng Nephi, kung saan nakatira ang ama ng hari. Basahin ang Alma 18:12–15, at alamin ang epekto ng paglilingkod ni Ammon kay Haring Lamoni.

Ipinagtatanggol ni Ammon ang mga Kawan ni Haring Lamoni

Basahin ang Alma 18:16–21, at maghanap ng katibayan na ginagabayan ng Panginoon si Ammon habang tinuturuan niya si Haring Lamoni. Sa nakalaang espasyo, isulat kung paano tinulungan si Ammon ng Espiritu ng Diyos sa sitwasyong ito.

Sa pagbabasa mo ng Alma 18:22–32, alamin ang mga partikular na katotohanan ng ebanghelyo na itinuro ni Ammon kay Haring Lamoni. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan o isulat ang mga ito sa iyong scripture study journal. Nang magturo si Ammon, nagsimula siyang magturo ng mga bagay na pareho nilang pinaniniwalaan ni Lamoni. Si Lamoni ay naniniwala sa isang diyos—na tinatawag niyang Dakilang Espiritu—ngunit hindi niya nauunawaan ang totoong katangian ng Diyos.

Basahin ang Alma 18:33–35, at alamin kung paano sumagot si Ammon nang tanungin siya ng hari kung siya ay isinugo mula sa Diyos.

  1. journal iconSa iyong pag-aaral ng Alma 17–18, sumulat ng maikling talata sa iyong scripture study journal na nagbubuod sa nagawa ni Ammon sa mga Lamanita dahil sa tulong ng Diyos.

Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng: Alma 18:35: Kapag pinaglingkuran natin ang Ama sa Langit at si Jesucristo, pag-iibayuhin Nila ang ating kakayahan na magawa ang Kanilang gawain.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong:

    1. Paano makatutulong sa iyo ang nabanggit na alituntunin sa mga tungkulin mo sa Simbahan sa kasalukuyan at sa hinaharap?

    2. Paano mo mas tapat na paglilingkuran ang Panginoon upang mas mapag-ibayo Niya ang iyong kakayahang gawin ang Kanyang gawain?

Dahil sa tapat na halimbawa at paglilingkod ni Ammon, naituro niya kay Lamoni ang tungkol sa plano ng pagtubos ng Ama sa Langit. Alalahanin na nadama ni Lamoni na nagkasala siya sa mga pagpaslang na nagawa niya (tingnan sa Alma 18:4–6). Basahin ang Alma 18:36–43, at alamin kung paano itinuro ni Ammon ang plano ng pagtubos kay Lamoni at kung paano tumugon si Lamoni sa mga turong ito.

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit lalong mahalaga na maunawaan ni Haring Lamoni ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

Isipin kung paano makatutulong kay Lamoni ang matutuhan ang mga doktrina ng Paglikha, ng Pagkahulog, at ng Pagbabayad-sala upang maunawaan niya na kailangan niya ng Tagapagligtas. Itinuro ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol ang kahalagahan ng Paglikha, ng Pagkahulog, at ng Pagbabayad-sala:

Elder Bruce R. McConkie

“Ang tatlong banal na pangyayaring ito–ang tatlong haligi ng kawalang-hanggan—ay binuo at pinagsama-sama at hindi mapaghihiwalay na kilala bilang walang hanggang plano ng kaligtasan. Itinuturing natin ang pagbabayad-sala ng Panginoong Jesucristo na sentro at kaibuturan at puso ng inihayag na relihiyon. Isinasakatuparan nito ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao. Ang kaligtasan ay na kay Cristo.

“At kung walang pagkahulog, walang gagawing pagbabayad-sala. Ang pagkahulog ni Adan ay nagdulot ng temporal at espirituwal na kamatayan sa mundo, at mula sa mga kamatayang ito ay matutubos ang tao at lahat ng uri ng nilalang sa pamamagitan ng pagbabayad-sala na ginawa ng Panginoong Jesucristo. Si Adan ang nagdala ng mortalidad; si Cristo ang nagdala ng imortalidad. Ang kaligtasan ay dumating dahil sa pagkahulog at pagbabayad-sala.

“Ngunit kung ang mundo at tao, at lahat ng nilalang ay hindi nilikha sa kanilang pisikal at malaparaisong kalagayan, sa kalagayan ng kawalang-kamatayan, wala sanang pagkahulog. … Kaya nga ang kaligtasan ay matatamo sa at sa pamamagitan ng at dahil sa paglikha ng langit at lupa at lahat ng nilalang na naroroon. Dumating ang kaligtasan dahil sa paglikha, pagkahulog, at pagbabayad-sala; ang bawat isa sa tatlong ito ay bahagi ng isang banal na plano” (A New Witness for the Articles of Faith [1985], 81–82).

Mula sa karanasan ni Lamoni, matututuhan natin ang katotohanang ito: Kapag naunawaan natin na kailangan natin ng Tagapagligtas, nanaisin nating magsisi.

Tapusin ang lesson sa araw na ito na pinag-iisipan ang maaari mong gawin na tutulong sa iyo na lagi mong maalala na kailangan mo ng Tagapagligtas.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 17–18 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: