Seminary
Unit 9: Day 4, Jacob 3–4


Unit 9: Day 4

Jacob 3–4

Pambungad

Ang Jacob 3 ay naglalaman ng katapusan ng sermon na ibinigay ni Jacob sa kanyang mga tao. Sa bahaging ito, maikling nagbigay si Jacob ng mga nakapapanatag na salita at pangako sa mga dalisay ang puso. Pinagsabihan niya ang mga palalo at mahalay sa kanyang mga tao, at binalaan sila ng mga ibubunga nito kung hindi sila magsisisi. Ang Jacob 4 ay naglalaman ng mga salita na nadama ni Jacob na dapat isulat para sa mga taong magbabasa ng kanyang talaan balang araw. Pinatotohanan niya ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo at hinikayat ang kanyang mga mambabasa na makipagkasundo (makipagkaisang muli) sa Diyos Ama sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala. Sa nagbabalang tinig, nagsalita siya tungkol sa mga Judio na hindi tatanggap kay Jesucristo at sa kasimplihan ng Kanyang ebanghelyo.

Jacob 3

Hinikayat ni Jacob ang mga dalisay ang puso, at hinikayat ang iba na magsisi

Isipin kung anong payo ang maibibigay mo sa isang binatilyo o dalagita sa mga sumusunod na sitwasyon:

  • Isang dalagita ang hirap na hirap mamuhay nang mabuti dahil lulong sa alak ang tatay niya.

  • Isang binatilyo ang nagsisikap mamuhay nang mabuti pero nahihirapan siya dahil nagdiborsyo ang mga magulang niya.

  • Isang dalagita ang sinisikap na mahalin ang kanyang pamilya, pero nahihirapan siya kapag nasa bahay dahil makasarili at walang kunsiderasyon ang kapatid niyang babae.

Pag-isipan ang pagkakataon na nakaranas ka ng mga pagsubok kahit nagsisikap kang mamuhay nang mabuti. Itinuro sa atin ni Jacob ang dapat gawin sa ganoong mga sitwasyon. Basahin ang unang pangungusap sa Jacob 3:1, at alamin kung kanino unang nagsalita si Jacob sa kabanata 3.

Sinabi ni Jacob na dahil sa kapaluan at kahalayan ng iba (na binanggit na niya dati pa bilang babala, na nakatala sa Jacob 2) nahihirapan ang mga may pusong dalisay. Basahin ang Jacob 3:1–2, at pagkatapos ay punan ang sumusunod na chart:

Ano ang ipinayo ni Jacob na gawin ng mga may pusong dalisay?

Ano ang ipinangako ng Diyos sa mga may pusong dalisay?

  1. journal iconRebyuhin ang iyong mga sagot sa unang column. Para mas mapag-isipan mo pa ang alituntuning ito, sagutin ang dalawa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Sa palagay mo paano magagawa ng isang kabataan ang “umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip”?

    2. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng manalangin sa Diyos “nang may labis na pananampalataya” sa oras ng pagsubok?

    3. Ano sa palagay mo ang dapat gawin ng isang kabataan para “tanggapin ang kasiya-siyang salita ng Diyos”?

  2. journal iconRebyuhin ang iyong mga sagot sa pangalawang column. Itinuro ng mga talatang ito na aaluin ng Diyos ang may mga pusong dalisay sa kanilang paghihirap. Para mas mapag-isipan mo pa ang alituntuning ito, sagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano ka inalo ng Diyos sa iyong mga paghihirap nang sikapin mong sumunod sa Kanya?

    2. Paano nakatulong sa iyo ang pananalangin “nang may labis na pananampalataya” sa oras ng pagsubok?

    3. Kailan nakatulong sa iyo ang pagtanggap ng salita ng Diyos para madama mo ang Kanyang pagmamahal?

Matapos kausapin ang may mga dalisay ang puso, nagsalita naman si Jacob sa mga hindi dalisay ang puso. Basahin ang Jacob 3:3–4, 10–12, at tukuyin kung ano ang hinikayat ni Jacob na gawin ng mga taong ito. Maaaring makatulong na malaman na ang ibig sabihin ng pariralang “gisingin ang mga kakayahan” ay pukawin ang ating mga kakayahan at emosyon, at ang mga salitang pangangalunya at kahalayan ay tumutukoy sa mga seksuwal na kasalanan at pagnanasa.

Sa Jacob 3:3–4, 10–12, nabasa rin natin ang mga babala ni Jacob tungkol sa mangyayari kung hindi magsisisi ang kanyang mga tao. Matapos pag-aralan ang mga talatang ito, bilugan ang mga pariralang naglalarawan sa mga sumusunod na mangyayari: (a) Sila ay lilipulin ng mga Lamanita. (b) Ang kanilang halimbawa ang magiging sanhi ng pagkalipol ng kanilang mga anak. (c) Sila ay daranas ng ikalawang kamatayan, o sa madaling salita, pagkawalay mula sa Diyos.

Isipin sandali kung paano maituturing na malaking pagpapala sa kanyang mga tao ang babala ni Jacob.

Tulad ng nakatala sa Jacob 3:5–7, buong tapang na sinabi ni Jacob na ang mga Lamanita ay “higit na mabubuti” kaysa sa mga Nephita dahil “mahal ng kalalakihan ang kanilang mga asawa, at mahal ng kababaihan ang kanilang mga asawa; at mahal ng mga ama at ina ang kanilang mga anak.” Kailangang magsisi ng mga Nephita sa lahat ng kanilang mga kasalanan, lalo na ang mga kasalanang nakakabawas ng pagmamahal at pagtitiwala ng kanilang mga pamilya.

Pag-isipan ang Jacob 3:11–12, at ibuod ang mensahe gamit ang sarili mong mga salita.

Isipin sandali ang mga tuksong kinakaharap mo at anong masamang ibinunga nito ang naiwasan mo dahil pinagsisihan mo ang iyong mga pagkakamali.

Jacob 4

Hinikayat ni Jacob ang kanyang mga tao na umasang makababalik sila sa piling ng Diyos

Sa iyong paghahanda sa pag-aaral ng Jacob 4, itaas ang bolpen o lapis mo nang kahit dalawang talampakan o isang metro sa ibabaw ng iyong manwal, at ibagsak at patamain sa sentro ng target na—“ang tanda.” Maaari mong subukan ito nang ilang beses. Isipin kung ano ang pwedeng mangyari kapag may tinitingnan ka pang iba maliban sa target. Sa iyong palagay, gaano kahusay sa archery ang mga tao kung hindi sila tumitingin sa tinatarget o sa tanda o kung nakatingin sila nang lampas sa tanda habang nagpapana sila? Basahin ang Jacob 4:14, at alamin ang mga katangian ng mga tao na ipinropesiya ni Jacob na titingin “nang lampas sa tanda.”

target circles

Maaari mong isulat sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Jacob 4:14 na “ang tanda ay si Cristo” (Neal A. Maxwell, “Jesus of Nazareth, Savior and King,” Ensign, Mayo 1976, 26). Itinuro rin ni Pablo, “Nagtutumulin ako sa hangganan sa ganting-pala ng dakilang pagtawag ng Dios na kay Cristo Jesus” (Mga Taga Filipos 3:14).

Ang tinutukoy ni propetang Jacob ay ang mga Judio na mali ang pagkaunawa sa batas ni Moises at sa layunin nitong akayin sila sa Tagapagligtas. Hinahanap ng karamihan sa mga Judio ang uri ng kaligtasan na kaiba sa kaligtasang ibinibigay ni Jesus, ang Mesiyas—ang hinahanap nila ay kaligtasan mula sa pamumuno at pang-aapi ng dayuhan.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng tumingin nang lampas sa tanda (Jesucristo)?

    2. Anong mga ugali at kilos na nakalista sa Jacob 4:14 ang bumulag sa mga Judio at humadlang sa pagtanggap nila kay Jesucristo?

    3. Ano ang maaaring ilang halimbawa ngayon ng pagtingin nang lampas sa tanda, o kawalan ng pokus sa Tagapagligtas?

Sa mga makakabasa ng kanyang itinala, gusto ni Jacob na maiba ang saloobin nila sa mga saloobin ng mga Judio na hindi tumingin sa tanda. Basahin ang Jacob 4:4, at tukuyin ang gusto ni Jacob na malaman ng lahat ng magbabasa ng kanyang itinala. Basahin din ang Jacob 4:12, at markahan ang parirala na “bakit hindi tayo mangungusap tungkol sa pagbabayad-sala ni Cristo.” Tulad ng nakatala sa Jacob 4:4–12, nagbigay si Jacob ng ilang dahilan kung bakit siya naniniwala kay Jesucristo at bakit sa palagay niya ay mahalagang malaman ng iba ang tungkol sa Pagbabayad-sala.

  1. journal iconIsulat ang mga sumusunod na scripture reference sa iyong scripture study journal, at pagkatapos ay sumulat ng maiikling buod sa itinuro ni Jacob tungkol kay Jesucristo o sa Pagbabayad-sala sa bawat scripture reference:

    1. Jacob 4:4–6

    2. Jacob 4:7–8

    3. Jacob 4:9–10

    4. Jacob 4:11

Anong mga salita o parirala sa Jacob 4:4–6 ang nagsasaad na naunawaan ng mga tao ni Jacob ang katangian ng Panguluhang Diyos?

Maaaring makatulong na malaman na ang “[maihandog] bilang mga unang bunga ni Cristo sa Diyos” (Jacob 4:11) ay tumutukoy sa pagharap sa Diyos na karapat-dapat na makapasok sa kahariang selestiyal. Gayundin, mahalagang maunawaan na kung gusto nating magkaroon ng “pag-asa sa … kaluwalhatian [ng Tagapagligtas]” (Jacob 4:4), dapat tayong maniwala na si Jesucristo ay naglaan ng paraan para tayo matubos mula sa ating mga kasalanan at mabuhay na muli para makabalik tayo sa piling ng Ama sa Langit.

Ang isang katotohanang matututuhan natin mula sa Jacob 4 ay ito: Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, mapupuno tayo ng pag-asa at maipagkakasundo ang ating sarili sa Diyos.

  1. journal iconSumulat ng maiikling sagot sa mga sumusunod sa iyong scripture study journal:

    1. Rebyuhin ang mga katotohanan tungkol kay Jesucristo na napag-aralan mo sa Jacob 4:4–12, at pumili ng isa na talagang naghihikayat sa iyo na magsalita tungkol sa Pagbabayad-sala. Isulat ang katotohanang iyan, at ipaliwanag kung bakit iyan ang napili mo.

    2. Ano pa ang ibang personal na mga dahilan na nakahihikayat sa iyo na magsalita tungkol kay Jesucristo at sa Pagbabayad-sala?

Sa pagtapos mo ng lesson na ito, pag-isipan kung bakit nagpapasalamat ka sa Tagapagligtas. Maaari mong sabihin ang mga dahilan sa isang kapamilya o malapit na kaibigan.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Jacob 3–4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: