Seminary
Eter


Pambungad sa Eter

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Habang pinag-aaralan mo ang aklat ni Eter, malalaman mo ang tungkol sa mga Jaredita—isang grupo ng mga taong naglakbay sa Western Hemisphere at nanirahan doon nang maraming siglo bago dumating ang mga tao ni Lehi. Tutulungan ka ng aklat na ito na matutuhan ang mahahalagang alituntunin hinggil sa panalangin, paghahayag, at ang kaugnayan ng pagsampalataya kay Jesucristo at pagtanggap ng espirituwal na kaalaman. Tutulungan ka rin nito na maunawaan ang responsiblidad ng mga propeta sa paghikayat sa mga tao na magsisi at ang mga kahihinatnan ng mga hindi tumatanggap kay Jesucristo at sa Kanyang mga propeta.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Pinaikli ni Moroni ang aklat na ito mula sa 24 na laminang ginto na tinatawag na mga lamina ni Eter. Ipinangalan ito sa propetang si Eter, ang huling propeta ng mga Jaredita at nagtala ng kanilang kasaysayan (tingnan sa Eter 15:33–34). Sa panahon ni Haring Mosias, natuklasan ng ilan sa mga tao ni Limhi ang mga lamina ni Eter noong hinahanap nila ang lupain ng Zarahemla (tingnan sa Mosias 8:7–11; Eter 1:2). Ipinasa ng mga propetang Nephita, at mga tagapag-ingat ng talaan ang mga lamina ni Eter hanggang sa mapunta kay Moroni. Ipinahayag ni Moroni na hindi niya isinama “ang ika-isandaang bahagi” ng talaan sa kanyang pinaikling tala (Eter 15:33).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang orihinal na pinagkunan ng mga materyal sa paglikha ng aklat ni Eter ay isinulat daan-daang taon bago ginawa ni Moroni ang kanyang pagpapaikli ng mga tala. Ang unang talaan ng mga Jaredita ay nalikha noong isinulat ng kapatid ni Jared ang pangitain na natanggap niya bago tumawid sa karagatan ang kanyang mga tao (tingnan sa Eter 4:1). Walang mga tagaingat ng talaan ang binanggit hanggang kay Eter (tingnan sa Eter 13:3; 15:33). Pinaikli ni Moroni ang aklat ni Eter (tingnan sa Mormon 8:3–6; Moroni 10:1). Hindi binanggit ni Moroni kung nasaan siya nang paikliin niya ang mga talaan, pero isinulat niya na ang mga Jaredita ay nalipol sa “hilagang bayan [na ito]” (Eter 1:1), na nagpapahiwatig na maaaring naroon siya sa lupain kung saan sila nalipol.