Unit 29: Day 4
Eter 3
Pambungad
Tinanong ng Panginoon ang kapatid ni Jared, “Ano ang nais mong gawin ko upang magkaroon ng liwanag sa inyong mga sasakyang-dagat?” (Eter 2:23). Bilang tugon, masigasig na naghanda ang kapatid ni Jared ng 16 na bato at mapagkumbabang ipinagdasal na hipuin ng Panginoon ang mga ito upang “ang mga ito ay kuminang sa kadiliman” (Eter 3:4). Dahil sa malaking pananampalataya ng kapatid ni Jared, nakita niya ang daliri ng Tagapagligtas nang hipuin ng Tagpagligtas ang mga bato. Pagkatapos ay ipinakita ng Panginoon ang Kanyang Sarili sa kapatid ni Jared at iniutos sa kanya na isulat ang kanyang nakita at narinig.
Eter 3:1–20
Hinipo ng Panginoon ang mga bato upang magbigay ng liwanag sa mga gabara ng mga Jaredita, at ipinakita Niya ang Kanyang Sarili sa kapatid ni Jared
Ano ang ilang halimbawa ng mga bagay na taimtim na ipinagdarasal mo o ng ibang kabataan? Piliin ang isa sa mga bagay na ito, at isulat ito rito:
Sa pag-aaral mo ng halimbawa ng kapatid ni Jared sa Eter 3, humanap ng magagandang ideya na makatutulong sa iyo o sa kaibigan mo na makatanggap ng tulong mula sa Panginoon.
Isipin ang panalangin ng kapatid ni Jared sa Panginoon tungkol sa paglalaan ng liwanag para sa mga gabara at ang sagot ng Panginoon sa kanya. Rebyuhin ang Eter 2:22–3:1. Pagkatapos ay magsulat ng caption para sa bawat sumusunod na mga larawan na naglalahad ng ginawa ng kapatid ni Jared bilang bahagi niya sa paglutas sa problema tungkol sa kawalan ng liwanag.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang naisip at nadama mo tungkol sa ginawa ng kapatid ni Jared para magkaroon ng liwanag ang mga gabara. Kahit maraming ginawa at malaking hirap ang dinanas ng kapatid ni Jared, isipin mo kung gaanong liwanag ang maibibigay ng kanyang tinunaw na mga bato kung walang tulong ng Panginoon.
Basahin ang Eter 3:2–5, at gawin ang mga sumusunod:
-
Tukuyin o markahan ang mga parirala na nagpapakita na mapagkumbaba ang kapatid ni Jared at kinikilala na umaasa siya Diyos. Makabubuting malaman na ang pariralang ang “aming katauhan ay naging patuloy na masama” ay tumutukoy sa ating makasalanang kalagayan sa mundo. Dahil sa Pagkahulog ni Adan, tayo ay pisikal na nawalay sa Diyos. Lahat tayo ay madaling makagawa ng kasalanan. Kung wala ang tulong ng langit, hindi tayo makababalik sa piling ng Diyos kailanman.
-
Tukuyin ang hiniling ng kapatid ni Jared na gawin ng Panginoon.
-
Tukuyin o markahan ang pinatotohanan ng kapatid ni Jared na alam niya tungkol sa Diyos.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong katibayan ang nakikita mo sa Eter 3:1–5 na nanampalataya ang kapatid ni Jared na matutulungan siya ng Panginoon sa paglutas ng kanyang problema?
-
Paano ka matutulungan ng kanyang halimbawa para matanto mo na umaasa ka sa Panginoon kapag humihingi ka ng tulong sa Kanya?
-
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, na binibigyang-diin ang pananampalataya ng kapatid ni Jared: “Tunay ngang mapapahanga nang lubos ang Diyos, gayon din ang mga mambabasa, sa lalaking ito na ang pananampalataya ay napakatindi at tila katulad sa isang musmos. ‘Masdan, O Panginoon, magagawa ninyo ito’ [Eter 3:5]. Marahil wala nang mas nakaaantig na pagpapahayag ng pananampalataya na binigkas ng tao sa banal na kasulatan kaysa sa isang taludtod na ito. … Gaano man ang pag-aalinlangan ng propeta sa kanyang sariling kakayahan, wala siyang pag-aalinlangan sa kapangyarihan ng Diyos” (“Rending the Veil of Unbelief,” sa Nurturing Faith through the Book of Mormon: The 24th Annual Sidney B. Sperry Symposium [1995], 12).
Basahin ang Eter 3:6, at isipin kung ano kaya ang madarama mo kung ikaw ang nasa sitwasyon na inilarawan sa talatang ito.
Basahin ang Eter 3:9, at alamin kung bakit sumang-ayon ang Panginoon na hipuin ang mga bato at bakit nakita ng kapatid ni Jared ang daliri ng Panginoon.
Tapusin ang sumusunod na pahayag ayon sa natutuhan mo sa Eter 3: Kapag magpagkumbaba tayong nanalangin sa Panginoon, sasagutin Niya tayo ayon sa ating at sa Kanyang kalooban.
-
Sagutin ang isa o lahat ng tanong sa iyong scripture study journal:
-
Tukuyin ang isinulat mo sa simula ng lesson na ito tungkol sa ipinagdarasal mo o ng ibang kabataan. Paano makapagpapakita ng pananampalataya sa Panginoon ang isang tao sa paghingi niya ng tulong at patnubay ng Panginoon sa sitwasyong iyan?
-
Ano ang naranasan mo sa buhay na naging dahilan para malaman mo ang katotohanan ng alituntunin na kapag magpagkumbaba tayong nanalangin sa Panginoon, sasagutin Niya tayo ayon sa ating pananampalataya at sa Kanyang kalooban?
-
Pag-isipan sandali at tahimik na suriin kung gaano ka nagtitiwala sa Panginoon. Basahin ang Eter 3:9–12, at alamin at markahan ang katibayan na nanampalataya ang kapatid ni Jared sa Panginoon.
Rebyuhin ang Eter 3:11, at pag-isipan kung sapat ba ang pananampalataya mo sa Panginoon para maipangako mo na maniniwala at susundin mo ang ihahayag Niya sa iyo bago pa Niya ihayag ito.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Jeffrey R. Holland, at salungguhitan ang dapat nating gawin para makapagpakita ng pananampalataya tulad ng kapatid ni Jared: “Nabubuo ang pananampalataya sa pamamagitan ng mga pangyayaring naranasan noon—ng mga bagay na natutuhan, na naglalaan ng batayan para sa paniniwala. Ngunit ang pananampalatayang nakapagliligtas ay dapat madalas maipakita sa mga pangyayaring mararanasan pa lang sa hinaharap—na walang-katiyakan, na nagbibigay ng pagkakataon para mangyari ang mga himala. … Ang pananampalatayang taglay ng kapatid ni Jared, ay nauna munang naipakita bago nagkaroon ng himala at kaalaman. Kinailangan niyang maniwala bago pa man magsalita ang Diyos. Kinailangan niyang kumilos bago pa man niya natiyak na makakaya niyang tapusin ang ipinapagawa sa kanya. Kinailangan niyang mangakong tatapusin niya ang gawain bago pa man niya ito simulan. Ang pananampalataya ay pagsang-ayon nang walang pasubali—at agad-agad—anuman ang kundisyong hingin ng Diyos ngayon o sa hinaharap” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 18–19).
Pag-isipan ang mga karanasan ng kapatid ni Jared, simula sa Tore ng Babel. Ano ang mga karanasang maaaring nakatulong sa paglakas ng kanyang pananampalataya sa Panginoon? Sa palagay mo paano nakatulong ang mga karanasang ito para maihanda siya sa “gayong labis na pananampalataya” (Eter 3:9) sa sandaling iyon?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang karanasan mo sa buhay na nagpalakas ng iyong pananampalataya sa Panginoon?
-
Paano ka naihanda ng karanasang iyan para higit ka pang manampalataya sa hinaharap?
-
Basahin ang Eter 3:13–20, at alamin ang pagpapalang natanggap ng kapatid ni Jared dahil sa kanyang pananampalataya. Ano ang natutuhan ng kapatid ni Jared tungkol sa Tagapagligtas mula sa pambihirang karanasang ito? Ang isa pang mahalagang alituntunin na matututuhan mo mula sa Eter 3 ay ito: Kapag nanampalataya tayo sa Panginoon, mas mapapalapit tayo sa Kanya. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Eter 3:11–20.
Nagbigay ng pahayag si Elder Jeffrey R. Holland tungkol sa Eter 3:15–16 at ang posibleng kalituhan na maaaring magmula sa karanasang iyan:
“Ang isang paksa na kailangang bigyan ng maikling komento ay nagmula sa ipinahayag ng Panginoon na ‘Kailanman ay hindi pa lumalapit ang tao sa akin nang may labis na pananampalataya tulad ng mayroon ka; sapagkat kung hindi dahil dito ay hindi mo sana nakita ang aking daliri.’ At sinabi pa Niya, ‘Kailanma’y hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa taong aking nilikha, sapagkat kailanma’y hindi pa naniwala ang tao sa akin na tulad mo.’ [Eter 3:9, 15.]
“Ang posibleng pagmulan ng kalituhan ay ang katotohanan na marami (at marahil lahat) ng mga pangunahing propeta na nabuhay bago ang kapatid ni Jared ay nakakita sa Diyos. Kung gayon, paano natin maipapaliwanag ang ipinahayag ng Panginoon? …
“Ang paksang ito ay madalas talakayin ng mga manunulat na mga Banal sa mga huling araw, at may ilang posibleng paliwanag, alinman dito—o lahat ng ito—na makatutulong na maipaliwanag ang mas malalim na katotohanan ng talatang ito. Gayunpaman, kung walang karagdagang paghahayag o komentaryo tungkol sa bagay na ito, anumang haka-haka tungkol dito ay hindi sapat at hindi kumpleto. …
“Iniisip ng ilan na ang ibig sabihin ng Panginoon ay hindi pa siya kailanman nagpakita sa sinuman noon sa ganyang antas o sa ganyang saklaw. Ipinapahiwatig ng teoriyang ito na ang mga pagpapakita ng Diyos sa mga naunang propeta ay hindi umabot sa gayong ‘kabuuan,’ na hindi pa kailanman naiangat ang tabing para sa gayong ganap na pagpapakita ng katangian at katauhan ni Cristo. …
“Ang isang huling paliwanag—at patungkol sa pananampalataya ng kapatid ni Jared ang pinaka-nakahihikayat—ay ang sinabi ni Cristo sa kapatid ni Jared, ‘Kailanma’y hindi ko pa ipinakita ang aking sarili sa ganitong paraan, nang hindi ko kinusa, kundi dahil lamang sa pananampalataya ng nakakita.’ Karaniwang ang mga propeta ay inanyayahan sa harapan ng Panginoon, at hindi makapapasok sa Kanyang presensya nang wala siyang pahintulot. Taliwas dito, tila biglang inilusot ng kapatid ni Jared ang kanyang sarili sa tabing, hindi bilang isang inaayawang panauhin, kundi marahil isang panauhing hindi inanyayahan. Sabi ni Jehova, ‘Kailanman ay hindi pa lumalapit ang tao sa akin nang may labis na pananampalataya tulad ng mayroon ka; sapagkat kung hindi dahil dito ay hindi mo sana nakita ang aking daliri. … Kailanma’y hindi pa naniwala ang tao sa akin na tulad mo.’ Malinaw na inuugnay ng Panginoon mismo ang walang katulad na pananampalataya sa walang katulad na pangitaing ito na hindi pa namalas kailanman noon. Kung hindi man kakaiba ang pangitain, kung gayon ang pananampalataya at ang paraan ng pagtamo ng pangitain ay hindi mapapantayan. Ang tanging paraan na maaaring lubhang kagila-gilalas ang pananampalataya ay ang kakayahan nitong dalhin ang propeta, nang walang paanyaya, sa lugar na hindi mapuntahan kung walang pahintulot ng Diyos” (Christ and the New Covenant, 20–23).
Eter 3:21–28
Iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang mga bagay na nakita niya at tatakan ang kanyang talaan
Basahin ang Eter 3:25–26, at tukuyin kung ano pa ang ipinakita ng Panginoon sa kapatid ni Jared. Tulad ng nakatala sa Eter 3:21–24, 27–28, iniutos ng Panginoon sa kapatid ni Jared na isulat ang mga bagay na nakita niya at tatakan ang kanyang talaan. Ipinaliwanag din ng Panginoon na maghahanda Siya ng paraan na maisalin ang mga isinulat ng kapatid ni Jared sa hinaharap. Isa sa mga paraan na natupad ang propesiyang ito ay nang isalin ni Propetang Joseph Smith ang aklat ni Eter mula sa mga laminang ginto bilang bahagi ng Aklat ni Mormon at pinangyari na mabasa ng lahat ng tao ang talaan ng mga Jaredita.
Isipin kung paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo ngayon at ano ang magagawa mo para maipakita ang pananampalataya mo sa Panginoon. Kapag nanampalataya ka kay Jesucristo, pagpapalain ka nang lubos ng Diyos tulad ng ginawa Niya sa kapatid ni Jared.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Eter 3 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: