Seminary
Unit 16: Day 2, Alma 12


Unit 16: Day 2

Alma 12

Pambungad

Naramdaman ni Zisrom ang kanyang kasalanan na pagsisinungaling at panlilinlang sa mga tao dahil sa mga salita ni Amulek sa Alma 11. Matapos magsalita si Amulek sa mga tao ng Ammonihas, tumayo si Alma sa harapan nila. Dahil ang mga tao sa Ammonihas ay naging masasama, si Alma ay nagtuon sa mga katotohanan na tutulong sa kanila na pagsisihan ang katigasan ng kanilang mga puso at iba pang mga kasalanan. Binigyang-diin niya ang mga patibong ni Satanas, ang mga paghatol na sasapit sa masasama, at ang plano ng pagtubos na ibinigay sa pamamagitan ng Anak ng Diyos upang makabalik ang mga magsisisi sa piling ng Diyos.

Alma 12:1–7

Ibinunyag ni Alma ang masasamang hangarin ni Zisrom

Isipin kung paano gumagana ang isang patibong upang mahuli ang isang hayop: Ilalagay sa silo ang isang piraso ng pagkain. Kapag ang isang hayop ay nakarating sa silo para kunin ang pagkain, hihigpit ang silo, at mahuhuli ang hayop.

lubid na ginawang silo

Rebyuhin kung paano tinangka ni Zisrom na mabitag si Amulek sa Alma 11:21–25. Matapos mahiwatigan ni Amulek ang layunin ni Zisrom at tumugon sa kanya, tumayo si Alma para magsalita kay Zisrom at sa mga taong naroon (tingnan sa Alma 12:1–2). Hanapin sa Alma 12:3–6 ang mga salita at mga pariralang ginamit ni Alma para ilarawan ang taktika ni Zisrom, na ayon kay Alma ay mula sa diyablo (tingnan sa Alma 12:5).

Ayon sa Alma 12:3, paano nalaman ni Alma ang balak ni Zisrom?

Ayon kay Alma, ano ang mga balak ng diyablo sa Alma 12:6?

Itinuro ni Alma na matutulungan tayo ng Espiritu Santo na makilala ang mga tukso ng kaaway. Sa lesson sa Alma 11, natutuhan mo na kung aasa tayo sa Espiritu Santo, mapaglalabanan natin ang tukso. Ang isang mahalagang aspeto ng pagdaig sa tukso ay ang hingin ang paggabay ng Espiritu na tulungan tayong makilala ang mga tukso at ang kapahamakang idudulot nito sa atin. Pagkatapos ay mapipili nating manatiling dalisay at tapat sa pamamagitan ng pag-iwas sa tukso. Naranasan mo na ba na natulungan ka ng Espiritu Santo na makilala at maiwasan ang isa sa mga tukso ng diyablo?

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang magagawa at gagawin mo para mapalakas ang iyong kakayahang mahiwatigan at masunod ang mga bulong ng Espiritu Santo upang makilala at maiwasan mo ang “mga patibong” ng kaaway.

Alma 12:7–18

Itinuro ni Alma ang tungkol sa huling paghuhukom sa buong sangkatauhan

Isipin ang propesyong gusto mong gawin balang araw. Tantiyahin kung magkano ang matrikula (bayad sa pag-aaral) sa paaralan o training program para matamo ang kaalamang kailangan para maging matagumpay sa propesyong iyan.

Elder David A. Bednar

Basahin ang sumusunod na pahayag, at alamin ang sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na dapat gawin para magkaroon ng espirituwal na kaalaman: “Ang espirituwal na pagkaunawang natanggap natin, at napagtibay na totoo sa ating mga puso, ay hindi basta maibibigay sa [iba]. Ang itinurong sigasig at paghahangad na matuto sa pamamagitan ng pag-aaral at pananampalataya ay dapat tumbasan para matamo at ‘maangking kanya’ ang gayong kaalaman. Sa paraang ito lamang madarama rin sa puso ang nalalaman ng isipan” (“Mangagpuyat sa Buong Katiyagaan,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 43).

Humanap ng katibayan sa Alma 12:7–8 na nagsimula nang maging handa si Zisrom na magbayad ng espirituwal na “matrikula” na kailangan para magtamo ng espirituwal na kaalaman. Ano ang nakita mo na nagpapahiwatig na nagsimula nang baguhin ni Zisrom ang kanyang puso para matutuhan niya ang mga espirituwal na katotohanan?

Alamin ang itinuro ni Alma kay Zisrom tungkol sa pagtatamo ng espirituwal na kaalaman sa pagbabasa mo ng Alma 12:9–11. Makatutulong na malaman na ang “mga hiwaga ng Diyos ay mga espirituwal na katotohanang nalalaman lamang sa pamamagitan ng paghahayag. Ipinahahayag ng Diyos ang kanyang mga hiwaga sa mga yaong sumusunod sa ebanghelyo” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Hiwaga ng Diyos, Mga,” scriptures.lds.org). Maaari mong isulat ang kahulugang ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 12:9. Sa Alma 12:9, ipinaliwanag ni Alma na ipagkakaloob ng Diyos ang isang bahagi ng Kanyang salita sa mga tao alinsunod sa anong dahilan?

Ayon sa Alma 12:10–11, ano ang kaugnayan ng kalagayan ng ating puso sa pagtanggap ng mga espirituwal na katotohanan?

Ano ang ibig sabihin ng “patigasin” ang iyong puso (tingnan sa Alma 12:10–11), at sa iyong palagay, paano nakikita ang kalagayang iyan sa buhay ng isang tao?

Ang mensahe ni Alma kay Zisrom ay nagtuturo ng sumusunod na alituntunin: Ang Panginoon ay naghahayag ng mga espirituwal na katotohanan alinsunod sa pagsunod at sigasig na ibinibigay natin sa Kanyang mga salita.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat ng tungkol sa isang kautusan o payo mula sa Panginoon na nahihirapan kang bigyan ng “pagsunod at sigasig.” Sa paanong mga paraan ka binigyan ng Panginoon ng karagdagang paggabay, pag-unawa, o mga bulong ng Kanyang Espiritu dahil sinunod mo ang itinuro Niya sa iyo?

Matapos ipaliwanag ni Alma kung paano malalaman ang mga espirituwal na katotohanan, nagpatuloy siya sa pagsagot sa tanong ni Zisrom sa Alma 12:8 tungkol sa paraan kung paano tayo hahatulan. Alamin ang itinuro ni Alma kay Zisrom sa Alma 12:12–15 tungkol sa pagkabuhay na mag-uli at paghuhukom. Punan ang mga sumusunod na patlang: Tayo ay pananagutin sa harapan ng Diyos para sa ating , , at.

Isiping mabuti ang sumusunod na tanong: Kung lagi mong aalalahanin na ikaw ay pananagutin para sa iyong mga salita, gawa, at pag-iisip, ano ang kaibhang magagawa nito sa mga pagpili o pasiya na gagawin mo sa araw-araw?

Marakahan ang cross-reference sa footnote 14a sa scripture mastery passage na Mosias 4:30, at pagkatapos ay basahin o bigkasin ang Mosias 4:30.

  1. journal iconTingnan ang isinulat mo sa iyong scripture study journal para sa assignment 1 sa lesson sa araw na ito—tungkol sa paano ka magiging mas sensitibo sa mga pahiwatig ng Espiritu Santo. Idagdag ang iyong mga naisip kung paano mas titibay ang iyong hangarin na makilala at maiwasan ang mga tukso dahil naunawaan mo na mananagot ka sa Diyos.

Alma 12:19–37

Ipinaliwanag ni Alma kung paano madaraig ng sangkatauhan ang epekto ng Pagkahulog sa pamamagitan ng plano ng pagtubos

Isang punong tagapamahala sa Ammonihas na nagngangalang Antionas ang hindi naniniwala na ang tao ay magiging imortal, nagsasabing imposibleng mangyari ito dahil sa Pagkahulog (tingnan sa Alma 12:20–21). Basahing mabuti ang mga talata mula sa Alma 12 na nakalista sa kasunod na chart, at isulat sa mga column kung ano ang itinuro ni Alma sa ilalim ng mga heading na:

Mga Epekto ng Pagkahulog (Alma 12:22, 24)

Ano ang ginawa ng Diyos para matubos tayo (Alma 12:24–25, 28–33)

Ano ang dapat nating gawin para matubos tayo (Alma 12:24, 30, 34, 37)

Paglisan sa Halamanan ng Eden
  1. journal iconKapag natapos mo nang sulatan ang chart, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano tayo natutulungan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog?

    2. Ayon sa Alma 12:24, ano ang itinuro ni Alma na layunin ng buhay ngayong nagawa ng Tagapagligtas na madaig ang mga epekto ng Pagkahulog?

Elder L. Tom Perry

Ang katagang “pagsubok na kalagayan” sa Alma 12:24 ay isang parirala na si Alma lamang ang gumamit sa Aklat ni Mormon (tingnan din sa Alma 42:4, 10, 13). Inilarawan ni Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pagsubok na kalagayang ito: “Ang pangunahing layunin ng buhay sa mundo ay tulutan ang ating mga espiritu, na umiral na bago pa ang daigdig, na makiisa sa ating katawan para sa malaking pagkakataon na mabuhay sa mundo. Ang pagsasama ng espiritu at katawan ay nagbibigay sa atin ng pribilehiyo na umunlad, sumulong, at bumuti na magagawa lamang natin kapag nagkaisa ang espiritu at katawan. Taglay ang ating katawan, dumaranas tayo ng mga pagsubok na tinatawag na isang pagsubok na kalagayan sa ating buhay. Ito ang panahon para matuto at masubukan upang patunayan natin ang ating sarili na karapat-dapat sa mga walang-hanggang oportunidad. Lahat ng ito ay bahagi ng banal na plano ng ating Ama para sa Kanyang mga anak” (“Proclaim My Gospel from Land to Land,” Ensign, Mayo 1989, 14).

Nagpatotoo si Alma na ang mortalidad ay isang panahon para makapaghanda tayo sa pagharap sa Diyos. Maaari mong markahan ang mga parirala na nagtuturo ng doktrinang ito sa Alma 12:24. Basahin ang Alma 34:32, at i-cross-reference ito sa Alma 12:24.

  1. journal iconPara maipamuhay ang iyong natutuhan, sagutin ang isa o lahat ng mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano tumutulong at gumagabay sa iyong buhay ang kaalaman mo tungkol sa layunin ng mortalidad?

    2. Paano makatutulong ang iyong pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo sa buhay mo dito sa lupa?

Basahin ang Alma 12:33–35, at pansinin ang pagkakaiba ng mangyayari sa mga nagsisi at sa mga hindi nagsisi. Mas mauunawaan mo ang mga talatang ito kapag nalaman mo na ang pagpasok sa kapahingahan ng Panginoon ay kinapapalooban ng pagtanggap ng kapatawaran sa mga kasalanan at sa huli ay pagpasok sa kaluwalhatian ng kapahingahan ng Panginoon (tingnan sa D at T 84:24).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 12 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: