Seminary
Unit 20: Day 1, Alma 39


Unit 20: Day 1

Alma 39

Pambungad

Pinagsabihan ni Alma ang anak niyang si Corianton, na tinalikuran ang ministeryo at nakagawa ng mabigat na kasalanang seksuwal. Itinuro ni Alma kay Corianton na mabigat ang kasalanang ginawa nito at ipinahayag ang kanyang kalungkutan na si Corianton ay nakagawa ng ganoong kabigat na kasalanan. Inutusan ni Alma si Corianton na huwag nang sundin pa “ang pagnanasa ng [kanyang] mga mata” at magsisi (Alma 39:9). Ang mensahe ni Alma kay Corianton ay matatagpuan sa Alma 39–42.

Alma 39:1–6

Ipinaliwanag ni Alma ang kabigatan ng kasalanang seksuwal sa kanyang anak na si Corianton

Pag-isipan ang sumusunod na pahayag: Ang ilang kasalanan ay mas mabigat kaysa sa iba pang mga kasalanan.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Naniniwala ka ba na may ilang kasalanan na mas mabigat sa iba pang mga kasalanan? Bakit oo o bakit hindi?

Tulad ng nakatala sa Alma 39, pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Corianton na makatutulong sa iyo na maunawaan ang kabigatan ng ilang partikular na kasalanan. Sinamahan ni Corianton si Alma at ang kanyang kapatid na si Siblon sa isang misyon na mangaral ng ebanghelyo sa mga Zoramita. Habang naroon, nakagawa ng mabigat na kasalanang seksuwal si Corianton.

Basahin ang Alma 39:1–4, at alamain ang nagawang pagkakamali ni Corianton. Para matulungan kang maunawaan ang mga talatang ito, makabubuting malaman mo na ang isang patutot ay isang imoral na babae o nagbebenta ng katawan [prostitute]. Mahalagang maunawaan na ang Panginoon ay “hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang” (D at T 1:31); ang mga kasalanang seksuwal ay talagang mabigat na kasalanan. Pansinin din na sadyang iniwan ni Corianton ang kanyang misyon para sundan ang patutot na si Isabel, na nakaragdag pa sa bigat ng kanyang kasalanan.

Basahin ang Alma 39:5, at alamin kung paano ipinaliwanag ni Alma ang kabigatan ng kasalanang seksuwal kumpara sa iba pang mga kasalanan. Ang karumal-dumal ay isang bagay na makasalanan, masama, o nakasusuklam. Mula sa mga talatang ito nalaman natin na ang kasalanang seksuwal ay karumal-dumal sa paningin ng Panginoon. Isiping mabuti kung bakit sa iyong palagay ay sumusunod ang kasalanang seksuwal sa kasalanang pagpaslang sa kabigatan ng kasalanan.

Ganito ang paliwanag ni Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit karumal-dumal ang kasalanang seksuwal sa Panginoon: “Sapagkat itinuturing na napakabigat ng pisikal na intimasiya, ano ang ipinararating sa atin ng Diyos tungkol sa bahagi nito sa Kanyang plano para sa lahat ng kalalakihan at kababaihan? Sinasabi ko sa inyo na gayon nga ang ginagawa Niya—pinagtutuunan ang plano mismo ng buhay. Malinaw na ang higit Niyang inaalala hinggil sa mortalidad ay kung paano maisisilang ang isang tao sa mundong ito at kung paano lilisan ang isang tao mula rito. Nagtakda Siya ng napakahigpit na hangganan sa mga bagay na ito” (“Personal Purity,” Ensign, Nob. 1998, 76).

Basahin ang mga sumusunod na talata, at hanapin at markahan ang mga sagot sa sumusunod na tanong: Ano ang ilan sa mga pagpapala ng pananatiling dalisay ng puri?

“Ang pagtatalik sa pagitan ng mag-asawa ay maganda at sagrado. Ito ay inordena ng Diyos para sa paglikha ng mga anak at para maipahayag ang pag-ibig ng mag-asawa sa isa’t isa. Iniutos ng Diyos na ilaan ang seksuwal na intimasiya matapos ang kasal.

“Kapag malinis ang inyong puri, inihahanda ninyo ang inyong sarili sa paggawa at pagtupad ng mga sagradong tipan sa templo. Naihahanda ninyo ang sarili sa pagbuo ng matatag na samahan ng mag-asawa at sa pagluluwal ng mga sanggol sa mundo bilang bahagi ng walang hanggan at mapagmahal na pamilya. Napapangalagaan ninyo ang inyong sarili mula sa espirituwal at emosyonal na pinsalang laging kaakibat ng pakikipagtalik sa hindi ninyo asawa. Pinoprotektahan din ninyo ang sarili mula sa mga nakapipinsalang sakit. Ang pananatiling malinis ang puri ay makatutulong sa inyo na maging tiwala at tunay na maligaya at nagpapalakas sa inyong kakayahang gumawa ng mabubuting desisyon ngayon at sa hinaharap” (Para sa Lakas ng mga Kabataan [buklet, 2011], 35).

Ngayon ay basahin ang mga sumusunod na talata, at hanapin ang mga sagot sa sumusunod na tanong: Ano ang mga pamantayan ng Panginoon para sa pagpapanatili ng kadalisayan ng puri?

“Ang mga pamatayan ng Panginoon sa kadalisayan ng puri ay malinaw at hindi nagbabago. Huwag magkaroon ng anumang pakikipagtalik bago ikasal, at maging ganap na matapat sa inyong asawa matapos ang kasal. Huwag hayaan ang media, mga kabarkada, o iba na [pasang-ayunin] kayo na ang pakikipagtalik bago ikasal ay katanggap-tanggap. Hindi iyan totoo. Sa paningin ng Diyos, napakabigat ng mga kasalanang seksuwal. Dinudungisan nito ang sagradong kapangyarihang bigay sa atin ng Diyos na lumikha ng buhay. Itinuro ng propetang si Alma na ang kasalanang seksuwal ay mas mabigat kaysa sa iba pang kasalanan maliban sa pagpatay ng tao o pagtatatwa sa Espiritu Santo (tingnan sa Alma 39:5).

“Huwag gumawa ng anumang bagay na hahantong sa seksuwal na kasalanan. Igalang ang ibang tao at huwag silang ituring na mga bagay na magbibigay-kasiyahan sa pagnanasa at pansariling hangarin. Bago ikasal, huwag gawin ang maalab na paghahalikan, pumatong sa isang tao, o hawakan ang mga pribado at sagradong bahagi ng katawan ng isang tao, may damit man o wala. Huwag gumawa ng anupamang pupukaw sa damdaming seksuwal. Huwag pukawin ang mga damdaming iyon sa sarili ninyong katawan. Pansinin ang mga ipinadarama ng Espiritu upang kayo ay maging malinis at marangal. Ang Espiritu ng Panginoon ay lalayo sa taong gumagawa ng kasalanang seksuwal.

“Iwasan ang mga sitwasyong nagdaragdag ng tukso, tulad ng mga aktibidad na hanggang hatinggabi o magdamagan at malayo sa tahanan o mga aktibidad na walang nakatatanda na naroon para magbantay. Huwag makisali sa mga usapan o gawaing pumupukaw sa damdaming seksuwal. Huwag makisali sa anumang uri ng pornograpiya. Matutulungan kayo ng Espiritu na malaman kung nasa panganib kayo at mabibigyan kayo ng lakas na makaalis sa sitwasyong iyon. Manampalataya at sumunod sa mabuting payo ng inyong mga magulang at lider.

“Ang [homosekwal na mga gawain] ay mabigat na kasalanan. Kung naaakit kayo sa kapwa ninyo lalaki o kapwa babae o pinipilit kayong gumawa ng malaswang gawain, humingi ng payo sa inyong mga magulang at bishop. Tutulungan nila kayo.

“Ang mga biktima ng seksuwal na pang-aabuso ay walang kasalanan at hindi kailangang magsisi. Kung naging biktima kayo ng pang-aabuso, dapat ninyong malaman na wala kayong kasalanan at mahal kayo ng Diyos. Kausapin ang inyong mga magulang o isa pang nakatatanda na mapagkakatiwalaan ninyo, at kaagad na humingi ng payo at tulong sa inyong bishop. Espirituwal nila kayong masusuportahan at matutulungan kayo na makuha ang proteksyon at tulong na kailangan ninyo. Ang pagpapahilom o paggaling ay maaaring tumagal. Magtiwala sa Tagapagligtas. Pagagalingin Niya kayo at bibigyan ng kapayapaan.

“Kung natutukso kayong gumawa ng anumang seksuwal na kasalanan, humingi ng tulong sa inyong mga magulang at bishop. Manalangin sa inyong Ama sa Langit, na tutulong sa inyo na labanan ang tukso at daigin ang hindi angkop na damdamin at kaisipan. Kung nakagawa kayo ng seksuwal na kasalanan, kausapin ngayon ang inyong bishop at simulan ang proseso ng pagsisisi upang mapanatag kayo at mapasainyo ang lubusang pagsama o paggabay ng Espiritu.

“Mangako na magiging dalisay ang puri. Sa inyong mga sinasabi at ikinikilos, hikayatin ang iba na ganoon din ang gawin” (Para sa Lakas ng mga Kabataan, 35–37).

Isiping mabuti ang mensahe na nadama mong nais ng Panginoon na pagtuunan mo ng pansin mula sa nabasa mo lang ngayon.

Alma 39:7–19

Hinikayat ni Alma si Corianton na magsisi

Kunwari ay kausap mo ang iyong mga magulang, mga lider sa Young Men o Young Women, o ang iyong bishop o branch president tungkol sa kahalagahan ng kadalisayan ng puri. Isipin kung ano kaya ang isasagot mo sa iyong mga magulang o mga lider ng Simbahan kapag papayuhan ka nila tungkol sa kahalagahan ng kadalisayan ng puri. Basahin ang Alma 39:7–8 at alamin kung ano ang layunin ni Alma sa pagtuturo kay Corianton ng tungkol sa kabigatan ng kanyang kasalanan. Pag-isipang mabuti kung paano maapektuhan ang pagtugon mo sa payo ng iyong mga magulang o mga lider ng Simbahan kung alam mong iyon ay magiliw na panghihikayat na manatiling dalisay o magsisi at iwasan ang mga kahatulan ng Diyos.

Elder D. Todd Christofferson

Inilarawan ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol kung bakit ang mga magulang, tulad ni Alma, ay hinihikayat ang kanilang mga anak na magsisi: “Ang paanyayang magsisi ay nagpapakita ng pagmamahal. … Kung hindi natin aanyayahang magbago ang iba o tayo mismo ay hindi magsisisi, hindi natin nagagawa ang pangunahing obligasyon natin sa sarili at sa isa’t isa. Ang totoo, mas inaalala ng mapangunsinting magulang, ng kaibigang walang pakialam, ng takot na pinuno ng Simbahan ang kanilang sarili kaysa kapakanan at kaligayahan ng mga taong matutulungan nila. Oo, ang panawagang magsisi kung minsan ay itinuturing na hindi pagpaparaya o nakasasakit ng damdamin at maaari ngang ikagalit pa, ngunit sa patnubay ng Espiritu, [talagang] nagpapakita ito ng tunay na malasakit” (“Ang Banal na Kaloob na Pagsisisi,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 39).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa iyong scripture study journal: Kabilang sa pagsisisi ang … Pagkatapos, sa pag-aaral mo ng Alma 39:9–14, gumawa ng listahan sa iyong scripture study journal ng itinuro ni Alma kay Corianton tungkol sa pagsisisi na makatutulong sa pagkumpleto ng pahayag na ito.

Gamitin ang mga sumusunod na tanong at komentaryo para maunawaan at masunod mo ang ipinayo ni Alma. Sikaping matukoy at makasulat ng kahit isang katotohanan para sa bawat talatang nakalista sa ibaba na makatutulong sa pagkumpleto ng pahayag sa iyong scripture study journal. Hindi mo kailangang sagutin ang mga tanong sa iyong scripture study journal.

Basahin ang Alma 39:9. (Ang Alma 39:9 ay isang scripture mastery verse. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.) Ano ang kinalaman ng mga talatang “huwag nang sundin pa ang pagnanasa ng iyong mga mata” at “pigilin mo ang iyong sarili sa mga bagay na ito” sa pagtalikod sa kasalanan?

Sa ating panahon, ang pariralang “pagnanasa ng iyong mga mata” ay matinding tumutukoy sa imoralidad at mga imahe o libangan na malaswa sa anumang paraan. Ang pariralang “pigilin mo ang iyong sarili,” tulad ng pagkakagamit sa Alma 39:9, ay nangangahulugang tumanggi sa isang bagay o huwag itong gawin. Sa panahon ni Joseph Smith, ang ilan sa kahulugan ng pandiwang pigilin ay “alisin; kanselahin. … Labanan … ; tigilan” (Noah Webster’s First Edition of an American Dictionary of the English Language, facsimile ed. [1967]). Kung gagamitin natin ang mga kahulugang ito sa itinuro ni Alma sa kanyang anak, mauunawaan natin ang kahalagahan ng pag-alis sa ating buhay ng lahat ng aspeto ng imoralidad (kabilang na ang mga pinagmumulan ng tukso ng imoralidad na kaya nating kontrolin), upang tayo ay “[magmana] ng kaharian ng Diyos.” Ano ang ilang paraan na maihihiwalay ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw ang kanilang sarili ngayon sa mga bagay na may kinalaman sa kadalisayan ng puri at maiwasan ang pagsunod sa pagnanasa ng mga mata?

Basahin ang Alma 39:10. Paano makatutulong sa isang tao na magsisi ang paghahanap ng espirituwal na pangangalaga mula sa mga magulang, mga lider ng Simbahan, mga kapatid, o mga mapagkakatiwalaang kaibigan?

Basahin ang Alma 39:11–12, at pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang dapat magbago sa puso ng isang tao habang siya ay nagsisisi upang hindi siya matuksong muli ng diyablo na magkasala?

  • Paano makatutulong sa isang tao na magsisi ang pag-iwas sa paghahangad ng mga walang halaga o hangal na bagay?

Basahin ang Alma 39:13. Alalahanin na sinabi ni Alma kay Corianton na nang makita ng mga Zoramita ang ginawa ni Coriaton hindi sila naniwala sa mga salita ni Alma (tingnan sa Alma 39:11). Makatutulong na maunawaan na sa mga banal na kasulatan, ang pariralang “bumaling sa Panginoon” ay nagpapahiwatig ng pagsisisi. Ang pagsisisi ay “pagbaling ng puso at kalooban sa Diyos” (Bible Dictionary, “Repentance”).

  • Ano sa iyong palagay ang ibig sabihin ng magsisi nang buo mong “pag-iisip, kakayahan, at lakas”?

  • Kapag nakaapekto ang ating mga kasalanan sa iba, ano ang dapat nating gawin bilang bahagi ng ating pagsisisi?

  • Kapag nakagawa ng mabigat na kasalanan, bakit kinakailangang hingin ang tulong ng bishop o branch president?

Mula sa Alma 39:9–13 natutuhan natin: Kabilang sa pagsisisi ang pagkilala at pagtalikod sa ating mga kasalanan at pagbaling sa Panginoon nang buo nating pag-iisip, kakayahan, at lakas.

Isiping mabuti ang nadarama mong nais ng Panginoon na gawin mo upang lubos mong maibaling ang iyong puso at kalooban sa Kanya. Ano ang maaari mong gawin ngayon para masimulang sundin ang mga pahiwatig na ito?

Kung wala si Jesucristo at ang Kanyang Pagbabayad-sala, hindi ka mapapatawad sa iyong mga kasalanan. Basahin ang Alma 39:15–16, 19, at alamin kung paano inilarawan ni Alma ang kaalaman na paparito si Jesucristo upang alisin ang mga kasalanan ng sanlibutan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung bakit isang mabuting balita para kay Corianton at sa iyo ang pagparito ni Jesucristo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Alma 39:9

Ganito ang sinabi ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagsasaulo ng mga banal na kasulatan:

“Ang pagkatuto, pagninilay, pagsasaliksik, at pagsasaulo ng mga banal na kasulatan ay gaya ng pagpuno sa isang filing cabinet ng mga kaibigan, pinahahalagahan, at katotohanan na magagamit sa lahat ng oras at saan mang lugar sa mundo.

“Malaking tulong ang nagagawa ng pagsasaulo ng mga banal na kasulatan. Ang pagsasaulo ng isang talata ay pagbubuo ng pagkakaibigan. Ito’y parang pagkakaroon ng bagong kakilala na makatutulong sa oras ng pangangailangan, makapagbibigay ng inspirasyon at kapanatagan, at pagmumulan ng panghihikayat para sa kinakailangang pagbabago” (“Ang Bisa ng Banal na Kasulatan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 6).

  1. journal iconSikaping maisaulo ang Alma 39:9. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isa o dalawang pangungusap kung paano magiging proteksyon sa iyo ang pagsasaulo ng talatang ito sa oras na tinutukso ka.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 39 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: