Unit 22: Day 2
Helaman 3–4
Pambungad
Sa panahong inilarawan sa mga unang kabanata ng aklat ni Helaman, ang mga Nephita ay nagkaroon ng mga panahon ng kapayapaan at natiis ang mga panahon ng kaguluhan. Libu-libong Nephita ang sumapi sa Simbahan sa panahon ng kapayapaan. Kasunod ng malaking pag-unlad na ito, ang higit na mapagpakumbabang mga miyembro ng Simbahan ay lumakas sa kanilang pananampalataya sa kabila ng pang-uusig ng mga taong naging palalo. Dahil maraming Nephita ang naging masama, nakuha sa kanila ng mga Lamanita ang lahat ng kanilang lupain sa dakong timog.
Helaman 3
Maraming Nephita ang dumayo sa lupaing pahilaga habang umuunlad ang Simbahan sa gitna ng kasamaan at pang-uusig
Basahin ang Helaman 3:1–2, at mapapansin na sa loob ng ilang taon “hindi nagkaroon ng alitan” sa mga Nephita. Ngayon basahin ang Helaman 3:3, 19, at tukuyin ang mga salita o mga parirala na nagpapakita ng mga bagay na nabago sa mga Nephita.
Ipinaliwanag sa Helaman 3:4–16 nang lumala ang alitan sa mga Nephita, maraming tao ang nagtungo sa lupaing pahilaga. Maraming Nephita ang naging masama at sumapi sa mga Lamanita.
Sa kabila ng mga alitan at kasamaan, pinili ni Helaman na mamuhay nang kakaiba. Si Helaman ay naglilingkod bilang punong hukom ng mga Nephita at bilang propeta rin nila. Basahin ang Helaman 3:20, at tukuyin kung paano inilarawan si Helaman. (Ang ibig sabihin ng salitang pagkakapantay-pantay ay walang kinikilingan o pinapaboran.)
Ano ang hinangaan mo kay Helaman? Sa iyong palagay, bakit nanatili siyang napakatatag sa panahong ito ng alitan at kasamaan? Maaari mong markahan ang salitang patuloy sa Helaman 3:20.
Basahin ang Helaman 3:22–26, at markahan kung paano nagsimulang magbago at maging mas mabuti ang mga Nephita. Ilang tao ang sumapi sa Simbahan?
Madalas gumamit si Mormon ng mga pariralang “sa gayon makikita natin,” “sa gayon nakikita natin”, at “nakikita natin” para ituro ang mga katotohanang nais niyang matutuhan natin. Sa Helaman 3:27–30 ang mga pariralang ito ay ginamit ng ilang beses, ipinapakita na nais ni Mormon na matutuhan natin ang ilang mahahalagang aral. Basahin ang Helaman 3:27–30, at markahan ang mahahalagang parirala at tukuyin ang mga aral na nais ni Mormon na matutuhan natin.
-
Kumpletuhin ang mga sumusunod na assignment sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang nais ni Mormon na malaman mo mula sa Helaman 3:27–30 tungkol sa salita ng Diyos.
-
Isulat kung paano nakatulong ang pag-aaral mo ng mga banal na kasulatan sa pag-iwas mo sa kasamaan at pananatili mo sa landas patungo sa kinaroroonan ng Diyos.
-
Basahin ang Helaman 3:32–34, at mapapansin na nagsimulang usigin ng ilang miyembro ng Simbahan ang iba pang mga miyembro ng Simbahan. Ang mga nang-uusig ay ang mga taong nagsasabing sila ay nabibilang sa Simbahan, ngunit ang totoo sila ay puno ng kapalaluan at hindi naniniwala sa mga turo ng Simbahan. Dahil sa kanilang pag-uusig, ang mga mapagpakumbabang miyembro ng Simbahan ay labis na nagdusa. Isipin kung gaano kahirap na magsimba at pagkatapos ay uusigin ka lang ibang miyembro ng Simbahan dahil pinili mong sundin ang mga propeta at kautusan ng Diyos.
Basahin ang Helaman 3:35 para malaman ang ginawa ng mga matatapat na miyembro ng Simbahan noong sila ay inuusig at nagdurusa.
-
Batay sa nalaman mo sa Helaman 3:35, sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Lumakas ba o humina ang pananampalataya ng mga mapagpakumbabang miyembro ng Simbahan sa panahon ng kanilang pagdurusa?
-
Ano ang ginawa ng mga mapagpakumbabang miyembro ng Simbahan na nagpalakas sa kanilang pananampalataya?
-
Anong mga pagpapala ang natanggap ng mga miyembrong ito ng Simbahan?
-
Sa pag-aaral ng Helaman 3:33–35, matututuhan natin na ang bawat tao mismo ang nagpapasiya kung paano makakaapekto sa kanya ang pag-uusig at paghihirap. Tapusin ang pahayag na ito batay sa natutuhan mo mula sa mga talatang ito: Sa kabila ng pag-uusig at pagsubok, mapapalakas ang ating pananampalataya kay Jesucristo kapag tayo ay . (Maraming paraan para makumpleto ang pangungusap na ito.) Maaari mong isulat ang pangungusap sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Helaman 3:33–35.
-
Para mas maunawaan mo ang mga itinuro sa mga talatang ito, sagutin ang dalawa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano nakatulong sa iyo ang pananalangin o pag-aayuno sa panahong nahihirapan ka o sinusubukan ka?
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng ihandog ang iyong puso sa Diyos?
-
Kailan mas lumakas ang iyong pananampalataya kay Jesucristo sa panahong nahihirapan ka o sinusubukan ka?
-
Basahin ang Helaman 3:36–37, at tukuyin ang espirituwal na kalagayan ng marami sa mga Nephita nang pumanaw si Helaman.
Helaman 4
Lumisan ang Espiritu ng Panginoon mula sa mga Nephita, at nasakop ng mga Lamanita ang lahat ng lupain ng mga Nephita sa dakong timog
Tulad ng nakatala sa Helaman 4, matapos mamatay si Helaman, ang kapalaluan at alitan sa mga Nephita ang naging dahilan ng pakikiisa ng maraming Nephita sa mga Lamanita. Nakipagdigma ang mga Lamanita sa mga Nephita. Basahin ang Helaman 4:4–8, at markahan sa mapa ang teritoryo na sa palagay mo ay nasakop ng mga Lamanita.
-
Gumuhit ng linyang patayo sa gitna ng isang pahina ng iyong scripture study journal para mahati ito sa dalawang bahagi. Sa itaas ng isang bahagi ng pahina isulat ang: Mga pariralang nagpapakita ng ugali at ginawa ng mga Nephita. Sa isa namang bahagi ng pahina isulat ang: Mga pariralang nagpapakita ng mga nangyari dahil sa mga ginawang ito ng mga Nephita. Basahin ang Helaman 4:11–13, 21–26, at sumulat ng kahit tatlong parirala sa bawat heading.
Isa sa mahahalagang alituntunin na matututuhan natin mula sa Helaman 4 ay ito: Ang kapalaluan at kasamaan ay nagpapahiwalay sa atin sa Espiritu ng Panginoon at naiiwan tayo sa sarili nating lakas. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Helaman 4:23–25.
Sa karanasan ng mga Nephita, ang maiwan sa kanilang sariling lakas ay karaniwang nangangahulugan ng pagkatalo sa mga digmaan at pagkawala ng kanilang mga lupain (tingnan sa Helaman 4:25–26). Sa ating buhay, ang maiwan sa sarili nating lakas ay maaaring mangahulugan na pagkawala ng paggabay ng Espiritu.
-
Isipin ang “mga digmaan” na nakakaharap mo sa iyong buhay, at isulat ang isa o mahigit pa sa mga ito sa iyong scripture study journal. Sumulat ng kahit isang bagay na magagawa mo para mapanatili ang paggabay ng Espiritu sa iyong buhay. Isulat din ang iyong nadarama tungkol sa kahalagahan ng paggabay ng Espiritu sa iyong buhay na tutulong sa iyo na maharap ang mga digmaan o pakikibaka sa buhay nang may lakas ng Panginoon.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Helaman 3–4 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: