Pambungad sa Mormon
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sa iyong pag-aaral ng aklat ni Mormon, matututo ka ng mahahalagang aral mula kay Mormon, na nabuhay nang tapat bilang disipulo ni Jesucristo kahit napapaligiran siya sa buong buhay niya ng “isang patuloy na tagpo ng kasamaan at mga karumal-dumal na gawain” (Mormon 2:18). Makatutulong din sa iyo ang pag-aaral ng mga sinabi ni Moroni, ang anak ni Mormon, na nagpatotoo sa mga mambabasa sa mga huling araw na, “ipinakita kayo sa akin ni Jesucristo, at nalalaman ko ang inyong mga ginagawa” (Mormon 8:35). Sa pag-aaral mo ng mga isinulat na ito malalaman mo ang kahalagahan ng pagpili na mamuhay ayon sa mga kautusan at tipan ng ebanghelyo ni Jesucristo.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Isinulat ni Mormon ang unang pitong kabanata ng aklat na ito bilang maikling salaysay ng kasamaan at mga digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita sa kanyang panahon. Gumawa rin siya ng “buong ulat” ng mga pangyayari mula sa kanyang buhay sa malalaking lamina ni Nephi. (Tingnan sa Mormon 2:18; 5:9.) Noong si Mormon ay “mga sampung taong gulang pa lang,” ipinaalam sa kanya ni Amaron na tagapag-ingat ng talaan na balang araw ay magiging responsibilidad niya ang pagtatala ng “lahat ng bagay na nakita [niya] hinggil sa mga taong ito” (Mormon 1:2, 4). Noong mga edad 24, siya na ang naging tagapag-ingat ng mga lamina ni Nephi at gumawa ng “isang talaan alinsunod sa mga salita ni Amaron” (Mormon 2:17). Kalaunan, nagsimulang paikliin ni Mormon ang malalaking lamina ni Nephi, na kinabibilangan ng mga isinulat ng mga propeta at tagapag-ingat ng talaan mula kay Lehi hanggang kay Amaron. Noong malapit nang magwakas ang kanyang buhay, “itinago [ni Mormon] sa burol Cumorah ang lahat ng talaang ipinagkatiwala sa [kanya] ng kamay ng Panginoon,” maliban sa iilang lamina na ibinigay niya sa kanyang anak na si Moroni (Mormon 6:6). Pagkatapos ay pinamunuan niya ang mga Nephita sa kanilang huling malaking pakikidigma sa mga Lamanita. Bago namatay si Mormon, tinagubilinan niya si Moroni na tapusin ang kanyang talaan. Idinagdag ni Moroni ang mga talang binubuo ng mga kabanata 8–9 ng aklat na ito.
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Malamang na isinulat ni Mormon ang Mormon 1–7 sa pagitan ng A.D. 345 at A.D. 401 (tingnan sa Mormon 2:15–17; 8:5–6). Natapos niya ang kanyang mga isinulat pagkatapos ng matinding digmaan ng mga Nephita at ng mga Lamanita sa Cumorah (tingnan sa Mormon 6:10–11). Isinulat marahil ni Moroni ang Mormon 8–9 sa pagitan ng A.D. 401 at A.D. 421 noong siya ay nagpagala-gala para sa kaligtasan ng kanyang buhay (tingnan sa Mormon 8:4–6; Moroni 1:1–3).