Seminary
Helaman


Pambungad sa Helaman

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Sa iyong pag-aaral ng aklat ni Helaman, ikaw ay matututo mula sa mga halimbawa at mga turo ng mga dakilang tao na tulad nina Helaman, Nephi, Lehi, at Samuel, ang Lamanita na buong tapang na sinunod ang Panginoon at nagpatotoo tungkol kay Jesucristo. Ipinakita sa mga paglilingkod ng mga taong ito na ang Diyos ay nagbibigay ng lakas upang tulungan ang Kanyang mga tagapaglingkod na maisakatuparan ang Kanyang kalooban at upang ang pagsisikap ng mga matwid na tao ay makapagdala ng pagpapala sa maraming tao. Malalaman mo rin ang tungkol sa mga bunga ng kapalaluan, kasamaan, at lihim na pagsasabwatan.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan mula sa malalaking lamina ni Nephi upang buuin ang aklat ni Helaman. Ang aklat ay ipinangalan kay Helaman, ang anak ni Helaman at apo ni Nakababatang Alma. Natanggap ni Helaman ang mga talaan mula sa kanyang tiyo na si Siblon, at naglingkod siya bilang isang mabuting punong hukom ng mga Nephita. Itinuro niya sa kanyang mga anak na sina Nephi at Lehi na alalahanin ang kanilang Manunubos na si Jesucristo (tingnan sa Helaman 5:9–14). Ang mga turong ito kalaunan ang naghikayat kay Nephi na magbitiw sa kanyang tungkulin bilang punong hukom upang mangaral ng pagsisisi sa mga Nephita at mga Lamanita. Matapos magbalik-loob ang libu-libong Lamanita, isang propetang Lamanita na nagngangalang Samuel ang nabigyang-inspirasyon na mangaral ng pagsisisi at magpropesiya sa mga Nephita sa panahong nangangaral din si Nephi. Ang aklat ni Helaman ay mula sa mga talaang iningatan sa panahon ng pamamahala at paglilingkod nina Helaman (Helaman 1–3) at Nephi (Helaman 4–16). Kabilang sa mga talaan ni Nephi ang mga propesiya at turo ni Samuel, ang Lamanita.

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang mga orihinal na talaan na pinagkuhanan para sa aklat ni Helaman ay malamang na isinulat sa pagitan ng 52 B.C. at 1 B.C. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng mga A.D. 345 at A.D. 385. Hindi binanggit ni Mormon kung nasaan siya nang tinipon niya ang aklat na ito.