Unit 6: Day 1
2 Nephi 4–5
Pambungad
Sa 2 Nephi 4 mababasa mo kung paano tinipon ni Lehi ang kanyang pamilya upang ibigay sa kanila ang kanyang huling payo at basbas bago siya mamatay. Pagkamatay ni Lehi, nagalit sina Laman at Lemuel kay Nephi dahil ipinangangaral nito sa kanila ang “mga babala ng Panginoon” (tingnan sa 2 Nephi 4:13–14). Dahil nabahala sa pag-uugali at mga ginagawa ng kanyang mga kapatid at sa kanyang sariling mga kahinaan at mga kasalanan, itinala ni Nephi ang kanyang naramdaman sa makahulugan at matalinghagang paraan (tingnan sa 2 Nephi 4:15–35). Tulad ng nakatala sa 2 Nephi 5, binigyan ng Panginoon ng babala si Nephi at ang mga taong pumanig sa kanya na lumayo at tumakas mula kina Laman, Lemuel, at sa mga anak na lalaki ni Ismael. Kasunod ng paghihiwalay na ito, namuhay ang mga Nephita nang mabuti at masaya, samantalang ang mga pumanig naman kina Laman at Lemuel ay espirituwal na inihiwalay ang kanilang sarili sa Panginoon. Ang katapatan ni Nephi sa Panginoon ang nagbigay ng lakas sa kanya na huwag magkasala at panghinaan ng loob. Pagkatapos ay itinala ni Nephi kung paano sila “namuhay nang maligaya” ng kanyang mga tao (2 Nephi 5:27).
2 Nephi 4:3–11
Pinayuhan at binasbasan ni Lehi ang kanyang pamilya
Isipin ang isang pagkakataon na pinayuhan ka ng iyong ina, ama, o mga lider. Sinunod mo ba ang payo? Bakit mo sinunod o hindi sinunod ang payo? Mayroon ka bang anumang pagsisisi o panghihinayang? Sa 2 Nephi 4:1–11, itinala ni Nephi ang huling payo at basbas ni Lehi sa kanyang pamilya. Basahin ang 2 Nephi 4:4–5, at tukuyin ang payo na ibinigay ni Lehi sa kanyang mga anak na maaaring angkop din sa iyo. Nabigyan ka na ba ng ganito ring payo ng iyong mga magulang, kapamilya, o mga lider?
-
Gumawa ng listahan sa iyong scripture study journal ng ilan sa mga pagpapalang dumating sa buhay mo dahil nakinig ka sa payo ng mga nagmamalasakit sa iyo. Anong mga pagpapala ang darating mula sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon?
2 Nephi 4:12–35
Ipinahayag ni Nephi ang kanyang tiwala sa Panginoon at tinanggap na may mga kahinaan siya
Sa 2 Nephi 4:12–35, isinulat ni Nephi “ang mga bagay ng [kanyang] kaluluwa” (2 Nephi 4:15). Basahin ang 2 Nephi 4:15–16, at alamin kung ano ang ikinalugod ni Nephi.
Isipin ang mga makabuluhang bagay na lubos na nagpapasaya sa iyo. Kumpletuhin ang sumusunod na pangungusap ng ilang mga sagot: Ang aking kaluluwa ay nalulugod sa .
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang sa palagay mo ay ibig sabihin ng malugod sa mga bagay ng Panginoon.
Binanggit ni Nephi na ang kanyang “puso ay nagbubulay” (2 Nephi 4:15) sa mga banal na kasulatan. Ang pagbubulay o pagninilay ay hindi lamang para pag-isipan nang mabuti ang mga banal na kasulatan kundi para buksan ang ating puso sa paghahayag at pang-unawa.
Nakaranas si Nephi ng masasayang sandali sa kanyang buhay, pero nakaranas din siya ng mga pagsubok at paghihirap. Balikang muli ang 2 Nephi 4:12–13 para malaman ang ilang mahihirap na pagsubok na naranasan ni Nephi sa panahong iyon sa kanyang buhay.
Basahin ang 2 Nephi 4:17–18, at alamin kung ano pa ang nagpalungkot kay Nephi. Sa iyong pagbabasa, tandaan ang mga sumusunod na kahulugan: ang ibig sabihin ng Kahabag-habag ay miserable o walang halaga. Ang Laman ay tumutukoy sa mga kahinaan sa ating mortal na kalagayan. Ang ibig sabihin ng Bumibihag ay pumapalibot para manggulo o manligalig. Bagama’t nadama ni Nephi ang kalungkutan dahil sa kanyang mga kasalanan, hindi nito ibig sabihin na may nagawa siyang anumang malaking kasalanan.
Pag-isipan sandali ang pagkakataon sa buhay mo na nadama mo ang nadama ni Nephi (tulad noong nawalan ka ng mahal sa buhay, kinamuhian ng iba dahil sa pagsunod mo sa Panginoon, nakaranas ka ng hirap o panghihina ng loob, o nalungkot ka dahil sa iyong mga kasalanan, kahinaan, at tukso). Basahin ang 2 Nephi 4:19, at tukuyin ang parirala na naglalahad ng pag-asa ni Nephi sa kabila ng kalungkutan. Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ni Nephi nang sabihin niyang, “alam ko kung kanino ako nagtiwala”? Paano mo mas mapagtitiwalaan ang Diyos?
Sa pagpapatuloy ng iyong pag-aaral, humanap ng katibayan ng alituntunin ng ebanghelyo na tinutulungan ng Diyos ang mga nagtitiwala sa Kanya.
-
Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga tanong sa sumusunod na chart:
Scripture Reference |
Paano Naaangkop ang mga Scripture Verse na Ito kay Nephi |
Paano Naaangkop ang mga Scripture Verse na Ito sa Iyo |
---|---|---|
|
| |
|
| |
|
|
Basahin ang 2 Nephi 4:34–35, at markahan ang mga parirala na nagpapakita na nagtitiwala si Nephi sa Panginoon.
-
Sa iyong scripture study journal isulat ang natutuhan mo sa pag-aaral mo ng 2 Nephi 4:17–35 at ang mga paraan na gagawin mo para maragdagan ang tiwala mo sa Panginoon.
2 Nephi 5:1–8
Inihiwalay ng Panginon ang mga Nephita mula sa mga Lamanita
Sa iyong pag-aaral ng 2 Nephi 5, isipin ang mahihirap na problema at desisyon na nararanasan o naranasan mo. Sa kabanatang ito ipinaliwanag ni Nephi na ang kanyang mga kapatid ay “hinangad [na] kitlin ang aking buhay” (2 Nephi 5:2). Pansinin sa 2 Nephi 5:1 ang ginawa ni Nephi para makahanap ng solusyon sa problema. Pagkatapos ay markahan sa iyong banal na kasulatan ang ginawa ng Panginoon para matulungan si Nephi sa 2 Nephi 5:5.
Dahil sa babalang ito, si Nephi at “ang lahat ng … yaong mga naniniwala sa mga babala at paghahayag ng Diyos” (2 Nephi 5:6) ay nilisan ang lupaing kanilang unang mana. Naglakbay sila “sa loob ng maraming araw” (2 Nephi 5:7) at nanirahan sa isang lugar na tinawag nilang Nephi. Ipinakita sa pangyayaring ito na ang kaligtasan ay nagmumula sa pagsunod sa mga paghahayag ng Diyos.
Basahin ang sumusunod na patotoo ni Elder Paul V. Johnson ng Pitumpu: “Hindi kataka-taka na sa harap ng napakaraming kasamaan at tukso ay di tayo iniiwan ng Panginoon para hanaping mag-isa ang daan. Sa katunayan, marami pang paggabay ang makakamtan ng bawat isa sa atin kung makikinig tayo. Natanggap ninyo ang kaloob na Espiritu Santo para gabayan at bigyan kayo ng inspirasyon. May mga banal na kasulatan kayo, mga magulang, lider at guro sa Simbahan. Nasa inyo rin ang mga salita ng mga propeta, tagakita, at tagapaghayag na nabubuhay sa ating panahon. Napakaraming makukuhang patnubay at tagubilin kaya di kayo makagagawa ng malalaking pagkakamali sa inyong buhay maliban kung kusa ninyong balewalain ang patnubay na inyong natatanggap” (“Ang mga Pagpapala ng Pangkalahatang Kumperensya,” Liahona, Nob. 2005, 51).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang babalang natanggap mo mula sa Panginoon, sa Kanyang mga propeta, o iba pang mga lider ng Simbahan. Ano ang ginagawa mo para masunod ang babalang iyan? Paano nakatulong sa buhay mo ang pagsunod sa babalang iyon, at paano ito makatutulong sa iyo sa hinaharap?
2 Nephi 5:9–18, 26–27
Ang mga Nephita ay namuhay nang maligaya
Matapos isalaysay ang mga dahilan ng pagkakahati ng pamilya ni Lehi, inilarawan ni Nephi ang naging buhay ng “mga tao ni Nephi” (2 Nephi 5:9). Basahin ang 2 Nephi 5:27, at markahan ang parirala na naglalahad ng pamumuhay ng mga Nephita. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng mamuhay “nang maligaya”?
-
Basahing mabuti ang 2 Nephi 5:10–18, 26, at markahan sa iyong banal na kasulatan ang mayroon sa mga Nephita o ang kanilang ginawa na nakaragdag sa kanilang kaligayahan. Piliin ang isa sa mga ito, at isulat sa iyong scripture study journal kung paano lalong nagpasaya sa iyo ang gawain o pag-uugaling iyon. Halimbawa, kung ang pinili mo ay ang pagtatayo ng mga Nephita ng templo (tingnan sa 2 Nephi 5:16), maaari mong isulat kung paano nagbigay ng mas malaking kaligayahan sa iyo at sa iyong pamilya ang templo.
Ang mga gawain at pag-uugali na natukoy mo ay bahagi ng pamumuhay ng ebanghelyo ni Jesucristo. Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 2 Nephi 5:27: Kapag ipinamuhay natin ang ebanghelyo ni Jesucristo, mas liligaya tayo. Nangyari ito sa mga Nephita sa kabila ng matinding pagsubok. Suriin ang iyong buhay at magpasiyang gumawa ng bagay na lubos na magpapasaya sa iyo. Isulat ito sa iyong personal journal o sa iyong banal na kasulatan. Ang mga alituntuning pinag-aralan mo ngayon ay nagdudulot ng kaligayahan.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 4–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: