Seminary
Unit 14: Day 3, Mosias 28–29


Unit 14: Day 3

Mosias 28–29

Pambungad

Matapos makapagbalik-loob, ang mga anak ni Mosias ay nakadama ng matinding hangaring ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita. Sinuportahan ni Haring Mosias ang kanilang desisyon, ngunit naiwan siyang walang kahalili sa trono at tagapag-ingat ng mga banal na kasulatan. Ibinigay niya kay Alma (ang anak ni Alma) ang responsibilidad na pangalagaan ang mga talaan. Sa halip na humirang ng bagong hari, bumuo siya ng bagong sistema ng pamahalaan na pinamumuan ng mga hukom.

Si Mosias at ang kanyang mga anak

Mosias 28:1–9

Ninais ng mga anak anak ni Mosias na ipangaral ang ebanghelyo sa mga Lamanita

Sa tabi ng bawat pahayag sa ibaba, i-rate kung gaano katindi ang pagnanais mo sa mga sumusunod na aspeto. Gumamit ng scale na 1 hanggang 10 (ang 1 para sa “walang pagnanais,” at 10 ang para sa “matinding pagnanais”).

  • Taos sa puso ko ang tulungan ang iba na mahanap ang walang hanggang kaligayahan.

  • Handa akong magsakripisyo para tulungan ang iba.

  • Gusto kong ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

  • Kung ikaw ay binatilyo, alamin mong mabuti kung gaano mo kanais magmisyon. (Kung ikaw ay isang dalagita, maaari mo ring alaming mabuti kung gaano mo kanais magmisyon.)

Basahin ang Mosias 27:8–10, at alamin kung ano kaya ang rating ni Alma at ng mga anak ni Mosias sa mga pahayag sa itaas bago sila nagbalik-loob.

Ngayon basahin ang Mosias 28:1–3, at alamin kung paano nagbago ang mga anak ni Mosias sa mga aspetong tinukoy sa itaas. Sa iyong pagbabasa, tandaan na ang tinutukoy ng salitang masawi ay espirituwal na maligaw.

Isulat ang iyong mga isasagot sa mga sumusunod na tanong:

Kanino gustong ibahagi ng mga anak ni Mosias ang ebanghelyo?

Batay sa mga napag-aralan mo na sa Aklat ni Mormon, anong mga pagsubok o panganib ang maaaring maranasan ng mga anak ni Mosias sa misyon sa mga Lamanita?

Basahin ang Mosias 28:4, at isipin kung paano mo ito sasabihin sa sarili mong mga salita. Pansinin kung paano nakaimpluwensya ang pagbabalik-loob ng mga anak ni Mosias sa kanilang pagnanais na ibahagi ang ebanghelyo. Sa Mosias 28:1–4 natutuhan natin ang alituntuning ito: Habang lumalalim ang ating pagbabalik-loob, nadaragdagan ang pagnanais nating ibahagi ang ebanghelyo.

Elder Dallin H. Oaks

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol (maaari mong isulat ito sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 28:1–4): “Ang sidhi ng pagnanais nating ibahagi ang ebanghelyo ay malaking palatandaan ng ating pagbabalik-loob” (“Sharing the Gospel,” Ensign, Nob. 2001, 7).

Sa unang pangungusap ng Mosias 28:4, pansinin kung paano nakaimpluwensya ang pagbabalik-loob ng mga anak ni Mosias sa kanilang pagnanais na ibahagi ang ebanghelyo. Pansinin na mahalaga ang ginagampanan ng Espiritu ng Panginoon sa pagpapaibayo ng pagnanais nating ibahagi ang ebanghelyo.

  1. journal iconSagutin ang isa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano nag-ibayo ang pagnanais mong ibahagi ang ebanghelyo nang mapalakas mo ang iyong patotoo?

    2. Anong mga karanasan mo sa buhay ang naghikayat sa iyo na ibahagi sa iba ang ebanghelyo?

    3. Kung hindi mo nararamdaman na matindi ang pagnanais mong ibahagi ang ebanghelyo sa ngayon, ano ang magagawa mo para mapalakas ang pagnanais na iyan? (Basahin ang Alma 17:2–3.)

  1. journal iconIsipin na kunwari ay may isang binatilyo na miyembro ng Simbahan na hindi gaanong gusto o walang kabalak-balak na magmisyon. Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang liham sa kanya, at imungkahi kung ano ang magagawa niya para mas mahikayat siyang ibahagi ang ebanghelyo. Maaari mong ikuwento sa kanya kung ano ang nagpalalim ng pagbabalik-loob mo sa ebanghelyo ni Jesucristo at imungkahi sa binatilyong ito ang mga aktibidad na ginawa o mga naranasan mo. Sa pagsulat mo alalahanin na ang mas malalim na pagbabalik-loob ay mas nagdaragdag ng pagnanais na ibahagi ang ebanghelyo sa iba.

Sa iyong pagpapatuloy ng pag-aaral ng Mosias 28, isipin ang mararamdaman mo kung may isang taong mahal mo ang gustong makasama ang malulupit na tao na galit sa mga taong hindi nila katulad. Basahin ang Mosias 28:5–9, at alamin kung bakit pinayagan ni Mosias ang kanyang mga anak sa gayong mapanganib na misyon. Sa aklat ni Alma, malalaman mo ang tungkol sa “maraming maniniwala sa kanilang mga salita” (Mosias 28:7)—ang libu-libong Lamanita na nagbalik-loob dahil sa pagsisikap ng mga anak ni Mosias.

Mosias 28:10–20

Isinalin ni Mosias ang mga lamina ng mga Jaredita at ibinigay ang lahat ng kanyang iningatang talaan kay Alma

Nakatala sa natitirang bahagi ng Mosias 28 na tumanda na si Haring Mosias at nadamang kailangan na niyang pumili ng bagong tagapag-ingat ng mga sagradong talaan bago siya mamatay. Sa nakaraang dalawang henerasyon, ibinibigay ng hari ang mga lamina sa susunod na hari. Ngunit dahil nasa misyon ang mga anak ni Haring Mosias, wala siyang anak na lalaki na magmamana ng trono at samakatwid walang tagapag-ingat ng mga talaan. Kabilang sa mga talaang ito ang mga lamina ng mga Jaredita, na isinalin ni Mosias sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos (tingnan sa Mosias 28:11–19).

korona
mga laminang ginto

Kung may pipiliin kang mag-iingat o mangangalaga ng mga talaan, anong mga katangian ang gusto mong taglay ng taong iyon?

Ilarawan kung ano ang mararamdaman mo kung ikaw ang napiling mangalaga sa mga lamina.

Basahin ang Mosias 28:20, at alamin ang pangalan ng taong pinili ni Mosias na maging tagapag-ingat ng mga lamina.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang naituro sa iyo ng desisyon ni Haring Mosias tungkol sa pagbabago ng puso ni Alma. (Para masagot ang tanong na ito, rebyuhin ang mga ginawa noon ni Alma, na nakatala sa Mosias 27.) Ipaliwanag mo rin kung paano maaaring makapagbigay ng pag-asa sa mga taong nagsisisi ang pagtitiwala ni Mosias kay Alma.

Mosias 29

Ang mga tao ni Mosias ay pumili ng bagong sistema ng pamahalaan na pinamumuan ng mga hukom

Si Alma bilang hukom

Tulad ng nakatala sa Mosias 29, iminungkahi ni Haring Mosias na ang pamahalaan ng mga Nephita ay hindi na pangangasiwaan ng hari, kundi ng isang sistema ng mga hukom. Basahin at pagkumparahin ang Mosias 23:7–8 at Mosias 29:13, 16–18. Ayon sa mga banal na kasulatang ito, sa anong mga kalagayan o kundisyon maituturing na mabuting sistema ng pamahalaan ang monarkiya (pinamumunuan ng hari o reyna)? Bakit pinayuhan ni Mosias ang mga Nephita na huwag nang ituloy ang monarkiya?

Basahin ang Mosias 29:11, 25, at bilugan ang mga sumusunod na sagot na nagpapakita ng sinabi ni Mosias tungkol sa paraan ng paghatol ng mga hukom sa mga tao: (a) may matinding pagkaawa, (b) ayon sa mga batas, (c) alinsunod sa kautusan ng Diyos, (d) nang mahigpit.

Basahin ang Mosias 29:26, 30, 33–34, 37–38, at alamin ang ginagampanan ng mga tao sa bagong sistema ng pamahalaan na iminungkahi ni Haring Mosias.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal kung bakit naniniwala ka na mahalaga sa bawat mamamayan ng bansa na “dalhin ng bawat tao ang kanyang gawa” o gawin ang kanyang bahagi sa paglilingkod sa kanyang bansa (Mosias 29:34).

Si Alma ay hinirang na maging unang punong hukom, at matwid na ginampanan ang kanyang tungkulin (tingnan sa Mosias 29:41–43).

Sa sarili mong mga salita, sumulat ng isang alituntuning natutuhan mo sa Mosias 29:

Ang isang alituntuning itinuro sa kabanatang ito ay: Bawat tao ay may tungkuling sundin ang mabubuting batas at lider.

  1. journal iconSumulat sa iyong scripture study journal ng isang paraan na masusuportahan mo ang mabubuting batas at lider sa iyong bansa.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Mosias 28–29 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: