Seminary
Unit 23: Day 3, Helaman 13–14


Unit 23: Day 3

Helaman 13–14

Pambungad

Ilang taon bago ang pagsilang ng Tagapagligtas, isinugo ng Panginoon ang isang Lamanitang propeta na nagngangalang Samuel upang mangaral ng pagsisisi sa mga Nephita sa Zarahemla. Ang propetang si Samuel ay pangalawang saksi ni Jesucristo, kasama ng propetang si Nephi. Binalaan niya ang mga Nephita na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi. Pinagsabihan sila ni Samuel sa hindi nila pagtanggap sa mga propeta at sa kanilang paghahangad ng kaligayahan sa paggawa ng kasamaan. Ipinahayag niya ang mga palatandaan ng pagsilang at kamatayan ni Jesucristo. Itinuro din niya na ang buong sangkatauhan, sa pamamagitan ng pagtubos ni Jesucristo, ay ibabalik sa harapan ng Diyos upang hatulan.

Helaman 13

Binalaan ni Samuel ang mga Nephita na sila ay malilipol kung hindi sila magsisisi

Si Samuel, ang Lamanita sa Ibabaw ng Pader

Kapag nakagawa ka ng mali at kailangan kang ituwid ng iyong magulang o iba pang lider, paano ka tutugon dito?

Ang ulat tungkol sa panawagan ng isang propeta na magsisi ang mga tao na nakatala sa Helaman 13–16 ay kakaiba dahil ito ang unang pagkakataon sa Aklat ni Mormon na isang Lamanitang propeta ang nanawagan sa mga Nephita na magsisi.

Basahin ang Helaman 13:1–8, 11 upang maunawaan kung bakit nangaral si Samuel sa mga Nephita at ano ang iniutos ng Panginoon na sabihin niya. Inilalarawan sa mga talatang ito ang alituntuning: Ang mga propeta ay tumatanggap at nagpapahayag ng mga mensaheng inilalagay ng Diyos sa kanilang puso. Ano ang mensaheng inilagay ng Diyos sa puso ni Samuel? Ayon sa Helaman 13:7, ano ang inaasam ni Samuel na maging epekto ng kanyang mensahe sa mga Nephita?

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang isang pangyayari na nadama mo na binigyang-inspirasyon ang isang magulang o lider ng Simbahan na magbigay ng isang mensahe. Paano nakaapekto sa iyo ang mensaheng iyon?

Sa nakikitang espasyo, isulat ang sagot sa mga tanong sa mga sumusunod na chart habang pinag-aaralan mo ang Helaman 13:17–23 at Helaman 13:24–30.

Helaman 13:17–23

Alituntunin: Kapag hindi natin naaalaala ang Panginoon, madali tayong matukso sa kapalaluan at kasamaan.

Aling mga talata ang sa palagay mo ay itinuturo ang alituntuning nasa itaas?

Anong sumpa ang sinabi ni Samuel na darating sa mga Nephita?

Ayon kay Samuel, ano ang hindi ginawa ng mga Nephita nang ilagak nila ang kanilang puso sa kanilang mga kayamanan?

Paano nailalagak ng mga kabataan ngayon ang kanilang puso sa mga kayamanan—mga ari-arian, gawi, at hangarin—na maaaring humantong sa kapalaluan at kasamaan?

Sa iyong palagay, bakit kinakailangang “naaalaala ang Panginoon [mong] Diyos sa mga bagay na pinagpala niya sa [iyo]”? (talata 22).

Helaman 13:24–30

Alituntunin: Kung hindi natin tatanggapin ang mga salita ng mga propeta ng Panginoon, mararanasan natin ang kapighatian at kalungkutan.

Aling mga talata ang sa palagay mo ay itinuturo ang alituntuning nasa itaas?

Anong mga dahilan ang sinabi ni Samuel na ginamit ng mga Nephita sa hindi pagtanggap sa mga propeta ng Panginoon?

Sa iyong palagay, bakit madalas tanggapin ng mga tao ang mga huwad na propeta ayon sa sinabi ni Samuel?

Sagutin ang kasunod na dalawang tanong sa pamamagitan ng pag-aaral ng mga mensahe sa nakaraang pangkalahatang kumperensya sa Ensign o Liahona:

Ano ang ilan sa mga itinuro ng ating mga buhay na propeta at apostol?

Ano ang ilang problema na sinabi ng mga propeta at apostol na dapat nating iwasan?

Basahin muli ang Helaman 13:26–28, at alamin kung paano tumugon ang mga Nephita sa mga huwad na propeta. Sinabi ni Pangulong Ezra Taft Benson: “Ang pagtugon natin sa mga salita ng isang buhay na propeta kapag sinabi niya sa atin ang kailangan nating malaman, ngunit ayaw nating marinig, ay pagsubok sa ating katapatan” (The Teachings of Ezra Taft Benson [1988], 140).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Anong payo ng propeta ang pinili mong sundin?

    2. Paano ka napagpala sa pagsunod sa payo na ito?

    3. Paano ka mapapabuti sa pagsunod sa payo ng mga buhay na propeta?

Ipinropesiya ni Samuel na hindi lilipas ang 400 taon at malilipol ang mga Nephita kung hindi sila magsisisi (tingnan sa Helaman 13:9–10), at itinuro niya na ang tanging dahilan kung bakit hindi pa sila nalilipol ay dahil sa mabubuting tao na namumuhay kasama nila (tingnan sa Helaman 13:12–14).

Basahin ang Helaman 13:38 para malaman kung bakit napakaraming Nephita sa panahon ni Samuel ang naging napakasama.

Ipinahayag ni Samuel na hindi natin matatamo ang kaligayahan sa paggawa ng kasamaan, na tumutulong sa atin na maunawaan na ang tunay na kaligayahan ay dumarating lamang kapag sinusunod natin ang mga kautusan ng Diyos. Anong scripture mastery passage ang nagtuturo din ng katotohanang ito? (Tingnan ang footnote c para sa Helaman 13:38.)

Pangulong Ezra Taft Benson

Tinulungan tayo ni Pangulong Ezra Taft Benson na maunawaan ang alituntuning ito nang sabihin niya: “Sabi ng isang matandang kasabihan: Mas mabuting maghanda at umiwas sa kasalanan kaysa ituwid at pagsisihan ito. Totoo iyan. … Ang unang paraan para mapanatiling malinis ang ating puri ay ihanda ang ating sarili na labanan ang tukso at umiwas sa pagkakasala” (“The Law of Chastity,” sa Brigham Young University 1987–88 Devotional and Fireside Speeches [1988], 51; speeches.byu.edu).

Itinuro ni Samuel na ang desisyon ng mga Nephita na ipagpaliban ang pagsisisi ay hahantong sa kanilang matinding pagdurusa at pagkalipol. Itinuro sa iba pang mga tala sa Aklat ni Mormon na naglalaho sa mga taong patuloy sa paghihimagsik at kasamaan ang hangaring magsisi. Halimbawa, ayaw makinig nina Laman at Lemuel sa Diyos at sila ay naging “manhid” (1 Nephi 17:45). Ipinapakita sa halimbawang iyan kung bakit napakahalagang hindi natin ipagpaliban ang ating pagsisisi. Sa pamamagitan ng pagsisisi maitutuwid mo ang mga bagay-bagay at mapipigilan ang kasalanan at tukso na madaig ka sa iyong hangaring sundin ang Diyos.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan upang mas maunawaan na muli kang makababalik sa tamang landas kung nagkamali ka:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Noong nagsasanay ako para maging kapitan ng eroplano, kinailangan kong matuto kung paano magpalipad ng eroplano sa malalayong distansya. Ang mga paglipad sa itaas ng karagatan, pagtawid sa malalawak na disyerto, at mula sa isang kontinente papunta sa isa pang kontinente ay kailangan ng maingat na pagpaplano para matiyak ang ligtas na pagdating sa nakaplanong destinasyon. Ilan sa mga tuluy-tuloy na paglipad na ito ay maaaring tumagal hanggang 14 na oras at malakbay ang halos 9,000 milya.

“May mahalagang desisyong gagawin sa gayon katagal na paglipad na kilala bilang hangganan ng ligtas na pagbalik. Pagdating sa hangganang ito may sapat na langis ang eroplano para pumihit at ligtas na makabalik sa pinagmulang paliparan. Paglagpas sa hangganan ng ligtas na pagbalik, wala nang pagpipilian ang kapitan at kailangan niyang magpatuloy. Iyan ang dahilan kaya madalas tukuyin ang hangganang ito bilang hangganang wala nang balikan.

“… Nais ni Satanas na isipin natin na kapag nagkasala tayo ay lampas na tayo sa “hangganang wala nang balikan”—na huli na ang lahat para baguhin pa ang ating landas. …

“… Para mawalan tayo ng pag-asa, maging miserableng tulad niya, at maniwala na hindi na tayo mapapatawad, maaari ding gamitin ni Satanas sa maling paraan ang mga banal na kasulatan na binibigyang-diin ang katarungan ng Diyos, upang ipahiwatig na wala ng awa. …

“Naparito si Cristo para iligtas tayo. Kung namali tayo ng landas, mabibigyan tayo ng katiyakan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na ang kasalanan ay hindi isang hangganang wala nang balikan. Ang ligtas na pagbalik ay posible kung susundin natin ang plano ng Diyos para sa ating kaligtasan” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 99).

Paano nakapagbibigay ng pag-asa ang pahayag ni Pangulong Uchtdorf sa mga taong nakadarama na napakarami na nilang kasalanan at lagpas na sila sa “hangganang wala nang balikan”?

Helaman 14

Ipinropesiya ni Samuel ang mga palatandaan ng pagsilang at kamatayan ng Tagapagligtas

Isipin ang isang pangyayari kamakailan sa labas ng inyong bansa na napagtuunan ng pansin ng mga tao sa buong mundo. Paano nalalaman ng mga tao ang mga nangyayari sa iba pang dako ng mundo, tulad ng mga kalamidad at digmaan? Bakit gustong malaman ng mga tao ang mga nangyayari sa iba pang dako ng mundo?

Ipinropesiya ni Samuel ang pagsilang at kamatayan ng Tagapagligtas, mga pangyayaring magaganap sa lugar na malayo sa Zarahemla. Basahing mabuti ang Helaman 14:3–6, at markahan sa iyong banal na kasulatan ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo. Basahing mabuti ang Helaman 14:20–27, at markahan ang mga palatandaan ng Kanyang kamatayan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung ano kaya ang gagawin mo kung naroon ka at narinig ang mga propesiyang ito ni Samuel. Sa lahat ng mga palatandaang ibinigay, alin dito ang sa palagay mo ang lubos na nagpadama sa iyo na kailangan ang pagsisisi?

Ang mga palatandaang ito ay may itinuturo at may isinasagisag. Nang si Jesucristo ay isilang sa mundo, naragdagan ang liwanag. Nang Siya ay mamatay, tumindi ang kadiliman. Ganyan din ang mangyayari sa ating buhay kapag hinayaan natin Siyang pumasok sa ating puso o kaya’y hindi natin Siya papasukin.

Basahin ang Helaman 14:11–13, at tukuyin ang hangarin o layunin ni Samuel sa pangangaral sa mga Nephita. Maaari mong lagyan ng numero ang gusto ni Samuel na malaman at gawin ng mga Nephita sa iyong banal na kasulatan. (Ang ibig sabihin ng pariralang “sa pamamagitan ng kanyang mga kabutihan” sa talata 13 ay sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.) Mula sa mga talatang ito natutuhan natin na ang paniniwala kay Jesucristo ay humahantong sa pagsisisi at kapatawaran ng mga kasalanan.

Basahin ang Helaman 14:28–29, at alamin kung bakit nagbigay ang Panginoon ng mga palatandaan at mga kababalaghan. Ang isang katotohanan na malalaman natin ay: Ang Panginoon ay nagbibigay ng mga palatandaan at mga kababalaghan para tulungan ang mga tao na maniwala sa Kanya. Isipin ang mga palatandaan (mga katibayan) na nadama mong nakatulong sa iyo na maniwala kay Jesucristo.

Sa pag-aaral mo ng tungkol sa mga palatandaang ipinropesiya ni Samuel, mahalagang tandaan na ang Panginoon ay nagbibigay ng mga palatandaan upang tulungan ang mabubuti na maniwala at magsisi, samantalang ang masasama ay naghahanap o humihingi ng mga palatandaan para sa kanilang makasariling dahilan (tingnan sa D at T 46:9). Bagama’t mahalagang malaman ang mga palatandaan ng kamatayan ng Panginoon o ang mga palatandaan ng Kanyang Ikalawang Pagparito, ang mga itinuro ni Samuel tungkol sa kahalagahan ng kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli ni Jesucristo ay kailangan nating malaman.

Basahing mabuti ang Helaman 14:15–19, at pagkatapos ay pag-aralan ang diagram sa ibaba.

mundo at kinaroroonan ng Diyos

Pagkatapos basahin ang Helaman 14:15–19 at pag-aralan ang diagram, pag-isipan ang mga sumusunod:

  • Ang pagsilang sa buhay na ito ay maaaring ituring na espirituwal na kamatayan dahil tayo ay nahiwalay mula sa kinaroroonan ng ating Ama sa Langit.

  • Sa pamamagitan ng Kanyang kamatayan at Pagkabuhay na Mag-uli, tinubos ni Jesucristo ang buong sangkatauhan mula sa Pagkahulog upang makabalik tayo sa kinaroroonan ng Diyos.

  • Sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, ang buong sangkatauhan ay maibabalik sa kinaroroonan ng Diyos para hatulan.

  • Sa Huling Paghuhukom, ang mga taong patuloy na hindi magsisisi ay daranas ng isa pang espirituwal na kamatayan—mahihiwalay mula sa kinaroroonan ng Diyos magpakailanman.

  • Tutubusin tayo ni Jesucristo mula sa espirituwal na kamatayan kung magsisisi tayo.

Markahan ang mga parirala sa Helaman 14:15–19 na tumutugma sa mga doktrinang kababasa mo pa lang. Magtapos sa pagbabasa ng Helaman 14:30–31.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung paano mo gagamitin ang Helaman 14:30–31 para maipaliwanag sa isang kaibigan kung bakit napakahalaga ang mga pagpapasiyang gagawin natin sa buhay na ito.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Helaman 13–14 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: