Seminary
Unit 27: Day 4, 3 Nephi 28–30


Unit 27: Day 4

3 Nephi 28–30

Pambungad

Bago ang Kanyang paglisan, itinanong ni Jesucristo ang bawat isa sa Kanyang labindalawang disipulo kung ano ang hiling nila sa Kanya. Hiniling ng siyam sa kanila na kaagad silang makabalik sa Kanya kapag natapos na ang kanilang paglilingkod sa lupa. Tatlo ang humiling na manatili sila sa lupa para patuloy na makapagdala ng mga kaluluwa kay Cristo hanggang sa Kanyang pagbabalik. Ipinagkaloob ng Panginoon ang mga matwid na kahilingang ito. Nagbigay ng ilang detalye si Mormon hinggil sa paglilingkod ng Tatlong Nephita sa lupa.

Sa pagtatapos ni Mormon ng kanyang ulat tungkol sa pagdalaw ng Tagapaglitas sa mga Nephita, ipinaliwanag niya na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay magiging palatandaan na tinutupad na ng Panginoon ang Kanyang tipan sa sambahayan ni Israel. Sa pagtapos ng 3 Nephi, itinala ni Mormon ang mga salita ni Jesucristo, inaanyayahan ang lahat ng tao na magsisi at mapabilang sa sambahayan ni Israel.

3 Nephi 28:1–11

Ipinagkaloob ni Jesucristo ang mga kahilingan ng Kanyang labindalawang disipulo

Pag-isipan kung ano ang isasagot mo kung magpakita sa iyo si Jesucristo at magtanong ng, “Ano ba ang hihilingin [mo] sa akin?”

Maikling isulat kung alin sa iyong mga matwid na kahilingan ang sasabihin mo sa Kanya.

Basahin ang 3 Nephi 28:1–3, at alamin kung ano ang hiniling ng siyam na disipulo nang tanungin sila ng Panginoon, “Ano ba ang inyong hihilingin sa akin?” Pansinin ang nadama ng Tagapagligtas sa kanilang kahilingan.

Basahin ang 3 Nephi 28:4–7, at alamin ang hiniling sa Tagapagligtas ng tatlong natitirang disipulo. Pansinin kung ano ang nadama ni Jesucristo sa kahilingan ng tatlong disipulo. Isipin kung bakit sa iyong palagay sinabi ng Panginoon na sila ay “higit [na] pinagpala” dahil sa kanilang kahilingan.

Basahin ang 3 Nephi 28:8–10 para makita kung paano inilarawan ng Tagapagligtas ang mga pagpapalang matatanggap ng Tatlong Nephita dahil sa kanilang hangaring gumawa sa mga mortal na tao. Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa margin ng iyong banal na kasulatan o scripture study journal: Pinagpapala tayo ng Panginoon ayon sa ating mabubuting hangarin. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Neal A. Maxwell ng Korum ng Labindalawang Apostol para makita ang kahalagahan ng mabubuting hangarin:

Elder Neal A. Maxwell

“Anuman ang palagi nating hinahangad, sa paglipas ng panahon, ay ang siyang kahihinatnan natin sa huli at matatamo sa kawalang-hanggan. …

“Kaya, dapat patuloy na magkaroon ng mabubuting hangarin, dahil, sinabi ni Pangulong Brigham Young, ‘matutuklasan ng kalalakihan at kababaihan, na naghahangad na magkaroon ng luklukan sa kahariang selestiyal, na kailangan nilang makibaka at magsumikap sa araw-araw’ (sa Journal of Discourses, 11:14)” (“According to the Desire of [Our] Hearts,” Ensign, Nob. 1996, 21–22).

  1. journal iconSagutin ang isa o lahat ng sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan mo nadama na napagpala ka ng Panginoon dahil kumilos ka ayon sa iyong mabuting hangarin?

    2. Ano ang sisimulan mong gawin ngayon para mapag-ibayo ang iyong mabubuting hangarin sa iyong buhay upang maging karapat-dapat ka sa mga pagpapala ng Panginoon?

3 Nephi 28:12–35

Inilarawan ni Mormon ang paglilingkod ng Tatlong Nephita

Maraming tao ang nakarinig ng mga alamat, kathang-isip, at haka-haka tungkol sa di-umano’y pagbisita ng Tatlong Nephita. Sa halip na umasa sa mga kuwentong hindi totoo, alamin ang sinasabi ng mga banal na kasulatan tungkol sa kanilang misyon at kung paano sila naglingkod nang may kapangyarihan “tulad ng mga anghel ng Diyos” (3 Nephi 28:30).

Basahin ang 3 Nephi 28:12–17 para malaman ang nangyari sa Tatlong Nephita. Ayon sa 3 Nephi 28:15, ano ang dahilan kung bakit kinakailangang dumaan sa ganitong pagbabago ang mga disipulo?

Basahin ang 3 Nephi 28:18–23, at alamin kung paano pinagpala ng Panginoon ang Tatlong Nephita upang maisakatuparan nila ang kanilang mabubuting hangarin. Isipin kung ano ang itinuturo sa atin ng mga talatang ito tungkol sa kagustuhan ng Panginoon na pagpalain tayo kapag namuhay tayo ayon sa ating mabubuting hangarin.

Pag-aralan ang 3 Nephi 28:25–31, at tukuyin kung sino ang nakinabang at makikinabang pa sa paglilingkod ng Tatlong Nephita. Maaari mong markahan ang natukoy mo.

3 Nephi 28:36–40

Nalaman ni Mormon ang tungkol sa katangian ng mga taong nagbagong-kalagayan

Isipin ang isang pagkakataon na may katanungan ka sa ebanghelyo o may pagsubok kang nararanasan. Basahin ang 3 Nephi 28:36, at alamin ang hindi naunawaan ni Mormon tungkol sa pisikal na kalagayan ng Tatlong Nephita pagkatapos ng pagbabagong naranasan nila. Pag-isipan ang isasagot mo sa sumusunod na tanong: Sino ang karaniwang nilalapitan mo kapag may katanungan ka tungkol sa ebanghelyo? Basahin ang 3 Nephi 28:36–37 para malaman ang ginawa ni Mormon para mahanap ang sagot sa kanyang tanong.

Pag-aralan ang 3 Nephi 28:37–40, at alamin ang nalaman ni Mormon tungkol sa pagbabagong nangyari sa katawan ng Tatlong Nephita. Ang kalagayan ng Tatlong Nephita ay tinatawag na “pagbabagong-kalagayan,” na tulad ng pagbabagong-anyo (tingnan sa 3 Nephi 28:17) ngunit mas matagal lamang. Ang mga nagbagong-kalagayan ay mga mortal pa rin, ngunit, tulad ng itinuro ni Propetang Joseph Smith, ang kanilang mga pisikal na katawan ay binago mula sa kalagayang telestiyal at naging kalagayang terestriyal; sila ay hindi magdaranas ng pisikal na paghihirap sa kanilang mortal na katawan (tingnan sa History of the Church, 4:210). Ang mga taong nagbagong-kalagayan ay maaaring magpakita at hindi magpakita ayon sa kalooban ng Diyos (tingnan sa 3 Nephi 28:27–30). Sila ay tutulong sa pagdadala ng mga kaluluwa tungo sa kaligtasan, at sila ay mananatili sa nagbagong-kalagayan hanggang sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, kapag sila ay isasailalim sa isa pang pagbabago upang maging mga nilalang na nabuhay na mag-uli, at naluwalhati (tingnan sa 3 Nephi 28:7–8, 39–40).

Mula sa karanasan ni Mormon, natutuhan natin na kung hihilingin natin sa Panginoon na makaunawa tayo, tatanggap tayo ng paghahayag. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, magsulat ng isang karanasan kung saan humingi ka o ang isang taong kakilala mo ng kasagutan sa Panginoon sa pamamagitan ng taimtim na pagdarasal.

3 Nephi 29

Pinatotohanan ni Mormon na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang tipan na titipunin ang sambahayan ni Israel sa mga huling araw

Pagkatapos maisulat ni Mormon ang tungkol sa pagdalaw ng Tagapagligtas sa mga tao sa Aklat ni Mormon, ipinropesiya niya na matutupad ang mga pangako ng Panginoon sa mga huling araw. Pag-isipan ang isasagot mo sa sumusunod na tanong: Ano ang natutuhan o nakita mo tungkol sa katuparan ng isa sa mga pangako ng Diyos?

Maaari mong markahan ang mga salitang kung kailan at doon sa iyong pag-aaral ng 3 Nephi 29:1–3. Ang mga salitang ito ay tutulong sa iyo na matukoy ang isang pangyayari na nagpapahiwatig na tinutupad ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa sambahayan ni Israel sa mga huling araw. (Ang pariralang “ang mga salitang ito” sa 3 Nephi 29:1 ay tumutukoy sa mga nakasulat sa Aklat ni Mormon.)

Nalaman natin sa 3 Nephi 29:1–3 na ang paglabas ng Aklat ni Mormon ay isang palatandaan na tinutupad na ng Panginoon ang Kanyang tipan sa sambahayan ni Israel.

Aklat ni Mormon

Tiniyak sa atin ng Aklat ni Mormon na ihahanda ng Panginoon ang Kanyang mga tao para sa Kanyang pagparito (tingnan sa 3 Nephi 29:2). Sa iyong pagbabasa ng sumusunod na pahayag ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, markahan kung paano tumutulong ang Aklat na Mormon sa paghahanda natin para sa pagparito ng Tagapagligtas:

“Ang Aklat ni Mormon ay pisikal na tanda na sinimulan nang tipunin ng Panginoon ang Kanyang mga anak ng [pinagtipanang] Israel. …

“Tunay na hindi nakalimot ang Panginoon! Biniyayaan Niya tayo at ang iba pa sa buong mundo ng Aklat ni Mormon. … Tinutulungan tayo nito na makipagtipan sa Diyos. Inaanyayahan tayo nito na alalahanin Siya at kilalanin ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Ito ay isa pang Tipan ni Jesucristo” (“Mga Tipan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 88).

  1. journal iconBasahin ang 3 Nephi 29:4–6, at gawin ang isa o lahat ng aktibidad sa iyong scripture study journal:

    1. Tumukoy ng tatlong partikular na scripture passage sa Aklat ni Mormon na sa palagay mo ay makatutulong sa isang tao na lumapit kay Jesucristo. Sa bawat scripture passage, magsulat ng isa o dalawang pangungusap na nagpapaliwanag kung bakit pinili mo ang scripture passage na ito.

    2. Sumulat ng isang talata tungkol sa paraan kung paano sa palagay mo makatutulong sa isang tao ang Aklat ni Mormon upang maunawaan at tanggapin niya ang mga kaloob na paghahayag, propesiya, at mga wika o ang kapangyarihan ng Espiritu Santo.

3 Nephi 30

Inanyayahan ng Panginoon ang mga Gentil na magsisi at lumapit sa Kanya

Tinapos ni Mormon ang kanyang talaan tungkol sa ministeryo ng Tagapagligtas sa pagsulat ng ilang partikular na tagubilin na natanggap niya mula kay Jesucristo hinggil sa mga Gentil. Basahin ang 3 Nephi 30:1–2, at maaari mong markahan ang lahat ng mahahanap mong tagubilin ng Tagapagligtas sa mga Gentil. Maaari mo ring markahan ang mga pagpapalang matatamo ng mga Gentil kung lalapit sila kay Cristo. Bagama’t ang 3 Nephi 30:2 ay para sa mga taong hindi miyembro ng Simbahan, magagamit natin ang paanyaya ni Jesucristo para suriin ang ating kahandaang ipamuhay ang mga hinihingi ng Kanyang tipan.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong scripture study journal: Kung lalapit tayo kay Cristo, maibibilang tayo sa Kanyang mga tao. Isulat sa iyong scripture study journal kung bakit pagpapala mula sa Panginoon ang “mabilang sa [Kanyang] mga tao na sambahayan ni Israel” (3 Nephi 30:2).

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 28–30 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: