Seminary
Unit 24: Day 2, 3 Nephi 2–5


Unit 24: Day 2

3 Nephi 2–5

Pambungad

Di-nagtagal matapos makita ng mga tao ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo, nagsimulang malimutan nila ang mga patotoong natanggap nila, at pinatigas nila ang kanilang puso. Hindi tinanggap ng maraming Nephita at Lamanita ang mga karagdagang palatandaan at kababalaghan at lalo pa silang naging masama. Bunga nito, dumami ang mga tulisan ni Gadianton at nagbantang lilipulin ang mga Nephita. Sama-samang tinipon ng punong hukom ng mga Nephita, na si Laconeo, ang lahat ng matwid na Nephita at Lamanita, at nanawagan sa mga tao na magsisi at maghanda para sa digmaan. Dahil sa kanilang pagkakaisa at pananampalataya sa Panginoon, nadaig nila ang kanilang mga kaaway. Pagkatapos maligtas, kinilala ng mabubuting Nephita at Lamanita ang kapangyarihan ng Diyos na nagprotekta sa kanila.

3 Nephi 2

Ang mabubuting Nephita at Lamanita ay nagkaisa sa pagtatanggol ng kanilang sarili laban sa mga tulisan ni Gadianton

Mag-isip ng ilang mahahalagang espirituwal na karanasan sa iyong buhay. (Alalahanin na hindi kailangang kamangha-mangha o di-karaniwan ang mga espirituwal na karanasan.) Sa iyong palagay, bakit mahalagang maalaala ang mga espirituwal na karanasang ito?

Basahin ang 3 Nephi 2:1–3, at alamin ang nangyari sa mga tao nang kalimutan nila ang mga palatandaan ng pagsilang ng Tagapagligtas. Ano ang matututuhan mo mula sa tala na ito tungkol sa panganib ng paglimot sa mga espirituwal na karanasan?

Ang isa sa mga alituntunin na matututuhan natin mula sa nangyari sa mga Nephita ay kung kalilimutan natin ang mga espirituwal na karanasan na nangyari noon, tayo ay mas madaling matutukso at malilinlang ni Satanas. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 2:1–3. Sa paggawa nito, isipin kung bakit ang paglimot sa mga espirituwal na karanasan ay lalong nagpapahina sa atin at nagiging madali tayong matukso ni Satanas.

Pag-isipang mabuti kung ano ang maaari mong gawin na makatutulong sa iyo na makilala at maalala ang mga espirituwal na karanasan. Magsulat ng ilang ideya na sa palagay mo ay lubos na makatutulong:

Ikinuwento ni Pangulong Henry B. Eyring ng Unang Panguluhan kung paano nakatulong sa kanya ang pagsusulat ng kanyang mga espirituwal na karanasan sa isang journal. Habang binabasa mo ang kanyang karanasan, salungguhitan ang ilang pagpapala na dulot ng pagsusulat ng mga karanasang espirituwal:

Pangulong Henry B. Eyring

“Ilang taon akong sumulat ng ilang linya araw-araw. Hindi ako pumalya kahit isang araw kahit pagod na pagod ako o maaga pa akong gigising kinabukasan. Bago ako sumulat, pinag-iisipan ko ang tanong na ito: ‘Nakita ko ba ang kamay ng Diyos na nakaunat para tulungan kami o ang aming mga anak o pamilya sa araw na ito?’ Habang patuloy ko itong ginagawa, may nagsimulang mangyari. Habang ginugunita ko ang mga nangyari sa maghapon, nakikita ko ang katibayan ng nagawa ng Diyos para sa aming lahat na hindi ko nakita dahil sa kaabalahan sa maghapon. Nang mangyari iyon, at madalas iyong mangyari, natanto ko na sa paggunita ay naipakita sa akin ng Diyos ang Kanyang nagawa.

“Higit pa sa pasasalamat ang aking nadama. Lumakas ang patotoo ko. Lalo kong natiyak na nakikinig at sumasagot ang ating Ama sa Langit sa mga dalangin. Lalo akong nagpasalamat sa paglambot at pagdalisay ng puso ng tao dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas na si Jesucristo. At lalo akong nagtiwala na ipaaalala sa atin ng Espiritu Santo ang lahat ng bagay—maging ang mga bagay na hindi natin napansin o pinansin nang mangyari ang mga ito” (“O Tandaan, Tandaan,” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 67).

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, ilarawan kung paano nakatulong sa iyo ang pag-alaala sa mga espirituwal na karanasan na manatiling tapat sa kabila ng pagtatangka ni Satanas na matukso o malinlang ka. (Maaaring kasama rito ang pag-alaala sa mga espirituwal na karanasan sa pamamagitan ng pagsulat ng mga ito sa iyong journal.)

Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 2:4–19, maraming Nephita ang nagpatuloy sa kasamaan at dumami at lumakas ang mga tulisan ni Gadianton. Sila ay naging mas mararahas, na nagtulak sa mga nagbalik-loob na Lamanita na makiisa sa mga Nephita upang labanan sila. Bagama‘t bahagya silang nagtagumpay sa pagtaboy sa mga tulisan ni Gadianton mula sa kanilang mga lupain, nanganib pa rin ang mga Nephita at Lamanita makaraan ang 15 taon matapos makita ang mga palatandaan ng pagsilang ni Jesucristo.

3 Nephi 3:1–10

Iniutos ng pinuno ng mga tulisan ni Gadianton na sumuko ang mga Nephita at mga Lamanita

Sa 3 Nephi 3:1–10 nakita natin ang isang halimbawa kung paano kumikilos kung minsan ang diyablo sa pamamagitan ng ibang tao para pahinain ang ating pananampalataya at ilihis tayo ng landas. Sumulat si Giddianhi, ang pinuno ng mga tulisan ni Gadianton, kay Laconeo, ang punong hukom at gobernador ng nagkaisang mga Nephita at mga Lamanita, para himukin siya na sumuko sa mga tulisan ni Gadianton. Basahin ang 3 Nephi 3:2–10, at hanapin ang mga salita o parirala na naglalarawan sa taktikang ginamit ni Giddianhi para pahinain ang pananampalataya ni Laconeo at ilihis siya ng landas. Maaari mong markahan ang mga salita o pariralang ito kapag nahanap mo ang mga ito.

Itinuturo ng mga talatang ito na si Satanas at ang mga sumusunod sa kanya ay palaging gumagamit ng panghihibok o labis na papuri, mga hindi totoong pangako, at mga pagbabanta para iligaw ang mga tao. Mahalagang maunawaan na ang mga taktika ni Satanas ay kadalasang mapaglalang o puno ng katusuhan, at maaari niyang gamitin ang ating mga kaibigan at mga taong gusto natin sa halip na ang mga taong hindi natin gusto para matukso tayo. Gayunpaman, may pagkakatulad ang mga motibo at taktika ni Giddianhi at ang mga paraang ginagawa ni Satanas ngayon upang iligaw ang mga tao.

  1. journal iconPumili ng isa sa mga taktika ni Giddianhi, at ipaliwanag sa iyong scripture study journal kung paano maaaring gamitin ng diyablo ang ganito ring taktika sa mga kabataan ngayon. Isulat mo rin kung paano mo mapaglalabanan ang taktikang ito.

3 Nephi 3:11–4:33

Naghanda ang mga tao ni Laconeo upang ipagtanggol ang kanilang sarili, at natalo nila ang mga tulisan ni Gadianton

Ang Sagot ni Laconeo

Labis na nagulat si Laconeo sa liham ni Giddianhi at ipinasyang ihanda ang kanyang mga tao para sa nagbabantang pagsalakay. Basahin ang mga sumusunod na mga scripture passage, at tumukoy ng kahit apat na paraan sa ginawang espirituwal at temporal (pisikal) na paghahanda ni Laconeo sa kanyang mga tao upang maharap ang pagsalakay ng mga tulisan ni Gadianton. (Hint: sa pag-aaral mo ng mga talatang ito, tiyaking ikumpara si Giddianhi, ang pinuno ng mga tulisan ni Gadianton, at si Gidgiddoni, ang dakilang propeta at punong kapitan ng mga Nephita.)

  1. journal iconGumuhit ng linyang patayo sa gitna ng isang pahina ng iyong scripture study journal. Isulat ang pariralang Mga Paghahanda ni Laconeo sa itaas ng unang column at ang pariralang Mga Pagkakatulad sa Panahong ito sa itaas ng pangalawang column. Sa ilalim ng heading na “Mga Paghahanda ni Laconeo,” isulat o idrowing ang apat na paraang natukoy mo sa paghahanda ni Laconeo at ng mga Nephita para maharap ang pagsalakay. Sa ilalim ng “Mga Pagkakatulad sa Panahong Ito,” isulat o idrowing ang ilang halimbawa ng mga pagkakatulad sa panahong ito sa ginawa ni Laconeo para ihanda ang mga tao. Ang mga pagkakatulad na ito ay dapat nagpapakita ng espirituwal at temporal na paghahanda na ipinayo sa atin na gawin sa mga huling araw.

  2. journal iconPara matulungan ka na mapag-isipan kung paano mo maipamumuhay ang natutuhan mo, sagutin ang dalawa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano mo mapapatatag ang iyong tahanan laban sa mga pag-atake ng kaaway?

    2. Paano nagbibigay ng proteksyon sa atin ang sama-samang pagtitipon sa mga pamilya, branch, o ward?

    3. Bakit ang araw-araw na pag-aaral ng mga banal na kasulatan ay napakahalaga para mapalakas ang iyong sarili?

    4. Kailan nakatulong sa iyo ang panalangin na magkaroon ng espirituwal na lakas laban sa kaaway o panganib?

    5. Paanong isang paghahanda sa hinaharap ang pagsisisi?

    6. Sa iyong palagay, bakit napakahalagang sundin ngayon ang mga taong may diwa ng propesiya at paghahayag?

Para malaman kung ano ang nangyari nang salakayin ng mga tulisan ni Gadianton si Laconeo at ang kanyang mga tao, basahin ang 3 Nephi 4:7–12. Mula sa talang ito, natutuhan natin na kapag espirituwal at temporal nating inihanda ang ating sarili, makakayanan natin ang mga hamon at pagsubok sa lakas ng Panginoon.

Natalo ni Laconeo at ng kanyang mga tao ang mga tulisan ni Gadianton at napatay ang mga pinuno ng mga tulisan. Nagtagumpay sila dahil sa paghirang o pagpili nila ng mga pinuno (tingnan sa 3 Nephi 3:19; 4:17), kanilang pagsunod (tingnan sa 3 Nephi 3:21; 4:18), at kanilang pag-asa sa Diyos (tingnan sa 3 Nephi 4:30–31). Basahin ang 3 Nephi 4:30–33, at alamin kung ano ang ginawa ng mga tao pagkatapos nilang magwagi laban sa mga tulisan ni Gadianton. Ano ang kinilala ng mga tao dahil sa pagkakaligtas nila mula sa mga tulisan ni Gadianton? Ang isang alituntuning inilalarawan sa mga talatang ito ay: Ang pagkilala sa kabutihan at awa ng Diyos sa ating pagkakaligtas mula sa paghihirap ay tutulong sa atin na manatiling mapagpakumbaba.

3 Nephi 5

Naibalik ang kapayapaan sa mga tao; ipinaliwag ni Mormon ang pagpapaikli niya ng mga ulat mula sa mga talaan

Pinaikli ni Mormon ang mga Ulat mula sa mga Lamina

Pag-isipan kung paano nakaimpluwensya ang iyong sariling espirituwal na karanasan sa iyong pananampalataya, mga hangarin, o sa ginawa mo matapos ang espirituwal na karanasang iyan. Basahin ang 3 Nephi 5:3–4, at alamin ang ginawa ng mga Nephita dahil sa tulong at pagpapalang natanggap nila mula sa Panginoon. Pansinin na ang isa sa mga ginagawa ng mga tao ay ipangaral ang ebanghelyo sa iba.

Sa 3 Nephi 5:14–26, ipinaliwanag ni Mormon kung bakit gumawa siya ng pagpapaikli ng mga ulat mula sa mga talaan. Basahin ang 3 Nephi 5:12–13, at alamin ang sinabi ni Mormon tungkol sa kanyang responsibilidad sa pagpapaikli ng mga ulat mula sa mga talaan ng mga Nephita.

Mula sa mga talatang ito, natutuhan natin na bilang mga disipulo ni Jesucristo, tayo ay may responsibilidad na ituro sa iba ang daan patungo sa buhay na walang hanggan. Ang isa sa mga pinakamahalagang paraan para maipakita natin ang ating pasasalamat sa Panginoon para sa mga ginawa Niya sa atin ay tulungan ang iba na lumapit sa Kanya at tanggapin ang mga pagpapala na inilaan Niya para sa kanila.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang ilang paraan na maituturo mo sa iba ang daan patungo sa buhay na walang hanggan bilang disipulo ni Jesucristo. Pag-isipan din ang ilang sitwasyon na maaaring maituro mo ito sa iba.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 2–5 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: