Seminary
4 Nephi


Pambungad sa 4 Nephi

Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?

Sa iyong pag-aaral ng 4 Nephi, makikita mo ang mga pagpapalang dumarating sa mga taong nagkakaisang ipinamumuhay ang ebanghelyo ni Jesucristo. Inihayag sa aklat na lahat ng tao sa buong lupain ay nagbalik-loob sa panahong nagministeryo ang Tagapagligtas sa kanila. Sa pagsunod sa mga kautusan, nagkaroon sila ng kapayapaan, kaunlaran, at kagila-gilalas na mga espirituwal na pagpapala. Ipinahayag ni Mormon: “Tunay na wala nang mas maliligayang tao pa sa lahat ng tao na nilikha ng kamay ng Diyos” (4 Nephi 1:16). Malalaman mo rin ang mahahalagang aral mula sa unti-unting pagsama ng mga taong ito.

Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?

Tinipon at pinaikli ni Mormon ang mga talaan ng apat na iba pang manunulat para mabuo ang aklat ng 4 Nephi. Ang una sa mga ito ay si Nephi, kung kanino ipinangalan ang aklat. Si Nephi ay anak ni Nephi na isa sa 12 disipulong pinili ng Panginoon noong Kanyang ministeryo sa mga inapo ni Lehi (tingnan sa 3 Nephi 11:18–22; 12:1). Ang tatlong iba pang manunulat ay si Amos na anak ni Nephi, si Amos na anak ni Amos, at si Amaron na kapatid ni Amos (tingnan sa 4 Nephi 1:19, 21, 47).

Kailan at Saan Ito Isinulat?

Ang mga orihinal na talaan na ginamit na mapagkukunang materyal para sa 4 Nephi ay malamang na isinulat sa pagitan ng A.D. 34 at A.D. 321. Pinaikli ni Mormon ang mga talaang iyon sa pagitan ng A.D. 345 at A.D. 385. Hindi binanggit ni Mormon kung nasaan siya nang tinipon niya ang aklat na ito.