Unit 11: Day 4
Mosias 5–6
Pambungad
Nakatala sa Mosias 5 ang katapusan ng mensahe ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao na nagsimula sa Mosias 2. Dahil sa pagtitiwala nila sa mga sinabi ni Haring Benjamin, nakadama ng malaking pagbabago sa kanilang mga puso ang mga tao. Nakipagtipan sila sa Diyos at tinaglay sa kanilang mga sarili ang pangalan ni Jesucristo. Tulad ng nakatala sa Mosias 6, ipinasa ni Haring Benjamin ang kanyang pamumuno sa kaharian sa kanyang anak na si Mosias, at si Mosias ay namuno sa kabutihan, at tinularan ang halimbawa ng kanyang ama.
Mosias 5:1–4
Nakaranas ang mga tao ni Haring Benjamin ng malaking pagbabago ng puso
Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong: Naisip mo na ba na sana ay may mabago ka sa sarili mo? Ano ang ginawa mo tungkol dito?
Inilarawan ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol na kailangan ng bawat isa sa atin na makaranas ng malaking pagbabago sa ating buhay: “Kaakibat ng pinakadiwa ng ebanghelyo ni Jesucristo ang isang pangunahin at permanenteng pagbabago ng ating likas na pagkatao na ginawang posible sa pamamagitan ng ating pag-asa sa ‘kabutihan, at awa, at biyaya ng Banal na Mesiyas’ (2 Nephi 2:8). Sa pagpili nating sundin ang Guro, pinipili nating magbago—na espirituwal na isilang na muli” (“Kinakailangan Ngang Kayo’y Ipanganak na Muli,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 20).
Maaari mong isulat ang sumusunod na pangungusap sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mosias 5:2: “Kapag pinipili nating tularan ang Panginoon, pinipili nating magbago.”
Sa iyong palagay, sa paanong mga paraan natin pinipiling magbago kapag pinipili nating tularan si Jesucristo?
Rebyuhin ang mga buod ng kabanata o chapter summary para sa Mosias 3 at Mosias 4 para maalala ang pangunahing layunin ng mensahe ni Haring Benjamin. Sa katapusan ng kanyang sermon, tinanong ni Haring Benjamin sa mga tao kung naniniwala sila sa mga itinuro niya tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo (tingnan sa Mosias 5:1). Basahin ang Mosias 5:2–4, at alamin kung ano ang nabago sa mga puso ng mga tao pagkatapos nilang marinig ang mga sinabi ng kanilang Hari. Sa pagbasa mo nito, makatutulong na malaman na ang ibig sabihin ng “hangarin” sa (Mosias 5:2) ay ang saloobin, pagnanais, o pag-uugali ng isang tao.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder David A. Bednar: “Hindi lamang pag-iwas, paggapi, at [pagiging malinis mula sa] kasalanan at masasamang impluwensya sa buhay natin ang sinasakop ng ebanghelyo ni Jesucristo; nangangahulugan din ito ng paggawa ng kabutihan, pagiging mabuti, at maging mas mabuti pa. … Ang mapagbago ang ating puso ng Espiritu Santo sa puntong ‘[tayo] ay wala nang hangarin pang gumawa ng masama, kundi ang patuloy na gumawa ng mabuti, tulad ng nangyari sa mga tao ni Haring Benjamin (Mosias 5:2), ay ang responsibilidad na kaakibat ng tipang ating tinanggap. Ang malaking pagbabagong ito ay hindi lamang resulta ng pagiging masipag natin o pagkakaroon ng mahusay na disiplina sa sarili. Bagkus, ito ay bunga ng mahalagang pagbabago sa ating mga pagnanais, hangarin, at kalikasan na nangyari sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo ang Panginoon. Ang ating espirituwal na layunin ay ang mapaglabanang kapwa ang kasalanan at ang pagnanais na magkasala” (“Malilinis na Kamay at Dalisay na Puso,” Liahona, Nob. 2007, 81–82).
-
Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “malaking pagbabago” sa iyong puso? (Mosias 5:2).
-
Kapag pinili nating tularan si Jesucristo, bakit kailangan nating baguhin ang ating mga disposisyon at hindi lamang ang ating pag-uugali?
-
Sa palagay mo, bakit kailangan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo para magkaroon ng pagbabago sa kalooban natin?
-
Pag-aralan ang Mosias 5:2, 4, at alamin ang ginawa ng mga tao na nagdulot ng malaking pagbabago sa kanilang kalooban. Maaari mong markahan ang mga bagay na ito sa iyong banal na kasulatan. Alalahanin na ang mga sinabi ni Haring Benjamin ay tungkol sa kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at malaki ang pananampalataya ng mga tao sa mga sinabing ito.
Isa sa mga alituntuning natutuhan natin sa mga talatang ito ay: Kapag sumampalataya tayo kay Jesucristo at tinanggap ang Banal na Espiritu, makadarama tayo ng malaking pagbabago ng puso.
-
Batay sa iyong pag-aaral ng Mosias 5:1–4 at ang alituntunin sa itaas, isulat sa iyong scripture study journal kung ano ang magagawa mo para higit na manampalataya sa Tagapagligtas. Anong partikular na bagay ang magagawa mo, simula ngayon, para higit pang sumampalataya upang mahikayat ka na mapanatili ang malaking pagbabago ng puso sa buhay mo?
Mosias 5:5–15
Ang mga tao ni Haring Benjamin ay nakipagtipan sa Diyos at binigyan ng bagong pangalan
Matapos makaranas ng malaking pagbabago ng puso ang mga tao ni Haring Benjamin, ninais nilang makipagtipan sa Panginoon. Tukuyin ang mga salita o parirala sa Mosias 5:5 na nagpapakita sa tindi ng katapatan ng mga tao ni Haring Benjamin sa paggawa at pagtupad ng tipang ito.
Kapag nakikipagtipan tayo sa Diyos, itinatakda Niya ang mga kundisyon para sa mga tipan, at pumapayag tayo sa mga kundisyong ito. Pagkatapos ay nangangako sa atin ang Diyos ng mga pagpapala para sa ating pagsunod (tingnan sa D at T 82:10). Ang pakikipagtipan ay isang paraan na maipapakita natin sa Panginoon na tapat ang layunin nating paglingkuran Siya.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong mga talata sa Mosias 5:5 ang nagpapaalala sa iyo ng mga tipang pinapanibago natin tuwing tumatanggap tayo ng sakramento?
-
Sa palagay mo, paano nakatutulong sa iyo ang paggawa at pagtupad ng mga tipan para mapanatili mo ang malaking “pagbabago ng puso”?
-
Basahing muli ang Mosias 1:11–12. Isa sa mga layunin ni Haring Benjamin sa pagtitipon ng kanyang mga tao ay bigyan sila ng pangalan. Basahin ang Mosias 5:6–7, at markahan ang mga pangalang ibinigay ni Haring Benjamin sa kanyang mga tao matapos silang makipagtipan sa Panginoon.
Ang mga talatang ito ay nagtuturo ng alituntuning ito: Tinataglay natin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo sa pamamagitan ng mga sagradong tipan. Basahin ang Mosias 5:8–14, at alamin kung bakit mahalaga sa atin na taglayin sa ating sarili ang pangalan ni Jesucristo.
Ano ang ilan sa mga pagpapala na matatanggap natin kapag nakasulat ang pangalan ni Jesucristo sa ating mga puso?
Ano ang magiging sanhi para “mabura” sa iyong puso o sa puso ng isang tao ang pangalang ito?
Basahin ang Mosias 5:15, at alamin ang ipinangako ng Panginoon sa mga tumutupad sa kanilang mga tipan.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung ano ang nadarama mo kapag iniisip mo ang pagpapala na maisulat ang pangalan ni Jesucristo sa iyong puso. Sumulat ng isa o mahigit pang dahilan kung bakit gusto mong panatilihin ang pangalang ito at hindi mawala kailanman.
Mosias 6:1–7
Sinimulan ni Mosias ang kanyang pamumuno bilang hari
Basahin ang Mosias 6:3, at tukuyin ang ginawa ni Haring Benjamin bago niya pinauwi ang mga tao.
Ano ang ginawa ni Haring Benjamin para tulungan ang kanyang mga tao na maalaala ang mga tipang kanilang ginawa?
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung paano ka tinutulungan ng iyong mga titser at mga priesthood leader sa pagtupad mo ng iyong mga tipan.
Tatlong taon matapos niyang ibigay ang mensaheng ito, namatay na si Haring Benjamin. Basahin ang Mosias 6:6–7, at alamin kung paano tinularan ni Haring Mosias ang pagiging mabuting lider ng kanyang ama.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Mosias 5–6 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: