Unit 31: Day 1
Eter 13–15
Pambungad
Ipinropesiya ng propetang si Eter ang tungkol sa Bagong Jerusalem. Nagbabala rin siya kay Coriantumer, na isang haring Jaredita, na malilipol ang kanyang mga tao dahil sa kasamaan, at pinayuhan niya si Coriantumer at ang kanyang sambahayan na magsisi. Nang tumangging magsisi si Coriantumer at ang kanyang mga tao, tumindi ang mga digmaan at kasamaan sa loob ng maraming taon hanggang sa malipol ang buong bansang Jaredita. Tanging sina Eter at Coriantumer lang ang nakaligtas upang masaksihan ang katuparan ng propesiya ni Eter.
Eter 13:1–12
Itinala ni Moroni ang mga propesiya ni Eter tungkol sa Bagong Jerusalem at sa sinaunang Jerusalem
Isipin ang ilang lunsod ngayon na may alternatibong pangalan o bansag na nagsasaad ng isang mahalagang katangian ng lunsod. Halimbawa, ang Paris, France ay kilala rin bilang the City of Light. Bilang simula, tingnan mo kung maitutugma mo ang mga lunsod sa ibaba sa kanilang tamang mga pangalan o ibinansag na pangalan (makikita ang mga sagot sa katapusan ng lesson).
Cairo, Egypt |
The Windy City |
Manila, Philippines |
The City of a Thousand Minarets |
Chicago, USA |
The Eternal City |
Mexico City, Mexico |
The Pearl of the Orient |
Rome, Italy |
The City of Palaces |
Ang lesson ngayon ay tatalakay sa dalawang mahalagang lunsod sa mga huling araw: (1) ang Jerusalem at (2) ang Bagong Jerusalem. Sa mga huling araw ang dalawang lunsod na ito ay makilala sa kanilang kabutihan. Itinuro ni Eter sa mga Jaredita na ang lupain na tinirhan nila ay ang lunsod na tatawaging Bagong Jerusalem.
Basahin ang Eter 13:2–8. Inihayag ng Panginoon kay Propetang Joseph Smith na ang Bagong Jerusalem na tinukoy sa Eter 13:6 ay itatayo sa Jackson County, Missouri, USA (tingnan sa D at T 57:1–4; 84:1–4). Ano ang sinabi ni Eter tungkol sa mga lunsod na ito sa Eter 13:3, 5? Isipin kung ano kaya ang pakiramdam na tumira sa ganyang lunsod. Pag-aralan ang Eter 13:10–11 para malaman ang ang dapat maranasan ng isang tao para makapamuhay sa mga banal na lunsod ng Bagong Jerusalem at sa sinaunang Jerusalem (na magiging banal kapag ito ay itinayong muli sa Panginoon; tingnan sa Eter 13:5).
Ang isa pang pangalan ng Bagong Jerusalem ay Sion (tingnan sa Moises 7:62; Mga Saligan ng Pananampalataya 1:10). Hindi man tayo nakatira sa Jerusalem o sa Bagong Jerusalem, lahat ng miyembro ng Simbahan ay maaaring magsikap na magtatag ng Sion. Makapaghahanda tayo na manirahan sa mga banal na lugar, kabilang na ang selestiyal na kaharian ng Diyos, kapag tayo ay nalinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo.
Eter 13:13–15:34
Hindi pinakinggan ng mga Jaredita si Eter at nagpatuloy sa kasamaan at digmaan hanggang sa sila ay malipol
Basahin ang Eter 13:13–19, at alamin ang mga kalagayan ng lipunan ng Jaredita sa panahon ni Eter. Pag-aralan ang Eter 13:20–22 para malaman ang mensahe ni Eter kay Coriantumer at paano tumugon si Coriantumer at ang kanyang mga tao.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ayon sa nakikita mo, paano pinatitigas ng mga tao sa ating panahon ang kanilang mga puso at hindi tinatanggap ang mga tagapaglingkod ng Panginoon?
-
Ano ang gagawin mo para manatili kang matatag sa pananampalataya at nakikinig sa mga salita ng mga propeta?
-
Tulad ng nakatala sa Eter 13:23–14:20, nakipaglaban si Coriantumer sa ilang kalalakihan na nagtangkang kunin ang kaharian sa kanya, kabilang na sina Sared, Gilead, at Lib. Sa huli, nagkaroon ng digmaan sa buong bansa ng mga Jaredita. Ang huling nakalaban ni Coriantumer ay si Shiz. Ang lawak ng pagkalipol ng mga Jaredita sa mga digmaang ito ay nakadetalye sa Eter 14:21–25 at Eter 15:1–2.
Basahin ang Eter 15:3–6 para malaman kung ano ang tinangkang gawin ni Coriantumer para maligtas sa pagkalipol ang nalalabi sa mga tao. Isipin kung bakit tinanggihan ni Shiz ang alok ni Coriantumer at bakit parehong tumangging sumuko ang dalawang hukbo (tingnan din sa Eter 14:24).
Basahin ang Eter 15:12–17, at alamin ang mga detalye ng sitwasyon ng mga Jaredita. Ano ang nakita mo na talagang kalunus-lunos o napakalungkot sa kalagayan nila? Alalahanin na maraming taon ang ginugol ni Eter sa pagbibigay ng babala sa mga tao na magsisi (tingnan sa Eter 12:2–3; 13:20). Basahin ang Eter 15:18–19, at tukuyin ang mga epekto ng hindi pakikinig sa mga babala ng Panginoon na magsisi. Batay sa nabasa mo, kumpletuhin ang pahayag na ito: Kung hindi natin susundin ang mga babala ng Panginoon na magsisi, .
Sa patlang sa itaas, maaaring naisulat mo ang alituntuning tulad ng sumusunod: Kung hindi natin susundin ang mga babala ng Panginoon na magsisi, titigil sa paggabay ang Kanyang Espiritu at magkakaroon ng kapanyarihan si Satanas sa ating puso.
-
Gamit ang Eter 15:19 at ang alituntuning natutuhan natin mula rito, ipaliwanag kung bakit ang isa o mahigit pa sa sumusunod na pangangatwiran na ibinibigay ng isang tao ngayon para mapangatwiranan ang hindi pagsisisi ay mali:
-
Alam ko na ang mga pelikulang pinanonood ko ay hindi nakaayon sa pamantayan ng Simbahan, pero parang wala namang epekto ito sa akin.
-
Hindi naman gaanong masama ang uminom kasama ng mga kaibigan ko. Nagkakatuwaan lang naman kami.
-
Hindi naman ako laging nanonood o nagbabasa ng pornograpiya. Hindi naman ako lalabas at magpapakaimoral. Saka, pwede naman akong tumigil kahit kailan ko gusto.
-
Hindi ko kailangang magsisi sa ngayon. Makapaghihintay naman iyan hanggang sa oras na magmimisyon na ako o magpapakasal sa templo.
-
Nakatala sa Eter 15:20–32 kung paano nakipaglaban sa isa’t isa ang dalawang hukbo ng mga Jaredita hanggang sa ang mga pinuno na lamang nila, sina Coriantumer at Shiz, ang natira. Pagkatapos ay pinatay ni Coriantumer si Shiz.
Ang kasaysayan ng mga Jaredita ay nagbibigay ng malinaw na halimbawa ng nangyayari sa mga tao kapag sama-sama nilang sinusuway ang paulit-ulit na ginagawa ng Diyos para hikayatin silang magsisi. Bagama’t hindi natin kaagad nararanasan ang pisikal na kapahamakan kapag hindi tayo nagsisi, mababagabag tayo kapag hindi natin pinakinggan ang mga babala ng Panginoon na magsisi.
Pag-isipan ang sumusunod na pahayag ni Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Pinatototohanan ko na kaya at sabik ang Tagapagligtas na patawarin ang ating mga kasalanan. Maliban sa mga kasalanan ng ilang tao na pinili ang kapahamakan matapos malaman ang kaganapan, walang pagkakasalang hindi mapapatawad. Napakagandang pribilehiyo para sa bawat isa sa atin na talikuran ang ating mga kasalanan at lumapit kay Cristo. Ang kapatawaran ng langit ay isa sa pinakamatatamis na bunga ng ebanghelyo, na pumapawi sa pagbagabag ng budhi at bigat sa ating puso at pinapalitan ito ng kagalakan at kapayapaan ng budhi” (“Magsisi … Upang Mapagaling Ko Kayo,” Ensign o Liahona, Nob. 2009, 40–41).
Suriin ang anumang ginagawa mo na maaaring nakahahadlang sa impluwensya ng Espiritu Santo sa iyong buhay. Isipin kung paano ka makakakuha ng lakas mula sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo para magawa ang mga kailangang pagbabago na makatutulong sa iyo na matanggap ang Espiritu at malabanan ang kapangyarihan ni Satanas.
Mula sa Eter 13–15 nalaman natin na ang galit at paghihiganti ang nagtutulak sa atin na magpasyang gawin ang mga bagay na nakasasakit sa ating sarili at sa iba. Basahin o basahing muli ang mga sumusunod na scripture passage, at markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng katotohanang ito: Eter 13:27; 14:24; 15:6, 22, 28.
Isipin kung ano ang mga ibinubunga sa pamilya o sa iba pang ugnayan ng hindi pagtitimpi ng galit. Isipin ang isang sitwasyon sa buhay mo na kinailangan mong kalimutan ang galit o paghihiganti.
Habang binabasa mo ang sumusunod na pahayag ni Elder David E. Sorensen, isang emeritus member ng Pitumpu, alamin kung paano mo mapaglalabanan ang magalit o maghiganti: “Kapag sinaktan tayo o ang mga taong mahal natin, halos nakapanlulumo ang pasakit na iyan. Para bang ang pasakit o kawalang katarungang iyon ang siyang pinakamahalaga sa mundo, at ang dapat nating gawin ay maghiganti lamang. Ngunit si Cristo, ang Prinsipe ng Kapayapaan, ay tinuruan tayo ng mas magandang paraan. Maaaring napakahirap patawarin ang pananakit sa atin ng isang tao, ngunit kapag nagpatawad tayo, mas gaganda ang buhay natin sa hinaharap. Hindi na makokontrol ng pagkakamali ng sinuman ang ating buhay. Kapag pinatawad natin ang iba, malaya tayong makakapili kung paano tayo mamumuhay. Ang pagpapatawad ay nangangahulugang hindi na madidiktahan ng mga problema ng nakaraan ang ating tadhana, at makakatuon tayo sa hinaharap nang may pagmamahal ng Diyos sa ating mga puso” (“Ang Kapatawaran ay Papalitan ang Kapaitan ng Pagmamahal,” Ensign o Liahona, Mayo 2003, 12).
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kailan mo naranasan o ng isang taong kilala mo ang pakiramdam na napagaling at napalaya ka na matapos magpatawad?
Mapipigilan mo ang anumang galit at paghihiganti kung babaling ka kay Jesucristo at tatanggapin ang kapangyarihan ng pagpapatawad at kapanatagan sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Alalahaning manalangin sa Panginoon para sa tulong na maaaring kailanganin mo sa gayong mga sitwasyon.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Eter 13–15 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: