Unit 24: Day 4
3 Nephi 11:1–17
Pambungad
Hindi pa natatagalan pagkatapos ng matinding pagkawasak at tatlong araw na kadiliman, mga 2,500 katao na binubuo ng mga kalalakihan, kababaihan, at mga bata ang nagtipon sa palibot ng templo sa lupaing Masagana (tingnan sa 3 Nephi 17:25). Nakarinig sila ng isang tinig, na sa una ay hindi nila maintindihan. Nang pakinggan nilang mabuti, naunawaan nila na iyon ay tinig ng Ama sa Langit na ipinapakilala ang Kanyang Anak na si Jesucristo. Nagpakita ang Tagagapagligtas ng mundo. Inanyayahan ni Jesucristo ang mga tao na isa-isang hipuin ang sugat sa Kanyang tagiliran at ang mga bakas ng pako sa Kanyang mga kamay at paa nang malaman nila sa kanilang sarili na Siya ay pinatay para sa mga kasalanan ng sanlibutan.
3 Nephi 11:1–7
Narinig ng mga tao ang tinig ng Ama na inihahayag ang pagpapakita ng Kanyang Anak
Pumunta ka sa labas at dalhin ang lapis at ang gabay sa pag-aaral na ito, at makinig sa loob ng 60 segundo. Isulat sa patlang ang lahat ng tunog na maririnig mo:
Ngayon gumuhit ng bituin sa tabi ng bawat tunog na sa palagay mo ay mahirap tukuyin o hindi mo agad maririnig kung hindi mo pakikinggang mabuti. Pagkatapos ay bumalik sa loob.
Hindi pa natatagalan pagkatapos ng matinding pagkawasak at kadiliman na nagpapahiwatig ng pagkamatay ni Jesucristo, ang mga tao ay nagtipon sa templo sa lupaing Masagana. Habang pinag-uusapan nila ang nangyari, isang napakagandang karanasan ang nangyari na sa una ay hindi nila maunawaan. Basahin ang 3 Nephi 11:1–3, at alamin kung ano ang nahirapang maunawaan ng mga tao. Maaari mong markahan kung paano inilarawan ang tinig ng Diyos at ang epekto ng tinig na iyon sa mga nakarinig nito.
Isipin sandali kung paano natutulad ang mga katangian ng tinig na narinig ng mga tao sa mga pahiwatig na natatanggap natin mula sa Espiritu Santo. Anong katotohanan ang matututuhan mo mula sa 3 Nephi 11:1–3 tungkol sa kung paano madalas mangusap sa atin ang Panginoon at ang Espiritu Santo? Ang isang doktrina na makikita natin na inilarawan sa mga talatang ito ay: Ang Espiritu Santo ay madalas mangusap sa atin sa isang marahan at banayad na tinig na nadarama natin sa ating puso.
Ipinaliwanag ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, kung paano naririnig ang tinig ng Panginoon, sa pamamagitan Espiritu Santo, sa ating isipan at puso:
“Marahil ang pinakamagandang natutuhan ko sa pagbabasa ng Aklat ni Mormon ay na ang tinig ng Espiritu ay nararamdaman sa halip na naririnig. Matututuhan ninyo, tulad ng natutuhan ko, na ‘makinig’ sa tinig na iyan na nadarama sa halip na naririnig. …
“Ang kaloob na Espiritu Santo … ay gagabay at poprotekta sa inyo, at iwawasto rin ang inyong mga ginagawa. Ito ay isang espirituwal na tinig na dumarating sa isipan bilang kaisipan o damdamin sa inyong puso” (“Payo sa Kabataan,” Ensign o Liahona, Nob. 2011, 17–18).
-
Isipin ang isang pagkakataon na nadama mo ang tinig ng Panginoon o ang mga impresyon ng Espiritu sa iyong puso o isipan. Isulat sa iyong scripture study journal ang karanasan mo tungkol dito at ang nadama mo.
Narinig ng mga Nephita ang tinig nang dalawang beses at hindi nila ito naunawaan. Basahin ang 3 Nephi 11:4–7, at alamin ang ginawa ng mga Nephita sa ikatlong pagkakataon upang maunawaan ang tinig. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng binuksan ng mga tao ang “kanilang mga tainga upang marinig” ang tinig? (3 Nephi 11:5).
Ipinayo ni Pangulong Boyd K. Packer ang sumusunod tungkol sa kinakailangan nating gawin para mapakinggan at maunawaan ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo. Salungguhitan ang mga salita o parirala na tutulong sa iyo na malaman kung ano ang gagawin, o kung ano ang iiwasan, para marinig nang mabuti ang tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo.
“Hindi sumisigaw ang Espiritu para mapansin natin. Hindi Niya tayo niyuyugyog nang malakas. Ang Espiritu ay bumubulong. Napakarahan nitong mangusap kaya kung abala tayo maaaring hindi natin ito madama.
“Paminsan-minsan, sapat lang ang pag-antig ng Espiritu sa atin para makinig tayo; ngunit sa aking karanasan, kadalasan, kung hindi natin madarama ang banayad na damdamin, kung hindi natin pakikinggan ang inspirasyong iyon, lalayo ang Espiritu at maghihintay hanggang sa tayo na ang maghahanap at makikinig” (“How Does the Spirit Speak to Us?” New Era, Peb. 2010, 3).
Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 11:5–6 o sa iyong scripture study journal: Kapag natutuhan natin kung paano makinig sa tinig ng Panginoon sa pamamagitan ng Espiritu Santo, mauunawaan natin ang ipinahihiwatig Niya sa atin.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang nakatulong sa iyo para maihanda mo ang iyong puso at isipan na marinig at maunawaan ang tinig ng Panginoon?
-
Kailan mo naunawaan ang ipinahihiwatig ng Panginoon na hindi mo sana napansin kung hindi mo ito pinakinggang mabuti?
-
Kailan ka nakatanggap ng inspirasyon mula sa Espiritu Santo nang mahigit sa isang beses bago mo naunawaan at sinunod ito?
-
3 Nephi 11:8–17
Nagpakita si Jesucristo at inanyayahan ang mga tao na lumapit isa-isa at hipuin ang Kanyang mga sugat
Sikaping ilarawan sa iyong isipan ang mga pangyayari sa 3 Nephi 11:8–10 kapag binasa mo ang mga ito.
-
Kapag pinag-isipan mo kung ano kaya ang pakiramdam kung nasaksihan mo ang pagpapakita ng nabuhay na mag-uling si Jesucristo sa mga tao sa Aklat ni Mormon, isulat sa iyong scripture study journal kung ano ang maaari mong maisip at maramdaman kung naroon ka.
Nagsalita si Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa kahalagahan ng pagpapakita ng Tagapagligtas sa mga Nephita:
“Ang pagpapakita at pahayag na iyon ang pinakamahalagang bahagi, pinakadakilang sandali sa buong kasaysayan ng Aklat ni Mormon. Iyon ay pagpapakita at pahayag na ipinabatid at nagbigay-inspirasyon sa lahat ng propetang Nephita sa nakalipas na anim na raang taon, bukod pa sa kanilang mga ninunong Israelita at Jaredita sa loob ng libu-libong taon bago ang pangyayaring ito.
“Lahat ay nangusap tungkol sa kanya, nagsiawit tungkol sa kanya, umasam sa kanya, at nanalangin para sa kanyang pagpapakita—at tunay ngang siya ay nagpakita. Ang araw na pinakahihintay! Ang Diyos na pinaliliwanag ang bawat gabing madilim ay dumating na” (Christ and the New Covenant: The Messianic Message of the Book of Mormon [1997], 250–51).
Alalahanin na katatapos pa lamang maranasan ng mga natirang Nephita at Lamanita ang matinding pagkawasak at tatlong araw na kadiliman. Basahin ang 3 Nephi 11:10–12, at alamin ang gusto ni Jesucristo na malaman ng mga tao tungkol sa Kanya at tungkol sa mga ginawa Niya sa panahon ng Kanyang mortal na ministeryo. Alin sa mga pahayag ng Tagapagligtas ang sa palagay mo ay pinaka-nakapapanatag para sa iyo na marinig kung naroon ka? Isiping mabuti kung bakit napakahalaga ng pahayag na iyan sa iyo. Maaari mong markahan ang parirala na pinakamahalaga sa iyo sa iyong banal na kasulatan.
Basahin ang 3 Nephi 11:13–15, at markahan ang paanyaya ni Jesucristo na gawin ng mga tao para magkaroon sila ng personal na kaalaman na nais Niyang matamo nila hinggil sa Kanya. Isipin ang sagot sa mga sumusunod na tanong: Ayon sa 3 Nephi 11:14, ano ang nais ng Tagapagligtas na malaman ng mga tao mula sa karanasang ito? Kung may humigit-kumulang 2,500 katao na naroon sa panahong iyon (tingnan sa 3 Nephi 17:25), gaano kaya katagal ito? Ano ang itinuturo nito sa iyo tungkol sa Tagapagligtas?
-
Sa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa palagay mo, bakit nais ng Panginoon na “isa-isang” makita at mahipo Siya ng mga tao”? (3 Nephi 11:15).
-
Paano makakaapekto sa iyo ang paghipo sa mga sugat ng Tagapagligtas na natanggap Niya habang Siya ay nagbabayad-sala para sa iyong mga kasalanan?
-
Maaari mong isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 11:11–15 o sa iyong scripture study journal: Inaanyayahan ako ni Jesucristo na tumanggap ng personal na patotoo na Siya ang aking Tagapagligtas.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Gaano kalakas ang iyong personal na patotoo tungkol sa Tagapagligtas? Paano ito naragdagan at naging mas malakas nitong mga nakalipas na araw?
-
Anong mga karanasan ang humantong sa pagkakaroon mo ng sariling patotoo tungkol sa Tagapagligtas, o ano ang maaari mong gawin para magkaroon ng mas malakas na patotoo?
-
Paano mo malalaman na kilala ka at may malasakit sa iyo ang Tagapagligtas?
-
Basahin ang 3 Nephi 11:16–17, at alamin kung ano ang ginawa ng mga tao pagkatapos nilang personal na makita at mahipo ang Tagapagligtas. Makatutulong na maunawaan na ang “Hosana” ay papuri sa Panginoon.
Basahing mabuti ang 3 Nephi 11:15, at tukuyin ang ginawa ng mga tao pagkatapos nilang mahipo mismo ang mga sugat ng Tagapagligtas. Dahil wala ka roon para mahipo mismo ang mga sugat ng Tagapagligtas, tulad ng ginawa ng mga tao na nakatala sa 3 Nephi, paano mo malalaman na si Jesus ang Cristo? (Tingnan sa Juan 20:30–31; Moroni 10:3–7; D at T 46:13–14 para sa ilang posibleng sagot.)
Upang maihalintulad ang 3 Nephi 11:15 sa iyong sarili, kumpletuhin ang sumusunod na pahayag: Kapag nakatanggap ako ng personal na patotoo tungkol kay Jesucristo, responsibilidad kong .
Mag-isip ng mga paraan na maaaring “[mag]patotoo” tungkol kay Jesucristo ang isang taong may patotoo kay Jesucristo.
Itinuro ni Pangulong Boyd K Packer ang sumusunod tungkol sa patotoo: “Hindi ninyo mapipilit ang mga bagay na espirituwal. Ang patotoo ay hindi mapipilit; unti-unti itong lumalakas. Ang patotoo ay patotoo, at dapat itong igalang, maliit o malaki man ito. Lumalakas ang ating patotoo gaya ng pagtangkad natin at halos hindi natin ito napapansin, dahil ito ay dahan-dahan at unti-unti” (“How Does the Spirit Speak to Us?” 3).
-
Tapusin ang lesson na ito sa pagsulat ng iyong patotoo kay Jesucristo sa iyong scripture study journal. Maaari mo ring isulat kung ano ang ginawa mo para magkaroon ka ng patotoo o ano ang plano mo para mapalakas ito. Kung mabigyang-inspirasyon ng Espiritu, basahin ito sa isang tao o ipabasa ito sa isang tao.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 11:1–17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: