Seminary
Unit 9: Day 3, Jacob 1–2


Unit 9: Day 3

Jacob 1–2

Pambungad

Matapos mamatay si Nephi, ang mga Nephita ay nagsimulang “[m]agpasasa … sa masasamang gawa” sa ilalim ng pamumuno ng bagong hari (Jacob 1:15). Ang dalawang nakababatang kapatid ni Nephi, sina Jacob at Jose, ay itinalaga ni Nephi bilang mga saserdote at guro ng mga tao, at masigasig silang gumawa para hikayatin ang mga tao na magsisi at lumapit kay Cristo. Sinunod ni Jacob ang utos ni Nephi na itala ang mga sagradong turo, paghahayag, at mga propesiya sa maliliit na lamina. Tapat sa kanyang banal na tungkulin, hinikayat ni Jacob ang mga tao na magsisi, binalaan sila na kasalanan ang kapalaluan, pagmamahal sa kayamanan, at seksuwal na imoralidad. Itinuro niya ang mga panganib at kahihinatnan ng tatlong laganap na kasalanang ito.

Jacob 1:1–2:11

Nagbabala si Jacob sa mga tao laban sa kanilang mga kasamaan

Isipin kung ano ang sasabihin mo sa sumusunod na sitwasyon: Isa sa iyong mga kaibigan sa Simbahan ang naiinis sa kanyang mga priesthood leader at sinabing: “Parang hindi nila alam ang nangyayari sa totoong buhay. Palagi silang nagpapaalala kahit na sa maliliit na bagay lang. Sana huwag na silang mag-aksaya ng oras sa kasasabi sa atin ng lahat ng masasamang bagay na kailangan nating iwasan. Dapat magagandang bagay na lang ang sabihin nila.”

Nagtuturo si Jacob

Isipin kung bakit binabalaan tayo kung minsan ng mga priesthood leader laban sa kasalanan. Itinala ni Jacob na noong namatay na si Nephi (tingnan sa Jacob 1:9), nagsimulang gumawa ng masasama ang mga tao. Basahin ang Jacob 1:15–16, at alamin kung ano ang ginawa ng mga tao na ipinag-alala ni Jacob.

Maaari mong bilugan ang salitang nagsimula sa Jacob 1:15–16. Bakit isang pagpapala ang magkaroon ng mga priesthood leader na binabalaan na agad tayo kapag may problema o bago pa man magsimula ito?

Basahin ang Jacob 1:6–8, at alamin kung bakit pinapayuhan ni Jacob at ng kanyang kapwa mga lider ang mga tao ni Nephi laban sa kasalanan. Sa palagay mo, bakit ka binabalaan ng mga priesthood leader sa iyong pamilya, gayundin ng mga priesthood leader sa lokal at pangkalahatan, tungkol sa kasalanan at masigasig na itinuturo sa iyo ang ebanghelyo? Maaari mong markahan ang mga parirala sa Jacob 1:7 na nagtuturo ng sumusunod na katotohanan: Ang mga priesthood leader ay masigasig na tumutulong sa atin na lumapit kay Cristo.

Basahin ang Jacob 1:17–19, at hanapin ang iba pang mga dahilan kaya masigasig na tinuturuan ni Jacob at ng kanyang kapatid na si Jose ang mga tao.

Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng tumanggap ng “tungkulin mula sa Panginoon” (Jacob 1:17)?

Maaari mong markahan ang iba pang mga parirala na makatutulong sa pagtuturo ng sumusunod na alituntunin: Ang mga priesthood leader ay may banal na responsibilidad na ituro ang salita ng Diyos at magbigay ng babala laban sa kasalanan.

Pakaisipin sandali kung bakit mahalagang maunawaan na may pananagutan ang mga lider ng Simbahan sa pagtuturo ng nais ng Panginoon na malaman natin.

Sa iyong pagbabasa ng Jacob 2:1–3, 6–7, 10–11, hanapin ang mga parirala na naglalahad ng nadama ni Jacob sa mahirap na tungkuling ito na sabihan ang kanyang mga tao na magsisi.

  1. journal iconIsipin kung ano ang itinuturo sa iyo ng mga sumusunod na parirala tungkol sa motibasyon ni Jacob na tapusin ang kanyang mahirap na gawain: “Sa panahong ito ako ay labis na nabibigatan dahil sa aking labis na paghahangad at pag-aalaala para sa kapakanan ng inyong mga kaluluwa” (Jacob 2:3) at “kinakailangang gawin ko ang naaayon sa mahigpit na ipinag-uutos ng Diyos” (Jacob 2:10). Isulat sa iyong scripture study journal ang sagot sa mga sumusunod na tanong:

    1. Kailan mo nadamang minamahal at pinagmamalasakitan ka ng isang priesthood leader?

    2. Kailan mo nadama na ang mga salita o ginawa ng isang priesthood leader ay inspirasyong bigay ng Diyos para tulungan ka?

Pag-isipang muli ang sitwasyon na inilahad sa simula ng lesson. Isipin kung paano mo sasagutin ang kaibigan mo ayon sa pinag-aralan mo ngayon.

Jacob 2:12–21

Pinagsabihan ni Jacob ang kanyang mga tao dahil sa kanilang kapalaluan

Para matulungan kang maghandang pag-aralan ang iniutos ng Panginoon na ituro ni Jacob, isipin ang mga pagpapalang ibinigay sa iyo ng Panginoon sa sumusunod na aspeto: pamilya, mga kaibigan, mga lider at guro ng Simbahan, kakayahan sa sining at musika, husay sa isports, talento, pag-aaral, oportunidad sa pag-unlad, kaalaman sa ebanghelyo, at mga materyal na bagay. Umisip ng iba pang paraan na pinagpala ka ng Panginoon.

Basahin ang Jacob 2:12–13, at alamin kung ano ang hinangad ng mga Nephita. Pansinin na itinuro ni Jacob na “ang mapagpalang kamay” ay biniyayaan ang mga Nephita ng kayamanan. Ang pariralang ito ay tumutukoy sa ating Ama sa Langit.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal kung bakit mahalaga na maalaala mo na galing sa Panginoon ang mga pagpapala at kakayahang mayroon ka.

Kung hindi tayo maingat, baka maiangat natin ang ating sarili sa kapalaluan o maging mayabang matapos nating matanggap ang mga pagpapalang gusto natin, tulad ng ginawa ng mga Nephita. Isulat sa patlang ang sa palagay mo ay ibig sabihin ng “iniangat sa kapalaluan ng inyong mga puso.”

Tulad ng nakatala sa Jacob 2:13, ano ayon kay Jacob ang mga dahilan ng kapalaluan ng mga Nephita?

Isipin ang mga tao sa panahon ngayon na minamaltrato, binabalewala, o inaapi ang ibang tao dahil sila ay “nagtamo nang higit na marami” kaysa sa mga minamaltrato nila (Jacob 2:13). Halimbawa, dahil may mga tao na mas mayaman, mas maraming kaibigan, mas mahusay sa isports, o mas maraming alam sa ebanghelyo kaysa sa iba, baka akalain nila na mas angat na sila sa iba o may karapatan na silang mang-api ng iba. Isipin kung may pagkakataon ba sa buhay mo na naging palalo o mayabang ka.

Basahin ang Jacob 2:17–21, at markahan ang mga parirala na makatutulong sa iyo na pigilan ang sarili na magyabang.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat ang dalawa o higit pang mga parirala na nakita mo sa Jacob 2:17–21, at ipaliwanag kung paano makatutulong sa iyo ang mga pariralang iyon na huwag magyabang. Ang ilan sa mga sumusunod na tanong ay makatutulong sa iyo na kumpletuhin ang assignment na ito: Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng hanapin ang kaharian ng Diyos? Magtamo ng pag-asa kay Cristo? Paano naiimpluwensyahan ng paghahanap sa kaharian ng Diyos at pagtatamo ng pag-asa kay Cristo ang iyong pagtingin at pagtrato sa iba?

Kunwari ay tinanong ka ng iyong ina, ama, o lider kung ano ang napag-aralan mo ngayon. Sumulat ng isang alituntunin mula sa Jacob 2:17–21 na magagamit mo para masagot sila.

Ang isang alituntunin sa Jacob 2:17–21 ay: Dapat nating hangarin ang kaharian ng Diyos nang higit sa lahat ng iba pang mga bagay.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang isang paraan na magagamit mo ang mga pagpapala at oportunidad na ibinigay sa iyo ng Panginoon para makatulong ka sa pagtatayo ng kaharian ng Diyos at pagpalain ang buhay ng iba.

Jacob 2:22–30

Pinagsabihan ni Jacob ang kanyang mga tao dahil sa kanilang seksuwal na imoralidad

Ang sumusunod na pahayag ay mula kay Pangulong Ezra Taft Benson. Hulaan kung ano ang tatlong salita ang dapat na nasa mga patlang:

“Ang nakababahalang kasalanan ng henerasyong ito ay ” (“Cleansing the Inner Vessel,” Ensign, Mayo 1986, 4; tingnan sa katapusan ng lesson ang tamang sagot).

Basahin ang Jacob 2:22–23, 28, at markahan ang mga parirala na ginamit ni Jacob na naglalahad na mabigat na kasalanan ang seksuwal na imoralidad. Maaaring makatulong na malaman na ang salitang pagpapatutot ay tumutukoy sa mga seksuwal na kasalanan.

Elder Richard G. Scott

Ipinaliwanag ni Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang anumang seksuwal na intimasiya sa labas ng bigkis ng kasal—ibig kong sabihin anumang sinadyang pagdaiti sa sagrado at pribadong mga bahagi ng katawan ng isang tao, may suot mang damit o wala—ay kasalanan at ipinagbabawal ng Diyos. Paglabag o kasalanan din ang sadyaing pukawin ang mga damdaming ito sa sarili ninyong katawan” (“Making the Right Choices,” Ensign, Nob. 1994, 38).

Ang homoseksuwalidad at panonood ng pornograpiya ay paglabag din sa batas ng kalinisang-puri ng Panginoon.

Pansinin kung ano ang ginawa ng mga Nephita para pangatwiranan ang kanilang mga kasalanan, tulad ng nakatala sa Jacob 2:23–24. Isipin sandali kung ano ang ginagawa ng mga tao para pangatwiranan ang seksuwal na imoralidad ngayon.

Isa sa mga kasalanan ng mga Nephita ay ang walang pahintulot na pag-aasawa nang higit sa isa. Itinuro ni Jacob na inutos ng Panginoon na isa lang ang dapat na asawa ng isang lalaki (tingnan sa Jacob 2:27). Ang pagkakaroon ng mahigit sa isang asawa nang walang pahintulot ng Panginoon sa Kanyang mga itinalagang priesthood leader ay isang halimbawa ng seksuwal na kasalanan. Sa paningin ng Diyos, napakabigat na kasalanan ang mga kasalanang seksuwal (tingnan sa Alma 39:5).

Ang mga tao ng Panginoon ay may pahintulot na mag-asawa nang higit sa isa kung iniutos ito ng Panginoon (tingnan sa Jacob 2:30). May ilang panahon sa kasaysayan ng mundo na iniutos ng Panginoon na mag-asawa nang higit sa isa ang Kanyang mga tao. Halimbawa, ang pag-aasawa nang higit sa isa ay ginawa noong panahon ng Lumang Tipan nina Abraham at Sara (tingnan sa Genesis 16:1–3; D at T 132:34–35, 37) at ng kanilang apong si Jacob (tingnan sa D at T 132:37), at ipinagpatuloy ito noong mga unang ilang taon ng ipinanumbalik na Simbahan, na nagsimula kay Propetang Joseph Smith (tingnan sa D at T 132:32–33, 53). Gayunman, iniutos ng Diyos sa Kanyang propetang si Wilford Woodruff na ipatigil ang pag-aasawa nang higit sa isa (tingnan sa Opisyal na Pahayag 1 sa Doktrina at mga Tipan).

Basahin ang Jacob 2:31–35, at markahan ang mga parirala na nagpapakita ng ilan sa mga di-magandang bunga ng seksuwal na kasalanan.

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ayon kay Jacob, paano nakakaapekto ang seksuwal na imoralidad sa mga pamilya?

    2. Maaaring ikatwiran ng ilang kabataan na hindi sila maaaring maging imoral dahil wala pa silang asawa, at syempre walang asawang maaaring mapagtaksilan, at wala silang mga anak na isasaalang-alang. Paano maaaring makaapekto ang imoralidad sa isang tinedyer at sa kanyang pamilya?

    3. Sa palagay mo, bakit itinuturing ng Panginoon na napakabigat na kasalanan ang imoralidad?

Repasuhin ang simula ng Jacob 2:28, at markahan ang ikinalulugod ng Panginoon. (Pansinin na bagama’t partikular na binanggit ni Jacob ang kababaihan sa talatang ito, totoo ring nalulugod ang Panginoon sa kalinisang puri ng kalalakihan.) Itinuturo ng talatang ito ang alituntunin na: Nalulugod ang Panginoon sa kalinisang puri.

Ayon sa natutuhan mo ngayon, isipin kung bakit nalulugod ang Panginoon sa kalinisang puri ng Kanyang mga anak. Isipin ang iyong pamilya, gayundin ang pamilyang inaasam mong magkaroon sa hinaharap. Paano ka mapagpapala at ang iyong pamilya ng batas ng kalinisang puri ng Panginoon? Isipin kung paano ikinalulugod ng Panginoon ang pagpapasiya mo na maging dalisay at malinis.

Kaya mong manatiling malinis. Kung nalabag mo na ang batas ng kalinisang puri, maaari kang magsisi at maging malinis sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Hingin ang gabay ng Espiritu Santo habang umiisip ka ng isa o mas marami pang paraan na mas maiiwasan mong malabag ang batas ng kalinisang puri. Kung nakagawa ka ng anumang seksuwal na imoralidad, gawin mo ang nararapat, kabilang na ang pagkausap sa iyong bishop o branch president para ipagtapat ang anumang paglabag mo sa batas ng kalinisang puri ng Panginoon.

Aking Ama
  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Jacob 1–2 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser:

Sagot sa mga nawawalang salita sa pahayag sa simula ng lesson na ito: Sinabi ni Pangulong Benson, “Ang nakababahalang kasalanan ng henerasyong ito ay seksuwal na imoralidad.