Pambungad sa Enos
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Ang Aklat ni Enos ay naglalarawan ng kapangyarihan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na lumilinis sa mga tao mula sa kanilang mga kasalanan at nagpapagaling sa kanila. Si Enos ay nakipagtunggali sa harapan ng Diyos sa mataimtim na panalangin bago siya napatawad sa kanyang mga kasalanan. Pagkatapos ay ipinagdasal niya ang espirituwal na kapakanan ng mga Nephita at mga Lamanita. Iniukol niya ang nalalabing araw ng kanyang buhay sa pagtulong na matamo nila ang kaligtasan. Sa iyong pag-aaral ng aklat ni Enos, malalaman mo ang mahahalagang aral tungkol sa panalangin, pagsisisi, at paghahayag. Malalaman mo rin na kapag nakatatanggap ng mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ang mga tao, nanaisin nilang ibahagi ang mga pagpapalang iyon sa iba.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Si Enos, anak ni Jacob at apo nina Lehi at Saria, ang may-akda ng aklat na ito. Itinala ni Enos na tinuruan siya ng kanyang ama “sa pag-aalaga at pagpapayo ng Panginoon” (Enos 1:1). Nang malapit na siyang mamatay, isinulat ni Enos na ipinahayag niya “ang salita alinsunod sa katotohanan na na kay Cristo” (Enos 1:26) sa buong buhay niya. Bago siya namatay, ipinasa niya ang maliliit na lamina ni Nephi sa kanyang anak na si Jarom. Tinapos ni Enos ang kanyang tala nang nagsasaya sa araw na tatayo siya sa harapan ng kanyang Manunubos. Ipinahayag niya, “Sa gayon, makikita ko ang kanyang mukha nang may katuwaan, at sasabihin niya sa akin: Lumapit ka sa akin, ikaw na pinagpala, may isang pook na inihanda para sa iyo sa mga mansiyon ng aking Ama” (Enos 1:27).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Tinapos ni Enos ang kanyang talaan sa pagsasabing 179 na taon na ang lumipas mula nang lisanin ni Lehi ang Jerusalem (tingnan din sa Enos 1:25). Kung gayon malamang na isinulat niya ang kanyang tala sa pagitan ng 544 B.C. (nang tapusin ni Jacob ang kanyang talaan) at 420 B.C. Isinulat ni Enos ang talang ito habang naninirahan sa lupain ng Nephi.