Unit 18: Day 3
Alma 31
Pambungad
Nalaman ni Alma na isang grupo ng mga tumiwalag na Nephita na tinatawag na mga Zoramita ang lumihis mula sa katotohanan ng ebanghelyo. Nalungkot sa mga balitang ito ng kasamaan, nagsama ng mga tao si Alma para ituro sa mga Zoramita ang salita ng Diyos. Nasaksihan nila ang maling pagsamba at kapalaluan ng mga Zoramita. Taimtim na nanalangin si Alma na sila ng kanyang mga kasama ay aliwin at magkaroon ng tagumpay sa pagdadala sa mga Zoramita pabalik sa Panginoon.
Alma 31:1–7
Si Alma at ang kanyang mga kasama ay nangaral ng salita ng Diyos sa mga tumiwalag na Zoramita
Kunwari ay may kaibigan o kapamilya ka na nagsisimulang lumayo sa ebanghelyo o hindi lubos na ipinamumuhay ang ebanghelyo sa abot ng kanyang makakaya. Pag-isipan ang iyong isasagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang maaari mong gawin para matulungan ang taong ito na magbalik sa Simbahan at magkaroon ng hangarin na sundin ang mga kautusan?
-
Sino ang hihingan mo ng tulong sa pagharap sa mga problema at maling pagkakaunawa ng taong ito?
Ang lesson na ito ay nakatuon kung paano sinikap ni Alma at ng iba pa na tulungan ang isang grupo ng mga tao na lumihis mula sa mga katotohanan ng ebanghelyo. Basahin ang Alma 31:1–2. Ano ang nadama ni Alma nang marinig niya ang tungkol sa ginagawa ng mga Zoramita?
Basahin ang Alma 31:3–4, at alamin kung bakit nagsimulang matakot ang mga Nephita dahil sa ginagawa ng mga Zoramita.
Iniisip ang natutuhan mo sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon, ano kaya ang tutulong sa mga Zoramita para mahikayat silang magsisi at bumalik sa mga katotohanan ng ebanghelyo? Basahin ang Alma 31:5, at tukuyin ang nalalaman ni Alma na pinaka-epektibong paraan para mapabalik ang mga Zoramita.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit sa iyong palagay ang salita ng Diyos ay mas makapangyarihan sa pagtulong sa mga tao na magbago kaysa paggamit ng pwersa o anumang bagay.
Isiping mabuti ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, tungkol sa kapangyarihan ng salita ng Diyos:
“Ang tunay na doktrina, kapag naunawaan, ay nagpapabago ng asal at pag-uugali.
“Ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo ay mas mabilis magpabuti ng ugali kaysa pag-aaral ng pag-uugali. Ang pagtutuon sa hindi karapat-dapat na ugali ay maaaring humantong sa hindi karapat-dapat na ugali. Iyan ang dahilan kaya binibigyang-diin natin nang husto ang pag-aaral ng mga doktrina ng ebanghelyo” (“Little Children,” Ensign, Nob. 1986, 17).
Ayon sa Alma 31:5 at sa pahayag ni Pangulong Packer, kumpletuhin ang sumusunod na alituntunin: Kapag pinag-aralan ko ang salita ng Diyos, aakayin ako nito .
Kabilang sa iba pang posibleng sagot, maaari mong kumpletuhin ang alituntunin sa itaas nang ganito: Kapag pinag-aralan ko ang salita ng Diyos, aakayin ako nito na gumawa ng tama.
-
Isipin ang karanasan mo sa pag-aaral ng mga banal na kasulatan at pakikinig sa salita ng Diyos. Sumulat tungkol sa isang pangyayari na inakay ka, ang iyong pamilya, o mga kaibigan ng salita ng Diyos na gumawa ng tama.
Alma 31:8–23
Ang mga Zoramita ay nagdarasal at sumasamba sa maling paraan
Si Alma at ang pitong iba pa ay nangaral ng salita ng Diyos sa mga Zoramita. Nang makarating sila roon, nakita nila ang nakabibiglang pamamaraan ng pagsamba ng mga Zoramita sa Diyos. Ano ang naiisip mo kapag narinig mo ang salitang pagsamba?
Ang pagsamba ay tumutukoy sa paraan kung paano natin ipinapakita ang ating pagmamahal, pagpipitagan, at debosyon sa Diyos. Ang pagsamba ay madalas may kasamang gawa tulad ng pagdarasal, pag-aayuno, at pagdalo sa mga miting ng Simbahan. Gayunman, dapat palaging taos sa puso ang tunay na pagsamba. Basahin ang Alma 31:8–11, at tukuyin at markahan ang mga salita at mga parirala na naglalarawan sa pagsamba ng mga Zoramita.
Makatutulong na malaman na ang “mga gawain ng simbahan” (Alma 31:10) ay may kaugnayan sa “mga ordenansa,” tulad ng pag-aalay ng mga hain na hinihingi sa panahong iyon bilang bahagi ng batas ni Moises o ang sakramento sa panahon natin. Maaari mong markahan sa Alma 31:10 ang isa sa mga dahilan kung bakit tayo sumasamba at nagdarasal araw-araw.
Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa margin ng iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 31:9–11: Ang ating pagsisikap na manalangin araw-araw at sundin ang mga kautusan ay nagpapalakas sa atin laban sa tukso.
Binigyang-diin ni Elder Rulon G. Craven, habang naglilingkod bilang miyembro ng Pitumpu, ang kahalagahan ng araw-araw na personal na pagsamba bilang proteksyon laban sa tukso at kasalanan: “Sa nakalipas na mga taon, naaatasan ako paminsan-minsan ng Mga Kapatid na kausapin ang mga nagsipagsising miyembro ng Simbahan at interbyuhin sila para sa panunumbalik sa kanila ng mga pagpapala ng templo. Palaging nakaaantig na espirituwal na karanasan ang maibalik ang mga pagpapala sa mabubuting taong iyon na nagsipagsisi. Itinanong ko sa ilan sa kanila ang ganito, ‘Ano ang nangyari sa iyong buhay na naging dahilan ng pansamantalang pagkawala ng membership mo sa Simbahan?’ May luha sa mga mata, sinabi nila: ‘Hindi ko sinunod ang mga pangunahing alituntunin ng ebanghelyo: pagdarasal, regular na pagsisimba, paglilingkod sa simbahan at pag-aaral ng ebanghelyo. Pagkatapos ay natukso ako at nawala ang patnubay ng Banal na Espiritu’” (“Temptation,” Ensign, Mayo 1996, 76).
Paano sumusuporta ang pahayag ni Elder Craven sa katotohanang matatagpuan sa Alma 31:9–11?
Basahin ang Alma 31:12–23, at isipin kung ano ang madarama mo sa pakikinig sa panalangin ng mga Zoramita mula sa kanilang tore. Pag-isipan ang iyong isasagot sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang ipag-aalala mo kung marinig mong ganito manalangin ang isang tao?
-
Ano ang ilang maling doktrina ang binanggit ng mga Zoramita sa kanilang panalangin?
-
Paano nila tinatrato ang ibang tao? (Pansinin kung ilang beses lumitaw ang mga salitang kami at amin sa panalangin ng mga Zoramita.)
Pagkatapos ulitin ng bawat tao ang gayon ding panalangin, “sila ay nagsibalik sa kanilang mga tahanan, hindi na muling nangungusap pa hinggil sa kanilang Diyos hanggang sa muli nilang sama-samang tipunin ang sarili sa banal na tindigan” (Alma 31:23).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Ano ang ilang panganib ng pagsamba, pagdarasal, at pagsasalita tungkol sa Diyos nang isang beses lang sa isang linggo?
-
Ano ang ilang paraan na masasamba natin ang Diyos sa buong linggo?
-
Mahalaga rin ang ating saloobin kapag sumasamba tayo. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol kung paano nakakaapekto ang ating saloobin sa ating pagsamba:
“Ang pagsamba ay madalas makita sa mga kilos, ngunit ang tunay na pagsamba ay laging makikita sa saloobin at nilalaman ng isipan.
“Ang pagsamba ay pumupukaw sa pinakamalalim na katapatan, pagmamahal, at paggalang. Ang pagsamba ay pinaghalong pagmamahal at pagpipitagan sa isang debosyong naglalapit sa ating mga espiritu sa Diyos” (Pure in Heart [1988], 125).
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung gaano ka, sa iyong palagay, kataimtim sa iyong pagsamba at gayundin ang iyong saloobin, sa mga sumusunod na kategorya: (a) personal na pagdarasal araw-araw, (b) personal na pag-aaral ng mga banal na kasulatan araw-araw, (c) pagsunod sa mga kautusan, at (d) pagdalo sa mga miting sa simbahan at pagtanggap ng sakramento tuwing Linggo. Magtakda ng mithiin na mas mapagbuti pa ang iyong personal na pagsamba araw-araw. Maaari mo ring sabihin sa iyong magulang, lider, o kaibigan ang tungkol sa iyong mithiin para mahikayat ka nila sa mga susunod na linggo.
Alma 31:24–38
Nanalangin si Alma at humingi ng lakas at tagumpay para sa mga misyonero sa pagdadala sa mga Zoramita pabalik sa Panginoon
Matapos masaksihan ang maling pagsamba ng mga Zoramita, nanalangin si Alma sa Panginoon. Basahin ang Alma 31:30–35, at alamin ang kaibhan ng panalangin ni Alma sa panalangin ng mga Zoramita.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang natutuhan mo tungkol sa paraan ng pagdarasal kung ikukumpara mo ang panalangin ni Alma sa panalangin ng mga Zoramita. Isulat din kung paano makakaimpluwensya sa iyong mga personal na panalangin ang halimbawa ng matwid na panalangin ni Alma.
Basahin ang Alma 31:36–38, at alamin ang mga pagpapalang natamo ni Alma at ng kanyang mga kasama nang matanggap nila ang mga basbas ng priesthood at mangaral ng ebanghelyo.
Ang mga karanasan ni Alma at ng kanyang mga kasama ay nagtuturo ng alituntuning: Kung tayo ay mananalangin at kikilos nang may pananampalataya, tatatanggap tayo ng tulong mula sa Diyos sa ating mga pagsubok.
Pagkatapos ng kanyang panalangin, ipinakita ni Alma at ng kanyang mga kasama ang kanilang pananampalataya sa pamamagitan ng paggawa at pagtitiwala na maglalaan para sa kanila ang Panginoon habang naglilingkod sila sa Kanya at sa Kanyang mga anak. Humanap ng mga paraan na matutularan mo ang halimbawa ni Alma sa pagdarasal nang may pananampalataya.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 31 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: