Seminary
Unit 4: Day 3, 1 Nephi 17


Unit 4: Day 3

1 Nephi 17

Pambungad

Matapos maglakbay nang walong taon sa ilang, dumating ang pamilya ni Lehi sa isang lugar na malapit sa dalampasigan. Tinawag nila ang pangalan ng pook na Masagana. Sinunod ni Nephi ang utos ng Panginoon na gumawa ng isang sasakyang-dagat. Pinagsabihan niya rin ang kanyang mga kapatid dahil sa kanilang kasamaan na humadlang sa pagtanggap nila ng inspirasyon mula sa Panginoon. Habang pinag-aaralan mo ang 1 Nephi 17 at ang halimbawa ni Nephi, makikita mo na sa pamamagitan ng pagsunod, magagawa mo ang lahat ng iniuutos ng Diyos. Matututuhan mo rin na mas makilala ang Panginoon na nangungusap sa iyo sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig.

1 Nephi 17:1–51

Naglakbay ang pamilya ni Lehi patungo sa Masagana, kung saan inutos kay Nephi na gumawa ng isang sasakyang-dagat

Madali o mahirap ba ang iyong buhay? Bakit? Basahin ang 1 Nephi 17:1, 4, 6, at bilugan ang mga salita na nagsasabi kung madali o mahirap kay Nephi at sa kanyang pamilya ang panahong sila ay nasa ilang.

Basahin ang 1 Nephi 17:3, at tukuyin ang dahilang ibinigay ni Nephi kung bakit pinagpala ang kanyang pamilya sa panahong ito ng paghihirap—nagsisimula ito sa salitang kung. Markahan ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan.

Ang mga alituntunin ng ebanghelyo ay madalas makikita sa mga banal na kasulatan sa pormat na sanhi at epekto. Ang pormat na sanhi at epekto ay makikita rin sa direksyon ng buhay ng bawat tao, gayon din sa mga pamilya at lahat ng bansa. Ang sanhi ay naglalarawan ng ginawa natin, at ang epekto ay nagpapaliwanag ng kinahinatnan ng ginawa natin. Bagama’t hindi nakikita sa 1 Nephi 17:3 ang salitang pagkatapos, inilalarawan nito ang isang gagawing bagay at ang kasunod nitong pagpapala. Paano mo sasabihin ang alituntuning pinatotohanan ni Nephi gamit ang iyong sariling salita? Kung (sanhi) , (epekto) .

Pansinin kung paano ipinakita ang alituntuning ito sa 1 Nephi 17:2, 12–13. Habang binabasa mo ang mga talatang ito, markahan ang ilang paraan na pinalalakas at pinagpapala ng Panginoon si Nephi at ang kanyang pamilya kapag sinusunod nila ang mga kautusan. Hanapin ang karagdagang ebidensya ng katotohanan ng alituntuning ito sa patuloy mong pag-aaral ng karanasan ni Nephi.

  1. journal iconMaglaan ng sapat na oras para masagot nang mabuti ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal. Tutulungan ka ng aktibidad na ito na makita na patuloy na ipinamuhay ni Nephi ang alituntuning nakatala sa 1 Nephi 17:3, samantalang ang ibang miyembro ng kanyang pamilya ay hindi nagawang ipamuhay ito. Alalahanin na isipin kung paano mo maipamumuhay ang alituntuning ito.

    1. Ano ang inutos ng Panginoon kay Nephi? (Tingnan sa 1 Nephi 17:7–8.) Ano ang maaaring mahirap sa pagsunod sa utos na ito?

    2. Ano ang hinangaan mo sa pagtugon ni Nephi sa utos na ito? (Tingnan sa 1 Nephi 17:9–11, 15–16). Paano tumugon ang kanyang mga kapatid? (Tingnan sa 1 Nephi 17:17–21.) Ano ang matututuhan mo mula sa mga tugon na ito?

    3. Sinagot ni Nephi ang kanyang mga kapatid sa muling pagsasalaysay ng karanasan ni Moises. Paano tinulungan ng Panginoon si Moises na magawa ang iniuutos Niya? (Tingnan sa 1 Nephi 17:23–29.) Paano nahahalintulad ang mga kapatid ni Nephi sa mga anak ni Israel? (Tingnan sa 1 Nephi 17:30, 42.)

    4. May mga kautusan ba na mahirap sundin para sa iyo? Paano ka makatutugon sa mahihirap na gawain o utos mula sa Diyos na tulad ng ginawa nina Nephi at Moises?

Kapag natapos mo na ang assignment sa itaas, basahin ang pagpapahayag ng pananampalataya ni Nephi sa 1 Nephi 17:50.

Basahin ang 1 Nephi 17:51, at gamitin ang talatang ito sa iyong sarili sa pamamagitan ng paglalagay ng iyong pangalan sa salitang “ako” at pagpapalit sa pariralang “gumawa ng sasakyang-dagat” ng kautusang inilagay mo sa tanong d sa itaas.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng isang karanasan (sarili mong karanasan o ng isang taong kakilala mo) na nakatulong para malaman mo na kung tapat ka sa Diyos, tutulungan ka Niya na magawa ang anumang iniuutos Niya.

Ang alituntuning sinunod ni Nephi sa 1 Nephi 17 at sa buong buhay niya ay kung sinusunod natin ang mga kautusan, tayo ay palalakasin ng Panginoon at magbibigay Siya ng paraan upang magawa natin ang iniuutos Niya.

1 Nephi 17:45–55

Pinagsabihan ni Nephi ang kanyang mga kapatid dahil sa kanilang kasamaan

Basahin ang 1 Nephi 17:48, 53–54, at tukuyin kung bakit “iniunat [ni Nephi] ang [kanyang] kamay sa [kanyang] mga kapatid.”

Ayon sa 1 Nephi 17:53, ano ang ginawa ng Panginoon sa mga kapatid ni Nephi? Bakit?

Sinupil ni Nephi ang Kanyang mga Mapanghimagsik na Kapatid

Ang pagpapanginig na ipinadama sa mga kapatid ni Nephi ay isa sa maraming paraan ng Panginoon para maiparating ang mensahe Niya sa kanila. Basahin ang 1 Nephi 17:45, at tukuyin ang ilan sa iba pang paraan na ginawa ng Panginoon para maiparating ang mensahe Niya sa kanila.

Pangulong Boyd K. Packer

Isiping mabuti ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Boyd K. Packer ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa isang tinig na mas madarama ninyo kaysa maririnig. Ito ay inilalarawan bilang ‘marahan at banayad na tinig’ [D at T 85:6]. Kapag pinag-uusapan natin ang ‘pakikinig’ sa mga bulong ng Espiritu, kadalasan ay inilalarawan ng isang tao ang espirituwal na paghihikayat sa pagsasabing, ‘Nadama ko …’” (“Personal Revelation: The Gift, the Test, and the Promise,” Ensign, Nob. 1994, 60).

Maaari mong markahan ang 1 Nephi 17:45 at isulat sa tabi nito ang sumusunod na alituntunin: Ang Espiritu Santo ay nangungusap sa marahan at banayad na tinig na mas madarama natin kaysa maririnig.

  1. journal iconIsulat ang mga sagot sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Kailan mo nadama na nangusap ang Panginoon sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig?

    2. Ano ang magagawa mo para madama at makilala ang marahan at banayad na tinig?

Markahan ang sumusunod na parirala sa 1 Nephi 17:45: “siya ay nangusap sa inyo sa isang marahan at banayad na tinig, datapwat kayo ay manhid, kung kaya’t hindi ninyo madama ang kanyang mga salita.” Tingnan muli ang unang pangungusap ng 1 Nephi 17:45, at tukuyin ang dahilan kung bakit naging “manhid” ang mga kapatid ni Nephi.

Paano nakahahadlang ang kasalanan sa pagdama natin sa Espiritu Santo? Ano ang iba pang mga bagay na humahadlang sa atin na madama ang Espiritu Santo?

Si Pangulong James E. Faust ng Unang Panguluhan ay gumamit ng isang analohiya upang tukuyin ang ilang paraan na mahahadlangan tayo ng kasalanan sa pagdama ng Espiritu Santo:

Pangulong James E. Faust

“Cellphone na ang gamit sa maraming komunikasyon sa ating panahon. Gayunman, paminsan-minsan ay napupunta tayo sa lugar na walang signal ang cellphone. Nangyayari ito kapag ang gumagamit ng cellphone ay nasa tunnel o kuweba, o may iba pang sagabal.

“Gayon din sa pakikipag-ugnayan sa Diyos. … Kadalasan tayo’y nasa lugar na patay sa espirituwal [spiritual dead spots]—mga lugar at sitwasyong hadlang sa mga banal na mensahe. Kabilang sa mga ito ang galit, pornograpiya, kasalanan, pagkamakasarili, at mga sitwasyong hindi angkop sa Espiritu” (“Nakuha Ba Ninyo ang Tamang Mensahe?” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 67).

  1. journal iconIsipin kung gaano mo napakinggang mabuti ang mga mensaheng nais iparating sa iyo ng Panginoon nitong mga nakaraang araw. Ilista sa iyong scripture study journal ang kahit anong “lugar na patay sa espirituwal”—mga sitwasyon at mga lugar na makahahadlang sa iyo na matanggap ang marahan at banayad na tinig—at ano ang gagawin mo para maiwasan ang mga ito.

Makatatanggap ka ng mensahe mula sa Panginoon sa pamamagitan ng marahan at banayad na tinig kapag sinisikap mong maging karapat-dapat sa banayad na mga pahiwatig na ito at pakikinggan ito.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang 1 Nephi 17 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: