Unit 17: Day 3
Alma 21–22
Pambungad
Sinikap ni Aaron, isa sa mga kapatid ni Ammon, na ituro sa mga Amalekita at mga Amulonita ang tungkol kay Jesucristo at sa Pagbabayad-sala, ngunit hindi nila siya tinanggap. Siya at ang ilan sa kanyang mga kasama ay humantong sa bilangguan sa lupain ng Midoni. Nanatili silang tapat kahit na nahihirapan sila. Matapos silang mapalaya nina Ammon at Haring Lamoni, itinuro ni Aaron sa ama ni Lamoni kung paano “isilang sa Diyos” (Alma 22:15). Nalaman ng hari na sa pamamagitan ng pagsisisi ng kanyang mga kasalanan, makikilala niya ang Diyos at sa huli ay magtatamo ng buhay na walang hanggan. Ang katapatan ni Ammon at ng kanyang mga kapatid ay nakatulong sa maraming Lamanita na makilala ang Diyos at ang Kanyang paraan sa pagtubos.
Alma 21:1–23
Si Aaron at ang kanyang mga kapatid ay nangaral ng ebanghelyo sa kabila ng mga paghihirap at pagkabilanggo
Mag-isip ng isang pagkakataon na sinisikap mong sundin ang mga kautusan ngunit dumaranas ka pa rin ng mga paghihirap. Pagkatapos ay pag-isipang mabuti ang mga sumusunod na tanong: Ano ang ginawa mo para manatiling tapat sa kabila ng mga paghihirap at pagsubok na nararanasan mo? Kapag naaalala mo ang pangyayaring iyon, paano mo masasabi na pinagpala ka ng Panginoon sa panahong iyon?
Habang nagtuturo si Ammon kay Haring Lamoni at sa kanyang mga tao (tingnan sa Alma 17–19), si Aaron at ang kanyang mga kasama ay dumanas ng matitinding paghihirap sa pagsisikap nilang magturo sa ibang dako ng lupain. Para sa maikling buod ng mga paghihirap na dinanas ni Aaron at ng kanyang mga kasama habang nasa bilangguan, basahin ang Alma 20:28–30. Pagkatapos ay basahin ang mga talata mula sa Alma 21:1–17 na tinukoy sa aktibidad sa ibaba. Alamin kung paano nakayanan ni Aaron at ng kanyang mga kapatid ang kanilang mga paghihirap.
-
Kopyahin ang sumusunod na chart sa iyong scripture study journal, at mag-iwan ng espasyo na mapagsusulatan ng iyong mga komento kasunod ng bawat scripture passage:
Hamon o Paghihirap
Paano Tumugon si Aaron at ang Kanyang mga Kasama
Pagkatapos basahin ang bawat scripture passage, isulat sa kaliwang column ng chart ang mga hamon o paghihirap na naranasan ni Aaron at ng kanyang mga kasama. Sa kanang column, isulat kung paano sila tumugon. Pagkatapos ay sagutin ang mga sumusunod na tanong:
-
Sa iyong palagay, bakit madali para sa kanila ang panghinaan ng loob, mawalan ng pag-asa, at umuwi sa mas magandang lugar sa piling ng mga Nephita?
-
Paano tayo makikinabang, bilang mga miyembrong missionary, mula sa pag-aaral ng talang ito?
-
Basahin ang Alma 21:16–17, at alamin kung paano tinulungan ng Panginoon si Aaron at ang kanyang mga kapatid na magawa ang Kanyang gawain habang nagtitiis at nagpapatuloy sila nang may pananampalataya. Sa pamamagitan ni Aaron at ng kanyang mga kapatid, natutuhan natin ang alituntuning ito: Kapag tinitiis natin nang buong katapatan ang ating mga paghihirap, tutulungan tayo ng Panginoon na magawa ang Kanyang gawain. Maaari mong isulat ang alituntuning ito sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal.
Isipin kung anong mga uri ng gawain ang ipinagagawa ng Diyos sa iyo ngayon at sa hinaharap at anong mga hamon ang maaaring kaharapin mo sa pagsisikap na maisakatuparan ang gawaing ito. Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Thomas S. Monson, na nagturo na maaari tayong magkaroon ng mga pagsubok habang nagsisiskap tayong gawin ang gawain ng Panginoon:
“Ang matulungan, maturuan, maantig ang mahahalagang kaluluwang inihanda ng ating Ama para sa Kanyang mensahe ay isang napakalaking gawain. Ang tagumpay ay bihirang madaling makamtan. Karaniwan ay may mga pagluha, pagsubok, tiwala, at patotoo bago ito makamtan. …
“… Napapanatag ang mga lingkod ng Diyos sa pagtiyak na ito ng Panginoon: ‘Ako’y sumasa inyong palagi’ (Mateo 28:20). Ang nakapagandang pangakong ito ay nagpapalakas sa inyo. … Pinapanatag kayo nito kapag nanghihina ang inyong loob, na dumarating sa lahat” (“Tears, Trials, Trust, Testimony,” Ensign, Mayo 1987, 43).
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang tungkol sa isang pagkakataon na buong katapatan kang nagpatuloy sa paggawa kahit may mga pagsubok. O maaari mong isulat ang gagawin mo para maging tapat sa kabila ng mga pagsubok sa kasalukuyan, gamit ang mga alituntunin sa lesson na ito. Gayon din, magsulat ng ilang sitwasyon sa hinaharap na sa palagay mo ay kakailanganin mong magtiis kahit may mga pagsubok sa paggawa ng gawain ng Panginoon.
Basahin ang Alma 21:18–23 para makita kung ano ang ginawa ni Ammon matapos tulungan si Aaron at ang kanyang mga kapatid na makalaya sa bilangguan. Alamin kung paano nagbago ang buhay ng mga Lamanita dahil itinuro sa kanila ni Ammon ang ebanghelyo.
Isipin kung paano binago ng ebanghelyo ni Jesucristo ang buhay ng isang taong kilala mo. Isiping mabuti kung paano mo maibabahagi ang ebanghelyo sa isang taong kilala mo, o isipin ang isang tao na maaaring maimpluwensyahan ng halimbawa ni Aaron at ng kanyang mga kapatid. Maaari mong ibahagi sa taong iyan ang natutuhan mo mula sa halimbawa ni Aaron at ng kanyang mga kapatid sa kanilang tapat at patuloy na paggawa ng gawain ng Panginoon.
Alma 22
Ang ama ni Lamoni, na siyang hari ng buong lupain, ay naniwala sa ebanghelyo na itinuro ni Aaron
Alalahanin ang paghaharap ni Ammon at ng ama ni Lamoni, na pinag-aralan sa nakaraang lesson. Basahing muli ang partikular na kahilingan ng hari kay Ammon na nakatala sa Alma 20:27. Sa iyong pagbabasa ng Alma 22:1–3, alamin kung ano ang tugon ng hari sa pagbisita ni Aaron.
Basahin ang Alma 22:4–6, at alamin kung ano ang bumabagabag sa ama ni Haring Lamoni. Basahing mabuti ang Alma 22:7–14 at alamin kung anong mga katotohanan ang itinuro ni Aaron sa ama ni Lamoni.
Isiping mabuti ang mga sumusunod na tanong (makatutulong na alalahanin ang gayon ding mga bagay na tinalakay kay Haring Lamoni sa Alma 17–18):
-
Bakit kailangang maniwala ng hari sa Diyos upang maunawaan ang pagsisisi?
-
Paano makatutulong ang kaalaman tungkol sa Pagkahulog para maunawaan ng hari ang pagsisisi?
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Bakit mahalagang maunawaan ang Pagkahulog ni Adan at ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo upang maunawaan ang pagsisisi?
Basahing mabuti ang Alma 22:15, at alamin ang handang talikuran ng ama ni Haring Lamoni upang magkaroon ng kagalakan at buhay na walang hanggan, at isiping markahan ito sa iyong banal na kasulatan.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Sa iyong palagay, bakit mahalagang magkaroon ang lahat ng nagnanais na makilala ang Diyos ng ugaling taglay ng ama ni Haring Lamoni?
Basahin ang Alma 22:16 para malaman kung paano sinagot ni Aaron ang tanong ng hari kung paano matatanggap ang buhay na walang hanggan. (Maaari mong markahan ang mahahalagang katotohanan na nakita mong itinuro sa talatang ito.) Kapag tinanggap at ipinamuhay ang mga katotohanang itinuro ni Aaron, paano maaakay nito ang isang tao na makatanggap ng buhay na walang hanggan?
Basahin ang Alma 22:17–18, at alamin kung ano ang tugon ng hari sa mga sinabi ni Aaron. Pag-isipang mabuti ang sumusunod na tanong: Ano ang matututuhan natin tungkol sa pagiging isinilang sa Diyos mula sa ama ni Haring Lamoni?
Maaari mong markahan ang pariralang ito sa Alma 22:18: “Tatalikuran ko ang lahat ng aking kasalanan upang makilala kayo.” Isiping mabuti ang sumusunod na katotohanan, at isulat ito sa iyong banal na kasulatan o sa iyong scripture study journal: Kailangang handa tayong talikuran ang lahat ng ating mga kasalanan nang sa gayon ay espirituwal na magbago tayo at maisilang sa Diyos.
Basahin ang sumusunod na pahayag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Hinahamon tayo ng ebanghelyo ni Jesucristo na magbago. ‘Magsisi’ ang pinakamadalas nitong mensahe, at ang ibig sabihin ng pagsisisi ay isuko ang lahat ng ating nakaugalian—sa sarili, pamilya, kultura, at bansa—na salungat sa mga utos ng Diyos. Layon ng ebanghelyo na gawing selestiyal na mamamayan ang karaniwang nilikha, at kailangan dito ang pagbabago” (“Pagsisisi at Pagbabago,” Ensign o Liahona, Nob. 2003, 37).
Pag-isipang mabuti kung ano ang kailangan mong gawin sa iyong buhay ngayon upang espirituwal na makapagbago.
Basahin ang Alma 22:19–22 para malaman ang mga nangyari pagkatapos manalangin ng hari. Basahin ang Alma 22:23–27, at alamin ang ginawa ng ama ni Lamoni dahil siya ay nagkaroon ng pagbabago sa puso at natamo ang Espiritu ng Panginoon para sa kanyang sarili.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat ang natutuhan mo tungkol sa pagiging isinilang na muli mula sa iyong pag-aaral ng nangyari sa ama ni Haring Lamoni. Ipaliwanag kung paano makatutulong ang kanyang halimbawa sa mga kabataan ngayon para mabago nila ang kanilang buhay na tutulong sa kanila na maisilang sa Diyos.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang Alma 21–22 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: