Pambungad sa 2 Nephi
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Ang aklat ng 2 Nephi ay makatutulong sa iyo na maunawaan ang mga pangunahing doktrina ng ebanghelyo, gaya ng Pagkahulog nina Adan at Eva, ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo, at ang kalayaang pumili. Bukod pa riyan, ang aklat na ito ay puno ng mga propesiya mula kina Nephi, Jacob, at Isaias, na mga natatanging saksi ng Tagapagligtas. Ipinropesiya nila ang Panunumbalik ng ebanghelyo sa mga huling araw, ang pagtitipon ng mga pinagtipanang tao ng Diyos, ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo, at ang Milenyo. Ang aklat ng 2 Nephi ay naglalaman din ng paliwanag ni Nephi tungkol sa doktrina ni Cristo at nagtatapos sa patotoo ni Nephi tungkol sa Tagapagligtas.
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Si Nephi, ang anak ni Lehi, ang sumulat ng 2 Nephi. Si Nephi ay isang propeta at ang unang dakilang pinuno ng mga Nephita. Naipahayag sa kanyang mga isinulat na nadama niya ang mapagtubos na kapangyarihan ng Panginoon (tingnan sa 2 Nephi 4:15–35; 33: 6) at hinangad niya nang buong kaluluwa na magdala ng kaligtasan sa kanyang mga tao (tingnan sa 2 Nephi 33: 3–4). Para maisakatuparan ang layuning ito, nagtayo siya ng templo at itinuro sa kanyang mga tao na maniwala kay Jesucristo.
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Sinimulang isulat ni Nephi ang 2 Nephi noong mga 570 B.C.—30 taon matapos nilang lisanin ng kanyang pamilya ang Jerusalem (tingnan sa 2 Nephi 5:28–31). Isinulat niya ito noong siya ay nasa lupain ng Nephi (tingnan sa 2 Nephi 5:8, 28–34).