Unit 8: Day 4
2 Nephi 31
Pambungad
Itinuro ni Nephi ang doktrina ni Cristo: dapat tayong manampalataya kay Jesucristo, magsisi, magpabinyag, tanggapin ang Espiritu Santo, at magtiis hanggang wakas. Pinatotohanan din niya na kung ipamumuhay natin ang mga turong ito, itutulot ng Diyos na mapasatin ang Espiritu Santo at aakayin tayo sa buhay na walang hanggan.
2 Nephi 31:1–21
Itinuro ni Nephi na nagbigay ng perpektong halimbawa sa atin ang Tagapagligtas
Nagpunta si Jesus kay Juan Bautista para magpabinyag. Wala namang nagawang kasalanan si Jesus, pero bakit Siya bininyagan? Bakit ka bininyagan? Ang pagninilay sa mga tanong na ito ay makatutulong sa iyo na maging handa para sa lesson na ito.
Basahin ang 2 Nephi 31:2, 21, at markahan ang pariralang “doktrina ni Cristo.” Sa talata 2, pansinin na sinabi ni Nephi na “kailangan [niyang magsalita] hinggil sa doktrina ni Cristo.” At sa talata 21 sinabi niya na nagsalita siya tungkol sa “doktrina ni Cristo.” Sa 2 Nephi 31:3–20 nalaman natin ang mga katotohanang iyon na tinawag ni Nephi na “doktrina ni Cristo.” Ang dalawang katotohanan na nalaman natin ay: Ginanap o isinagawa ni Jesucristo ang lahat ng katwiran sa pagsunod sa lahat ng kautusan ng Ama, at dapat nating tularan ang halimbawa ni Jesucristo ng pagsunod sa pamamagitan ng pagpapabinyag at pagtanggap ng Espiritu Santo.
-
Isulat ang mga sumusunod na heading sa magkatabing column sa iyong scripture study journal: Mga Dahilan Kung Bakit Nagpabinyag si Jesus at Mga Dahilan Kung Bakit Tayo Binibinyagan. Pagkatapos ay basahin mo ang 2 Nephi 31:4–12, at isulat ang natutuhan mo sa ilalim ng bawat isa sa mga heading na iyon.
Ayon sa 2 Nephi 31:11, ano ang dapat mauna bago ang binyag?
Para matulungan sa pagpapaliwanag kung bakit mahalaga ang pagbibinyag sa tubig, basahin ang sumusunod na pahayag ni Propetang Joseph Smith: “Ang binyag ay isang palatandaan sa Diyos, sa mga anghel, at sa langit na ginagawa natin ang kalooban ng Diyos, at wala nang ibang paraan sa ilalim ng kalangitan para maorden ng Diyos ang tao na lumapit sa Kanya upang maligtas, at makapasok sa kaharian ng Diyos, maliban sa pananampalataya kay Jesucristo, pagsisisi, at binyag para sa kapatawaran ng mga kasalanan, at anumang iba pang paraan ay walang saysay; sa gayon ay ipinangako sa iyo ang kaloob na Espiritu Santo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 106–107).
-
Kunwari ay isang kaibigan mo na hindi miyembro ng Simbahan ang nagtanong sa iyo kung bakit napakahalaga ng binyag. Isulat sa iyong scripture study journal ang isasagot mo.
-
Isulat sa iyong scripture study journal kung paano nakaimpluwensya at napagpala ang buhay mo dahil tinularan mo ang halimbawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng pagpapabinyag.
Marami pa tayong gagawin matapos tayong mabinyagan. Basahin ang 2 Nephi 31:13, at markahan ang mga parirala na naglalarawan ng pag-uugaling dapat taglay ng isang tao na gustong tularan ang halimbawa ng Tagapagligtas.
Ayon sa 2 Nephi 31:13, kapag tinutupad natin ang ating tipan nang may buong layunin ng puso at tunay na hangarin, ano ang ipinangako sa atin ng Ama sa Langit bilang kapalit? (Maaari mo itong markahan sa iyong banal na kasulatan.) Basahin ang huling parirala sa 2 Nephi 31:17, at alamin kung bakit kailangan nating matanggap ang Espiritu Santo. Isulat sa patlang ang isang doktrinal na pahayag o alituntunin batay sa banal na kasulatan na nagpapaliwanag ng gagawin ng Espiritu Santo para sa atin.
Ang apoy ay ginagamit sa paglalantay ng mga materyal tulad ng mga metal. Inaalis nito ang mga dumi para mas luminis ang materyal. Kahalintulad ito ng espirituwal na nangyayari sa atin kapag tumatanggap tayo ng kaloob na Espiritu Santo. Kilala rin ito bilang “binyag ng apoy” (tingnan sa 2 Nephi 31:13). Ang Espiritu Santo ay sumasaksi sa Ama at sa Anak at naghahatid ng kapatawaran ng mga kasalanan. Itinuro ni Pangulong Marion G. Romney ng Unang Panguluhan, “Ang binyag na ito ng apoy at ng Espiritu Santo ay … naglilinis, nagpapagaling, at nagpapadalisay ng kaluluwa” (Learning for the Eternities, comp. George J. Romney [1977], 133).
Para mahanap ang iba pang bahagi ng “doktrina ni Cristo,” basahin ang 2 Nephi 31:15–16, at markahan ang nahanap mo. Iugnay ang mga pariralang nahanap mo sa 2 Nephi 31:13 sa tagubilin na ibinigay sa 2 Nephi 31:15–16, at pag-isipan kung paano ka makapagtitiis hanggang wakas nang may “tunay na hangarin” at “nang may buong layunin ng puso.”
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano naaangkop ang mga katagang “nang may buong layunin ng puso,” “walang pagkukunwari,” at “may tunay na hangarin” sa pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw o sa pagsisimba?
-
Ano ang pagkakaiba ng isang taong “umuusal ng panalangin” at ng isang taong nananalangin “nang may buong layunin ng puso”?
-
Ano ang pagkakaiba ng isang taong “tumatanggap ng sakramento” at isang taong tumatanggap ng sakramento “nang may tunay na hangarin”?
-
Basahin ang 2 Nephi 31:18, at alamin kung saan tayo mapupunta matapos tayong magsisi at magpabinyag. Kapag tayo ay nanampalataya, nagsisisi, nagpabinyag, at tumanggap ng Espiritu Santo, pumapasok tayo sa “makipot at makitid na landas.” Ang ibig sabihin ng makipot ay makitid, istrikto, mahigpit, at hindi lumilihis. Ayon sa 2 Nephi 31:18, paano natin malalaman kung tayo ay nasa makipot at makitid na landas?
Ang madama ang kaloob na Espiritu Santo ay hindi lamang magandang pakiramdam na natatanggap natin paminsan-minsan. Ang pagsama ng Espiritu Santo ay isang patunay mula sa Diyos na tumatahak tayo sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano nakatulong sa iyo ang paggabay ng Espiritu Santo na manatili sa makipot at makitid na landas?
-
Ano pa ang ilang paraan na pinagpala ng Espiritu Santo ang buhay mo?
-
Basahin ang 2 Nephi 31:19–21, at gumawa ng listahan sa iyong banal na kasulatan sa pamamagitan ng paglalagay ng numero sa iba pang mga bagay na dapat nating gawin para manatili sa landas. (Pansinin na ang 2 Nephi 31:19–20 ay isang scripture mastery passage. Maaari mo itong markahan sa paraang madali mo itong mahahanap.)
-
Sa iyong scripture study journal, sumulat ng isang pangungusap na naglalarawan ng kahulugan sa iyo ng “magpatuloy sa paglakad nang may katatagan kay Cristo” (2 Nephi 31:20).
Sa mga patlang na nakalaan, ibuod ang 2 Nephi 31:19–20 na kasama ang alituntuning ito:
Kung tayo ay , tayo ay . (Maaari mo itong isulat sa iyong banal na kasulatan.)
Ibinigay ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindawalang Apostol ang payo na ito na nagbibigay ng pag-asa sa mga taong ang pakiramdam sa sarili ay nalihis na sila mula sa makipot at makitid na landas: “Sa paglalakbay ninyo sa buhay, nakakaharap kayo ng maraming hadlang at nakagagawa ng ilang pagkakamali. Tinutulungan kayo ng mga banal na kasulatan na makilala ang inyong mga pagkakamali at gumawa ng nararapat na pagwawasto. Hihinto kayo sa pagpunta sa maling direksyon. Pag-aaralan ninyong mabuti ang mga banal na kasulatan na gagabay sa inyo. Pagkatapos ay magsisisi at magsasauli kayo ng mga bagay na kinuha ninyo o itutuwid ang maling nagawa ninyo upang makarating sa ‘makipot at makitid na landas na patungo sa buhay na walang hanggan’ [2 Nephi 31:18]” (“Living by Scriptural Guidance,” Ensign, Nob. 2000, 17).
Pag-isipan kung paano nagbigay sa iyo ng “kaliwanagan ng pag-asa” (2 Nephi 31:20) ang pahayag na ito at ang mga banal na kasulatan na pinag-aralan mo ngayon.
Scripture Mastery—2 Nephi 31:19–20
-
Mag-ukol ng limang minuto sa pagsasaulo ng 2 Nephi 31:20. Sabihin sa kapamilya o kaibigan mo na subukin ang kaalaman mo sa banal na kasulatan, o kaya ay takpan mo ng kamay mo ang talata at subukang bigkasin ito nang walang tinginan. Subukang isulat ang talatang ito nang walang kopya sa iyong scripture study journal.
-
Gamit ang 2 Nephi 31:20, piliin ang isa sa mga bagay na dapat nating gawin para manatili sa tamang landas na nagagawa mo nang mabuti. Pagkatapos ay ilarawan sa iyong scripture study journal kung paano mo ito ginagawa. Pagkatapos ay pumili ng isang bagay na gusto mong pagbutihin, at isulat kung paano mo gagawin iyan.
Komentaryo at Pinagmulang Impormasyon
Paano natin maiiwasan ang pagkukunwari?
Nagbabala si Nephi laban sa pagkukunwari sa 2 Nephi 31:13. Ang ibig sabihin ng pagkukunwari ay magpanggap o gumawa ng isang bagay na hindi nagpapakita ng ating tunay na pagkatao. Nagpahayag si Elder Joseph B. Wirthlin ng Korum ng Labindalawang Apostol tungkol sa pagkilos nang walang pagkukunwari:
“Talaga bang ipinamumuhay natin ang ebanghelyo, o tayo ba ay nagpapakita lang na parang mabait tayo upang akalain ng mga nakapaligid sa atin na tapat tayo, ngunit ang totoo, ang ating nararamdaman at mga lihim na ginagawa ay hindi naaayon sa mga turo ng Panginoon?
“Tayo ba ay ‘may anyo ng kabanalan’ subalit ikinakaila ang ‘kapangyarihan nito’ [tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:19]?
“Tayo ba ay totoong mabait, o nagkukunwari tayong mabait lamang kapag may nakamasid na iba?
“Nilinaw ng Panginoon na hindi Siya malilinlang ng panlabas na anyo, at binalaan Niya tayo na huwag magkunwari sa Kanya o sa iba. Sinabihan Niya tayo na iwasan ang mga taong mapagpanggap, na nagkukunwaring mabait para mapagtakpan ang totoong pagkatao. Alam natin na ang Panginoon ay ‘tumitingin sa puso’ at hindi sa ‘mukha’ [tingnan sa I Samuel 16:7]” (“True to the Truth,” Ensign, Mayo 1997, 15–16).
Paano tayo “magtitiis hanggang wakas”?
Ang mga katagang “magtiis hanggang wakas” (2 Nephi 31:16) ay madalas gamitin para ipahiwatig na kailangang matiyagang pagtiisan ang mga paghihirap sa buong buhay natin. Ipinaliwanag ni Elder Joseph B. Wirthlin na ang magtiis hanggang wakas ay nangangahulugan din na magpatuloy sa katapatan kay Cristo hanggang sa katapusan ng ating buhay:
“Ang pagtitiis hanggang wakas ay doktrina ng pagpapatuloy sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan matapos pasukin ng isang tao ang landas na yaon sa pamamagitan ng pananampalataya, pagsisisi, pagpapabinyag, at pagtanggap sa Espiritu Santo. Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangailangan ng buong puso natin. …
“Ang pagtitiis hanggang wakas ay nangangahulugan na naitatag natin ang ating buhay sa mga doktrina ng ebanghelyo, sinusunod ang mga pamantayan ng Simbahan, mapagpakumbabang naglilingkod sa ating kapwa, namumuhay ng gaya ng kay Cristo, at tinutupad ang ating mga tipan. Yaong mga nakapagtiis ay matatag, tapat, mapagkumbaba, laging nagpapakahusay, at hindi mapagkunwari. Ang patotoo nila ay hindi ayon sa pagtanggap ng lipunan—ito’y ayon sa katotohanan, kaalaman, karanasan, at sa Espiritu” (“Magpatuloy,” Liahona, Nob. 2004, 101).
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 31 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: