Unit 27: Day 2
3 Nephi 24–26
Pambungad
Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 24–25, tinupad ni Jesucristo ang utos ng Kanyang Ama sa Langit na ibigay sa mga tao ang ilan sa mga propesiya ni Malakias. Ipinahayag ni Malakias na kinakailangang magsisi ng sambahayan ni Israel at bumalik sa Panginoon para sa paghahanda sa pagparito ng Tagapagligtas. Tulad ng nakatala sa 3 Nephi 26:3, ipinaliwanag ni Jesucristo sa mga tao “ang lahat ng bagay, maging mula sa simula hanggang sa panahon na siya ay paparito sa kanyang kaluwalhatian.” Pagkatapos ay itinuro ni Mormon na ipapaalam sa mga maniniwala sa Aklat ni Mormon ang mga bagay na higit na dakila (tingnan sa 3 Nephi 26:9).
3 Nephi 24:1–6
Binanggit ni Jesucristo ang mga salitang ibinigay kay Malakias hinggil sa Ikalawang Pagparito
Nang sabihin ni Jesucristo ang mga propesiya ni Malakias sa mga Nephita, binanggit Niya ang apoy at sabon. Ilarawan sa isipan ang nagbabagang apoy at isang pirasong sabon. Isipin kung ano ang pagkakatulad ng dalawang bagay na ito sa pagdadalisay o paglilinis.
Basahin ang 3 Nephi 24:2–3. Sa 3 Nephi 24:2, si Jesucristo ay inihambing sa apoy ng isang maglalantay, at sabon ng isang tagapagpaputi dahil sa gagawin Niya sa Kanyang Ikalawang Pagparito. Sa 3 Nephi 24:3, inihambang Siya sa isang maglalantay, na nagdadalisay ng pilak. Para maunawaan ang mga talatang ito, makatutulong na malaman na kailangan sa proseso ng pagdadalisay ng pilak na ilagay ng maglalantay ang isang pirasong pilak sa pinakamainit na bahagi ng apoy para maging puro ito. Dapat bantayang mabuti ng maglalantay ang pilak, dahil kapag naiwan nang matagal ang pilak sa apoy, masisira ito. Ang tagapagpaputi ay isang tao na naglilinis ng mga kasuotan o nagpapaputi nito gamit ang sabon. Ang “mga anak na lalaki ni Levi” ay mga mayhawak ng priesthood sa sinaunang Israel; ang katagang ito ay maaaring ipatungkol sa lahat ng tao ng Panginoon ngayon.
Isiping mabuti ang ipinahihiwatig ng paglalarawang ito sa mangyayari sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng 3 Nephi 24:2–3, maaari mong isulat ang: Sa Kanyang Ikalawang Pagparito, dadalisayin ni Jesucristo ang Kanyang mga tao.
Basahin ang 3 Nephi 24:5–6, at tukuyin kung sino ang masusunog o malilipol at kung sino ang hindi sa pagparito ng Tagapagligtas. (Pansinin na sa scripture passage na ito ang “mga anak na lalaki ni Jacob” ay ang mga pinagtipanang tao sa sambahayan ni Israel.) Itinuro sa mga talatang ito ang alituntuning: Hahatulan ni Jesucristo ang masasama sa Kanyang pagparito.
-
Isulat ang sumusunod na heading sa iyong scripture study journal: Mga dapat kong gawin para makapaghanda sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo. Sa iyong patuloy na pag-aaral ng 3 Nephi 24–26, isulat sa ilalim ng heading na ito ang natutuhan mo na makatutulong sa iyo na maghanda para sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
3 Nephi 24:7–18
Itinuro ni Malakias sa sambahayan ni Israel kung paano makababalik sa Panginoon
Isipin kunwari na isang malapit na kaibigan o kapamilya ang parang hindi nag-aalala sa magiging epekto ng ginagawa niya sa darating na Paghuhukom, Ikalawang Pagparito, o sa kawalang-hanggan. Isipin ang maaari mong sabihin sa taong ito para matulungan siya. Basahin ang 3 Nephi 24:7, at tukuyin ang sinabi ng Panginoon sa mga anak na lalaki ni Jacob na nagsimulang lumayo sa Kanya. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “lumihis” mula sa mga ordenansa ng Panginoon?
Sa Simbahan, ang ordenansa ay isang sagrado at pormal na gawaing isinasagawa sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood. Ang ilang ordenansa ay kailangan para sa ating kaligtasan. Ang ordenansang ito ay tinatawag na “mga nakapagliligtas na ordenansa.” Kabilang dito ang binyag, kumpirmasyon, ordinasyon sa Melchizedek Priesthood (para sa kalalakihan), endowment sa templo, at pagbubuklod ng kasal. Sa bawat ordenansang ito, gumagawa tayo ng mga sagradong tipan sa Panginoon. Maaari mong itala ang mga nakapagliligtas na ordenansa sa ilalim ng heading sa journal assignment 1. Isipin kung paano nakatutulong ang mga ordenansang ito sa paghahanda natin sa Ikalawang Pagparito.
Bagama’t ang mga tao ng Panginoon ay lumihis mula sa mga ordenansa at tipan ng ebanghelyo, pansinin ang pangako sa 3 Nephi 24:7, na ibinigay ng Panginoon sa kanila kung sila ay magbabalik sa Kanya. Maaari mong markahan ang pangakong ito sa iyong banal na kasulatan para matulungan ka na maalala mo na: kung babalik tayo sa Panginoon, Siya ay babalik sa atin.
Basahin ang 3 Nephi 24:8–10, at alamin ang isang paraan na ipinahiwatig ng Panginoon na magbabalik ang mga anak na lalaki ni Jacob sa Kanya at maghahanda para sa Ikalawang Pagparito. Maaari mong itala ang pagbabayad ng ikapu at mga handog sa ilalim ng heading sa journal assignment 1.
Basahin ang sumusunod na payo ni Pangulong Gordon B. Hinckley tungkol sa pagbabayad ng ikapu: “Makapagbabayad tayo ng ating ikapu. Ang ikapu ay hindi tungkol sa pera kundi tungkol sa pananampalataya” (“Let Us Move This Work Forward,” Ensign, Nob. 1985, 85).
Isipin sandali kung paano nagpapakita ng iyong pananampalataya sa Panginoon ang iyong kahandaang magbigay ng ikapu at mga handog sa Kanya. Basahin ang 3 Nephi 24:10–12, at tingnan ang mga pagpapala para sa mga nagbabayad nang tapat at ng buong ikapu.
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Anong mga pagpapala ang natanggap mo dahil sinunod mo ang batas ng ikapu?
-
Sa iyong palagay, paano makatutulong sa iyo ang pagsunod sa kautusang magbayad ng ikapu at mga handog sa iyong espirituwal na paghahanda para sa Ikalawang Pagparito?
-
May ilang tao sa sinaunang Israel ang bumulung-bulong na hindi nakabuti sa kanila ang pagsunod ng mga kautusan ng Panginoon. Nadama nila na walang saysay ang kanilang mga pagsisikap (tingnan sa 3 Nephi 24:14). At pinangatwiranan pa nila na ang palalo at masasama ay “masaya,” “nasa ayos,” at “naligtas” (3 Nephi 24:15). Sa madaling salita, sinasabi ng mga taong ito na ang masasama ay mas mabuti pa ang kalagayan kaysa sa mabubuti. Sinagot ng Panginoon ang mga pangangatwirang ito sa pagsasabi na ang mga natatakot sa Panginoon at iniisip ang Kanyang pangalan, at sama-samang nagtitipon nang madalas na nakikipag-usap sa isa’t isa ay makikita ang kanilang mga pangalan na nakasulat sa “aklat ng alaala” (3 Nephi 24:16). Sila ang mga taong handa sa pagparito ng Panginoon at maliligtas bilang Kanyang pinakamamahal na “mga hiyas” (tingnan sa 3 Nephi 24:16–17). Inanyayahan ng Panginoon ang mga nangangatwiran na maghintay at tingnan ang mangyayari kung saan sila ay “magbabalik at makikilala ang pagkakaiba ng mabuti at ng masama”(3 Nephi 24:18). Makikita nila na sa huli ang mabubuti ay higit na nasa mabuting kalagayan.
3 Nephi 25
Binanggit ni Jesucristo ang propesiya ni Malakias na babalik si Elias [Elijah] bago ang Ikalawang Pagparito
Basahin ang 3 Nephi 25:1–3, at alamin kung bakit isang pagpapala ang Ikalawang Pagparito sa mga matatapat kay Jesucristo. Ang salitang ugat sa talata 1 ay tumutukoy sa mga ninuno, at ang sanga ay tumutukoy sa mga inapo. Kaya, sa kabilang buhay hindi matatamasa ng masasama ang mga pagpapala ng pagiging nakabuklod sa kanilang mga ninuno o sa kanilang mga inapo. Ang mga guya na “lalaki sa … kuwadra” ay sumisimbolo sa mga bata na naprotektahan, napangalagaan, at nabigyan ng lahat ng kinakailangan nila habang sila ay lumalaki.
Ibinahagi ng Tagapagligtas sa mga Nephita ang isinulat ni Malakias tungkol sa isang pangyayari na magaganap bago ang Ikalawang Pagparito at magiging kabahagi rito ang propetang si Elijah ng Lumang Tipan. Basahin ang 3 Nephi 25:5–6, at alamin ang itinuro ni Malakias na gagawin ni Elijah para tumulong sa paghahanda ng daigdig sa pagparito ng Panginoon.
Ang pagbabalik ni Elijah sa lupa ay mahalagang bahagi ng Panunumbalik ng ebanghelyo. Noong Abril 3, 1836, nagpakita si Elijah kina Joseph Smith at Oliver Cowdery sa Kirtland Temple na kalalaan pa lamang noon (tingnan sa D at T 110). Ipinagkaloob Niya sa kanila ang kapangyarihang magbuklod ng priesthood, na naging dahilan para mabuklod ang mga pamilya sa lahat ng henerasyon. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng “kanyang ibabaling ang puso ng mga ama sa mga anak, at ang puso ng mga anak sa kanilang mga ama” (3 Nephi 25:6)?
Itinuro sa mga talatang ito na: kapag ibinaling natin ang ating puso sa ating mga ninuno, tumutulong tayo na maihanda ang mundo sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang naging karanasan mo o ng iyong pamilya na nakatulong sa iyo na ibaling ang iyong puso sa iyong mga ninuno. Maaaring kabilang dito ang pagkabuklod sa banal na templo, pagsasaliksik ng iyong family history, o pakikibahagi sa binyag para sa mga patay. Kung wala kang maisip na karanasan, sumulat ng maikling talata tungkol sa iyong hangaring makibahagi sa gawaing ito. (Sa ilalim ng journal assignment 1, maaari mong isulat ang: pagtanggap ng mga ordenansa sa templo para sa iyong sarili at sa iyong pamilya, pagpunta sa templo, at pagtipon ng impormasyon tungkol sa family history.)
3 Nephi 26
Mga dapat gawin para matanggap ang mga dakilang bagay na ipinahayag ni Jesucristo
Natutuhan natin mula sa 3 Nephi 26:3 na itinuro ng Tagapagligtas sa mga Nephita “ang lahat ng bagay na mangyayari sa balat ng lupa.” Basahin ang 3 Nephi 26:6–8, at alamin kung gaano karami sa sermon ng Tagapagligtas ang nakatala sa Aklat ni Mormon. Pag-aralan ang 3 Nephi 26:9–11 para malaman kung bakit hindi isinama ni Mormon ang lahat ng bagay.
Iniutos ng Panginoon kay Mormon na isama lamang ang maliit na bahagi ng mga turong iyon upang subukin ang ating pananampalataya. Mula sa 3 Nephi 26:1–21 natutuhan natin na kapag naniwala tayo sa ipinahayag ng Diyos, inihahanda natin ang ating sarili sa pagtanggap ng mas dakilang paghahayag. Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang paniniwala sa mga katotohanang ito na natanggap na natin bago tayo makatanggap ng karagdagang katotohanan? (Tingnan sa Alma 12:9–11.) Paano natin maipapakita na naniniwala tayo sa ipinahayag ng Panginoon?
-
Para maipamuhay ang alituntuning nakasulat sa makakapal na titik [bold letter] sa itaas, sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ginagawa mo sa iyong buhay na nagpapakita ng iyong paniniwala sa Aklat ni Mormon?
Tulad ng nakatala sa natitirang bahagi ng 3 Nephi 26, ibinuod ni Mormon ang ministeryo ng Tagapagligtas at ang epekto nito sa mga Nephita. Basahin ang 3 Nephi 26:13–21, at maaari mong markahan kung paano ipinamuhay ng mga tao ang mga salita ni Jesucristo.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 3 Nephi 24–26 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: