Pambungad sa Moroni
Bakit Kailangang Pag-aralan ang Aklat na Ito?
Sa pag-aaral mo ng aklat ni Moroni, mapalalakas ka ng matinding halimbawa at patotoo ni Moroni. Bukod pa riyan, mula sa itinuro ni Moroni at ng kanyang amang si Mormon, malalaman mo ang mga pangunahing ordenansa at gawain ng Simbahan ni Jesucristo, ang kahalagahan ng paggawa ng mabuti nang may tunay na layunin, pagpapasiya kung ano ang mabuti at masama, at ang pagkakaugnay ng pananampalataya, pag-asa, at pag-ibig sa kapwa-tao. Mababasa mo rin ang panghihikayat ni Moroni na manalangin upang malaman sa iyong sarili na totoo ang Aklat ni Mormon at “lumapit kay Cristo, at maging ganap sa kanya” (Moroni 10:32).
Sino ang Sumulat ng Aklat na Ito?
Sinulat ni Moroni ang aklat na ito, na kinabibilangan ng kanyang mga salita, ng mga salita ni Jesucristo sa Kanyang labindalawang disipulo (tingnan sa Moroni 2), at ng mga salita ng kanyang amang si Mormon (tingnan sa Moroni 7–9). Bago malipol ang mga Nephita, si Moroni ay naglingkod sa kanila bilang pinuno ng hukbo at ng Simbahan (tingnan sa Mormon 6:12; Moroni 8:1). Tulad ng ibang mga pangunahing manunulat at tagatipon ng Aklat ni Mormon, si Moroni ay saksi ng Tagapagligtas. Pinatotohanan niya: “Nakita ko si Jesus, at … nakipag-usap siya sa akin nang harap-harapan” (Eter 12:39). Si Moroni ay tapat sa kanyang patotoo at binigyang-diin ang kahandaan niyang mamatay sa halip na itatwa si Cristo (tingnan sa Moroni 1:1–3).
Noong 1823, mga 1,400 taon matapos niyang magawa ang talaan ng Aklat ni Mormon, nagpakita si Moroni kay Propetang Joseph Smith bilang isang nilalang na nabuhay na muli at ipinaalam sa kanya na nakalagak ang talaan sa burol malapit sa tahanan ni Joseph Smith. Mula noong panahong iyon at sa mga sumunod na ilang taon, itinuro din ni Moroni kay Joseph Smith “kung ano ang gagawin ng Panginoon, at kung paano at sa anong paraan ang kanyang kaharian ay pangangasiwaan sa mga huling araw” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:54).
Kailan at Saan Ito Isinulat?
Malamang na isinulat ni Moroni ang aklat na ito sa pagitan ng A.D. 401 at A.D. 421 (tingnan sa Mormon 8:4–6; Moroni 10:1), noong siya ay nagpagala-gala para sa kaligtasan ng kanyang buhay (tingnan sa Mormon 1:1–3).