Seminary
Unit 32: Day 1, Moroni 7:20–48


Unit 32: Day 1

Moroni 7:20–48

Pambungad

Tulad ng nakatala sa Moroni 7:20–48, ipinagpatuloy ni Mormon ang kanyang sermon sa sinagoga sa pagtuturo sa mga nakikinig sa kanya kung paano “makapanangan sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:20–21, 25). Ipinaliwanag niya na mahalaga ang manampalataya, umasa, at magmahal sa kapwa. Tinapos niya ang kanyang sermon sa paghikayat sa mga nakikinig na manalangin sa Ama nang buong lakas ng kanilang mga puso para sa kaloob na pag-ibig—na ipinaliwanag ni Mormon na “dalisay na pag-ibig ni Cristo” (Moroni 7:47).

Moroni 7:20–39

Nagturo si Mormon tungkol sa pananampalataya kay Jesucristo

Rebyuhin ang Moroni 7:12–13, at pag-isipan ang natutuhan mo sa nakaraang lesson tungkol sa kung paano malalaman ang kaibahan ng mabubuting bagay mula sa masasamang bagay. Sa inilaang patlang, maglista ng mga halimbawa ng mabubuting bagay (mga bagay na nagmula sa Diyos at naghihikayat sa atin na maniwala kay Cristo) at ng masasamang bagay (mga bagay na humihikayat sa atin na huwag maniwala kay Cristo at huwag maglingkod sa Diyos):

Mabubuting Bagay

Masasamang Bagay

Pansinin na hinikayat tayo ni Mormon na “[manangan] sa bawat mabuting bagay” (Moroni 7:19). Isipin kung ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng manangan sa bawat mabuting bagay.

Nagbigay ng mahalagang tanong si Mormon sa kanyang mga tagapakinig, na kanya ring sinagot. Basahin ang Moroni 7:20, at hanapin ang tanong na plano ni Mormon na talakayin. Pagkatapos ay basahin ang Moroni 7:21–26, at alamin ang sagot sa tanong na ito.

Sa iyong pagbabasa ng Moroni 7:21, 25, markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng alituntuning ito: Sa pananampalataya kay Jesucristo, makapananangan tayo sa bawat mabuting bagay.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang mga sumusunod na tanong:

    1. Ayon sa Moroni 7:22–26, sa anong mga paraan tayo tinutulungan ng Ama sa Langit na magkaroon ng pananampalataya kay Jesucristo?

    2. Paano ka tinulungan ng iyong pananampalataya kay Jesucristo na manangan sa mabuting bagay o iwaksi ang isang bagay na masama?

Inilarawan pa ni Mormon ang ilang mabubuting bagay na dumarating sa mga nananampalataya kay Jesucristo. Basahin ang Moroni 7:32–34, at markahan ang kahit isang pagpapala sa bawat isa sa mga talatang ito na dulot ng pananampalataya kay Jesucristo.

  1. journal iconIsipin at ipanalangin ang isang bagay na magagawa mo para magpakita ng mas matatag na pananampalataya kay Jesucristo. Kapag may naisip ka nang mithiin, isulat ito sa iyong scripture study journal. Ang mithiing ito ay maaaring paggawa ng isang partikular na bagay na tutulong sa iyo na masunod ang mga salita ng mga propeta (tingnan sa Moroni 7:23), pananalangin nang may malaking pananampalataya (tingnan sa Moroni 7:26), o pagsisisi ng kasalanan (tingnan sa Moroni 7:34). Sa pagsulat mo ng iyong mithiin, ilagay ang ilang detalye ng gagawin mo para makamit ito. Isulat din kung paano ito magbibigay ng mabubuting bagay sa buhay mo.

Moroni 7:40–43

Itinuro ni Mormon ang tungkol sa pag-asa

Sa sermon na nakatala sa Moroni 7, tinukoy Mormon ang tatlong banal na alituntuning kailangan para sa buhay na walang hanggan. Itinuro ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang “tatlong banal na alituntunin [na ito] ay nagtatatag ng pundasyon na magiging batayan natin sa paghubog ng ating buhay.” Sinabi niya na ang tatlong alituntuning ito ay “magkakasamang nagbibigay sa atin ng pundasyon na sumusuporta tulad ng mga paa ng upuang tatlo ang paa” (“The Joy of Hope Fulfilled,” Ensign, Nob. 1992, 33).

upuan na may 3-paa

Ang sumusunod na materyal ay makatutulong sa iyo na makita ang tatlong alituntunin na tinukoy ni Mormon. Ang unang alituntunin ay pananampalataya, na katatapos mo pa lang pag-aralan sa Moroni 7:20–39. Lagyan ng label ang isa sa mga paa ng upuan sa itaas ng Pananampalataya kay Jesucristo. Hanapin kung ano ang isinasagisag ng pangalawang paa sa Moroni 7:40. Isulat ang alituntuning iyan sa isa pang paa ng upuan.

Basahin ang Moroni 7:41–42, at tukuyin ang itinuro ni Mormon tungkol sa dapat nating asamin. (Ang Moroni 7:41 ay isang scripture mastery passage.) Maaari mo ring idagdag ang “na magkaroon ng buhay na walang hanggan” sa label na inilagay mo sa pangalawang paa ng upuan para mabasa nang ganito: “Pag-asa na magkaroon ng buhay na walang hanggan.”

Nagsalita si Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan ang tungkol sa pag-asa na tinutukoy ni Mormon:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Ang pag-asa ay kaloob ng Espiritu. Ito ay pag-asa na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo at sa kapangyarihan ng Kanyang Pagkabuhay na mag-uli, tayo ay ibabangon tungo sa buhay na walang hanggan, at ito ay dahil sa ating pananampalataya sa Tagapagligtas. …

“Ang pag-asa ay hindi kaalaman, kundi, pagtitiwala na tutuparin ng Panginoon ang Kanyang mga pangako sa atin. Ito’y tiwala na kung mamumuhay tayo ayon sa mga batas ng Diyos at sa mga salita ng Kanyang mga propeta ngayon, tatanggapin natin ang hangad nating mga biyaya sa hinaharap. Ito ay paniniwala at pag-asang sasagutin ang ating mga dalangin. Makikita ito sa tiwala, magandang pananaw, sigla, at pagtitiyaga” (“Ang Walang Hanggang Bisa ng Pag-asa,” Ensign o Liahona, Nob. 2008, 21–22).

Isang alituntuning matututuhan natin sa Moroni 7:40–42 ay: Kung nananampalataya tayo kay Jesucristo, magkakaroon tayo ng pag-asa sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo na magbabangon tayo sa buhay na walang hanggan.

Basahin ang Moroni 7:43, at alamin ang mga katangian na kailangan para magkaroon ang isang tao ng pananampalataya at pag-asa na binanggit ni Mormon.

Ang ibig sabihin ng maging “mababang-loob at may mapagpakumbabang puso” ay maging tunay na mapagkumbaba, mahinahon, at masunurin sa kagustuhan ng Panginoon. Sa iyong palagay, bakit mahalaga ang pagiging mababang-loob at mapagkumbabang puso upang magkaroon ng pananampalataya at pag-asa sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung paano ka nabigyan ng pag-asa ng pananampalataya mo kay Jesucristo at sa Kanyang Pagbabayad-sala.

Moroni 7:44–48

Itinuro ni Mormon ang tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao

Tingnan muli ang diagram ng upuan na binanggit sa simula ng lesson. Basahin ang Moroni 7:44, at hanapin ang pangatlong alituntunin na itinuro ni Mormon. Lagyan ng label ang huling paa ng upuan ng huling alituntuning ito.

Tulad ng nakatala sa Moroni 7:44–48, lubos na naipaliwanag ni Mormon ang ibig sabihin ng pag-ibig sa kapwa-tao. Basahin ang Moroni 7:45–47, at markahan ang mga salita o parirala na ginamit ni Mormon para ipaliwanag ang pag-ibig sa kapwa-tao. (Ang Moroni 7:45, 47–48 ay isang scripture mastery passage.) Para mas maunawaan mong mabuti kung ano ang itinuturo ni Mormon, maaari mong isulat ang ilan sa mga kahulugan nito sa iyong banal na kasulatan: ang ibig sabihin ng “nagtitiis nang matagal” ay matiyaga, ang “hindi naiinggit” ay hindi nagseselos, ang “hindi palalo” ay mapagkumbaba at may mababang-loob, ang “hindi naghahangad para sa kanyang sarili” ay inuuna ang Diyos at ang ibang tao, at ang “naniniwala sa lahat ng bagay” ay tinatanggap ang lahat ng katotohanan.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sagutin ang isa o higit pa sa mga sumusunod na tanong:

    1. Ayon sa kahulugang ibinigay sa Moroni 7:45–47, sa palagay mo, bakit ang pag-ibig sa kapwa tao ang pinakamagandang espirituwal na kaloob na matatanggap natin?

    2. Ano sa palagay mo ang ibig sabihin ng hindi kailanman magkukulang ang pag-ibig?

    3. Sa palagay mo, bakit wala tayong kabuluhan kapag wala tayong pag-ibig sa kapwa-tao?

Matapos banggitin ang itinuro ni Apostol Pablo tungkol sa pag-ibig sa kapwa-tao sa I Mga Taga Corinto 13, ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang dahilan kung bakit ang pag-ibig sa kapwa tao kailanman ay hindi nagkukulang at kung bakit ang pag-ibig sa kapwa-tao ay higit pa kaysa sa mga pinakamakabuluhang gawa ng kabutihang binanggit niya ay dahil sa, ‘ang dalisay na pag-ibig ni Cristo’ (Moro. 7:47), ay hindi lamang pagkilos kundi kalagayan o katayuan. Natatamo ang pag-ibig sa kapwa-tao sa pamamagitan ng sunud-sunod na mga pagkilos na humahantong sa pagbabalik-loob. Ang pag-ibig sa kapwa-tao ay isang bagay na nagiging likas sa tao. Tulad nga ng ipinahayag ni Moroni, ‘maliban kung magkakaroon ng pag-ibig sa kapwa ang tao ay hindi nila mamamana’ ang lugar na yaon na inihanda para sa kanila sa mga mansiyon ng Ama (Eter 12:34; idinagdag ang pagbibigay-diin)” (“Ang Paghamon na Magkaroon ng Kahihinatnan,” Liahona, Ene. 2001, 34.)

Basahin ang mga sumusunod na sitwasyon at pag-isipan kung ano ang itutugon mo kung wala kang pag-ibig sa kapwa at kung ano ang itutugon mo kung puno ka ng pag-ibig sa kapwa:

  • Pinagtatawanan ka o ang isang tao sa eskwelahan ng ibang mga estudyante.

  • May kapatid ka na madalas kang iniinis.

  • Mas gusto mo ang dating lider mo kaysa sa isa sa mga bagong quorum o class adviser mo.

Pagkatapos ipaliwanag kung gaano kahalagang magkaroon tayo ng pag-ibig sa kapwa-tao sa ating buhay, ipinaliwanag ni Mormon kung paano natin matatamo ang mahalagang katangiang ito. Basahin ang Moroni 7:48, at markahan ang mga salita o parirala na nagtuturo ng alituntuning ito: Kung magdarasal tayo sa Ama nang buong lakas ng puso, at mamumuhay bilang mga tunay na mga tagasunod ni Jesucristo, mapupuspos tayo ng pag-ibig sa kapwa-tao. Pag-isipan kung bakit mahalaga na manalangin para sa kaloob na pag-ibig sa kapwa nang buong lakas ng puso sa halip na ipagdasal ito nang basta-basta lamang.

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang isang pagkakataon na nadama mo na tinulungan ka ng Panginoon na mahalin ang iyong kapwa. O isulat ang pagkakataon na kinakitaan mo ang isang tao ng pagmamahal sa kapwa. Bukod pa rito, magtakda ng isang mithiin kung paano mo mapagbubuti ang isa sa mga katangian ng pag-ibig sa kapwa na nakasulat sa Moroni 7:45. Ipagdasal na magkaroon ka ng pag-ibig sa kapwa habang sinisikap mong magawa ang mithiin mo.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Moroni 7:41

Isulat ang buong talata sa isang papel. Bigkasin ang talatang ito nang ilang beses. Burahin (o lagyan ng ekis) ang mga salita o parirala hanggang sa mabigkas mo ang buong talata nang walang kopya.

scripture mastery icon
Scripture Mastery—Moroni 7:45, 47–48

Isulat ang unang letra ng bawat salita sa tatlong talatang ito sa isang papel. Tumingin sa papel para matulungan ka sa pagbigkas ng mga talata. Matapos mong mabigkas ang mga talata nang ilang beses, burahin o lagyan ng ekis ang lahat ng letra hanggang sa mabigkas mo ang mga talata nang walang kopya. Pagkatapos ay pumili ng isa sa mga sumusunod na grupo ng mga tao na gusto mong mas mapakitaan pa ng pag-ibig sa kapwa: pamilya, mga miyembro ng korum o klase sa Simbahan, mga kaklase, kaibigan, o kapitbahay. Isipin ang mga tao na pinili mo habang binabasa mo ang Moroni 7:45, at isipin ang mga paraan na mas mapapakitaan mo ang mga taong ito ng pag-ibig na tulad ng kay Cristo.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, sumulat ng isa o dalawang paraan na mas maipapakita mo ang iyong pagmamahal sa mga taong ito. Sa susunod na linggo, ipanalangin sa Panginoon na tulungan ka na mas madagdagan ang pagmamahal mo sa kanila. Sa katapusan ng linggo, ibahagi ang naranasan mo sa iyong kaibigan o miyembro ng pamilya.

  2. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Moroni 7:20–48 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: