Unit 1: Day 4
Buod ng Aklat ni Mormon
Pambungad
Inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang mga pangyayaring may kinalaman sa paglabas ng Aklat ni Mormon. Sa pamamagitan ng pag-aaral ng kanyang tala, mapapalalim ang iyong patotoo sa pagkakatawag sa kanya bilang isang propeta at sa banal na bahaging ginagampanan ng Aklat ni Mormon sa Panunumbalik ng kabuuan ng ebanghelyo ni Jesucristo. Tutulungan ka rin ng lesson na ito na maging mas pamilyar sa kung paano isinulat noong unang panahon ang Aklat ni Mormon. Nagpatotoo ang mga propetang sina Mormon at Moroni na ginabayan sila ng Panginoon habang isinusulat at tinitipon nila ang mga isinulat ng maraming iba pang propeta sa mga laminang ginto. Sa iyong pag-aaral, humanap ng mga katibayan ng paggabay ng Panginoon sa paglabas ng Aklat ni Mormon at ng magiging bahagi ng Aklat ni Mormon sa paggabay sa iyong buhay.
“Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith”
Paano mo sasagutin ang tanong na “Paano nakuha ng Simbahan ninyo ang Aklat ni Mormon?”
“Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith,” na matatagpuan sa mga pambungad na materyal sa simula ng Aklat ni Mormon, ay naglalaman ng mga sipi mula sa Joseph Smith—Kasaysayan, na matatagpuan sa Mahalagang Perlas. Inilarawan mismo ng Propeta ang paglabas ng Aklat ni Mormon. Hinihikayat kang basahin ang kabuuan ng kanyang tala sa Joseph Smith—Kasaysayan sa iyong araw-araw na pag-aaral ng banal na kasulatan.
Dahil walang bilang ng mga talata sa “Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith,” gagamitin sa lesson na ito ang Joseph Smith—Kasaysayan para maging mas madali para sa iyo na mahanap ang mga reading assignment. Habang pinag-aaralan mo ang patotoo ni Propetang Joseph, humanap ng katibayan na ang Aklat ni Mormon ay lumabas sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos.
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–35, 42–43, at salungguhitan ang mga detalye ng pagbisita ni Moroni kay Joseph Smith na isasama mo kung ipapaliwanag mo ang mga pangyayaring ito sa isang tao. Sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:34, ano ang sinabi ni Moroni na nilalaman ng mga laminang ginto?
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Anong bagay sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:29–35, 42–43 ang gusto mong bigyang-diin kung ibabahagi mo ang tala na ito sa iba? Bakit ito mahalaga sa iyo?
-
Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:51–54, at itala sa iyong scripture study journal ang iyong mga maiisip tungkol sa mga sumusunod na tanong: Ano ang natutuhan ni Joseph Smith sa taunang pagbisita sa kanya ng anghel na si Moroni? Sa palagay mo, bakit mahalaga para kay Joseph na maturuan nang apat na taon bago makuha at maisalin ang mga lamina?
Matapos ang panahon ng paghahanda at pagtuturo, ibinigay kay Joseph Smith ang mga lamina noong 1827 at ang responsibilidad na isalin ang mga ito sa pamamagitan ng kaloob at kapangyarihan ng Diyos. Basahin ang Joseph Smith—Kasaysayan 1:59–60, at tukuyin ang tagubilin na ibinigay sa kanya tungkol sa mga laminang ginto.
“Maikling Paliwanag Tungkol sa Aklat ni Mormon”
Para maunawaan kung paano inayos ang Aklat ni Mormon, basahin ang “Maikling Paliwanag Tungkol sa Aklat ni Mormon” na matatagpuan pagkatapos ng “Ang Patotoo ng Propetang si Joseph Smith.” Ihambing ang iyong nabasa sa paglalarawan na matatagpuan sa dulo ng lesson ng ito, na nagpapakita kung paano nagkakaugnay-ugnay ang iba-ibang mga laminang bumubuo ng Aklat ni Mormon.
Maraming tao ang nagsilbing tagapag-ingat ng mga talaan ng kasaysayan ng mga Nephita at mga Lamanita, na nagsimula kay Lehi at nagtapos makalipas ang mahigit 1,000 taon sa panahon ng mananalaysay at propeta na si Mormon at ng kanyang anak na si Moroni. Si Mormon ay ginabayan ng Panginoon sa pagpapaikli ng mga isinulat ng mga sinaunang propetang ito at ng 1,000-taong kasaysayan ng kanyang mga tao. Itinala niya ang kanyang ginawang pagpapaikli sa mga lamina ni Mormon, na kilala rin bilang mga laminang ginto. Nang mamatay si Mormon, tinapos ng kanyang anak na si Moroni ang mga tala at itinago ang mga lamina hanggang sa ibigay ang mga ito kay Propetang Joseph Smith.
Isa ang Helaman 3:13–15 sa mga scripture passage kung saan inilarawan ni Mormon ang pagpapaikli ng mga talaan ng mga Nephita. Kapag binasa mo ito, mapapansin mo na marami pang ibang naisulat na hindi isinama nina Mormon at Moroni sa laminang ginto.
Basahin ang Mga Salita ni Mormon 1:9 at Mormon 8:34–35. Markahan ang mga salita o parirala na naglalarawan kung paano tinulungan at ginabayan ng Panginoon sina Mormon at Moroni sa pagtipon ng mga talaan sa Aklat ni Mormon.
-
Sagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Kung ikaw si Mormon o si Moroni at responsibilidad mong paikliin ang napakaraming isinulat ng mga propeta at pagsamahin ang mga ito para maging isang talaan, paano ka magpapasiya kung ano ang isasama sa talaan?
Makikita natin mula sa mga talatang ito na nakita ng mga sumulat ng Aklat ni Mormon ang ating panahon at isinulat nila kung ano ang lubos na makatutulong sa atin. Maaari mo itong isulat sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Mormon 8:35.
Nagpatotoo si Pangulong Ezra Taft Benson na ang Aklat ni Mormon ay “isinulat para sa ating panahon” at ipinaliwanag kung paano makatutulong sa atin ang kaalamang ito sa pag-aaral natin ng Aklat ni Mormon:
“Ang aklat ay hindi napasakamay ng mga Nephita; ni ng mga Lamanita noong unang panahon. Ito ay sadyang para sa atin. Sumulat si Mormon noong malapit nang magwakas ang sibilisasyon ng mga Nephita. Sa inspirasyong mula sa Diyos, na nakakakita sa lahat ng bagay mula sa simula, pinaikli niya ang mga talaan na maraming siglo nang naisulat, pumili ng mga kuwento, mensahe, at pangyayari na lubos na makatutulong sa atin. …
“Kung nakita nila ang ating panahon at pinili ang mga bagay na magiging makabuluhan sa atin, hindi ba iyon ang dapat na alamin natin sa pag-aaral ng Aklat ni Mormon? Dapat nating palaging itanong sa ating sarili, ‘Bakit binigyang-inspirasyon ng Panginoon si Mormon (o si Moroni o si Alma) na isama iyon sa kanyang talaan? Anong aral ang matututuhan ko mula roon na tutulong sa akin na mamuhay sa panahong ito?’” (“The Book of Mormon—Keystone of Our Religion,” Ensign, Nob. 1986, 6).
Ang pagtatanong ng mga ito habang nag-aaral ka ay makatutulong sa iyo na matuklasan ang mga alituntunin at doktrina na alam ng Diyos na lubos na makatutulong sa buhay mo.
Isipin ang buhay na mayroon ka ngayon. Isipin ang mga tanong na mayroon ka o ang mga sitwasyon na kinakaharap mo na gusto mong ihingi ng tulong sa Diyos para masagot o malutas ito. Isulat ang isa o dalawa sa mga ito sa iyong personal journal (hindi sa iyong scripture study journal na ipinapakita mo sa iyong titser). Sa iyong pag-aaral ng Aklat ni Mormon bawat araw, hanapin ang mga alituntunin na gagabay at magpapayo sa iyo na may kaugnayan sa mga sitwasyong ito.
Tungkol sa pag-aaral ng banal na kasulatan araw-araw, sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley: “Marahil iniisip ninyo na masyado kayong abala at marami kayong ginagawa. Ang sampu hanggang labinlimang minutong pagbabasa bawat araw ng mga banal na kasulatan ay magpapaunawa sa inyo ng mga dakilang walang hanggang katotohanan na iningatan sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos para sa pagpapala ng Kanyang mga anak. Sa inyong pagbabasa … , mas mapapalapit kayo sa Kanya na Siyang may-akda ng ating kaligtasan” (“Rise to the Stature of the Divine within You,” Ensign, Nob. 1989, 97).
-
Isipin kung anong mga mithiin ang maaari mong itakda na tutulong sa iyo na makinabang nang husto sa pagbabasa mo ng Aklat ni Mormon ngayong taon. Isulat ang iyong mithiin sa iyong scripture study journal. Maaari kang magtakda ng oras araw-araw para masuri ang iyong pag-unlad.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang lesson na “Buod ng Aklat ni Mormon” at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: