Seminary
Unit 23: Day 1, Helaman 10


Unit 23: Day 1

Helaman 10

Pambungad

Pagkatapos ng paglilitis para sa pagpaslang sa punong hukom (tingnan sa Helaman 7–9), nagsimulang umuwi si Nephi sa kanyang sariling tahanan. Inisip niyang mabuti ang ipinakita sa kanya ng Panginoon at nag-alala rin sa kasamaan ng mga tao. Sa sandali ng kalungkutan ni Nephi, nangusap sa kanya ang Panginoon at pinagkalooban siya magpakailanman ng kapangyarihang magbuklod. Iniutos ng Panginoon kay Nephi na magpatuloy sa pangangaral ng pagsisisi sa mga tao, isang kautusan na agad na sinunod ni Nephi.

Helaman 10:1–11

Natanggap ni Nephi ang kapangyarihang magbuklod

Isipin ang isang pagkakataon na ginawa mo ang lahat iyong makakaya upang magawa ang tama pero iba ang natanggap mong reaksyon sa ibang tao o mga resulta kaysa sa inaasahan mo. Sa Helaman 10 mababasa mo kung paano pinagpala ng Panginoon si Nephi nang patuloy siyang maging tapat sa mahihirap na kalagayan.

Matapos mapawalang-sala sa pagpaslang sa punong hukom, nakita ni Nephi na hindi tumugon nang may pananampalataya ang mga tao at hindi nagsisi pagkatapos masaksihan ang kamangha-manghang pangyayari sa Helaman 9. Nagsimulang umuwi si Nephi na nanlulumo. Basahin ang Helaman 10:1–3, at alamin kung ano ang binubulay-bulay o iniisip ni Nephi habang siya ay naglalakad pauwi. Maaari mong markahan ang salitang nagbubulay-bulay, pagbubulay-bulay sa tuwing mababanggit ito sa mga talatang ito. Ang ibig sabihin ng pagbubulay-bulay ay pagninilay at pag-iisip nang malalim, na kadalasan ay tungkol sa mga banal na kasulatan o iba pang bagay na ukol sa Diyos. Kapag nilakipan ng panalangin, ang pagbubulay-bulay ng mga bagay na ukol sa Diyos ay magdudulot ng paghahayag at mas malalim na pagkaunawa.

Pag-isipan ang mga sumusunod na tanong:

  • Ano ang pinagbubulay-bulay o iniisip ni Nephi?

  • Bakit siya “labis na nanlulumo,” o nalulungkot?

  • Ano ang nangyari habang siya ay nagbubulay-bulay?

Ang isang alituntunin na makikita sa Helaman 10:1–3 ay: Ang pagbubulay-bulay ng mga bagay na ukol sa Panginoon ay naghahanda sa atin sa pagtanggap ng paghahayag. Ang iba pang mga halimbawa sa mga banal na kasulatan ay naglalahad din ng ganitong alituntunin: Si Nephi ay nagbulay-bulay tungkol sa mga bagay na itinuro ng kanyang amang si Lehi at nalaman ang katotohanan ng mga ito (tingnan sa 1 Nephi 10:17; 11:1); ang batang si Joseph Smith ay “paulit-ulit [na] pinagmuni-muni” ang Santiago 1:5 at naihayag ang katotohanan sa kanya (tingnan sa Joseph Smith—Kasaysayan 1:11–19); at nagbulay-bulay at nagnilay-nilay si Pangulong Joseph F. Smith tungkol sa banal na kasulatan na may kaugnayan sa pagtubos ng mga patay at naihayag ang katotohanan sa kanya (tingnan sa D at T 138:1–6, 11).

Gayunman, karamihan sa paghahayag na natatanggap ng mga tao kapag nagbubulay-bulay ng mga bagay na ukol sa Panginoon ay hindi dumarating sa pamamagitan ng mga tinig na maririnig, pagkakita ng mga pangitain, o iba pang kamangha-manghang paraan. Ipinaliwanag Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol:

Elder David A. Bednar

“Ang mga paghahayag ay inihahatid sa iba’t ibang paraan, pati na, halimbawa, sa mga panaginip, pangitain, pakikipag-usap sa mga sugo ng langit, at inspirasyon. Ang ilang paghahayag ay natatanggap kaagad at matindi; ang ilan ay natutukoy nang unti-unti at marahan. …

“… Kadalasan, ang paghahayag ay dumarating nang paunti-unti at ibinibigay ayon sa ating hangarin, pagkamarapat, at paghahanda. Ang gayong pakikipag-ugnayan mula sa ating Ama sa Langit ay dahan-dahan at marahang ‘magpapadalisay sa [ating mga] kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit’ (D at T 121:45). Mas karaniwan kaysa bihira ang ganitong paraan ng paghahayag at nakikita sa mga karanasan ni Nephi nang subukan niya ang ilang iba’t ibang pamamaraan bago tuluyang nakuha ang mga laminang tanso mula kay Laban (tingnan sa 1 Nephi 3–4). …

“… Ang mahahalagang katotohanan ng ipinanumbalik na ebanghelyo ay hindi ipinaalam nang biglaan kay Propetang Joseph Smith sa Sagradong Kakahuyan. Ang walang katumbas na yamang ito ay inihayag sa tamang mga pagkakataon at panahon.

“Ipinaliwanag ni Pangulong Joseph F. Smith kung paano naganap sa kanyang buhay ang paraang ito ng paghahayag: ‘Noong ako ay bata pa … madalas kong … hilingan ang Panginoon na ipakita sa akin ang ilang kagila-gilalas na bagay, nang sa gayon ay makatanggap ako ng patotoo. Subalit ipinagkait ng Panginoon ang mga kagila-gilalas na bagay sa akin, at ipinakita sa akin ang katotohanan [nang] taludtod sa taludtod … , hanggang sa maipaalam niya sa akin ang katotohanan mula sa aking ulo hanggang sa aking talampakan, at hanggang sa tuluyang maglaho sa akin ang alinlangan at takot. …’ (sa Conference Report, Abr. 1900, 40–41).

“Tayong mga miyembro ng Simbahan ay lubhang binibigyang-diin ang kagila-gilalas at madamdaming mga espirituwal na pagpapakita kaya hindi natin napapahalagahan at maaaring hindi pa natin mapansin ang karaniwang paraan ng pagsasakatuparan ng Espiritu Santo ng Kanyang gawain” (“Ang Diwa ng Paghahayag,” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 88).

  1. journal iconIsulat sa iyong scripture study journal ang isang pangyayari na nadama mong nakatanggap ka ng personal na paghahayag. Ano ang mga sitwasyon na naghatid ng paghahayag? Paano nakatulong ang pagbubulay-bulay o pag-iisip nang mabuti sa pagtanggap mo ng paghahayag? (Alalahanin na ang paghahayag ay dumarating sa maraming paraan. Maaaring ito ay biglaan o paunti-unting pagkaunawa o pagkakaroon ng kapayapan at katiyakan.)

babae sa kagubatan

Maglaan ng oras na makapagbulay-bulay nang regular sa iyong buhay, tulad sa mga miting sa simbahan, bago at pagkatapos personal na manalangin at mag-aral ng banal na kasulatan, pagkatapos manood o makinig ng pangkalahatang kumperensya, habang nag-aayuno, o pinananatiling banal ang araw ng Sabbath.

Kunwari ay may isang bagay na napakahalaga sa iyo at kailangan mo itong iwan sa pangangalaga ng iba. Sino ang pagkakatiwalaan mo na mangalaga nito? Bakit mo pinili ang taong iyon? Ano ang ginawa ng taong iyon para magtiwala ka sa kanya?

Basahin ang Helaman 10:4–5, at alamin kung bakit nagtiwala ang Panginoon kay Nephi. Pakaisipin ang mga halimbawa ng mga taong kakilala mo na tila naglingkod sa Panginoon nang walang kapaguran anuman ang sitwasyon.

Ang tugon ng Panginoon kay Nephi sa Helaman 10:4 ay nagtuturo ng alituntuning ito: Ipinagkakatiwala sa atin ng Panginoon ang mga pagpapala at responsibilidad kapag inuuna natin ang Kanyang kalooban kaysa sa kagustuhan natin.

  1. journal iconSagutin ang isa o mahigit pa sa mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paano mo nalaman ang kalooban ng Panginoon hinggil sa iyong buhay?

    2. Ano ang ginawa mo sa iyong buhay nitong mga nakaraang araw na nagpapakita sa Panginoon na ang Kanyang kalooban ay mas mahalaga kaysa sa sarili mong kagustuhan at ito ang gusto mong sundin sa tuwina?

    3. Ano ang isang aspeto ng iyong buhay kung saan mas mapagbubuti mo ang paghahanap at pagsunod sa kalooban ng Panginoon kaysa sa sarili mong kagustuhan?

Basahin ang Helaman 10:5–7, at tukuyin ang mga pagpapala at pangakong ibinigay ng Panginoon kay Nephi dahil siya ay mapagkakatiwalaan. Isulat ang mga pagpapala at pangako sa katugmang talata:

Talata 5:

Talata 6:

Talata 7:

Ang pagpapalang natukoy sa Helaman 10:7 ay mahalagang doktrina ng ebanghelyo ni Jesucristo: Ang kapangyarihang magbuklod ay ang kapangyarihang pagbuklurin at paghiwalayin ang nasa lupa at gayundin sa langit. May kilala ka pa bang ibang tao sa mga banal na kasulatan na binigyan ng kapangyarihang magbuklod? Maaari mong i-cross-reference ang Helaman 10:7 sa mga sumusunod na banal na kasulatan: I Mga Hari 17 (Elijah); Mateo 16:15–19 (Pedro); Doktrina at mga Tipan 132:46 (Joseph Smith).

Bern Switzerland Temple

Basahin ang Doktrina at mga Tipan 128:9, at tukuyin ang itinuro ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kapangyarihang magbuklod.

Ang gayon ding mga susi ng pagbubuklod ay hawak ngayon ng Pangulo ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Tulad ng pagtitiwala ng Panginoon kay Nephi, alam din ng Panginoon na hindi gagamitin ng Pangulo ng Simbahan ang kapangyarihang ito sa anumang bagay na salungat sa Kanyang kalooban. Ang awtoridad na magbuklod ay ipinagkakaloob sa iba pang mga karapat-dapat na mayhawak ng priesthood sa iba’t ibang dako ng mundo, na nagbubuklod sa mga ordenansa ng priesthood sa lupa at gayon din sa langit.

Isipin ang sumusunod na pahayag ni Elder Bruce R. McConkie ng Korum ng Labindalawang Apostol, hinggil sa kahalagahan ng kapangyarihang ito na magbuklod:

Elder Bruce R. McConkie

“Lahat ng bagay na hindi naibuklod ng kapangyarihang ito ay may katapusan kapag ang tao ay patay na. Maliban kung ang binyag ay naibuklod, hindi tatanggapin ang isang tao sa kahariang selestiyal; maliban kung naibuklod ang walang-hanggang tipan ng kasal sa pamamagitan ng awtoridad na ito, hindi nito madadala ang mag-asawa sa kadakilaan sa pinakamataas na langit sa selestiyal na daigdig.

“Lahat ng bagay ay magkakaroon ng epekto at bisa dahil sa kapangyarihang magbuklod” (Mormon Doctrine, Ika-2 ed. [1966], 683).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Ayon kay Elder McConkie, ano ang mangyayari kung ang isang ordenansa ay hindi naibuklod ng tamang awtoridad?

    2. Paano nakaapekto sa iyong buhay ang kapangyarihang magbuklod, at anong pagpapala ang nais mong makamtan sa iyong buhay sa hinaharap sa pamamagitan ito?

Basahin ang sumusunod na patunay ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol na ang kapangyarihan ng Diyos na magbuklod ay naipanumbalik na: “Ang mga templo, ordenansa, tipan, endowment, at pagbubuklod ay naipanumbalik, sa tumpak na paraan ayon sa propesiya. Ang mga ordenansa sa templo ay paraan ng pakikipagkasundo sa Panginoon at nagbubuklod sa mga pamilya magpakailanman. Ang pagsunod sa mga sagradong tipan na ginagawa sa mga templo ay nagpapagindapat sa atin sa buhay na walang hanggan—ang pinakadakilang kaloob ng Diyos sa tao” (“Paghahanda para sa mga Pagpapala ng Templo,” Liahona, Okt. 2010, 42).

Ayon kay Elder Nelson, ano ang nagpapamarapat sa atin para matanggap ang mga ipinangakong pagpapala ng kapangyarihang magbuklod?

Helaman 10:12–19

Sinunod ni Nephi ang utos ng Panginoon na mangaral ng pagsisisi sa mga tao

May iniutos na ba sa iyo ang iyong magulang, amo, o lider at ipinagpaliban mo ang paggawa nito o hindi mo ito nagawa? Isipin kung ano ang mensaheng ipinahihiwatig mo kapag hindi mo agad ginawa ang ipinagagawa sa iyo.

Basahin ang Helaman 10:11–12, at alamin kung paano tumugon si Nephi sa iniutos ng Panginoon na mangaral siya ng pagsisisi sa mga tao. Ano ang ipinapakita natin sa Panginoon kapag kaagad at mabilis tayong sumusunod sa Kanyang payo at mga kautusan?

  1. journal iconBasahin ang Helaman 10:13–18. Pagkatapos, sa iyong scripture study journal, sumulat ng ilang pangungusap tungkol sa natutuhan mo mula sa halimbawa ni Nephi sa pagsunod sa kautusan ng Panginoon. Sumulat ng isang paraan kung paano mo ito magagawa sa iyong buhay.

Naipakita sa katapatan ni Nephi na mapagkakatiwalaan siya ng Panginoon, at siya ay pinagkalooban ng malaking kapangyarihan at proteksyon.

scripture mastery icon
Scripture Mastery Review

Para sa pagrebyu ng scripture mastery, basahin ang 1 Nephi 3:7; 2 Nephi 2:27; 2 Nephi 31:19–20; at Mosias 2:17. Isipin kung paano naangkop ang mga scripture mastery verse na ito kay Nephi at sa kanyang paglilingkod sa Helaman 10.

Maghanap ng mga paraan na maiprayoridad ang kalooban ng Panginoon sa iyong sariling kagustuhan at kaagad na sundin ito. Kapag tapat mong pinaglingkuran ang Panginoon tulad ng ginawa ni Nephi, pagkakatiwalaan ka Niya at pagpapalain.

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Helaman 10 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: