Seminary
Unit 19: Day 1, Alma 33–35


Unit 19: Day 1

Alma 33–35

Pambungad

Gamit ang mga turo na matatagpuan sa mga banal na kasulatan, natulungan ni Alma ang maraming Zoramita na maunawaan na maaari nilang sambahin ang Diyos anuman ang kanilang kalagayan. Hinikayat niya sila na umasa kay Jesucristo at maniwala sa Kanyang Pagbabayad-sala. Pinagtibay ni Amulek ang mga turo ni Alma at ipinahayag ang kanyang sariling patotoo tungkol kay Jesucristo. Binigyang-diin ni Amulek na tanging sa pamamagitan lamang ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo maliligtas ang sangkatauhan. Ipinangako niya na matatanggap ng mga tao ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo kapag sumampalataya sila tungo sa pagsisisi. Maraming Zoramita ang nakinig sa babala ni Amulek, nagsisi, at muling nakiisa sa mga Nephita.

Alma 33:1–10

Itinuro ni Alma sa isang grupo ng mga Zoramita na maaari nilang sambahin ang Diyos sa labas ng kanilang mga sinagoga

Alalahaning itinuro ni Alma sa mga Zoramita, tulad ng nakasaad sa Alma 32, na kailangan nilang itanim ang salita ng Diyos sa kanilang mga puso at sumampalataya sa salita ng Diyos. Basahin ang Alma 33:1, at alamin ang mga itinanong ng mga Zoramita tungkol sa itunuro sa kanila ni Alma.

  1. journal iconSa iyong scripture study journal, isulat kung ano ang isasagot mo sa mga katanungan ng mga Zoramita tungkol sa paraan kung paano sila magsisimulang manampalataya. Pagkatapos, sa iyong pag-aaral ng Alma 33–34, ihambing ang iyong sagot sa itinuro nina Alma at Amulek sa mga Zoramita.

Nang simulan ni Alma na sagutin ang mga katanungan ng mga Zoramita, itinama niya ang maling ideya tungkol sa pagsamba na humahadlang sa kanila na lubusang magamit ang kanilang pananampalataya. Basahin ang Alma 33:2, at tukuyin ang maling ideyang ito. Alalahanin na hindi pinapasok ng mga Zoramita ang mga maralita sa kanilang mga sinagoga upang sumamba (tingnan sa Alma 32:1–3). Ayon sa Alma 33:2, ano ang sinabi ni Alma na dapat gawin ng mga tao para mahanap ang sagot na magtatama sa maling ideyang ito?

Upang maitama ang mga maling ideya ng mga Zoramita tungkol sa pagsamba sa Diyos, binanggit ni Alma ang banal na kasulatan na isinulat ng isang propeta na nagngangalang Zenos. Si Zenos ay nagturo sa mga tao sa Israel sa panahon ng Lumang Tipan, ngunit ang kanyang mga propesiya ay nakatala lamang sa Aklat ni Mormon. Basahin ang Alma 33:3, at hanapin ang salitang ginamit ni Alma para ilarawan ang pagsamba.

Maaari mong isulat ang sumusunod na alituntunin sa iyong banal na kasulatan sa tabi ng Alma 33:3 o sa iyong scripture study journal: Patuloy nating masasamba ang Diyos sa pamamagitan ng panalangin.

Basahin ang Alma 33:4–11, at markahan ang mga sitwasyon o kalagayan kung saan nanalangin si Zenos. Ano ang ginagawa ng Panginoon sa tuwing nananalangin si Zenos? Para matulungan ka na maihalintulad ang mga talatang ito sa iyong buhay, gumuhit ng linya para itambal ang mga sitwasyon kung saan nanalangin si Zenos sa posibleng parehong sitwasyon sa iyong buhay. (Piliin ang mga sitwasyon na pinakamainam na nauugnay sa iyong buhay. Walang tama o maling sagot sa aktibidad na ito.)

Sitwasyon ni Zenos

Iyong Sitwasyon

Sa ilang

Sa trabaho

Hinggil sa mga kaaway

Sa simbahan

Sa bukid

Panalangin ng pamilya

Sa kanyang tahanan

Kapag hindi mo alam ang iyong gagawin o natatakot

Sa kanyang munting silid

Kapag nag-iisa ka

Sa mga kongregasyon ng Panginoon

Personal na panalangin

Nang siya ay itinaboy at kinamuhian

Sa lahat ng iyong mahihirap na kalagayan

Sa lahat ng kanyang paghihirap

Kapag may problema kayo ng mga kaibigan mo

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano nakatutulong ang pagdarasal sa lahat ng mga sitwasyong ito sa iyong buhay? Magsulat ng sariling mithiin kung paano ka makapagdarasal nang mas madalas.

Maaari mong markahan ang mga parirala sa Alma 33:4–5, 8–9 na binabanggit ang pagkamaawain ng Diyos, at pag-isipang mabuti kung paano makatutulong ang pagdarasal nang mas madalas para madama mo ang awa at pagmamahal ng Diyos. Alamin kung bakit maaaring matamo ang awang ito sa iyong patuloy na pag-aaral ng Alma 33.

Alma 33:11–23

Itinuro ni Alma sa mga Zoramita na maniwala kay Jesucristo

Ang Pagpapako sa Krus

Ang isang dahilan kaya nahihirapan ang ilan sa mga Zoramita na malaman kung paano sambahin ang Diyos ay dahil hindi nila alam na dapat silang manampalataya kay Jesucristo. Hindi nila naunawaan o hindi sila naniwala sa Kanyang bahaging gagampanan sa plano ng kaligtasan (tingnan sa Alma 33:14). Basahin ang Alma 33:12–16, kung saan tinalakay ni Alma ang mga itinuro ni Zenos at pagkatapos ay itinuro ang mga salita ni Zenok, isa pang propeta sa Lumang Tipan. Alamin ang mga pagpapalang sinabi ni Alma na darating sa atin dahil kay Jesucristo. Maaari mong markahan ang pariralang “dahil sa inyong Anak” sa tuwing mababasa mo ito. Mula sa mga talatang ito natutuhan natin ang katotohanang ito: Natatanggap natin ang awa ng Ama sa Langit, pati na ang kapatawaran ng ating mga kasalanan, dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pag-isipang mabuti ang awang ibinigay sa iyo ng Ama sa Langit, pati na ang kakayahang magsisi at mapatawad sa iyong mga kasalanan, dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas.

Bukod sa pagpapaalala ng mga turo nina Zenos at Zenok sa mga Zoramita, ipinaalala rin sa kanila ni Alma ang panahong itinuro ni Moises ang tungkol sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas. Noong nasa ilang si Moises at ang mga anak ni Israel, tinuklaw ng mga makamandag na ahas ang mga tao. Iniutos ng Panginoon kay Moises na gumawa ng isang ahas na yari sa tanso, ikabit ito sa isang tikin [pole], at sabihin sa mga natuklaw na Israelita na tumingin dito. Ang ahas na tanso sa tikin ay isang “kahalintulad” o simbolo ni Jesucristo na nakapako sa krus (tingnan sa Alma 33:19).

Moses and the Brass Serpent

Basahin ang Alma 33:19–20, at tukuyin kung ano ang nangyari sa mga Israelita na piniling tumingin sa ahas na tanso nang matuklaw sila at kung ano ang nangyari sa mga taong hindi tumingin dito.

Isiping mabuti ang isasagot sa mga sumusunod na tanong: Ano ang itinuturo ng tala tungkol sa mga Israelita at sa ahas na tanso tungkol sa dapat nating gawin para espirituwal na mapagaling? Ano ang maaari mong gawin upang makaasa sa Tagapagligtas para matulungan ka Niya sa iyong espirituwalidad?

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Ano ang ilan sa mga paraan na makaaasa ka kay Jesucristo sa iyong araw-araw na buhay?

Basahin ang Alma 33:22–23, at markahan kung ano ang kailangan nating paniwalaan tungkol kay Jesucristo upang sumampalataya sa Kanya.

Alma 34:1–14

Itinuro ni Amulek sa mga Zoramita ang tungkol sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo

Ang patotoo ni Amulek sa mga Zoramita, na nakatala sa Alma 34, ay nagbigay ng pangalawang pagpapatibay sa patotoo ni Alma kay Jesucristo. Basahin ang isang bahagi ng patotoo ni Amulek, na matatagpuan sa Alma 34:8–9, at markahan ang itinuro ni Amulek tungkol sa pangangailangan sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Pag-isipang mabuti ang tanong na ito: Ano kaya ang mangyayari sa buhay ko kung si Jesucristo ay hindi dumating at ginawa ang Kanyang natatanging tungkulin?

Basahin ang Alma 34:10–14, at tukuyin ang mga parirala na may mga salitang walang katapusan at walang hanggan. Isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal: Ang walang katapusan at walang hangang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay nagbibigay ng kaligtasan sa buong sangkatauhan.

Para matulungan tayong maunawaan kung paanong walang katapusan at walang hanggan ang Pagbabayad-sala, itinuro ni Bishop Richard C. Edgley ng Presiding Bishopric: “Sa pagsasalita tungkol sa Pagbabayad-sala ni Cristo, gusto ko ang [kahulugan] sa diksyunaryo ng walang-katapusan at walang hanggan dahil naniniwala ako na ipinaliliwanag nito ang talagang ibig sabihin ng Diyos. Walang katapusan: ‘Walang hangganan o limitasyon.’ At ang kahulugan ng walang hanggan: ‘Walang simula o wakas’ (The American Heritage Dictionary of the English Language, 4th ed. [2000], “infinite,” “eternal,” 898, 611)” (“Para sa Iyong Ikabubuti,” Ensign, Hulyo 2002, 66).

  1. journal iconSagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:

    1. Paanong walang katapusan at walang hanggan ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo?

    2. Paano nag-ibayo ang iyong pagpapahalaga at pasasalamat sa Tagapagligtas ngayong alam mong walang katapusan at walang hanggan ang Pagbabayad-sala? Paano nito napalakas ang iyong pananampalataya?

Alma 34:15–41

Itinuro ni Amulek kung paano matatanggap ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala

Basahin ang Alma 34:15–17 para malaman kung ano ang itinuro ni Amulek na kailangang gawin ng mga Zoramita para matanggap ang mga pagpapalang nais ibigay sa atin ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala. Isulat ang sumusunod na katotohanan sa iyong banal na kasulatan o scripture study journal: Upang matanggap ang lahat ng pagpapala ng Pagbabayad-sala, dapat tayong sumampalataya tungo sa pagsisisi.

Basahin ang sumusunod na pahayag ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf ng Unang Panguluhan:

Pangulong Dieter F. Uchtdorf

“Kailangan natin ang malakas na pananampalataya kay Cristo upang makapagsisi. … Kung naniniwala tayo na alam ng Diyos ang lahat ng bagay, na Siya ay mapagmahal, at maawain, magtitiwala tayo sa Kanya para sa ating kaligtasan nang hindi nag-aalinlangan. Mababago ng pananampalataya kay Cristo ang ating mga iniisip, paniniwala, at pag-uugali na hindi naaayon sa kalooban ng Diyos.

“Ibinabalik tayo ng tunay na pagsisisi sa paggawa ng tama. … Ang ibig sabihin ng pagsisisi ay pagbabago ng isip at puso—tumitigil tayo sa paggawa ng mali, at nagsisimulang gawin ang tama. [Binabago nito ang ating saloobin] sa Diyos, sa sarili, at sa buhay sa pangkalahatan” (“Hangganan ng Ligtas na Pagbalik,” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 100).

  1. journal iconSagutin ang sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal: Paano tayo sumasampalataya kay Jesucristo kapag nagsisisi tayo?

Basahin ang Alma 34:17–27, at alamin ang itinuro ni Amulek kung kailan tayo dapat manalangin at ano ang dapat nating ipanalangin. Sa iyong palagay, paano nakatulong ang payong ito sa mga Zoramita, na nag-akalang makasasamba lamang sila ng isang beses sa isang linggo? Pumili ng isang talata na sa palagay mo ay makatutulong sa iyo. Pag-isipan kung paano mo masusunod ang payo tungkol sa pagdarasal sa talatang ito sa susunod na linggo.

Itinuro ni Amulek na dapat handa tayong tanggapin ang mga pagpapala ng Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas sa pamamagitan ng pagsisisi ng ating mga kasalanan ngayon mismo, at huwag nang ipagpaliban ito. Basahin ang Alma 34:30–35, at salungguhitan ang mga salita at mga pariralang nagsasabi kung bakit hindi natin dapat ipagpaliban ang ating pagsisisi. Sa talata 31, alamin ang pagpapalang sinabi ni Amulek na matatamo ng mga tao na piniling magsisi ngayon. Basahing mabuti ang talata 32, at pag-isipan ito: Paano nakakaapekto ang talatang ito sa paraan ng pamumuhay ko sa bawat araw?

Basahing mabuti ang Alma 34:33, at pag-isipan ang sinabi ni Pangulong Joseph Fielding Smith: “Ang pagpapaliban, kung iaangkop sa mga alituntunin ng ebanghelyo, ay magnanakaw ng buhay na walang hanggan, ang buhay sa piling ng Ama at ng Anak. Marami sa atin, maging mga miyembro ng Simbahan, ang nag-iisip na hindi kailangang sundin kaagad ang mga alituntunin ng ebanghelyo at ang mga kautusan” (sa Conference Report, Abril 1969, 121).

Alma 35

Ang mga nagsipagsising Zoramita ay nanirahan kasama ang mabubuti

Maraming Zoramita ang nakinig sa babala ni Amulek na huwag ipagpaliban ang kanilang pagsisisi, at nagsisi sila at binago ang kanilang buhay. Itinaboy sila ng mga pinuno ng mga Zoramita palabas sa kanilang lupain, at ang mga taong ito ay nagtungo sa lupain ng Jerson, kung saan sila malugod na tinanggap ng mga tao ni Ammon—na tinatawag ding mga Anti-Nephi-Lehi (tingnan sa Alma 35:6–7). Nagalit ang masasamang Zoramita at mga Lamanita dahil tinanggap ng mga tao ni Ammon ang mga nagsipagsising Zoramita, at nagsimula silang gumawa ng mga paghahanda para makidigma laban sa mga Nephita (tingnan sa Alma 35:8–11).

  1. journal iconIsulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:

    Napag-aralan ko na ang Alma 33–35 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).

    Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: