Unit 7: Day 1
2 Nephi 11–16
Pambungad
Ang propetang si Isaias ay tinatayang nabuhay nang 100 taon bago ang kapanahunan ni Nephi. (Nagsimulang magpropesiya si Isaias bago sumapit ang 740 B.C. at patuloy na nagpropesiya sa loob ng mahigit 40 taon, hanggang 701 B.C.; tingnan sa Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Isaias.”) Sa maraming paraan, maaaring hinangaan at mahal din ni Nephi si Isaias tulad ng nadarama natin ngayon kay Propetang Joseph Smith. Alam natin na isinulat ni Nephi na siya ay “nalulugod” sa mga salita ni Isaias (tingnan sa 2 Nephi 11:2). Tulad ng nakatala sa 2 Nephi 12–16, binanggit ni Nephi ang mga isinulat ni Isaias, na nakita mula sa mga laminang tanso. Inilarawan sa mga isinulat na ito ang kapalaluan at kasamaan ng Israel at ang kahatulang naghihintay sa kanila. Isinalaysay rin ni Isaias ang kanyang pangitain tungkol sa Panginoon, kung saan nalinis ang kanyang mga kasalanan.
2 Nephi 11:1–8
Nalugod si Nephi sa patotoo ni Isaias tungkol kay Jesucristo
Isipin ang isang pagkakataon na naantig ka sa patotoo ng isang tao tungkol kay Jesucristo. Basahin ang 2 Nephi 11:2–3, at tukuyin ang pangyayaring naranasan nina Nephi, Jacob, at Isaias tungkol kay Jesucristo.
Ang Panginoon ay tumatawag ng mga propeta para magpatotoo tungkol sa Kanya. Sa pag-aaral ng mga patotoo ng mga saksi ni Jesucristo, mapapalakas natin ang ating pananampalataya kay Jesucristo at magagalak tayo sa Kanya.
-
Sa iyong scripture study journal, isulat kung bakit sa palagay mo ay mahalagang magkaroon ng patotoo ang maraming propeta tungkol kay Jesucristo.
Hanapin ang apat na beses na pagsabi ni Nephi ng “ang aking kaluluwa ay nalulugod” sa 2 Nephi 11:4–6. Maaari mong markahan ang mga ito sa iyong banal na kasulatan.
Ang “malugod” sa isang bagay ay matuwa rito at mapasaya nito nang lubos.
-
Isulat sa iyong scripture study journal ang tatlo o mahigit pang pahayag na “ang aking kaluluwa ay nalulugod” na naglalarawan ng mga bagay na ikinatutuwa mo sa ebanghelyo. Ipaliwanag kung bakit nagpapasaya sa iyo ang bawat isa sa mga ito.
Basahin ang 2 Nephi 11:8, at isulat kung ano ang inaasam ni Nephi na mangyari sa pag-aaral mo ng mga isinulat ni Isaias.
2 Nephi 12:1–5
Ipinropesiya ni Isaias na isang templo ang itatatag sa mga huling araw
Umisip ng isang malaking bundok. May naiisip ka ba na mga pagkakatulad ng bundok at ng templo?
Basahin ang 2 Nephi 12:2–3, 5, at alamin ang ipinangako ng Diyos na itatatag o itatayo sa mga huling araw. Ang ibig sabihin ng mga salitang “ang bundok na kinatitirikan ng bahay ng Panginoon” ay templo ng Panginoon. Ayon sa mga talatang ito, anong mga pagpapala ang darating mula sa bahay ng Panginoon sa mga huling araw?
Maaari mong isulat sa iyong banal na kasulatan ang ganito: Nagtayo ang Diyos ng mga templo para ituro sa atin ang Kanyang mga pamamaraan at para tulungan tayong lumakad sa Kanyang landas (tingnan sa 2 Nephi 12:3).
-
Sagutin ang mga sumusunod na tanong sa iyong scripture study journal:
-
Paano tayo natutulungan ng mga templo na lumakad sa mga landas ng Panginoon?
-
Paano mo maihahanda ang iyong sarili sa pagpasok sa templo?
-
2 Nephi 12–15
Ang lesson na ito ay hindi magbibigay ng detalyadong tulong para maunawaan ang 2 Nephi 12–15. Gayunman, kapag binasa at inisip mong mabuti ang mga kabanatang ito sa personal na pagbabasa mo ng Aklat ni Mormon, alamin ang naging bunga ng kapalaluan at kasalanan. Ang sumusunod na komentaryo, o paliwanag, ay tutulong din sa pagbabasa mo:
2 Nephi 12:6–18. Pansining mabuti ang lahat ng mga nabanggit tungkol sa pagsamba sa diyus-diyusan na nagpapakita ng kapalaluan—halimbawa, katayugan, mapagmataas, palalo, matatayog, at mataas. Makatutulong ito sa iyo na maunawaan kung bakit matinding kaparusahan ang naghihintay sa mga taong ito.
2 Nephi 12:9–11. Ang “taong hamak” (talata 9) ay tumutukoy sa mga ordinaryo o karaniwang tao. Ang “taong hamak” at ang “mataas na tao,” kung sila ay mapagmalaki, ay gagawing mapagkumbaba sa Ikalawang Pagparito ni Jesucristo (tingnan sa talata 11).
2 Nephi 12:12–13. “Ang araw ng Panginoon” ay pariralang tumutukoy sa panahon ng paghuhukom. Ang Ikalawang Pagparito ni Jesucristo ay magiging “araw ng Panginoon” kung kailan ang masasama ay lilipulin.
2 Nephi 13–14. Ang 2 Nephi 13 ay karugtong ng pagtalakay ni Isaias ng mangyayari sa mga Israelita kung magpapatuloy sila sa kasamaan. Tinawag ni Isaias ang mga babaeng Israelita na “mga anak na babae ng Sion” (talata 16), na nagpapahiwatig na sila ay mga anak ng tipan. Itinulad sila ni Isaias sa mayabang na babae na isinusumpa ng Panginoon, at ang lahat ng kanyang alahas at iba pang mga palamuti sa katawan ay aalisin (tingnan sa 2 Nephi 13:16–26). Kabaligtaran nito, inilarawan sa 2 Nephi 14 ang mangyayari sa mga anak na babae ng Sion kung sila ay magpapakumbaba, magsisisi, at babaling sa Panginoon. Kung may access ka sa LDS edition ng Biblia, gamitin ang mga footnote para sa Isaias 3 para makatulong sa iyo na maunawaan ang 2 Nephi 13:16–26.
2 Nephi 15:8–22. Ang mga salitang sa aba ay tumutukoy sa napakalungkot na kalagayan. Anim na beses itong ginamit ni Isaias sa mga talatang ito nang tukuyin niya ang mga kasalanan ng mga Israelita. Alam ni Isaias na kung hindi magsisisi ang mga Israelita, magdudulot ng matinding kalungkutan ang mga bunga ng kanilang mga kasalanan—lalo na sa araw ng paghuhukom. Kung si Isaias ay propeta sa mundo ngayon, makikita kaya niya ang mga kasalanang nakita niya sa mga Israelita?
-
Basahin ang 2 Nephi 15:20. Isulat sa iyong scripture study journal ang ilang paraan na tinatawag ng mga tao na mabubuting bagay ang masama, o ang masasamang bagay na mabuti.
2 Nephi 16:1–8
Si Isaias ay tinawag na maglingkod bilang propeta
Ang mga isinulat ni Isaias ay sagana sa simbolismo. Ang mga simbolo ay isang paraan ng pagtuturo sa atin ng Panginoon tungkol sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Tulad ng nakatala sa 2 Nephi 16, inilarawan ni Isaias ang nadama niya nang makita niya ang Panginoon. Sa iyong pagbabasa ng 2 Nephi 16, tandaan ang mga sumusunod na simbolo at posibleng kahulugan nito:
Serapin: Mga anghel na naninirahan sa kinaroroonan ng Diyos. Itinuro ni Propetang Joseph Smith na, “ang anghel ng Diyos ay walang mga pakpak” (History of the Church, 3:392). Ang mga pakpak ng mga angel ay simbolo ng kanilang kakayahang gumalaw at kumilos.
Usok: Maaaring nagpapahiwatig ng presensya ng Panginoon (tingnan sa Apocalipsis 15:8).
Marurumi ang labi: Hindi karapat-dapat.
Nagbabagang uling (apoy): Nakapagdadalisay na sangkap, tulad ng nakalilinis na kapangyarihan ng Espiritu Santo.
Dambana: Literal na lugar kung saan ginagawa ang mga pag-aalay ng sakripisyo. Maaaring tinutukoy nito ang sakripisyong ginawa ni Jesucristo para sa atin—ang Pagbabayad-sala.
-
Basahin ang 2 Nephi 16:1–7, at isulat sa iyong scripture study journal ang mga sagot mo sa mga sumusunod na tanong:
-
Ano ang sinabi ng isa sa mga serapin tungkol sa Panginoon ng mga Hukbo?
-
Sa iyong palagay, ano ang ibig sabihin ni Isaias nang sabihin niyang: “Sa aba ko! sapagkat ako ay napahamak; dahil sa ako ay isang taong marurumi ang labi”? Bakit biglang naging ganito ang naramdaman niya? (Ang 3 Nephi 27:19 ay may mungkahi.)
-
Ano ang nangyari kaya nadama na ni Isaias na karapat-dapat siya?
-
Paano naihanda ng karanasang ito si Isaias sa kanyang pakikihalubilo at pagtuturo ng pagsisisi sa mga tao?
-
Isa sa mga dakilang katotohahang itinuro sa pagtawag kay Isaias ay malilinis tayo sa pagiging di-marapat sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Isulat ang isang pagkakataon na nadama mo ang nakalilinis na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala sa iyong buhay.
-
Isulat ang sumusunod sa ibaba ng mga assignment sa araw na ito sa iyong scripture study journal:
Napag-aralan ko na ang 2 Nephi 11–16 at natapos ang lesson na ito noong (petsa).
Mga karagdagang tanong, kaisipan, at ideya na gusto kong ibahagi sa aking titser: